Buong byahe ay hindi kami nag-imikan ni Amaya, kanina pa ito tahimik kaya hindi ako sanay. Hindi ko kayang gan’to kami kaya ako na ang unang nagsalita.
“Amaya, iyong sinabi ko kanina…” Napatingin si Amaya sa akin at napahinga ng malalim. Nakasakay kami ngayon sa isang taxi kaya malaya kaming magsalitang dalawa sa isa’t-isa. Si Amaya ay nagbayad ng pamasahe dahil ni piso ay walang natira sa sahod ko. Bukas nga ay maglalakad na lamang ako papuntang trabaho.
“Kidlat, napag-usapan na natin iyan dati pa. Hindi tayo nararapat sa isa’t-isa. Hindi tayo pwede,” sabi ni Amaya kaya napatango na lamang ako bilang sagot. Ilang segundo ring tumahimik nang magsalita ulit ang babae.
“Sana’y maintindihan mo…”
“Naiintindihan ko naman, Amaya. Alam kong ayaw sa akin ng mga magulang mo ngunit huwag kang mag-alala, balang-araw ay magugustuhan din ako nila,” pursigido kong sabi sa babae.
“K-Kidlat, ang totoo niyan—” Naputol ang sasabihin ni Amaya nang magsalita ang driver.
“Narito na tayo,” sabi ng driver kaya napatango kaming dalawa ni Amaya.
“Maraming salamat, Manong!”
Lumabas kami ng kotse, sa pagtungtong namin sa kalsada ay bumungad sa amin ang malakas na tugtog na nagmumula sa isang malaking bahay sa harap namin. Nanlaki ang aking mga mata gano’n din si Amaya.
“WOW! Ang laki naman ng bahay ni Bryan, gan’to ang gusto kong ibigay sa mga magulang ko. Isang marangyang buhay,” saad sa akin ni Amaya. Bigla akong nalungkot dahil wala akong sapat na yaman para ibigay iyon sa babae. Kung ipinanganak ba akong mayaman, magugustuhan ba ako ng mga magulang ni Amaya?
Malamang, Oo ang sagot sa tanong ko.
“Makakapaghintay ba ang mga magulang mo ng ilang taon sa akin? Pagsisikapan kong maging mayaman para lang maging tayo, Amaya,” sambit ko habang nakatingala sa malaking bahay sa harap namin. Napalingon ako kay Amaya na sobrang lungkot ng mukha.
Alam kong gusto rin ako ni Amaya ngunit hindi niya ito masabi dahil alam niyang kapag naging kami ay itatakwil siya ng mga magulang niya.
“AMAYA!!” Rinig naming sigaw ng mga kaibigan niya.
“Bakit ngayon ka lang? At isinama mo pa talaga itong si Kidlat?” Tiningnan nila ako mula ulo hanggang paa saka nandidiring umiwas.
“Hindi bagay sa’yo ang damit mo Kidlat, saan mo naman iyan nakuha? Siguro hiniram mo lang iyan,” sabi ni Roxanne.
“Hiniram ko lamang ito sa kapatid ni Amaya, may problema ba roon?” tanong ko sa kan’ya kaya bigla itong tumawa.
“Sabi ko na nga ba, iyang suot mong ganyan ay hindi afford ng isang mahirap. Bakit ba isinama ka pa ni Amaya?” Sinamaan ako ng tingin ni Roxanne at inirapan pa.
“Huwag ka ngang magsalita ng gan’yan Roxanne, kaibigan ko si Kidlat kaya sana’y respetuhin mo siya. Nirerespeto ko rin ang ibang kaibigan mo kaya sana gano’n din sa kaibigan ko,” naiinis na sabi ni Amaya. Hinila naman agad ako ni Amaya papunta sa loob at sinalubong si Bryan na nakikipagtawanan sa mga kaibigan nito.
“Amaya!” sigaw ng mga kalalakihan. Kinuyom ko ang aking kamao nang mapansing sobrang lagkit ng mga titig nila. Hindi talaga ako aalis sa tabi ng babae. Hindi ako papayag na makapag-tsansing sila sa mahal ko.
“Hi Bryan! Isinama ko pala ang kaibigan kong si Kidlat,” masayang sabi ni Amaya sa lalaki kaya napalingon ito sa akin. Kita ko ang pagkayamot sa mukha ni Bryan kaya alam kong ayaw nitong nasa party niya ako. Alam ko namang pinaplastik lamang ako ng lalaki.
