Halliyah's P.O.V.
Mabagal lang ang takbo ng motor. Nakahawak lang ako sa balikat ni Mon habang nakatulala sa isang direksyon. Kung kagabi ay iniisip ko lang kung paano ko haharapin si Sir Winston dahil sa ginawa niyang pamimilit sa akin na sumama sa kaniya, ngayon ay iniisip ko na kung paano ko pa siya haharapin dahil sa pananamantalang ginawa niya sa 'kin kanina.
Natatakot ako. Natatakot ako sa puwede niya pang magawa sa 'kin. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Puwedeng puwede akong magsumbong pero natatakot din ako sa banta niya. May pera siya... ako, wala.
Siguradong malulusutan niya rin ang kasong isasampa ko kung sakali dahil wala akong pruweba.
Natigil ako sa pag-iisip nang huminto kami sa gilid kung saan may nakahilerang mga street food vendors.
“Baba ka,” utos niya.
Hindi ko alam kung bakit kami nandito pero sumunod pa rin ako. Pagkababa ay tinanggal ko na rin ang helmet ko.
Bumaba rin siya at inalis muna ang susi ng motor. Nakatingin siya sa 'kin habang nagtatanggal siya ng motor niya .
“Namamaga ang mga mata mo,” pansin niya na ikinakurap ko.
Umiwas ako ng tingin at yumuko. Paano ba naman kasing hindi mamamaga ang mata ko kung kanina pa 'ko iyak nang iyak? Sino rin ba kasing hindi maiiyak matapos ng mga nangyari sa 'yo ngayong araw?
Para sa akin, ito na ang pinakamasama kong araw.
“Hindi ko alam kung anong problema mo,” mahinang sambit niya. Napatingin naman ako sa kamay niya nang akbayan niya 'ko. “Pero dahil halatang may problema ka, ililibre kita rito. Tara, pili ka ng gusto mo.”
Nang tumingala ako para tingnan siya, ngumiti siya na ikinalabas ng dimple niya. Gusto kong suklian ang ngiti niya pero hindi ko pa talaga kaya.
Kahit hindi ako ngumiti pabalik, nakangiti pa rin siya sa 'kin. Nagulat pa ako nang pisilin niya ang pisngi ko. Hindi na ako nakapag-react pa nang hilahin niya ako palapit sa isang nagtitinda ng calamares.
“Ito, gusto mo?” tanong niya.
Tumango ako dahil nagugutom na rin ako. Kumuha naman siya ng baso at naglagay ng limang calamares doon. Siya na rin ang naglagay ng suka. Ibinigay niya sa akin 'yon na agad ko namang tinanggap. Kumuha rin siya ng para sa kaniya.
“Ito, bayad. Salamat.” Nag-abot siya ng pera sa tindera. Kumuha siya ng dalawang stick at ibinigay sa akin ang isa. “Eat well,” sabi niya bago sumubo ng isang piraso ng calamares.
Tumango ako at sumubo na rin. Masarap pala ang calamares na 'to dahil hindi puro harina, makapal ang pagkakahiwa ng pusit.
Hindi pa man kami tapos kumain ng calamares ay hinila niya na agad ako papunta sa gilid ng nagbebenta ng barbeque.
“'Nay, paihaw nga ng apat na barbeque. Salamat,” sabi niya sa matandang tindera.
Tumingin siya sa akin at tipid na ngumiti. Nahihiya na ako kaya pinilit ko nang ngumiti pabalik. Umiwas ako ng tingin at sumubo ulit ng calamares.
“Alam mo, kahit umiyak ka pa, maganda ka pa rin,” mayamayang puri niya sa akin na ikinatingin ko sa kaniya. “Okay lang naman umiyak dahil sa mga problema pero kung masyado nang mabigat 'yan, puwede mo naman i-share sa iba. Naniniwala ako na lahat tayo, kailangan natin ng taong makikinig sa atin,” dugtong niya habang nakatingin sa langit.
Tumingin din ako sa langit. Dahil gabi na, naglabasan ang mga bituin. Ang kinang nila.
Buti pa sila, kumikinang. Habang ako rito, nawawalan ng ilaw at kahit kailan ay hindi kuminang.
Lumingon ako kay Mon at tipid na ngumiti.
Tama ba na magkasama kami ngayon dito na kumakain? Tama ba na dinadamayan niya ako? Normal bang nag-aalala siya kung may problema ako?
Ano ko ba siya? Rider ko lang naman siya, 'di ba?
Bumuntong hininga ako at umiling. “S-Salamat pero ayos lang ako,” pagsisinunguling ko at sumubo ng calamares.
Humigop ako nang kaunti sa suka at itinapon na ito. Naghintay pa kami nang ilang minuto bago naluto ang barbeque. Iniabot sa akin ni Mon ang dalawa at nagpasalamat naman ako.
Sa sobrang busy ko sa trabaho, nawalan na rin ako ng oras na kumain ng street foods. Favorite ko itong kainin noon at ang sarap talaga, walang kupas.
“Ayan, nangingiti ka na ah,” pansin ni Mon sa 'kin na bahagyang kinalaki ng mata ko. “Ang cute mo.”
Kumurap ako at mahinang suminghap. Nakangiti kasi siya sa akin at parang nahahawa ako sa ngiting 'yon. Hindi puwedeng makita niyang natutuwa ako.
Baka kung anong isipin niya, e.
Pagkaubos ko sa isang stick ng barbeque, tumingin ako kay Mon. “M-Mon, baka puwedeng...” Hindi ko masabi.
