BIRTHDAY NI NENENG

2142 Words
Namamawis akong pumasok sa trabaho dahil naglakad lamang ako. Wala na kasi akong perang pampasahe dahil kinuha nga ng aking ina ang lahat ng sahod ko kahapon. Kagabi rin ay naglakad ako mula sa mga mansyon ng mga Sales papunta sa aming bahay. Ilang kilometro rin ang layo no’n. Iniwan kasi ako ni Amaya kagabi’t hanggang ngayon wala pa rin itong paramdam sa akin kahit na text ng text ako sa kan’ya. Siguro’y galit siya kaya hindi niya ako pinapansin. “Oh, Kidlat! Naglakad ka na naman ba? Kakasahod pa lang natin kahapon ah!” bungad na wika sa akin ni Bugoy kaya inismiran ko lamang siya. Parang hindi naman niya alam kung bakit naglakad ako kahapon. Alam na niya kung saan naparoon ang aking pera. Napailing lang si Bugoy saka tinapik-tapik ang aking balikat habang pinapahiran ko naman ng bimpo ang aking pawis na mukha. “May tirang pera ka pa ba para sa birthday ng kapatid mong si Neneng? Nangako ka sa kan’ya na idadala mo siya sa Jollibee kasama si Mikay ‘di ba?” tanong sa akin ni Bugoy kaya natigilan ako. Ang totoo niyan, kaninang madaling araw ko pa nasa isip iyang birthday ng aking kapatid. Nangako pa naman ako sa kan’ya na pupunta kaming jollibee sa birthday niya ngunit walang-wala naman ako ngayon. Bigla akong nalungkot at namroblema. “W-Wala akong pera, Bugoy. Pwede kayang mag-advance sa boss natin ngayon?” tanong ko kay Bugoy ngunit umiling lamang ang aking kaibigan. “Tanga, kakasahod pa lang natin kahapon, malamang hindi pwede! Baka pagalitan ka pa ng amazona-ng boss natin. Naalala mo noong nag-advance ka kahit na kakasimula mo pa lang? Muntik ka nga masesante sa unang araw ng trabaho mo, nanghiram ka ba naman ng pera eh, kakasimula mo pa lang!” sabi naman ni Bogart na kakalabas pa lang sa kusina’t dala-dala nito ang binake niyang cheese cake. Napakamot ako ng ulo saka ipinagpatuloy ang aking ginagawa. Naglilinis kasi ako ng counter namin. “Ewan ko ba sa’yo Kidlat, bakit hindi mo magawang iwanan iyang mga magulang mo, eh wala namang pakialam sila sa’yo,” sabi sa akin ni Bugoy. Simula kasi pagkabata ay wala na talagang pakialams sa akin ang aking mga magulang. Hindi ko alam kung ano ang rason kung bakit ayaw na ayaw nila sa akin. Minsan nga iniisip ko ampon lamang ako kasi iba ang trato nila sa akin kumpara sa aking mga kapatid. Si Nanay na ang tanging gusto lamang sa akin ay ang aking pera, at ang Tatay naman ay walang pakialam, puro lamang sabong ang nasa utak. Kahit noon man ay nararamdaman kong may pagkakaiba ang trato nila, ni hindi nga nila ako mapag-aral kaya ako na lamang ang gumawa ng paraan para makapag-aral man lang kahit elementarya, ayaw ko kasing lumaki ako na hindi man lang marunong magbasa at magsulat. Grabe rin ang naranasan kong panggugulpi sa kanila, araw-araw kapag nalalasing ang aking ama ay gulpi ang aking natatanggap, ang aking ina naman ay walang nagawa kung ‘di ang tingnan lamang ako. Si Mikay na iyak ng iyak noon samantalang si Neneng naman ay sanggol pa lamang kaya wala itong kaalam-alam sa mga nangyayari. Ako ang nagsilbing ina at ama ng mga kapatid ko kapag wala ang aming mga magulang. Sila na lamang ang rason kung bakit gusto kong lumaban sa buhay at bigyan sila ng magandang kinabukasan kaya nga heto ako ngayon, kahit anong trabaho hangga’t kaya ko ay pinapatos ko. “Hindi pwede, Bugoy. May mga kapatid ako, paano na lang sila kapag iniwan ko sila. Ako ang nagpapa-aral kay Neneng at Mikay.” Namromroblema akong tiningnan si Bugoy at ang kapatid nitong si Bugart. Napapailing ito sa akin. “Alam na namin ang tingin mong ‘yan Kidlat, oo na sige na. Papautangin ka na namin ni Kuya. May extra pa naman kaming pera rito kaya huwag ka ng mamroblema riyan,” sambit ni Bugoy habang tinapik ako sa aking balikat. Biglang gumaan ang aking pakiramdam nang marinig ang sinabi ni Bugoy. Malaki ang naitutulong nila sa akin at alam kong mabubuting kaibigan sila kahit na minsan may pagkamasungit si Bugart at pagkakulit si Bugoy. Itong dalawang ito ang bukod tangi kong mga kaibigan kaya sobrang laki ng pasasalamat ko sa kanila. “Nakakahiya sa inyo, pero