Halliyah's P.O.V.
“Halliyah! Ano, okay ka lang?” ang malakas na tanong ni Jessa nang tumumba ako sa sahig matapos kong lumabas ng office ni Sir Winston.
Wala nang luhang pumapatak mula sa mga mata ko pero nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Ramdam na ramdam ko pa rin ang mga kamay niya sa dibdib ko... ang malakas na pagpisil at paglamas niya rito.
Nandidiri ako... nandidiri ako sa ginawa niya.
Bakit? Bakit ko nararanasan 'to?
“Halliyah? Ano? Hoy, sumagot ka naman! Nag-aalala na 'ko sa 'yo.” Hinawakan na ni Jessa ang mukha ko para iharap ako sa kaniya.
Halata ang pag-aalala sa lukot niyang mukha at sa mga mata niyang kuminang dahil sa nagbabadyang luha. Huminga ako nang malalim at pinigilan ang sariling magsalita at umiyak na naman.
Umiling ako. “O-Okay na 'ko,” pagsisinungaling ko at kumapit sa braso niya.
Inalalayan niya naman akong tumayo. Mahigpit lang akong nakakapit sa kaniya dahil pakiramdam ko ay matutumba ulit ako. Nanghihina ang tuhod ko, hindi dahil sa ginawa ng customer kun'di dahil sa ginawa ng manager namin.
Nakaalalay sa akin si Jessa hanggang sa pumasok kami sa locker room. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang mga matang nakamasid sa akin. Nasa limang crew ang nasa locker room at lahat sila ay nakatingin sa akin... habang nakangiwi.
Nagtitinginan ang tatlong babae tsaka may ibubulong. Hindi ko naririnig pero siguradong ako ang pinag-uusapan nila.
“Upo ka muna,” sabi ni Jessa at pinaupo ako sa bench. “Ako na kukuha ng pamunas mo.”
Iniwan niya ako saglit at binuksan ang locker niya. Niyakap ko naman ang sarili ko habang naghihintay sa kaniya. Napapikit ako nang mariin dahil naalala ko na naman ang ginawa ni Sir Winston.
Napakahayop niya talaga!
“Ang arte naman. Binuhusan lang naman siya ng tubig, wala naman nang ibang ginawa sa kaniya 'yung customer.”
Napadilat ako dahil sa pagpaparinig ng isang babae.
“Kaya nga, sis. 'Yung iba nga diyan, mas worst pa ginagawa sa kanila pero hindi naman umiiyak nang ganiyan. Hinang hina 'yarn?” dugtong ng isa.
“For sure, nagpapaawa lang 'yan kay Sir Winston. Palibhasa ay favorite siya e.”
Gusto kong umiyak.
Gusto kong iyakan lahat ng naririnig ko.
Ni hindi ko na sila nagawang tingnan at kilalanin kung sino silang nagpaparinig sa akin dahil nanghihina na naman ako. Hindi naman kasi ako umiiyak dahil sa ginawa ng customer e. Kung alam lang nila na hinarass ako ng manager namin, magbabago rin ang tingin nila sa kaniya.
Pero napaisip ako sa sinabi ng huling babae. Favorite raw ako ng manager namin. Sabi ko na nga ba, halatang ako ang trip niya. Bakit ako? Bakit may taong kagaya niya? Bastos siya. Sobrang bastos niya.
Napaigik pa ako dahil sa gulat nang biglang umupo sa tabi ko si Jessa. Iniabot niya sa akin ang bimpo. Agad ko namang pinunasan ang sarili ko.
“Halliyah, babalik muna ako sa puwesto natin ah? 'Yung isang crew kasi muna pumalit sa akin doon. Baka mahirapan 'yon,” paalam niya.
Tumango ako. “S-Sige, salamat,” sagot ko.
Tumango rin siya at nginitian ako nang tipid bago tumayo at umalis. Bumuntong hininga ako at tumayo na rin.
Pinilit kong kumilos nang maayos dahil hindi naman puwedeng buong araw kong damdamin dito ang nangyari. Nagpalit muna ako ng damit bago bumalik sa trabaho.
Palakad-lakad si Sir Winston sa loob ng DaFood pero hindi ko siya tinitingnan. Kinailangan kong mag-focus sa trabaho.
Hanggang sa oras na ng uwian namin. Dali-dali akong nag-ayos ng mga gamit ko para makalabas na agad dahil nag-uunahan na ang mga kasama kong umalis.
“Una na ako umuwi ah, Halliyah,” paalam ni Jessa sa akin. “Sinundo kasi ako ng boyfriend ko e.”
Tumango na lang ako dahil nakapag-book na rin naman ako ng FlashRide.
