NANG makasakay na sila pareho ay pinaharurot nito ang sasakyan. Halos hindi siya makahinga sa bilis ng mga pangyayari.
“Salamat, Kuya. ‘Buti na lang tinulungan mo ako kundi baka nahuli na niya ako,” sabi niya. Nilinga siya ng lalaki at ngumisi ito, “Huwag kang magpasalamat dahil dadalhin kita sa pulis.”
“P-pulis?” gulat na tanong niya na nilinga ang nagmamanehong lalaki.
“Oo. Alam ko na ang mga style niyong mandurukot. Pinagpapasa-pasahan niyo ang mga bag na dinukot niyo, at kaya ka hinahabol ng kasama mo dahil gusto mo siyang isahan, ‘di ba? Puwes nagkakamali ka. Doon mo sa presinto ibigay ang mga dinukot mo,” sabi nito.
“Ano’ng dinukot? Hindi ako mandurukot! Bag ko itong dala-dala ko,” paliwanag niya.
“At sinong niloko mo? Alam kong talamak sa lugar na ‘to ang mga mandurukot at isa ka ro’n ‘di ba?” pagpapatuloy nito.
“Hindi! Kuya, hindi ako mandurukot. Ang totoo tumakas ako sa papasukan ko sanang trabaho.”
“Tumakas?” umarko ang mga kilay nitong napatingin sa kanya.
“Oo. Tumakas ako,” napatango-tango siya.
“At bakit ka tumakas? May atraso ka siguro, ano?”
“Wala, ano! Hindi ko lang alam na dancer pala ang papasukan kong trabaho, akala ko katulong, kaya tumakas ako.” Napailing ang lalaki ngunit tila hindi pa rin ito naniniwala sa kanya.
“Talaga lang, ah? Ano’ng pangalan mo?” tanong nito.
“Lianna,” mabilis na tugon niya.
“Lianna. Hmm…paano ko malalaman na nagsasabi ka ng totoo, may katibayan ka ba sa mga pinagsasabi mo?”
“Oo, meron akong ID.” Agad niyang binuksan ang kanyang bag at kinuha ang kanyang pitaka kung saan nakalagay ang kanyang ID.
“Heto ang ID ko,” ipinakita niya sa lalaki. Kinuha iyon ng isang kamay ng lalaki habang ang isang kamay nito ay nakahawak sa manibela. Tiningnan nito ang kanyang ID pagkuwa’y tumingin sa kanyang mukha. Kinuha rin niya ang kanyang biodata na nakatupi at nalukot na sa kanyang bag, pagkuwa’y iniabot iyon sa lalaki. Tiningnan lang iyon ng lalaki pero kinuha rin.
“Naniniwala ka na ba, kuya, na hindi ako mandurukot?” sabi niyang hinihintay ang kasagutan nito.
“Will you stop calling me kuya? Nakakairita. I’m not your brother,” masungit na sabi nito. Napakunot ang noo niya.
“So naniniwala ka na ba?” pangungulit niya.
“Oo na,” tugon nito.
“Teka, ano nga pala ang itatawag ko sa’yo?” tanong niya. Sarkastikong ngumiti ang lalaki.
“Nakikipagkilala ka pa talaga, ah. Importante pa ba ‘yon? Ibababa na kita riyan sa kanto kaya ‘di mo na kailangang malaman ang pangalan ko. Siguro naman hindi ka na mahahanap ng humahabol sa’yo.” Nilinga siya nito. Biglang nag-alala si Lianna dahil wala siyang alam sa Maynila at kaunti na lang ang kanyang pera. ‘Ni hindi na nga iyon magkakasya sa pamasahe kung uuwi siya ng probinsiya.
“Kuya, puwedeng humingi ng pabor? Tulungan mo naman ako, oh,” pagmamakaawang sabi niya.
“Tulungan?” ngumisi ito, “tinulungan na kitang makatakas sa humahabol sa’yo, nakipagsuntukan pa ako for the first time, dahil lang sa’yo. Tapos ngayon hihirit ka pa?” Halata ang pagkairita sa mukha nito.
“Sige na naman, kuya, wala kasi akong matutuluyan. Isa pa, hindi ako marunong sa Maynila. Ano kaya kung tulungan mo na lang ako makauwi? Kahit ihatid mo na lang ako sa terminal ng bus. Kakapalan ko na ang mukha ko, pahingi na rin ako ng pamasahe, kung puwede. Kulang kasi ang pamasahe ko. Sasakay pa kasi ako ng barko,” patuloy na pagmamakaawa niya na ipininid ang mga labi. Napatingin sa kanya ang lalaki at napakamot sa ulo.
“What the—tama lang pala na dalhin siguro kita sa presinto, hindi ka nga mandurukot pero mukhang mandurugas ka at iniisahan mo pa ako. Ayos ka rin ano? hihingi ka pa sa akin ng pamasahe. ‘Yan na ba ang bagong style ngayon?”
Umalma siya, “Kuya, hindi! Nagsasabi talaga ako ng totoo, peks man!”
“Sa presinto ka na lang magpaliwanag.”
