Halliyah's P.O.V.
Ilang minuto ko nang paulit-ulit na binabasa ang mga text na nandito sa cellphone ko. Pilit kong inaalala kung ako ba talaga ang nag-type ng mga ito. Ako ba talaga ang nag-text sa kaniya nito? Wala akong maalala!
Ang tanging naalala ko ay natutulog ako sa gilid ni Nath at itong cellphone ko ay nasa bulsa ko lang. Posible kayang may gumalaw sa cellphone ko?
Shit, ang tanga ko! Walang lock ang cellphone ko. Ayoko kasi ng natatagalan dahil sa pagu-unlock nito.
Pero mas lalong imposible naman na magpadala ako ng ganitong klaseng message kay Sir Winston, 'di ba? Ano, tutulungan niya ako sa gastusin dito kapalit ng katawan ko? Hindi, never mangyayari 'yon.
Kahit ano pang paghihirap pagdaaanan ko ay haharapin ko pero ang ibenta o gamitin ang katawan ko? Hinding hindi, hindi ako gano'ng klaseng babae.
Tatawagan ko ba siya? Tatawagan ko ba ang bastos na lalaking iyon at tatanungin kung may natanggap ba talaga siyang ganitong text galing sa akin? Anong isasagot ko? Ready ba ako?
Pakiramdam ko hindi at hindi ko na alam.
Tiningnan ko na lang ang oras at ala una na pala ng madaling araw. Siguradong tulog na rin ang lalaking iyon kaya hindi ko muna tatawagan.
Bago ko itago ang cellphone ko, nilagyan ko muna ng lock. Inilagay ko na lang sa ilalim ng kumot ni Nath at pinatungan ito ng ulo ko.
Pagod na ako ngayong araw. Sobrang pagod na pagod na ako para isipin pa 'tong nangyari sa cellphone ko. Itutulog ko na lang ulit 'to, umaasang nananaginip lang ako. Sana bukas, hindi totoo ang mga nabasa ko. Sana bukas, maging maayos na ang lahat.
Baka mabaliw ako sa sobrang dami ng problema.
Bumalik ako sa pagtulog at nagising nang ala sais ng umaga. Kinuha ko ang cellphone sa ilalim ng kumot at tinitigan ito nang ilang minuto pero hindi ko binuksan. Nang tingnan ko si Nath ay tulog pa rin siya kaya iniwan ko muna siya para makapagbanyo ako at hilamos.
Habang nasa banyo, naisipan kong i-open ulit ang cellphone ko. Pinindot ko ang messages at bumilis na naman ang kabog ng dibdib ko matapos makitang nasa unahan pa rin ang pangalan ni Sir Winston.
Nanginginig ang daliring pinindot ko iyon at nagbasa. Natakpan ko ang bibig ko dahil hindi pala talaga ako nananahimik o namamalikmata sa nabasa ko kanina.
Totoo ang mga messages.
Hindi ko alam kung paano nangyaring nag-message ako sa kaniya ng mga ganitong bagay. Napapamura na lang talaga ako sa isipan ko.
Anong gagawin ko?
“Ang tagal naman! Ang dami pang magbabanyo rito, oh!”
Napakurap-kurap ako nang may kumalampag sa pinto ng banyo kung nasaan ako. Sumigaw na ang babaeng kasunod ko kaya agad akong tumayo at nag-flush.
Hindi ko na nagawang i-check ang sarili ko sa salamin at nagmadali nang lumabas ng banyo. Saglit akong natigilan matapos makita ang lukot na mukha nitong kasunod ko at ang may kahabaan nang pila.
Yumuko ako at nilagpasan sila. Bumalik ako sa ward at malayo palang ako, nakita ko na sina mama, papa, at Mon sa paligid ng kama ni Nath.
Napawi saglit ang kaba ko sa dibdib nang nakita kong mulat na ang mga mata ni Nath at nakikipagtawanan na siya. Binilisan ko ang lakad ko papunta sa kaniya.
Napatingin siya sa akin at ngumiti nang malapad. “Ate!”
Ngumiti rin ako pero kasabay niyon ang pagtulo ng luha ko. Pumunta ako sa gilid niya at niyakap siya nang mahigpit kahit nakahiga pa siya.
“Nath...” garalgal ang boses na bulong ko at hinalikan ang ulo niya. “Akala ko iiwan mo na kami, e.”
“Si ate talaga, syempre hindi pa. Strong kaya ako!” natatawa niyang sabi habang hinihimas ang likod ko.
Kumalas ako sa pagkakayakap at mahinang tumawa. Nakangiti akong tumingin kina mama at papa na pareho rin palang nakangiti sa amin.
“Anak, sabi ng doctor ay hindi naman daw napuruhan itong si Nathaniel. Sa susunod na araw ay puwede na nga raw siyang lumabas,” sabi ni mama at hinimas sa ulo si Nath.
“Oo nga, ate. Kahit nga ngayon puwede na akong lumabas. Okay na ang pakiramdam ko, kaya ko na,” gatong ni Nath na ikinataas ng kilay ko.
Nagkatinginan kami nina mama at papa. Pare-pareho kaming umiling kay Nath. “Hindi, Nath. Magpahinga ka muna rito.”
“Pero baka mas tumaas pa po ang bayarin natin dito sa hospital...” mahinang sagot niya at sumimangot.
Napatingin naman ako kay Mon at nakatitig din pala siya sa akin. Hindi ko alam kung kanina pa ba niya ako tinititigan pero ngayong nagkatitigan kami, hindi man lang siya umiwas ng tingin.
“Papahiramin naman tayo nitong si Mon ng pera at pagtatrabauhan na lang namin ni mama at ate mo ang kulang,” sagot naman ni Papa at tinapik pa sa balikat si Mon.
Ngumiti si Mon at tumango-tango. “Oo, kaya huwag ka na mag-alala sa gastusin, Nath. Basta magpagaling ka lang diyan, ayun ang ikatutuwa ng pamilya mo,” sabi rin nito at tumingin na naman sa akin.
Ngumiti na lang ako.
“Salamat po, Kuya Mon,” pagpapasalamat ni Nath na ikinatango ni Mon at ngumiti ulit.
“Halliyah, hindi ka papasok sa trabaho?” tanong ni papa habang nakatingin sa orasan niya.
Napalunok ako at hindi agad nakasagot.
Unang pumasok sa isipan ko si Sir Winston. Paano ko ba siya haharapin at kakausapin tungkol sa messages? Seseryosohin niya ba 'yon?
Maniniwala ba siya kapag sinabi kong hindi ako ang nag-message niyon?
Pero ang pinakamalaking tanong dito ay sino... Sino ang nag-message sa kaniya? Sino ang nagsabing ibebenta ko ang katawan ko sa kaniya para lang sa perang gagamitin ko pambayad dito sa hospital?
“Halliyah, tulala ka na.”
Napasinghap ako nang hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala si Mon at tinapik ako sa likod. Tiningnan ko muna siya bago ang mga magulang ko.
“P-Papasok ako...” Pilit akong ngumiti. “'Di ba nga, pagtatrabauhan natin ang pambayad dito.”
Tumango sila. “O'siya, umuwi ka na nang makapag-ayos ka na sa pagpasok.”
Sa isang iglap ay para akong nawala sa sarili at hindi na nagawang magpaalam sa kanila. Namalayan ko na lang ang sarili kong naglalakad mag-isa papalabas ng hospital.
“Halliyah, sandali!”
Hindi, nakasunod pala si Mon sa akin pero hindi ako tumigil sa paglalakad. Nahabol niya pa rin ako at nahawakan sa kamay.
Sa kamay... Napayuko ako para tingnan ang kamay kong hinawakan niya. Pinisil niya pa iyon bago tumayo sa harapan ko.
“Okay ka lang ba? Bakit parang may gumugulo sa 'yo? Anong problema?” nag-aalalang tanong niya. Kitang kita sa mga mata niyang nakatitig sa akin nang malalim ang pag-aalala niya.
Umiling ako. “Wala naman,” mahinang sagot ko at tiningnan muli ang kamay naming magkahawak pero hindi pa rin niya binitiwan.
Hindi ko alam kung dahil pa ba sa kaba ang bilis ng t***k ng puso ko o baka iba na...
“Hahatid na kita sa inyo at sa trabaho mo.”
Sumunod na lang ako nang hinila niya ako papunta sa kung saan naka-park ang motor niya. Nakatingin lang ako sa kamay kong hawak niya pa rin.
Medyo magaspang na ang kamay niya, isang indikasyon ng pagiging masipag niya at ang sarap pa rin niyon sa pakiramdam.
Nasanay na akong nakayakap sa kaniya habang nasa byahe kaya nakaganoon ako sa kaniya hanggang sa makarating kami sa bahay. Pinapasok ko na rin siya para doon siya maghintay. Binilisan ko na ang kilos ko dahil nakakahiya namang paghintayin siya nang matagal.
Paglabas ko ng kuwarto ay kumunot ang noo ko dahil wala na siya sa sala. Tumingin ako sa paligid at dahil maliit lang naman ang bahay namin, napagtanto kong wala na siya rito sa loob ng bahay. Dahan-dahan akong naglakad papuntang pinto at doon ko unti-unting narinig ang boses niya.
“Ano? Bumabyahe pa 'ko. Uuwi naman ako sa tanghali.”
Sinilip ko siya sa bintana at may kausap pala siya sa cellphone. Nahimigan ko rin ang inis sa boses niya.
“Puwede ba, wala ka nang pakialam kung saan ko ginagastos ang pera ko. May pansarili rin naman akong interes. Ano, puro ikaw lang?” Nakapamewang siya at mukhang inis na inis nga sa kausap niya.
Sino kaya ang kausap niya? Anong pera ang pinag-uusapan nila? 'Yung pinahiram niya ba sa amin? Kaano-ano niya ba ang kausap niya para itanong ang huling tanong niya.
“Nakakarindi ka kahit kailan.”
Napaatras naman ako nang ibaba niya na ang cellphone niya. Nagmamadali akong bumalik sa kuwarto at nagkunwaring palabas palang. Sakto naman ang pagpasok niya.
Parang sobrang bilis niyang napalitan ang mood niya at ngumiti pa sa 'kin. "Tara na?" tanong niya na ikinatango ko.
Sa dami ng iniisip ko, pinili ko isawalang bahala ang mga narinig ko kanina. Ayoko nang isipin kung sino ang kausap niya kanina.
Pagkarating namin sa DaFood, hindi ulit ako pinagbayad ni Mon. Nahihiya na ako pero nagpapasalamat pa rin ako dahil ang bait niya sa 'kin.
At hindi naman ako manhid para hindi maisip kung bakit siya ganito kabait sa akin.
“S-Salamat, Mon. Maraming salamat sa tulong mo,” sabi ko at ngumiti.
Pareho kaming napatingin sa dalawang kamay ko nang hawakan niya 'yon at iniangat. Pinisil niya ito bago hinaplos-haplos.
"Basta ikaw, Halliyah."
Napatingin ako sa entrance ng DaFood at gano'n na lang ang paghigpit ng hawak ko sa kamay ni Mon nang nakita ko si Sir Winston na nakatayo roon at nakatingin sa amin.
Shit.
“Bakit parang kinabahan ka? Anong meron?”
Umiiing ako at pilit na ngumiti. Niyakap ko siya sandali. “Wala, thank you. Papasok na 'ko,” paalam ko at humiwalay na.
“Sunduin ulit kita mamaya, bye!” pahabol niya habang naglalakad na 'ko papasok.
Lumingon lang ako saglit para tumango. Nilakasan ko naman ang loob kong pumasok kahit nasa pinto si sir. Yumuko lang ako at nilagpasan siya.
Para akong nakahinga nang maluwag nang hindi niya ako pinansin. Wala siyang sinabi na kung ano.
Nagsimula akong magtrabaho at hindi ko maiwasang mapatingin-tingin sa kaniya habang nagtitingin siya ng mga gamit dito.
Hindi niya ako tinitingnan or pinagmamasdan katulad ng dati. Medyo strange pero mas gusto ko 'yan.
Iniisip ko tuloy na siguro wala talaga siyang natanggap na message at sana wala nga talaga. Baka naman nagloloko lang ang cellphone ko? Masyado na ba akong tanga kung maniniwala akong nagloloko nga lang kahit mukhang totoo ang mga text doon?
Lumipas pa ang ilang oras ng trabaho, hindi pa rin ako pinapatawag or pinapansin ni sir. Nakakahinga na ako nang maluwag at nagkaroon ng pag-asa na matatapos ang araw na ito na hindi niya ako hina-harass.
“Halliyah.”
Kaso bakit parang ang bilis naman bawiin?
Tinawag lang naman ako ni Sir Winston mula sa likod ko. Hapon na at wala nang masyadong customer. Maaga rin nag-out ang kasama ko rito sa cashier kaya kaming dalawa lang ni sir ang nandito.
“Y-Yes, sir?” napapalunok na tanong ko.
Napapikit ako nang tumama sa balat ko ang hininga niya dahil sa paglapit niya pa sa 'kin.
“Later at my place, ah.”