“Oh, Bro, narito ka pala. Hindi ko inaasahang pupunta ka, salamat pa rin at narito ka,” sabi nito at nakipagkamay sa akin. Agad ko namang kinamayan ang lalaki, ramdam ko ang higpit ng pagkakahawak no’n kaya ginaya ko rin ang ginawa niya.
“Boys, boys! Tama na iyan, narito tayo para mag-party at hindi magtitigan lang!” natatawang sabi ng isang lalaking hindi ko naman kilala kung sino. Alam kong isa iyon sa kaibigan ni Bryan.
Hinawakan naman ni Amaya ang aking braso saka hinila ako roon sa may mga pagkain. “Kidlat, sobrang dami ng pagkain. Kumain na muna tayo, nagugutom na kasi ako, hindi kasi ako kumain kanina dahil alam ko namang kakain ako rito sa party,” sabi ni Amaya kaya napakunot ang aking noo.
“Akala ko ba kumain ka na? Bakit nagsinungaling ka sa akin kanina?” tanong ko ngunit tinawanan lamang ako nito.
“Syempre, alam kong pipilitin mo akong kumain kaya nagsinungaling ako sa’yo. Hayaan mo na, kakain din naman na ako.”
“Ayaw na ayaw ko sa lahat iyong nagpapalipas ka ng gutom, Amaya,” seryoso kong saad sa babae.
“Oo na po, Lolo Kidlat! Masyado ka namang over protective~” wika sa akin ni Amaya.
Ilang minuto rin kaming nakatambay roon sa may mga pagkain nang may lumapit na babae kay Amaya. Bumulong ito sa kan’ya kaya napatango lamang ang babae.
“Dito ka lang muna, Kidlat. May pupuntahan lamang ako,” sabi ni Amaya sa akin kaya napatayo ako.
“Sasamahan na kita.”
Seryoso ko siyang tiningnan ngunit nginitian lang ako ng dalaga.
“Ayos lang ako, Kidlat. Kasama ko naman si Shobie huwag kang mag-alala. Babalik din naman ako,” pangungumbinsi sa akin ni Amaya ngunit umiling lamang ako. Naramdaman ko ang haplos ni Amaya sa aking braso, “Babalik ako, Kidlat.”
Napahinga ako ng malalim saka napatango. Titig at haplos lamang ni Amaya ay madali akong mapa-oo. Napakarupok ko nga talaga sa babaeng ito.
“S-Sige, i-text mo ako kapag may nangyaring hindi maganda,” sabi ko sa kan’ya kaya napatango ito.
Ngayon ay mag-isa na lamang ako sa mesa. Tiningnan ko kung sa’n paroon si Amaya, pumasok pala ito sa loob ng bahay kasama ni Shobie.
“Hi pogi, mukhang mag-isa ka…” Napalingon ako sa babaeng tumabi sa akin. Napaka-sexy nito sa suot nitong pulang dress ngunit wala pa rin itong binatbat sa Amaya niya. Hindi niya ito pinansin saka lumingon ulit kung saan pumasok si Amaya at nagpalinga-linga para silipin ang nasa loob.
“Mukhang may hinahanap ka, si Amaya ba ang hinahanap mo, pogi?” tanong pa nito kaya napatango ako. Roon na napukaw ang aking atensyon. “Kilala mo si Amaya?” balik kong tanong sa babae. Tumango ito saka hinaplos ang aking braso.
“Oo naman, marami akong nalalaman tungkol sa kan’ya. Gusto mo bang malaman ang sekreto niya?” tanong nito kaya napakunot ako ng noo.
May sekreto si Amaya? Ano ang sekretong tinatago niya? Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi ng babaeng katabi ko.
“Pansin kong nag-aalala ka sa babaeng iyon, gusto mo ba siya?” tanong nito.
“Oo, hindi lang gusto, mahal na mahal… Siya lang ang bukod tanging babaeng gusto kong makasama hanggang sa pagtanda.” Hindi ko alam kung bakit ko ito sinasabi sa babae ngunit hindi naman kasi masama kung sasabihin ko ang totoo. Pansin ko kasing malagkit ang tingin nito sa akin kaya alam kong tipo niya ako. Hindi ako mayabang pero iyon ang nakikita ko, mas maigi ng alam niyang may babae na akong gusto para tigilan niya ako.
