HALOS hindi dalawin ng antok si Lianna sa magandang higaan na kanyang hinihigaan sa ngayon. Kanina lang ay magkasama pa silang kumain ni Maverick sa hapag. Nagluto kasi si Maverick ng kanilang hapunan at kung mamamasukan siya ng trabaho bilang katulong at tagaluto nito ay tiyak mapapahiya lang pala siya sa kanyang luto dahil wala naman siya gaanong alam na putahe. Nakaramdam siya ng panliliit sa sarili pero sa kabilang banda ay natutuwa siya dahil may taglay na kabaitan ang lalaki kahit masungit ito sa kanya.
Nabanggit din nito sa kanya na hindi raw siya dapat na magtagal sa condominium unit nito dahil baka magselos daw ang girlfriend nito. Napabuntong-hininga siya hindi niya alam kung bakit. Marahil ay nakaramdam siya ng panghihinayang nang malaman na may nobya na ang lalaki kahit pa wala naman siyang kaugnayan rito.
“Ang suwerte naman niya bukod sa guwapo mayaman pa,” mahinang usal niya sa sarili habang nakahiga. Bigla niyang naalala ang kanyang lolo at lola sa probinsya. Napangiti siya dahil muli siyang nagkaroon ng pangarap na makapag-aral at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga lolo at lola na nasa probinsya.
BIGLANG napabangon si Lianna sa malakas at sunod-sunod na katok sa pintuan. Pupungas-pungas siyang tumayo. Natigilan siya nang mapagtanto na nasa ibang bahay pala siya at walang ibang kumakatok kundi si Maverick. Bigla ay napaatras siya sa may pintuan at saglit na inayos ang kanyang buhok pagkuwa’y binuksan ang pintuan.
Bumungad sa kanya ang mukha ni Maverick bihis na bihis na ito at nasasamyo pa niya ang pabango nito.
“Ganyan ka ba talaga matulog? Kanina pa ako katok ng katok hindi ka nagigising,” iritang sabi nito.
“Pasensya na po, sir,” ang tanging nasabi niya.
“Pambihira! Ako pa talaga ang dapat na gumising sa’yo? Bilisan mo na kailangan na nating umalis. And take note may meeting ako ngayon kaya hindi ako puwedeng ma-late,” ma-awtoridad na sabi nito habang tumingin pa sa pambisig na relo.
“P-pasensya na po talaga, sir!” tarantang sabi niya.
Iiling-iling na tumingin sa kanya si Maverick, “Walang magagawa ‘yang pasensya mo, kumilos ka na. I’ll give you fifhteen minutes to prepare, okay?” Agad na tumalikod si Maverick sa kanya at mabilis na tinungo ang kabilang pintuan na nasa tabi lamang ng silid na tinulugan niya. Sa pagmamadali ay agad na kinuha niya ang bag niya at kumuha ng pamalit na damit. Nagulat siya nang biglang lumabas ulit ng pintuan si Maverick pero hindi naman siya nito pinansin dahil may kausap na ito sa cellphone. Nagmadali na siyang tinungo ang shower room.
Kasalukuyang binabagtas nila ang kahabaan ng kalsada na hindi niya alam kung saan. Matatayog na mga gusali ang kanilang dinaraanan.
“Sir, malayo pa po ba?” hindi nakatiis na tanong niya.
“Malapit na,” tanging tugon lang nito. Excited na siya sa unang araw ng kanyang trabaho. Mayamaya pa ay pumarada na ang sasakyan ni Maverick sa malawak na parking area. Naglakad sila patungo sa isang mataas na gusali. Napatingala siya dahil sa taas nito. Nakasunod lamang siya kay Maverick ngunit halatang hinihintay siya nito dahil medyo maliliit ang mga hakbang niya kumpara sa mga hakbang nito.
Tila nanliit siya sa kanyang sarili nang makita niya ang mga taong pumapasok sa gusali. Halos mga nakasuot ito ng pang-business attire samantalang siya ay simpleng maong pants at t-shirt lamang na gray na medyo may kalumaan pa. Si Maverick naman ay naka-three piece suit na halos ayaw niyang malapit dito dahil lalo lang siyang nagmumukhang katulong.
Mayamaya pa ay paakyat na sila ng elevator. May iba pa silang kasabay kung kaya’t napadikit siya kay Maverick. Hindi man niya pinansin ang pakiramdam na halos may kakaibang karisma na dumaloy sa kanya nang magkadikit ang kanilang mga braso. Huwag kang kiligin, umayos ka, Lianna! Gusto niyang kurutin ang sarili.