“Sige, ingat kayo. Thank you ulit kanina.”
Ngumiti lang siya at lumabas na. Chineck ko naman ulit ang bag ko kung okay na ba lahat ng gamit ko.
Hindi ko nakita ang wallet ko.
Shit, nasaan ang wallet ko?
Nilabas ko lahat ng laman ng bag ko para mahanap ang wallet pero wala talaga rito. Nailabas ko na lahat kahit ang laman ng mga bulsa pero wala talaga!
Nanakawan ba ako?
Napatingin ako sa ibang katrabaho kong sunod-sunod na naglabasan. Naiwan na lang ako rito sa loob ng locker room dahil hindi ko pa rin nahahanap ang wallet ko. Binuksan ko pa ulit ang locker ko para tingnan kung nailagay ko ba sa loob pero wala talaga!
Napasabunot ako nang mahina sa buhok ko dahil sa inis at pag-aalala. Nandoon pa naman lahat ng I.D. at natitira kong pera!
“Have you lost something?”
Napatayo ako nang tuwid matapos kong marinig si Sir Winston. Nasa pinto siya at nakangising nakatingin sa akin.
Kumabog ang dibdib ko sa kaba dahil kami na lang panigurado ang natitira dito sa loob ng DaFood.
Ang ngising nasa mukha niya... gusto ko siyang sampalin at saktan nang paulit-ulit dahil sa ginawa niya sa 'kin kanina.
Pero wala akong lakas ng loob na gawin 'yon.
“H-Hindi, uuwi na 'ko,” tanging sagot ko at binitbit na ang bag ko.
Pauutangin naman siguro ako ni Mon ng pambayad sa kaniya kung siya pa rin nga ang rider ko, katulad ng sinabi niya.
Napigilan ko ang paghinga ko nang hawakan niya ako sa braso, pagkadaan ko sa gilid niya.
“Hindi ka muna uuwi.”
Kinagat ko ang labi ko at mabilis na umiling. Hindi ko gusto 'tong nararamdaman ko. Hindi ko gusto ang naiisip kong puwedeng mangyari.
“S-Sir, uuwi na 'ko.”
Sinubukan kong bawiin ang braso ko pero itinulak niya lang ako paatras. Tiningnan ko siya nang nagtatanong pero may takot.
“Halliyah, hindi.” Dahan-dahan siyang lumapit na ikinaatras ko rin. “May gagawin pa tayo, 'di ba?”
Ano? Ano na naman ba 'to? Ano na namang binabalak niya?
“S-Sir, please, tama na po...” mahinang pakiusap ko at pinagpatuloy ang pag-atras.
Umiling siya habang malalim na nakatitig sa akin. “No, Halliyah. You know what...” Natigilan ako nang naramdaman ng likod ko ang pader. “The very first time I saw you, I liked you...” Napapikit ako nang haplusin niya ang braso ko. “I really, really like you— no, I want you.”
Naging malalim ang boses niya katulad kanina.
Halliyah, gumawa ka ng paraan!
Lakas loob ko siyang tinulak nang malakas sa dibdib at tumakbo. Malapit na sana ako sa pinto pero nahila niya ang buhok ko na ikinasigaw ko pero mabilis niyang tinakpan ang bibig ko at pinaharap ako sa kaniya.
Nagbadya ang luha ko dahil sa sobrang kaba at takot, dahil na rin sa sakit ng pagkahila niya sa buhok ko.
Naiiyak akong umiling-iling sa kaniya habang nakatakip pa rin ang kamay niya sa bibig ko.
Iniatras niya ako at sinandal sa pader. Doon na tumulo ang luha ko dahil alam kong wala na akong kawala. Para na siyang wala sa sarili kung makatingin sa akin. Parang gusto niya akong sunggaban. Hindi ko siya makilala!
“Halliyah, pagbigyan mo na 'ko...” mahinang bulong niya at isiniksik ang mukha sa leeg ko.
Napasigaw ako kahit nakatakip ang bibig ko. Humawak ako sa dibdib niya at pilit siyang tinutulak pero sobrang lakas niya at naiipit niya ako ng katawan niya! Ang liit ko kumpara sa laki ng katawan niya.
Matindi nga talaga ang pagnanasa niya sa akin. Gusto niya akong pagsamantalahan! Gusto niyang pagsamantalahan ang kahinaan ko!
Hindi na tumigil sa pagtulo ang luha ko nang pilit niyang tanggalin sa pagkabutones ang pantalon ko at ibinaba ang zipper nito.
“Mmm! Mmm!” ang tanging ingay na nagagawa ko habang nagpupumiglas. Halos hindi ko na maikilos ang katawan ko dahil sa pagkakaipit niya sa akin!