pangako babayaran ko kayo,” sagot ko naman habang kinuha ang limang daan na inabot sa akin ni Bugoy. “Pasensya na rin at limang daan lang iyan, alam mo naman…” Si Bugart ay may sarili ng pamilya habang si Bugoy naman ay pareho kong wala pang asawa. Pareho rin kaming may pinapag-aral na kapatid kaya sobrang laking bagay na para sa akin na pinahiram nila ako ng pera. “Malaking bagay na ito, Bugoy. Maraming salamat sa inyong dalawa, hayaan niyo kapag nakaluwag-luwag babawi ako sa inyo!” Ibinulsa ko naman ang limang daan na ibinigay ni Bugoy at Bugart sa akin. ‘‘Walang anuman, Kidlat! Sino ba naman ang magtutulongan kung ‘di tayong magkakaibigan lamang.” Napangiti ako kay Bugart saka napatango. “Tama! What is friend is for!” wika naman ni Bugoy habang siyang-siya dahil nakapagsalita ito ng Ingles. ““That’s what friends are for” o kaya naman “What are friends for”,” pagtatama ko kaya napakamot sa ulo si Bugoy. “Kaya Idol na idol kita Kidlat, napakatalino mo. Kung nakapagtapos ka sana baka ikaw ang c*m Laude sa batch niyo. Napakagaling mo mag-Ingles para kang galing sa isang mayamang pamilya. Kunting ayos lang sa’yo mukha ka ng isang rich kid daig mo pa iyong anak ni Gov. Sales na si Bryan!” Natahimik ako nang marinig ang pangalang Gov. Sales. Halos hindi ako makatulog dahil buong gabi kong inisip ang nangyari kay Amaya sa mansyong iyon. Wala akong nagawa para suntukin at sipain ang matandang hukluban iyon. Ako rin ay sobrang nagulat dahil sa nakita ko. Si Amaya na sumasayaw at gumigiling sa harap ni Gov. Sales habang ang matanda naman ay siyang-siya dahil busog na busog ang mga mata sa hubo’t hubad na katawan ni Amaya. Kumuyom ang aking kamao. Bigla na namang nang-init ang aking ulo dahil sa naalala. Kung may sapat na lakas lamang ako ay baka napatay ko na iyong matanda ngunit baka mabaliktad pa ako kapag ginawa ko iyon. Baka ako pa ang mamatay imbis na si Gov. Sales. Si Amaya… Kumusta na kaya siya? *** Nag-request ako sa aking amo na mag- e-early out ako, kaya naman napaaga ang aking uwi. Mabuti na lamang at walang pasok si Mikay kaya kapag kauwi ko ay nakabantay lamang siya kay Neneng. Excited na excited akong umuwi dahil alam kong naghihintay at umaasa si Neneng na mag-ce-celebrate kami ng kan’yang kaarawan sa Lolibee. “Kuya!!” bungad na sigaw sa akin ni Neneng at ako’y niyakap ng mahigpit. Biglang natuwa ang aking puso dahil sa nakita. Ang masayang mukha ng aking nakakababatang kapatid ang nagpapalakas at nagbibigay sa akin ng inspirasyon para lumaban sa buhay. Kaya nga hindi ko maiwan-iwan ang aking magulang dahil iniisip ko ang aking mga kapatid. Paano na lamang sila kung wala ako? “Kumusta? Sabi sa akin ni Mikay ay wala raw kayong pasok, totoo ba iyon?” tanong ko sa kan’ya at agad na kinarga. “Opo, kasi birthday ko po kaya walang pasok! Hindi ko pa nakakalimutan iyong pangak mo sa akin na kapag sumapit ang aking kaarawan ay mag-Lo-Lolibee tayo! Kaya ba maaga kang umuwi kuya dahil pupunta na tayo roon?” excited na tanong ni Neneng kaya tumango ako sa kan’ya. Bigla namang lumiwanag ang mukha ng aking kapatid at pilit na bumababa sa aking bisig kaya binitawan ko siya. “Ate Mikay! Ate Mikay! Sabi ko sa’yo eh, hindi makakalimutan ng Kuya iyong pangako niya sa akin!” Tumalon-talon pa si Neneng habang nakikipag-usap sa Ate Mikay na ngayon ay nakasimangot sa akin. “Akala ko ba, wala kang pera?” tanong nito sa akin kaya napaiwas ako ng tingin sa kan’ya. “Nanghiram ako, Mikay. Samahan mo kaming mag-celebrate ng kaarawan ni Neneng. Huwag ka ng tumanggi, samahan mo ang kapatid mo.” Kumunot ang noo ni Mikay nang marinig ang aking sinabi ngunit napatango na lamang at hindi na nag-abalang magsalita. Agad na pumasok ito sa kwarto siguro’y magbibihis lang. Samantalang ang bunsong kapatid namin ay naroon din sa kwarto, hinahanap siguro ang paborito niyang bestida para isuot sa kan’yang kaarawan. Napahinga ako ng malalim saka napasilip sa aking lumang wallet. Kanina ay limang daan ito ngayon ay nabawasan ng singkwenta pesos dahil sa pamasahe kanina. Agad kong kiniwenta ang gagastusin namin roon sa Lolibee sa