“Baka puwedeng ano?” taas kilay na tanong niya. “Pabili nga po ng dalawang gulaman,” sabi niya muna sa tindera.
Nahihiya akong sabihin, e.
“Baka puwedeng utang muna 'yung bayad ko sa 'yo—”
“Sus, ayun lang pala. Oo naman, okay lang,” agad na sagot niya nang hindi pinapatapos ang sinasabi ko. “Huwag ka nang mahiyang magsabi kung wala ka pang pera or short ka. Ayos lang sa 'kin.” Ngumiti pa siya at hinaplos saglit ang likod ko.
“S-Salamat.” Ngumiti na rin ako.
“Oh, 'di ba, ang swerte mo dahil ako ang rider mo.” Tumawa siya nang mahina habang nakatitig sa akin ang nakangiti niyang mga mata.
Tumawa na lang din ako at kumagat sa barbeque. Habang kumakain kami ay pasulyap-sulyap kami sa isa't isa. Siya ay ngumingiti sa tuwing nagtatama ang paningin namin pero hindi ko masuklian iyon.
Ang tanging nararamdaman ko ay ang mabilis na pagtibok ng puso ko.
Hindi tama... Hindi ko dapat nararamdaman 'to.
Sabay naming naubos ang barbeque at saktong tumunog ang cellphone niya. Binasa niya ang message na natanggap niya at saglit na tumingin sa akin.
“Ah, Halliyah, iuuwi na kita. Tapos naman na tayo kumain,” sabi niya na ikinatango ko lang. Sabay rin namim ininom ang gulaman.
Naglalakad na kami palapit sa motor niya nang nag-ring din ang cellphone ko kaya napalingom siya sa akin.
Tumatawag si mama.
“Saglit lang,” paalam ko kay Mon na ikinatango niya. “Hello, ma? Bakit? Pauwi na ako,” pagsagot ko sa tawag.
“'N-Nak, ang kapatid mo, si Nath!” Umawang ang bibig ko at napatitig kay Mon nang dahil sa umiiyak na boses ni mama. “S-Si N-Nath, nasagasaan ng motor!”
May kumurot sa puso ko at para akong lalong nanghina. Nawalan ng lakas ang mga tuhod ko at muntik nang matumba. Mabuti na lamang ay nahawakan agad ako ni Mon sa magkabilang braso.
Si Nath... ang kapatid ko.
“Nandito kami ngayon sa hospital malapit sa atin, 'nak. Pumunta ka na rito!”
Ibinaba ko na ang cellphone ko at naunang sumakay sa motor ni Mon. “M-Mon, Mon, tara na,” may pagmamadali sa boses na tawag ko sa kaniya.
Alam kong gusto niyang magtanong dahil sa pagtatakang tingin niya sa akin pero hindi niya ginawa, sa halip ay sumakay na rin siya at pinaandar na agad ang motor.
Labis ang kaba at takot na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko maipaliwanag ang kirot at paninikip ng dibdib ko. Tumulo ang luha ko dahil parang sasabog yata ang puso ko dahil sa pag-aalala ko kay Nath.
Sana, sana ligtas siya. Sana okay lang siya.
Hindi ko na kaya ang sakit kaya hindi ko na rin napigilang yumakap nang mahigpit kay Mon. Mas umiyak ako sa likod niya.
Pakiramdaman ko, maliban sa pera, ito ang kailangan ko. Tama siya, kailangan ko ng kayakap, ng kadamay. Kailangan ko ng taong iiyakan kapag sobra na ang bigat.
“S-Sa h-hospital tayo na malapit sa amin,” humihikbing sabi ko.
Hindi siya sumagot pero alam kong narinig niya.
Binilisan niya ang pagpapaharurot sa motor hanggang sa nakarating kami sa hospital. Nauna na akong bumaba at hindi na siya hinintay pa, tumakbo agad ako papasok sa emergency room.
“Mama!” pagtawag ko kay mama nang nakita ko siyang nakaupo sa bench.
Tumayo siya at lumingon. Nakita ko ang sobrang pamumula ng mga mata niya marahil sa matinding pag-iyak.
Tumakbo kami sa isa't isa at mahigpit na yumakap.
“A-Anak, ayos na ang kapatid mo. Mabuti na ang lagay niya,” balita niya sa akin kaya kumalas muna ako sa yakapan namin.
“Talaga po? Nasaan siya ngayon?” tanong ko at tumingin sa paligid..
“Inilipat na siya ng kuwarto,” sagot naman niya at humawak sa mukha ko. ”Halliyah, ang problema natin ngayon ay kung saan tayo kukuha ng pambayad. Sa sobrang pag-aalala ko kanina ay dito ko siya nadala sa private dahil ang layo pa ng public hospital, baka mag-agaw buhay ang kapatid mo.”
Oo nga pala...
Napabuntong hininga ako at umupo na muna. Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang dalawang kamay at umiling.
Saan kami kukuha ng pera? Paano namin mailalabas si Nath dito?
“Anong balita sa nakabangga sa kaniya? Nahuli ba?” tanong ko naman nang bigla kong naalala.
Hayop na motor rider 'yon. Hindi siya nag-iingat, nasagasaan niya ang kapatid ko!
“Hindi, e.”
Napasinghal ako sa sagot ni mama.
Nakakainis!
Inis ko ring inilabas ang cellphone ko nang tumunog 'to. Kumunot ang noo ko matapos makitang si Sir Winston ang nag-text.
“I heard what happened to your brother, do you need help?”