Nang marating nila ang loob ng opisina ay agad na may sumalubong sa kanila, isang lalaking maputi at matipuno kagaya rin ni Maverick. Agad itong napatingin partikular sa kanya. Kumunot ang noo ng lalaking papalapit.
“Kailan ka pa dumating?” tanong ng lalaki sa kanya na nakangiti at tila gulat na gulat.
“Po?” napaangang tanong niya.
Agad na hinawakan ni Maverick sa braso ang lalaking lumapit sa kanya.
“Bro, this is Lianna, newly hired utility staff,” pakilala sa kanya ni Maverick.
“O-Oh I see…” napatango-tangong sabi nito na hindi pa rin maalis ang tingin sa kanya.
“So ngayon ka na ba mag-start, huh?” tanong nito sa kanya.
“Opo,” tugon niya.
“Oh, by the way I’m Mr. Zandro Santiago, business partner ni Mav can I have some coffee?” nakangiting saad nito sa kanya.
“Hindi pa nag-uumpisa ang meeting Zandro mamaya ka na magkape,” pag-aawat ni Maverick sa lalaki.
Tumingin muli sa kanya si Maverick.
“Sige na puntahan mo na si Myra sa office niya at sabihin mong ikaw si Lianna.” Pero hindi pa man ito nakakatapos sa pagsasalita ay may lumapit na babae sa kanilang kinaroroonan.
“Oh, here she is,” saad ni Maverick na napatingin sa babaeng papalapit.
“Good morning, sir! So, siya ba si Lianna?” tanong ng magiliw na babae na sa tantya niya ay nasa mid-thirties.
“Yes. Paki-guide na lang sa mga gagawin niya. Ikaw na ang bahala, okay?” sabay tapik nito sa braso ng sekretarya.
“Yes, sir, ako na po ang bahala.”
Umalis na sina Maverick at si Zandro sa kanilang presensiya at pumasok ang mga ito sa ‘di kalayuang pintuan na sinundan pa niya ng tingin.
“Hi, Lianna! Ako nga pala si Myra.” Nakipagkamay ito sa kanya.
“Good morning po, ma’am,” bati niya rito.
“Welcome sa company, Lianna. Alam mo suwerte ka dahil si sir mismo ang direktang nag-hire sa’yo,” saad ni Myra.
“Opo, at nagpapasalamat talaga ako sa inyo, ma’am,” aniya.
“Naku, ‘wag ka sa’kin magpasalamat kundi kay sir. Siya ang nakaisip nito. Mabuti na nga lang at may bakanteng space roon sa apartment, tamang-tama lang talaga ang dating mo, Lianna,” anito habang naglalakad sila papunta sa pantry.
Itinuro ni Myra lahat sa kanya ang mga gagawin niya. Madali lang naman pala ang mga iyon at hindi naman nakaka-pressure. Nakangiti siya nang ilapag niya ang kanyang bag sa upuan na ibinigay sa kanya ni Lianna na puwesto. May sarili din siyang mesa. Pero sa unang araw na pasok niya sa opisina ay wala siyang ginawa kundi ang tumulong sa pag-aayos ng mga dokumento ni Myra. Siya ang naatasang mag-photocopy at mag-ringbind ng mga iyon. Pagkatapos ay tinatanong niya isa-isa ang mga empleyado kung sino ang gustong magkape at tinitimplahan rin niya. Ang ilan ay tumatanggi. Pero ang sabi sa kanya ni Myra dapat daw si Maverick at Zandro palagi ang lagi niyang ipagtitimpla ng kape kahit na hindi ito humihingi minsan.
Nalaman din ni Lianna na mabait pala talaga si Maverick pero aminado si Myra na masungit talaga ito sa mga empleyado. Pero si Myra ay mukhang sanay na sanay na sa pag-uugaling mayroon si Maverick.
Nang tanghalian na ay binilhan muna niya ng pagkain sina Maverick at Zandro na halos hindi pa matapos-tapos ang pag-uusap sa opisina nito kahit tapos na ang meeting. Nang lumabas siya sa silid ni Maverick ay saka lang siya niyayang kumain ni Myra. Iyon lang daw ang masaklap minsan sa uri ng trabaho niya dahil kailangan pang hintayin ang boss na matapos kumain bago siya makakain. Kadalasan daw ay late na kung kumain si Maverick dahil sa dami ng trabaho nito at minsan ay hindi rin puwedeng istorbohin lalo na kapag kasagsagan ng meeting.