Nagising si Ricky sa kwarto nya. Naroon sina Emir at Drew.
"Kamusta na pakiramdam mo?" tanong ni Emir kay Ricky.
"Pakiramdam ko po bumangga ako sa pader," sagot ni Ricky na dahan-dahang bumangon.
Napahawak sya sa ulo nya.
"Pinag-alala mo kaming lahat," wika ni Drew.
"Anong nangyari?" tanong ni Ricky.
"Naglayas ka lang naman kahit under influence ka ng Cryssa Flower," wika ni Drew.
Pumasok si Niño sa kwarto kasunod ang isang katulong na may dala na isang tray na may ilang mug at isang pitsel.
"Mabuti naman gising ka na Kuya. Nag-aalala na sina Mama at Papa," bati ni Niño.
"Salamat. Saan nga pala si Jude?" tanong ni Ricky.
"Nasa kwarto nya. Pinagpahinga po muna ni Ate Sandy. Medyo masakit daw po ulo," wika ni Niño.
Maya-maya'y pumasok si Jude.
"Anong nangyari dyan sa ulo mo?" tanong ni Ricky.
"Wala po ito," palusot ni Jude na kumamot sa ulo.
"Nadaplisan ng dart mo nang pinigilan ka nyang tumakas," kwento ni Drew, "Iyan ang mahirap kapag ang kuya mo Special Forces, hindi mo mapipigilan kapag kailangan," dugtong nya pabiro.
"Pasensya na," ani Ricky na nalungkot.
"Wala iyon, Kuya. Wala ka sa sarili kanina," paniniguro ni Jude.
"Pasensya na talaga naging padalus-dalos ako sa mga desisyon ko ng mga nakaraang araw," sising wika ni Ricky.
"Wala iyon. Sa mga susunod lang, huwag mo nang ulitin," sabi ni Drew.
"Oo. Babawi ako," ani Ricky.
"Si Kuya Emir?" tanong ni Ricky.
"Nasa HQ," sagot ni Mike.
"Gusto ko syang makausap pati na rin po si Kuya Ren," wika ni Ricky.
"Sige. Ipapatawag ko sila," sagot ni Mike.
"Lumapit ka muna dito, Jude," yaya ni Ricky.
Umupo sa tabi ng higaan si Jude. Hinawakan ni Ricky si Jude sa balikat, huminga ng malalim at pumikit. Ginamit nya ang kapangyarihan nya para paayusin ang pakiramdam ng kambal. Pagkaraan ng ilang sandali binitawan nya si Jude at nagmulat.
"Salamat, Kuya," ani Jude.
"Pasensya na masyadong mabigat ang tama na naibigay ko sa'yo kaya ramdam pati ni Niño," hingi ng tawad ni Ricky.
Dumaan ang isa pang araw at bumuti ang pakiramdam ni Ricky. Bumalik sya sa sementeryo kasama si Drew para bisitahin ang puntod ni Alyssa. Napansin ni Drew na tila may hinahanap si Ricky.
"May hinahanap ka?" tanong ni Drew.
"Si Marge, ang batang babae na tumulong sa akin noong isang araw. Dito ko sya nakita," ani Ricky.
"Gaya ng sinabi ko wala akong nakitang bata dito," wika ni Drew.
"Hindi ako nagkakamali," wika ni Ricky.
"Tandaan mo nasa impluwensya ka ng Cryssa noon," paalala ni Drew.
"Oo pero sigurado akong totoo sya," ani Ricky.
"Mabuti pa ay tanungin natin ang tagapangalaga dito," wika ni Drew.
Tinungo nila ang opisina ng tagapangalaga ng mga puntod.
"Isang batang babae ba na nakabestida at nagpapakilalang Marge ang tinutukoy nyo?" tanong ng katiwala.
"Opo," sagot ni Ricky.
"Madalas ko syang makita sa puntod na iyon," wika ng katiwala.
Itinuro ng katiwala ang puntod na pinuntahan nila ng bata. May lalaking nakaupo sa harap noon.
"Doon nga po," ani Ricky.
"Ang mabuti pa ay kausapin mo ang lalaking iyon para malaman ang totoo," wika ng katiwala na tinuro ang isang lalaki sa hindi kalayuan.
"Salamat po," wika ni Ricky na nagtaka.
Nilapitan ng dalawang binata ang lalaki na nasa puntod.
"Magandang araw," bati ni Ricky sa lalaki.
Napalingon naman ang lalaki sa dalawang bagong dating.
"Magandang araw. May kailangan kayo?" tanong ng lalaki.
"Pasensya na sa pang-aabala. Kamag-anak nyo po ba ang nakalibing dito?" tanong ni Drew.
"Magulang ko sila," sagot ng lalaki na nabigla sa tanong.