“Shh, you will like this,” bulong niya na ikinailing ko na naman.
Sa pangalawang pagkakataon ay nandito na naman ako sa sitwasyon na para akong isang napakahinang nilalang na kayang kayang angkinin ng isang katulad niyang may pagnanasa sa katawan ko. Sa pangalawang pagkakataon ay naramdaman ko na naman ang takot na baka magawa niya na ang gusto niya sa akin.
Sana... sana matulungan ako ng Panginoon.
“Halliyah! Halliyah! Nandito ka pa ba? Kanina pa 'ko naghihintay sa 'yo!”
Umangat ang ulo ni Sir Winston at kahit ako ay napatigil sa pagpupumiglas nang narinig namin ang sumisigaw na 'yon.
Teka... si Mon 'yon!
Nanlaki ang mata ko at mabilis na itinulak si Sir dahil naramdaman ko rin ang pagluwag ng pagkakaipit niya sa akin. Mukhang hinayaan niya na ring maitulak ko siya kaya nakawala ako.
“Ang swerte mo talaga 'no?” natatawang tanong niya habang ako ay masama ang tingin sa kaniya. “Remember this, wala kang sasabihin sa iba tungkol sa ginagawa ko sa 'yo. I am capable of killing you and your family bago mo pa ako mapakulong,” pagbabanta niya.
Tumulo munang muli ang luha ko bago ko binitbit ulit ang bag ko at patakbong lumabas ng locker room.
Nang nakita ko si Mon na nasa tapat ng cashier ay agad akong tumakbo palapit sa kaniya. Napatingin sa akin at agad nangunot ang noo.
“H-Halliyah...” mahinang sambit niya nang yakapin ko siya nang mahigpit. “B-Bakit? Anong nangyari?”
Isinubsob ko ang mukha ko sa dibdib niya at doon umiyak nang umiyak. Hindi ako nakasagot dahil sa tindi ng pag-iyak ko.
Naramdaman kong ligtas na ako nang nayakap ko siya. Todo ang pasasalamat ko dahil kung hindi siya dumating, baka nagawa na ni Sir Winston ang gusto niya.
“Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong niya at hinawakan ako sa balikat. Kumalas siya sa pagkakayakap ko. “Anong nangyari sa 'yo?” Nagtatanong ang mga mata niya.
Hindi ako sumagot at nakatitig lang sa mga mata niya habang tumutulo ang luha ko.
Tiningnan niya ako mula ulo pababa. Lalong nagsalubong ang kilay niya nang napunta sa baba ko ang paningin niya kaya napayuko rin ako para tingnan 'yon.
Nakagat ko ang labi ko dahil bukas pa pala ang butones at zipper ng pantalon ko.
“Ano...” mahinang bulong niya at tumingin sa pinanggalingan ko.
Naiwan akong nakatayo rito nang bigla siyang tumakbo papunta sa locker room kung saan ako lumabas. Bumalik din siya agad sa akin.
Hindi niya nakita si Sir Winston? Baka nakaalis na at dumaan sa likod?
“Halliyah, magsalita ka! Anong nangyari? B-Bakit bukas ang pantalon mo?” nagtatakang tanong niya at hinawakan ako sa mukha.
Gusto kong sabihin ang totoo pero naalala ko ang sinabi ni Sir Winston. Paano kung kaya niya nga talaga, 'di ba? Siguradong marami siyang pera at kakilala. Paano kung patayin niya talaga kami?
Umiling ako at hindi na nahiyang isarado ang zipper at butones ng pantalon. Pinunasan ko ang luha ko gamit ang sariling kamay pero mabilis na hinuli ni Mon ang kamay ko.
Hindi na ako nakakilos nang panyo niya ang ginamit niya para punasan ang mukha ko. Binitiwan niya ang kamay ko para maayos niya ang magulo kong buhok.
“Bakit ayaw mong magsalita?” mahinang tanong niya pero hindi pa rin ako sumagot. “May ginawa ba sa 'yo ang manager mo?” tanong niya ulit pero wala pa rin siyang natanggap na sagot.
Pareho kaming bumuntong hininga. Sobrang lakas ng kaniya kaya naramdaman at narinig ko.
“Tara na, iuuwi na kita.”
Tumango ako at nagsimula nang maglakad. Naramdaman ko naman ang kamay niya sa likod ko habang naglalakad kami.
Tumigil kami sa tabi ng motor niya. Pumunta siya sa harapan ko at hinawakan ang baba ko para iangat ang mukha ko. Nagkatitigan kami.
“Alam kong rider mo lang ako pero puwede kang magsabi sa akin kung may hindi na magandang nangyayari sa 'yo, tutulungan kita.”