Lulan ng kotse ay pauwi na ako ng bahay. Tahimik lang ako sa mga minutong nagdaan, kabalikat naman nito ay ang malakas na pag-ulan. Dinig na dinig ko ang bawat pagpatak sa bubungan ng kotse ko. Sa walang tigil pang pagbuhos ng ulan ay bumaha na sa ilang bahagi ng Manila, tila ba may bagyong paparating. Medyo traffic na rin ang kalsada kung kaya ay halos abutan ako ng dilim sa daan. Sa pagkakatulog ko pa kanina ay hindi ko na napansin ang oras, masyado kasing napasarap ang tulog ko. Kung wala nga rin sigurong dahilan para umuwi ako ay baka roon na talaga ako tumira. At aaminin ko na sa lahat ng pagkakataong tulog ako sa nakalipas na apat na taon ay ito pa lang iyong unang beses na nakatulog ako nang mahimbing. Oo, totoo na ngayon ko lang nagawang bisitahin si Brayden sa kaniyang puntod.

