WALANG nagbago sa paraan ng kaniyang pagtingin sa akin. Walang nagbago sa lamig niyon. Naroon din sa tingin niya ang bahid ng kasinungalingan na hindi niya ako kilala.
"Ganiyan ka na ba talaga kadesperada? Hindi ko gustong mabuntis ka. At mas lalong hindi ko gustong magkaanak sa 'yo. Mahirap ka lang. Hindi tayo nababagay. Langit ako, lupa ka lang," aniya. Walang bahid ng awa o kahit katiting na pagsisisi sa mukha at boses niya.
Bawat salitang binitawan niya ay isa-isang tumatak sa puso at isipan ko. Unti-unti niya akong dinudurog. Unti-unti niya akong pinapahirapan. Unti-unti niya akong pinapatay sa sakit.
"A-Akala ko mahal mo ako?" hindi makapaniwalang tugon ko. "Pero, bakit ngayon sumusuko ka na?" dagdag ko pa.
Ramdam ko ang pamumuo ng mainit na likido sa aking mga mata. At kahit ano mang oras ay magsisimula na itong magbagsakan.
"Kasi wala naman sa plano natin ang bumuo ng pamilya nang ganito kaaga. Bata pa tayo. Marami pa akong gustong maranasan sa buhay. Ayaw kong matali ng maaga. Ayaw kong maging batang ama," mahinang sagot niya pero para na siyang nakamikropono dahil sa linaw at lakas ng pagkakarinig ko. Alam kong ayaw niyang may makarinig sa usapan naming dalawa. Galing na nga sa kaniya, 'di ba?
Akala ko talaga matapang siya, pero isa rin pala siyang duwag. Bahag ang kaniyang buntot pagdating sa malalaking responsibilidad. Imbes na panagutan, gusto niya pa itong takbuhan at takasan.
"Sana hindi mo ako ginalaw..." nakayukong wika ko.
"Sana rin tumanggi ka!" singhal niya. Para akong sinampal ng malamig na tubig dahil sa narinig. Ang kaninang nagbabadiyang mga luha ay nagsimula nang tumulo. Hindi ko na kaya pang pigilan. Sa sakit ng mga binitawan niyang mga salita, isang manhid lang ang hindi maluluha.
"Lumayo ka na sa akin at baka may makakita pa sa atin. Huwag mo na akong lalapitan o tatangkain pa na kausapin. Huwag mo rin subukang gumawa ng katangahan, dahil kayang-kaya kitang baliktarin!" diin niya bago ako nilampasan at tinahak ang daan papunta sa kaniyang mga kaibigan.
Iyon ang huling kataga na narinig ko mula sa kaniya. Pinagmasdan ko siya habang dahan-dahang nawawala ang kaniyang pigura. Mapait na lamang akong napangiti at marahan na pinalis ang mga luha. Sobrang layo niya sa Vaughn na lumapit sa akin noon. Sobrang layo niya sa lalaking minahal ko. Gano'n na lang ba kadali para sa kaniya na kalimutan ang isang taon naming pagsasama?
Hindi ko na siya kilala. Ang laki ng pinagbago niya. Ibang-iba ang Vaughn noon kumpara sa Vaughn ngayon.
Kahit masakit alam kong wala akong magagawa kung 'di ang harapin ito nang mag-isa. Kapag may sinabi siya, talagang gagawin niya. Ayaw kong mas lumala pa ito. Siguro, kailangan ko na talagang sumuko?
Imbes na pumasok, napagpasyahan kong umuwi na lamang. Wala rin naman akong maiintindihan sa klase. Wala rin naman kasing ibang papaosk sa isipan ko kung 'di ang bata na nasa aking sinapupunan. Baka sermon lang din ang aabutin ko sa aming propesor kapag nagkataon.
Pagkauwi ko, bumungad sa akin ang tahimik at walang katao-taong bahay. Alam kong nasa palengke na naman si mama para magtrabaho. Alam kong todo kayod siya roon sa pagbebenta para may pambili kami ng mga gamit at makakain. Ngayon pa lang ay nakokonsensiya na ako sa malaking problemang dala ko. Alam kong sobra siyang masasaktan at kapag nalaman niyang buntis ako, ito na rin siguro ang huling tapak ko sa bahay na ito. Pero, kahit alam kong ganoon na ang patutunguhan ay gusto ko pa ring ipaalam sa kanila. Gusto ko pa rin magbakasali na may taong makaiintindi at dadamay sa akin. Gusto ko pa ring malaman na baka nagkakamali lang ako. Na baka hindi rin naman ako matitiis ni mama. Na baka mas gumaan ang lahat kung sasabihin ko dahil alam niya kung ano ang mas dapat kong gawin.
"I'm sorry ma..." wala sa sariling sambit ko sabay iyak sa tabi. Sobrang hinahabol ko na ang aking paghinga. Iniisip ko pa lang kung paano ko sasabihin, nanghihina na ako. Hindi ko alam kung ano pang mukha ang ihaharap ko sa kaniya. Palagi akong sumusunod sa kaniya, pero nang dahil sa isang pagsuway na huwag muna papasok sa kahit anong relasyon, ito na ang napala ko.
Mawawala ang lahat sa akin.
Pamilya na lang ang meron ako pero sinira ko pa. Alam kong walang mali sa pagkakaroon ng anak. Ang mali ko lang, nasa maling edad ko pa ito pinasok. Masyado pa akong bata. Wala pa akong trabaho, wala akong pinagkukuhanan ng kahit na anong kita. Wala pa akong naiaambag maski na piso sa pamilya ko. Ang bumuhay pa kaya ng bata?
Gusto kong itago. Gusto kong pagtakpan ang katangahan na ginawa ko. Gusto kong ilihim ito sa lahat. Pero paano? Paano ko ito itatago? Ayon nga sa kasabihan, walang sekreto ang hindi nabubunyag. Sa paglipas ng ilang buwan, lalaki at lalaki ang tiyan ko kaya malalaman at malalaman talaga ni mama ang lahat. Kailangan ko pa bang hintayin ang araw na iyon kung saan huli na bago sabihin sa kaniya? That would be unfair on her part. She's my mother. She deserves to know sooner.
Ilang oras kong hinayaan ang sarili kong lamunin ng kung ano-anong emosyon. Maraming tumatakbo sa isipan ko pero kahit na isang beses, hindi sumagi sa akin na ipalaglag ang bata. Gagawin ko ang lahat para mabuhay siya. Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat akong ina sa kaniya. Kasalanan na ang nagawa kong pagsuway sa aking ina, dadagdagan ko pa ba? At isa pa, buhay ang nasa sinapupunan ko. Wala na rin akong pinagkaiba sa mga kriminal at mamamatay tao kapag nagkataon.
Gagawin ko ang lahat para mapalaki siya kahit na ang ina niya ay hindi ganoon kalayo ang magiging edad sa kaniya. Hinding-hindi ko rin ipaparamdam sa kaniya na isa siyang bunga ng maling desisyon na aking nagawa.
Nang maubos ang luha ko, mabilis akong uminom ng tubig para pakalmahin ang sarili. Kailangan ko ng lakas ng loob. Kailangan na kailangan ko, para masabi sa kanila ang totoo. Kailangan ko ng lakas para sa magiging anak ko. Kailangan ko ng lakas para malagpasan ang lahat ng ito kahit ako lang mag-isa. Kahit walang Vaughn sa buhay ko. At sa oras na malagpasan ko ito, babalikan ko ang taong hindi ako nagawang panagutan.
Ilang oras din nang wala akong ibang ginawa kung hindi ang magmukmok sa harap ng bintana habang iniisip ang kahihinatnan ng aking kamalian maging ang mga bagay na dapat kong gawin para malutas ang problemang aking kinakaharap.
Gabi na nang dumating si mama. Kakatapos ko lang magluto. Kakatapos ko lang din maglinis ng bahay. Alam kong hindi sapat ang mga ito para mapagaan ang loob niya. Pagkapasok na pagkapasok pa lang kasi niya sa loob ng bahay, bakas sa kaniyang mukha ang pagod. Amoy pawis na rin siya at humahalo pa ang amoy ng palengke.
"Mabuti naman at naisipan mong magluto," malumanay niyang saad. Parang hindi ko yata kayang sirain ang ngiti niya sa labi.
"Mano po, ma," ani ko at nagmano sa kaniya. "Si papa po?"
"Nasa tindahan, may binili lang. Darating na rin 'yon mayamaya. Teka, ang bango. Mukhang ang sarap naman ng niluto mo. Ihain mo na 'yan at nang makakain na tayo," sagot niya na tila natatakam sa ulam na aking niluto.
Tipid na lamang din akong ngumiti. Akmang kukuha na sana ako ng plato para paghainan ng ulam nang bigla na naman nanuot sa ilong ko ang amoy ng adobo. Sobrang baho at parang hindi ko iyon kayang kainin. Saglit akong huminto at malalim na huminga.
"Bakit hindi mo pa hinahain?" dinig kong tanong ni mama na nasa likuran ko lang.
Kukunin niya sana ang sandok na nasa kamay ko para siya na lang ang maghain nang bigla ko siyang pigilan.
"Ma, sandali lang."
Hindi pa man siya nakakasagot, kaagad akong tumakbo paakyat at doon ko hinayaan ang sarili kong maduwal. Nagmumog ako at kaagad na inihiga ang aking katawan.
Nahihilo ako at hindi ko yata kayang tumayo. Ayaw kong sumabay sa hapunan pero alam kong hindi puwede. Magagalit sila at iisiping bastos ako kung gano'n ang aking gagawin.
Nagpalipas lang ako ng ilang minuto bago napagpasiyahang bumaba. Iniisip ko pa lang ang amoy ng adobo, muli na naman akong naduduwal.
Please, huwag ngayon. Huwag sa harap nila.
Hindi ko kayang mawala ang ngiti ni mama. Bihira ko lang iyon makita at ayaw kong ito ang magiging huling beses.