isip, mayamaya ay napahinga ako ng maluwag nang mapagtantong sapat pa naman ang aking pera. Ilang minuto rin ang aking paghihintay nang lumabas na si Neneng at kasunod noon ay si Mikay. Wala nga talagang ka-amor-amor sa akin ang pangalawang kapatid ko dahil nakasimangot lamang ito palagi. Ewan ko ba kung bakit inis na inis ito sa akin, eh wala naman akong ginagawa sa kan’ya. Iyong tuition naman niya ay nagawan na ng paraan ngunit palagay ko galit pa rin ito. Mabuti na nga lang at sumama pa ito ngayon. Akala ko nga ay hindi ito magaaksaya ng panahon para sumama sa amin ni Neneng sa Lolibee. Nang makapunta kami sa Lolibee ay sobrang haba ng pila. Pinaupo ko muna ang dalawa at ako na ang nag-order ng gusto nila, sapat para sa aking budget. Ilang minuto rin akong naghintay at sa wakas ay naka-order na rin. Nag-order ako ng spaghetti, chicken joy, softdrinks at ice cream sapat na siguro ito para mabusog ang aking mga kapatid. Alam kong sasaya si Neneng lalo na’t narito ang paborito niyang chicken. “Wow! Kuya, paborito ko talaga ang chicken! Salamat, Kuya Kidlat!!” masayang bungad sa akin ni Neneng nang makita ang aking in-order. Kita ko ang pagkunot ng noo ni Neneng nang makitang wala akong pagkain sa harapan. Tig-isang tray kasi sila ni Mikay samantalang ang aking espasyo ay walang pagkain. Napangiti ako ng pilit. Hindi sapat sa tatlo ang pera ko kaya hanggang dalawa lamang ang aking in-order. Okay ng sila ang makakain, kahit hindi na ako. Gusto kong maranasan nilang kumain dito dahil ni minsan ay hindi pa sila nakakapunta sa gantong klaseng lugar, palagi kasi kaming kumakain sa karenderya. Kahit wag na ako. Okay lang naman ako. “Kuya Kidlat, bakit wala ka pong pagkain?” inosenteng tanong sa akin ni Neneng. Ngumiti ako sa kan’ya saka nagsalita, “Happy Birthday, Neneng! Ito ang regalo ng Kuya sa’yo. Hiling ko sana’y hindi ka magbago at palaging mag-aral ng mabuti!” Iniba ko ang topic kaya naman napaingos ang aking kapatid na si Mikay. “Pinilit pa kasing dito kumain, kulang naman pala ang pera,” bulong nito sa sarili ngunit sapat na para marinig ko. Hindi ko na lamang siya pinansin. “Opo, Kuya Kidlat, hinding-hindi po ako magbabago at mag-aaral ng mabuti. Palagi po akong magpapakabait sa’yo, kay Nanay, kay Tatay at Ate Mikay! Salamat po Kuya Kidlat, I love you po! Ikaw ang the best Kuya sa akin! Salamat dahil natupad na ang wish ko! Thank you Lord!” Matabil talaga itong kapatid ko ngunit nakakatuwa. Matalinong bata rin. Napangiti ako nang marinig na pinasalamatan pa ni Neneng ang Diyos. Hinding-hindi rin kasi ako nagkulang sa paalala sa aking kapatid tungkol sa Diyos, na laging humingi ng gabay palagi pata bantayan tayo sa araw-araw. “Tama na nga ang drama, nagugutom na ako!” naiiritang sabi ni Mikay kaya naman agad akong nagpaalam sa kanila. “Neneng, Mikay rito lang muna kayo ah. May pupuntahan lang ang, Kuya. Madali lang ako.” Oo, tama. Nagsisinungaling lamang ako sa kanila. “Huh? Kuya Kidlat saan ka pupunta?” tanong ni Neneng ngunit ginulo ko lamang ang buhok nito. “May pupuntahan lang si Kuya, malapit lang naman. Babalik din agad ako,” paalam ko sa kan’ya. Matagal akong nakaalis sa restong iyon dahil panay pa ang tanong ni Neneng sa akin mabuti na lamang at naiintindihan naman nito kung bakit umalis ako. Nang makalabas ako sa Lolibee ay agad kong sinilip ang dalawa kong kapatid. Masaya silang kumakain habang nagkkwentuhan. Napangiti ako ng mapait. Ang totoo niyan wala naman akong ibang gagawin at pupuntahan. Alibi ko lamang iyon dahil wala akong pera. Mas maiging silang dalawa lamang ang makakain, huwag na ako. Silip lang sa malayo ay sapat na sa akin para mabusog ako, hindi man ang tiyan kung ‘di ang puso dahil puno ito ng kagalakan. Kinagat ko ang aking labi habang pinipigilang umiyak. Napakasayang tingnan ng dalawa kong kapatid. Gagawin ko ang laahat ng aking makakaya masunod lamang ang kahilingan nila. Masaya at puno ng galak ang aking puso habang nakasilip sa loob ng salamin ng Lolibee nang makitang masayang kumakain ang aking mga kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD