Halliyah's P.O.V.
Paano nalaman ni Sir Winston na naaksidente ang kapatid ko? Saan niya narinig o sa madaling salita, kanino?
At anong tulong? Anong tulong ang iaalok niya? Hindi, kahit kailan ay hindi ako hihingi ng tulong sa kaniya. Kahit madapa pa ako sa putikan, kahit nasa bingit pa ako ng kamatayan ko, hindi siya ang lalapitan ko. Marami pang tao diyan na puwede kong hingian ng tulong.
Itinago ko ang cellphone at tumingin kay mama. Umiiyak pa rin siya habang nakatakip ang dalawang kamay sa mukha niya. Mahigpit ko naman siyang niyakap dahil siguradong hindi lang lagay ni Nath ang inaalala niya kun'di ang gastusin namin dito.
“Ma, huwag kang mag-alala. Gagawan ko 'to ng paraan.” Hinimas ko ang likod niya at pagkatapos ay tinapik. “Ang mahalaga, ligtas si Nath. Maayos na ang lagay niya, hindi siya nawala sa atin. 'Di ba, ma? Ayun ang mahalaga ngayon,” dugtong ko.
Parang guguho ang mundo ko kanina dahil sa balitang nasagasaan ang kapatid ko. Akala ko hindi ko na siya muling makakasama o makakausap. Kaya labis ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil hindi niya pinabayaan ang kapatid ko.
“Halliyah!”
Naibaba ni mama ang kamay niya at napakalas din kami sa yakapan namin nang may tumawag sa akin. Pareho kaming lumingon sa kung sino man 'yon.
Agad akong tumayo nang nakita ko si Mon na kakapasok lang ng emergency room at palapit na sa amin. Sinalubong ko siya at wala dapat sa plano na yayakapin ko siya pero tila kusang kumilos ang mga kamay ko para yumakap nang mahigpit sa kaniya.
Naramdaman ko ang paninigas ng dibdib niya, mukhang dahil sa gulat. Mayamaya ay naramdaman ko na rin ang pagyakap niya pabalik.
“Halliyah, bakit dito ka nagpahatid? Anong nangyari? Sinong sinugod dito?” sunod-sunod na tanong niya— mga tanong na alam kong kanina niya pa gustong itanong sa akin.
Humiwalay ako sa yakapan namin at naluluhang tumingala sa kaniya. “'Y-Yung kapatid ko, nasagasaan daw ng motor kanina.”
Napakurap siya at suminghap. “Anong balita? Okay na ba siya? Anong lagay niya?” panibagong tanong niya na para bang nag-aalala rin siya para sa kapatid ko. Tumango lang ako kasabay ng pagtulo ng luha ko. “Bakit ka pa umiiyak? Ligtas naman na pala ang kapatid mo.”
Pinahid niya ang luha ko at mahinang kinurot pa ang pisngi ko. Napangiti ako nang tipid. Umiiyak lang naman ako kasi masaya akong ligtas ang kapatid ko.
“Anak, boyfriend mo ba siya?”
Napaharap ako kay mama nang nagsalita siya mula sa likod ko. Umawang ang bibig ko at saglit na sumulyap kay Mon. Umiwas siya ng tingin at tiniklop ang bibig niya na para bang pinipigilan niyang ngumiti.
“H-Huh, hindi po!” sagot ko kay mama at umiling nang maraming beses bilang pagtutol.
Tumaas ang kilay niya. “Talaga? E bakit may payakap-yakap ka pang nalalaman,” pang-uusisa niya.
Ngayon ko lang naramdaman ang kahihiyan sa ginawa ko. Pakiramdaman ko ay namumula ang mga pisngi ko dahil naramdaman ko ang pag-init nito. Kanina ko pa niyayakap si Mon. Nakakahiya! Bakit ko ba kasi siya niyayakap bigla? Hindi ka talaga nag-iisip, Halliyah!
“A-Ah, kasi po...” Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang umabante si Mon at siya na ang humarap kay mama.
“Hello po, ako po si Mon.” Nagmano siya. “Kaibigan po ako ng anak n'yo pero puwede rin po bang maging boyfriend niya?”
Nagsalubong ang kilay ko at nakangangang tinitigan si Mon. Tama ba ang narinig ko? Wala namang deperensya ang pandinig ko, 'no? Maging boyfriend? Seryoso ba siya?
Bakit niya sinabi 'yon?
Mukhang pati si mama ay nagulat at pinanlakihan ako ng mata. Napapikit naman ako nang biglang tumawa nang mahina si Mon.
“Joke lang po. Wrong timing po pala ang pagkasabi ko niyon. Get well po pala sa kapatid ni Halliyah. Paano po ba ako makakatulong?” sunod-sunod na banggit ni Mon.
Tumango-tango si mama at tipid na ngumiti. “Salamat, hijo. Pera lang naman ang problema namin ngayon.”
Nagkatinginan kami ni Mon. Hindi na ako nakapagsalita kasi hindi ko na rin alam kung paano pa ako sisingit sa usapan nila.
“Gano'n po ba, puwede ko po kayong pahiramin. May pera naman po akong nakatabi,” sagot ni Mon kaya napahawak ako sa braso niya na ikinatingin niya sa 'kin.
“M-Mon, hindi na! Okay lang, kaya ko 'to—”
“Hindi, okay lang din sa akin. Pahihiramin ko kayo,” pagpupumilit niya at ngumiti pa sa akin at kay mama. “Hindi po gano'n kalaki ang kaya kong ipahiram sa inyo pero sana makatulong pa rin po pandagdag sa gastusin dito sa hospital.”
Nakita ko ang pagsilay ng ngiti sa mga labi ni mama. Tumango-tango siya. Bumaba ang tingin ko nang hawakan niya ang kamay ni Mon at pinisil ito.
“Maraming salamat sa tulong, hijo.”
Wala na akong nagawa. Hindi rin naman siguro masama kung pahihiramin niya kami. Babayaran ko naman 'yon kapag nagkaroon na ako ng pambayad.
Ang bait niya nga talaga.
“Walang anuman po.” Tumango si Mon. “Paano po, kailangan ko na pong umuwi. Iaabot ko na lang po bukas ang pera,” paalam niya at tumingin sa akin.
Nagpasalamat ulit si mama kay Mon bago kami sabay na lumabas ni Mon. Nakakahiya naman kung hindi ko siya ihahatid palabas e siya na nga ang magpapautang sa amin.
“Thank you, ah. Hindi mo naman kailangang gawin 'yon,” mahinang sabi ko pagkalabas namin. Nahihiya pa rin kasi ako.
“Shh, huwag ka na ngang mahiya sa 'kin. Ikaw naman, parang others.” Tumawa siya nang mahina kaya pati ako ay nahawa't natawa na rin. “Basta, get well sa kapatid mo. Dalawin ko siya minsan. 'Yung utang naman, kahit kailan n'yo puwedeng bayaran, huwag kayong magmadali.”
Sinuklian ko ng ngiti ang sinabi niya. Ngumiti rin siya sa akin habang pareho kaming nakatitig nang matagal sa isa't isa. Ako na ang unang umiwas ng tingin dahil baka...
Baka mahulog na 'ko sa mga titig niya.
“Ikaw pala ha, nawili ka sa pagyakap-yakap sa akin,” nakatawa pa ring sabi niya na ikinanliit ng mata ko.
Napakamot ako sa pisngi ko at pilit na ngumiti. “Sorry, hindi ko kasi alam kung paano—”
“Huwag ka na magpaliwanag, okay lang naman sa akin.” Ngumiti ulit siya at tinapik pa ako sa balikat. “Uuwi na ako, huh. Hinahanap na 'ko sa bahay,” paalam niya na ikinatango ko. “Bye, see you tomorrow.”
“Bye, salamat ulit,” sagot ko.
Hinintay ko siyang makasakay sa motor niya. Kumaway pa siya sa 'kin bago niya pinatakbo ang motor niya. Bumalik naman ako sa loob at naabutan si mama na nakaupo pa rin doon, mukhang hinihintay ako.
“Ma, tara na kay Nath.” Napatingin siya sa akin at tumayo. Tumango siya at kumapit sa braso ko.
Sabay kaming umakyat sa ikaapat na palapag kung nasaan si Nath. Nasa ward room lang siya dahil hindi namin kayang kumuha ng sariling kuwarto para sa kaniya. Pagkapasok ay nahanap agad namin si Nath na nasa bungad lang. Agad akong umupo sa tabi niya at tiningnan ang buong katawan niya.
May benda siya sa ulo at nakatakip ng bandage ang iilang sugat sa braso at binti. Tulog pa rin siya at namumutla ang labi. Nanlambot ako habang pinagmamasdan siya.
Bakit naman nangyari ito sa kapatid ko? Dapat pagbayaran ng taong nakabangga sa kaniya ang ginawa niya. Tinakbuhan niya lang ang aksidente! Hindi naman tama 'yon, 'di ba?
Hinawakan ko ang kamay ni Nath at hinalikan ito. Mahal na mahal ko ang kapatid kong ito at hindi ko kayang mawala siya sa amin. Pinagpapala pa rin talaga kami dahil hindi siya kinuha sa amin.
Tumingin ako kay mama na nakaupo sa kabilang gilid ni Nath. Napansin ko ang papikit-pikit niya nang mata. Nakabusangot na ulit siya. Halatang pagod na siya.
“Mama, ako na muna magbabantay kay Nath. Umuwi ka muna at magpahinga. Si papa rin po sabihan mong sa bahay muna dumiretso,” sabi ko.
Hindi na siya umangal pa. “Sige, anak. Kailangan namin ng pahinga para sa kapatid mo.” Tipid siyang ngumiti at hinalikan sa noo si Nath. “Balitaan mo agad ako kapag nagising na siya, huh?”
Tumango naman ako. Ilang minuto lang nag-ayos si mama at umalis na rin siya. Ako naman ay ipinatong ang ulo ko sa espasyo ng kama sa gilid ni Nath. Gusto ko ring matulog pero dapat nandito ako sa tabi niya.
Nagdasal muna ako para magpasalamat bago ako tuluyang nakatulog.
Naalimpungatan na lang ako nang umingay ang paligid. Ang daming taong nag-uusap. Sari-saring boses ang naririnig ko galing sa mga bantay ng ibang pasyente.
Ang sakit pa ng mata ko, hindi ako nakatulog nang maayos.
Sakto rin na tumunog ang cellphone ko kaya inilabas ko muna ito. Nangunot na naman ang noo ko nang nakitang si Sir Winston na naman ang nag-text.
“You are welcome, honey.”
Ayun ang text niya na ipinagtaka ko. Agad-agad akong nag-backread sa messages namin dahil hindi ko alam kung bakit ayun ang text niya.
Nanginginig ang kamay na napatakip ako sa bibig ko matapos mabasa ang nasa text.
Nag-send ako ng text sa kaniya na humihingi ako ng tulong na mabayaran ang gastusin sa hospital sa pamamagitan ng pagbebenta ko ng katawan ko sa kaniya?
Tinanong niya kung sigurado ba ako at sumagot ako ng oo? Pumayag siya at nagpasalamat pa ako?
Teka, kailan ko itinext 'to sa kaniya?
Wala akong itinext dahil tulog ako!
Paano nangyari 'to? Hindi! Hindi 'to totoo! Hinding hindi ko ibebenta ang katawan ko sa kaniya!