"Oh, anak. Halika na rito at nang makakain ka na," tawag sa akin ni papa.
Tanging tango lang ang isinagot ko tiyaka lumapit sa kaniya para magmano bago umupo sa bakanteng upuan para makakain na rin.
Tahimik lang ako sa hapagkainan habang pilit na nilulunok ang pagkain. Ikinuwento rin ni mama na malakas ang tinda kaya siya nakangiti. Halos maubos ang tinda niya sa dami ng costumer. Si papa naman ibinalita niyang nakasahod siya ng malaki-laki mula sa trabaho niya sa konstraksiyon.
Hindi ko rin tuloy maiwasang mapangiti.
Wala akong karapatan na sirain ang araw niya.
Wala akong karapatang sirain ang masaya nilang pag-uusap. Pero, hindi ko rin naman ito kayang patagalin pa.
"Ma, pa, tapos na po ako. Aakyat na lang din po muna ako sa kuwarto. Sobrang sama po kasi talaga ng pakiramdam ko," paalam ko sa kanila. Saglit akong sinuri ng tingin ni mama tiyaka tumango. Nakayukong umakyat ako sa kwarto ko at mabilis na isinara ang pinto. Handa na akong sabihin kay mama at papa ang totoo. Hindi ko na ito kayang patagalin pa.
Hindi ko namalayan na nakaidlip na pala ako. Nagising na lamang ako dahil sa sunod-sunod na katok na aking narinig. Inayos ko ang nagkalat na buhok sa aking mukha bago binuksan ang pinto.
Bumungad sa akin ang aking ina na may dalang gamot at tubig. Kahit na kilala siya bilang mainitin ang ulo at palaging sumisinghal, hindi naman niya kami napapabayaan.
"M-ma," sambit ko. Kmbes na magpasalamat ay napahagulhol ako at umiyak nang umiyak. Ilang ulit kong narinig na nagtanong siya kung bakit pero wala namang salita ang namumutawi sa aking labi.
"Ano bang nangyayari sa 'yo?" tanong niya na puno ng pag-aalala. Subalit hindi ko magawang sumagot.
"S-Sorry, ma. P-Patawarin niyo po a-ako..." pagsusumamo ko. Bakas sa kaniyang mukha na nauubusan na siya ng pasensiya.
"Ano ba kasi 'yon, Samantha!" wika niya gamit ang medyo tumataas niyang boses.
Seryoso ko siyang tinitigan habang dahan-dahan naman itong lumalabo dulot ng mga luha kong nag-uunahan sa paglabas. Ilang minuto rin ang lumipas na puro paghikbi lang ang aking ginawa, bago ko sinimulang buksan ang aking bibig para sabihin sa kaniya ang nararapat niyang malaman.
"M-ma, b-buntis po a-ako."
Isang malakas at hindi ko inaasahang sampal ang tumama sa aking mukha. Wala akong nagawa kung 'di ang mapahagulhol. Napahawak na lamang ako sa parte ng aking pisngi kung saan lumapat ang kaniyang malapad na palad dahil sa sakit.
"Ang hirap na nga ng buhay natin tapos sasabihin mong buntis ka! Ano namang pumasok sa makitid mong utak at nagpabuntis ka? Akala ko pa naman matino kang babae! Pero dahil sa ginawa mo ngayon, wala ka rin palang pinagkaiba sa mga malalanding nakikita ko sa madidilim na eskinita!" sermon niya.
Gusto ko siyang pigilan na huwag sumigaw. Pero alam kong wala akong karapatan na diktahan siya kung ano ang dapat niyang gawin at maramdaman.
"Akala ko talaga matino ka! Akala ko maayos kang babae!" dagdag niya pa na halata ang panginginig ng kaniyang boses dahil sa galit.
Napayuko na lamang ako. Matino naman ako e. Gusto kong ipagsigawan iyon sa kaniya. Matino akong babae. Maling tao lang ang hinayaan kong pumasok sa buhay ko. Maling tao lang ang pinagbigyan ko ng sarili ko. At maling edad lang ang napili ko.
"S-Sorry, ma," mahina kong sabi habang walang sawa sa paghikbi.
"Ano na naman 'to, Samantha? Bakit ginagalit mo na naman ang iyong ina? Ano ba ang problema, ha?" Sa boses pa lang, alam kong si papa 'yon. "Gabing-gabi na pero sumisigaw sa galit ang iyong ina. Ano na lang ang iisipin ng ating mga kapit-bahay?" dugtong niya pa.
Binalingan ko siya pero nanatili pa rin akong tahimik habang umiiyak. Iginiya ko rin ang aking tingin kay mama at nakita kong naiiyak din siya. Pero sa mga mata niya, halata rito ang galit.
"M-m---"
"Lumayas ka, Samantha. Wala akong anak na malandi! Lumayas ka! Layas!" sigaw niya. Sa isang iglap, pakiramdam ko ay gumuho ang aking mundo.
"Isa kang malaking kahihiyan. Lumayas ka!" pagpapatuloy niya.