“Nakakaawa ka, Kidlat…”
Kumunot ang noo ko nang malaman niya ang aking pangalan. Sino ba ang babaeng ito?
“Si-Sino ka ba?” tanong ko ngunit tumawa lang ito ng mahina.
“Sabihin na nating ako ang magpapabukas ng iyong mga mata. Sundan mo ang babaeng gusto mo, naroon siya sa loob ng kwartong pula sa taas ng bahay na iyan. Doon, makikilala mo ang totoong Amaya.”
“Nagpapatawa ka ba?” tanong ko sa kan’ya ngunit seryoso lamang ang tingin nito sa akin. Base sa pagsusuri ko, ilang taon lang ang pagitan naming dalawa. Siguro’y twenty eight na ito o kaya trenta. Hindi lang halata dahil sexy itong manamit.
“Hindi ako nagpapatawa. Here…” Tiningnan ko ang papel na inilahad nito sa akin.
“Kung kailangan mo ng tulong, tawagan mo ako sa numerong ito. Bye, brother!”
Napakunot ako ng noo nang marinig ang salitang ‘brother’ sa kan’ya.
Brother? Bakit brother ang tawag nito sa akin? Hindi ko naman siya kapatid.
Baliw siguro ang babaeng iyon, gayunpaman, ibinulsa ko pa rin ang papel na ibinigay nito sa akin.
Tatlong minuto na akong naghihintay sa labas ngunit wala pa ring Amaya-ng lumalabas sa bahay na iyon kaya nagpasya akong pumasok na sa loob. Dali-dali akong pumasok at sumabay sa lalaking hindi ko naman kilala.
Akala siguro ng bantay na nasa pinto ay kasama ko ito kaya agad ako nitong pinapasok. Napakahigpit din kasi ng seguridad ng loob ng bahay kumpara sa labas ng bakuran nito kung saan ginaganap ang party ni Bryan.
Kung hindi ako nagkakamali, si Bryan ay anak ni Governon Adrie Sales. Malaki ang impluwensya nito sa Bayan namin at sikat din sa mga tao. Marami na itong natulongang tao’t hinahangaan nito ng karamihan.
Bigla kong naalala ang sinabi ng babae kanina, nagdadalawang-isip pa ako kung sundin ang sinabi niya ngunit naisip kong wala namang masama kung sundin ko ang sinabi niya ‘di ba?
Maganda na sa labas ngunit mas maganda ang nasa loob ng bahay ng mga Sales. Nakakalula ang mamahaling vase na nasa sulok ng bahay. Halos lahat ng nasa loob ay kulay ginto, bigla tuloy akong nahiya dahil hindi ako nababagay na pumasok doon.
Nang makapunta ako sa taas ay bumugad agad sa akin ang pulang pinto. Alam ko ng naroon si Amaya. Nagsasabi naman pala ng totoo ang babaeng kausap ko, akala ko’y pinagtri-tripan lamang ako nito.
Huminga ako ng malalim at dahan-dahang binuksan ang pinto. Hindi ko alam kung bakit biglang tumibok ang aking puso dahil sa kaba ngunit nilakasan ko na lamang ang aking loob para malaman kung naroon ba si Amaya sa loob. Nag-alala na rin kasi ako dahil tatlong minuto na itong hindi lumalabas sa bahay na ito.
Nang makapasok ako sa loob ay bigla akong nanigas sa kinatatayuan ko. Napanganga ang aking bibig sabay namasa ang aking mga mata.
“A-Amaya—”
Narinig siguro iyon ni Amaya kaya napalingon ito sa akin. Nanlaki ang mga mata nito at mabilis na lumapit sa akin.
“K-Kidlat, b-bakit ka-ka p-pumasok dito??” Kita ko ang pag-aalala sa mga mata ng babae. Kinuyom ko ang aking kamao at hinubad ang jacket na suot-suot ko. Ipinatong ko iyon sa hubo’t-hubad na katawan ni Amaya.
Nilingon ko ang lalaking kasama nito sa loob, uminit ang aking ulo nang makitang si Governor Adrie Sales iyon.
“Amaya?? Sino ang walang hiyang lalaking iyan??” tanong ng Governon sa dalaga.