“Kuya, maawa ka naman. Sige, ganito na lang, kung ayaw mo akong bigyan ng pamasahe bigyan mo na lang ako ng trabaho kahit katulong niyo sa bahay. Kahit anong trabaho sa bahay kaya ko, basta hindi lang ang pagsasayaw,” salaysay niya.
“Hindi ko kailangan ng katulong. Isa pa, baka nakawan mo pa ako!”
“Grabe ka naman, kuya! E, di kung nakawan kita ipakulong mo ako,” garantiya niya.
Napabuntong-hininga ang lalaki at nagpatuloy sa pagmamaneho.
“Kuya…” pangungulit pa niya.
“What? I said stop calling me kuya, okay!” mataas ang boses na sabi nito.
Natutop niya ang kanyang bibig at naghintay na lamang siya. Wala na siyang choice kundi ang hintayin na maawa sa kanya ang lalaki. Gayunman, mas kampante siya sa lalaking ito na kaharap niya dahil ito ang nagligtas sa kanya. Kung hindi ito mabait hindi ito mag-aaksaya ng oras na tulungan siya, kaya alam niyang may mabuting puso rin ito kahit na masungit.
Napabuntong-hininga si Maverick sa babaeng kasama niya sa kotse. Bibihira siya magtiwala lalo na sa mga taong una pa lang niya makilala. Pero ang babaeng ito bakit parang hindi niya matanggihan na tulungan. Hindi na niya sana pag-aaksayahan ng panahon ang tumatakbong babae na tila wala sa sarili kanina na muntik na niyang masagasaan. Alam niyang maaring nanganganib ang buhay nito dahil bakas niya ang takot sa mukha nito lalo na nang makita nito ang lalaking humahabol dito. Mukha namang nagsasabi ng totoo pero hindi siya dapat magpakita ng pagkakampante. Ayaw niyang masyadong mabait sa mga taong hindi niya kilala. Sa panahon kasi ngayon kaunti na lang ang mga mapagkakatiwalaan.
Hindi niya maitanggi sa kanyang sarili ang malaking pagkakahawig nito sa kanyang fiancee. Iyon marahil ang nagbunsod sa kanya para tulungan ito. Subalit kailangan niyang subukan kung talagang nagsasabi ito ng totoo, at nakumpirma naman niya nang ibigay nito sa kanya ang ID at biodata.
“Sige, tutulungan kita pero may mga kondisyon ako na dapat mong sundin.”
“T-talaga, ku—” natigilan ito nang tingnan niya ito nang matalim.
“Sorry. Sabihin mo na kasi ang pangalan mo kung ayaw mong tinatawag kitang kuya,” ani Lianna.
“Mav,” saad niya.
“Mab? Iyon ba ang pangalan mo? Ang ikli naman,” anang dalaga.
“Mav, as in Maverick,” inis na turan niya.
“Ah, Maverick pala, ba’t parang pambabae? Kaklase ko kasi Marivick naman ang pangalan niya.”
“I don’t need your opinion. Magkaiba ang Maverick sa Marivic. Now, kung lalaitin mo lang pala ang pangalan ko, bumaba ka na,” pagtataboy niya sa dalaga sabay marahang inihinto ang kotse.
“Sorry na, ikaw naman wala naman akong masamang ibig sabihin do’n. Sige na nga hindi na ako magsasalita.” Itinikom ni Lianna ang kanyang bibig na kunyari ay zi-ni-pper pa. Lihim na napangiti si Maverick sa inasal ng babae. Masarap asarin ‘tong babaeng ‘to, tatanga-tanga kasi, sa loob-loob niya.
“Are you sure ayaw mong bumaba sa kotse?” tanong niya. Umiling lang ito ngunit kita niya sa mga mata nito ang pag-aalala.
“Eh, pa’no kung tumakas ka nga sa pagiging dancer pero ibebenta naman pala kita? Paano ka naman nakasisiguro na mapagkakatiwalaan mo ako, aber?” aniyang tinitingnan ang magiging reaksiyon ng babae. Nakikita niya ang pangingilid ng luha nito sa sinabi niya.
“Mav, hindi ka naman masama, ‘di ba?”
Ngumisi siya at ipinagpatuloy ang pagda-drive dadalhin na lang muna niya ang dalaga sa kanyang tinutuluyang condo. Kung nagsasabi nga ito ng totoo gusto niya itong tulungan.
“Sige tutulungan kita, pero oras na niloko mo ako sa presinto ka talaga pupulutin. Nagkakaintindihan ba tayo?” Tumango lang ang babae. Bukas na lang niya hahanapan ng puwedeng maging trabaho ang babae sa kompanya. Bigla ay sumagi si Trisha sa isipan niya. Hindi pala ito kailangan malaman ng kanyang nobya kundi baka mapauwi ito ng bansa nang wala sa oras. Naisip niyang hindi naman masamang tumulong. Isa pa, malinis naman ang kanyang konsensya. Nangako siya sa nobya na hinding-hindi siya titingin sa ibang babae. Isang buwan na lang ang hihintayin niya at uuwi na ito. Excited na siyang ikasal sa kanyang nobya.