"Gusto ko lang malaman kung may kakilala kang bata na madalas bumibisita sa puntod na ito?" tanong ni Drew.
"Bata?" gulat na tanong ng lalaki.
"Marge ang pangalan nya, mga nasa pito hanggang syam na taong gulang," salaysay ni Ricky.
Napatayo ang lalaki ng marinig ang pangalan ng bata.
"May kakilala akong bata na kapareho ang pangalan pero hindi ko sigurado kung sya ang nakilala mo," wika ng lalaki na inilabas ang cellphone nya.
"Dito sya nagtungo noong isang araw. Sinabi nya na papa nya at mama nya ang nakalibing dyan," wika ni Ricky.
Lalong nabagabag ang lalaki ng madinig ang kwento ni Ricky. Ipinakita nya ang larawan ni Marge na kapareho ang suot.
"Sya ba ang tinutukoy mo?" tanong nito.
"Oo, sya nga," tango ni Ricky na isinauli dito ang cell phone nya.
"Kung ganoon mukhang tama nga ang kinukuwento ng mga taong lumapit sa akin," wika ng lalaki, "Ako nga pala si Gavin."
"Ricky at sya ang kaibigan kong si Drew," pakilala ni Ricky.
"Ang totoo ay mabait na bata si Marge. Ayaw nyang iniiwan si Mama. Base sa mga kwento ay madalas syang nangungulit at nakikipagkwentuhan sa mga bumibisita dito," kwento ni Gavin.
"Oo at parang matanda kung magsalita o magpayo," sang-ayon ni Ricky.
"Kung narito lang sya baka nakasimangot sya at baka naaasar na," sabi ni Gavin.
"Kung narito?" takang tanong ni Ricky.
"Namatay si Marge sa kaparehong insidente kung saan namatay ang aking ina at kapatid. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang kanyang bangkay. Hinihinalang sinunog ang kanyang katawan ng mga Greems," kwento ni Gavin.
Nabigla ang dalawa ng marinig ang kwento.
"Nabanggit din ng katiwala na may mga ulat na may batang babaeng may pareho ng itsura nya na lumilibot dito at nangungulit sa mga bumibisita dito sa sementeryo," wika ni Gavin.
"Ikinalulungkot naming malaman iyan. Pasensya na," wika ni Drew.
"Ayos lang. Kahit paano ay may napapasaya sya. Umaasa lang ako na magpakita sya sa akin para man lang makapagpaalam o malaman ko kung nasaan sya," ani Gavin.
"Salamat at ikinagagalak naming makilala ka. Naniniwala akong magpapakita rin sya sa'yo. Ipagdarasal namin ang kanyang kaluluwa," ani Ricky.
Bumalik ang dalawa sa puntod ni Aly. Nakaramdam ng paninindig balahibo si Ricky kaya napalingon sya sa paligid. Lumingon sya sa paligid pero wala syang nakitang tao maliban kay Drew.
"May problema ba Ric?" tanong ni Drew.
Muling naulit ang pakiramdam na ito. Sa pagkakataong ito ay may kasamang kakaibang lamig ang naturang pakiramdam. Napatukod sya kay Drew.
"Ric!" napatawag na wika ni Drew.
"Ayos lang ako," sabi ni Ricky.
"Mabuti pa ay bumalik na muna tayo sa palasyo para makapagpahinga ka pa," wika ni Drew.
Tumango si Ricky na naglakad pabalik sa sasakyan nila.
Dumating sila sa palasyo na masama muli ang pakiramdam. Nilagnat si Ricky at sinabihang magpahinga ng ina.
"Hindi ka pa dapat lumabas," pangaral ng reyna nang malaman ang nangyari sa kanya.
"Ma, sinat lang ito. Ipapaligo ko lang ito at mawawala na rin po ito," sabi ni Ricky.
"Tama ang reyna, Ric. Masyadong marami nang nangyari nitong mga nakaraang araw sa'yo. Magpahinga ka na muna kahit ngayong araw lang," sang-ayon ni Drew.
"Ipakansela mo Drew lahat ang kanyang gawain ngayong araw," utos ng reyna kay Drew.
"Pero, Ma..." angal ni Ricky.
"Masusunod, Kamahalan," wika ni Drew.
"Ipaalam mo kay Alfred na may sakit ang prinsipe at kailangang magpahinga," dugtong ng reyna.
"Opo," sabi Drew.
"At ikaw naman Eric Nathaniel ay mananatili sa kama mo ngayong araw kung ayaw mong pabantayan kita maghapon," anang reyna.
Walang nagawa si Ricky kung hindi sumang-ayon.
Kinahapunan ay may kumatok sa kwarto ni Ricky.
"Pasok po," wika nito.
Magkasunod na pumasok sina Ren at Emir.
"Maupo po kayo," wika ni Ricky.
"Kamusta na ang pakiramdam nyo Prinsipe?" tanong ni Ren.
"Maayos na po. Salamat," tugon ni Ricky.
"Pinatawag mo daw po kami Kamahalan?" tanong ni Emir.
"Gusto ko lang po sanang humingi ng tawad sa inyo sa aking ginawa noong mga nakaraang araw. Malaking problema ang dinulot ko at maraming muntik ng mapahamak dahil sa aking kapabayaan. Bilang sundalo ng REU ay tatanggapin ko ang parusang igagawad nyo sa akin," hingi ng dispensa ni Ricky.
"Mabuti at naliwanagan ka sa aking nais ipaunawa," wika ni Emir.
"Patawad po Kuya Ren sa mga salitang binitiwan ko sa'yo. Hindi ko po dapat sinabi iyon. Umiral na naman ang tigas ng aking ulo," hiyang-hiyang wika ni Ricky kay Ren.
Napangiti lang si Ren.
"Mabuti naman at nahimasmasan ka kung hindi, itutuloy ko ang aking sinabi," wika ni Ren.
"Nais ko rin po sanang ipagpaliban po muna natin ang paglusob sa Greemlandia. Naging padalos-dalos po ang aking pasya, hindi ako nag-iisip ng maayos ng oras na iyon. Dapat mapag-aralan itong mabuti," banggit ni Ricky.
"Nauunawaan ko naman kung anong pinanggagalingan nyan, Ric. Marami sa atin ang nagnanais na matapos na ang kaguluhang ito," napangiting wika ni Emir.
"Huli na para sabihin mo iyan," sabi ni Ren kay Ricky.
"Nagpadala na kami ng scouts patungo sa Greemlandia. Tama ka na panahon na para sugurin sila. Ihinahanda na ang lahat sa mga oras na ito," wika ni Emir.
"Pero..." alangang wika ni Ricky.
"Pinag-aralan na namin ang mga posibilidad. Handa na ang mga tao," latag ni Ren.
Hinawakan ni Emir si Ricky at pinapasok sa isip nya. Makaraan ang ilang saglit ay bumitaw ito.
"Kung ganoon po ay maghanda kayo at aalis tayo sa lalong madaling panahon," wika ni Ricky.
"Gusto muna naming matiyak ang kalusugan mo at ng kambal bago tayo sumugod. Alam ko namang hindi sila papayag maiwan dito sa Valle para maghintay," wika ni Emir.
"Kaya kailangan mong magpagaling at magpalakas lalo na at maaari na nating makaharap muli sina Heneral Sting at Juno," wika ni Ren.
"Kung ganoon ay lalakad tayo sa isang araw," wika ni Ricky.
"Kung iyan ang inyong nais. Pasasabihan ko na ang hukbo na mag-antabay para sa susunod na mga utos," sabi ni Ren.
"Ipapaalam ko sa inyong ama ang ating plano," wika ni Emir.
"Kailangan pa ring masiguro ang depensa ng kaharian habang wala tayo," wika ni Ricky.
"Nag-iisip ka nang parang isang mahusay na pinuno," puri ni Ren na napangiti.
"Iyan po ang tinuro nya sa akin," balik ni Ricky.
"Mahusay ka talagang mag-aaral," ani Emir.
"Magpapaalam na kami, Kamahalan. Para makapagpahinga at makapagpagaling ka. Baka papugutan kami ng ulo ng reyna kapag nalaman nyang narito kami at kausap ka," pabirong sabi ni Ren.
"Pupugutan ng ulo?" nagulat na tanong ni Ricky.
"Nagpalabas sya ng utos na huwag kang gambalain sa iyong pahinga ngayong araw," kwento ni Emir.
Binisita si Ricky ng mga kapatid nya at nakipagbonding sa mga ito. Nadatnan sila ng hari na nagkakasiyahan, si Ricky nakaupo sa kama nya habang ang mga kapatid ay nakapaligid sa dito.
"Mukhang nagkakasiyahan kayo,. Maaari ba akong makisali?" bati ng hari.
Tumayo at nagbigay-galang ang mga tao roon bago lumapit ang tatlo at humalik sa pisngi ng ama. Babangon sana si Ricky pero sumenyas ang ama na manatili sya sa kama nya. Umupo ang hari sa tabi ni Ricky at hinaplos ang noo at leeg ng binata.
"Kamusta ang pasyente natin?" tanong hari.
"Maayos na ang pakiramdam ko Papa. Ipapaligo ko na lang ito," wika ni Ricky.
.
"Mukhang wala ka na ngang lagnat pero hindi ibig sabihin ay papayag na akong umalis ka. Kailangan mong makabawi man lang. Baka ka mabinat. Ipahinga mo muna ang sarili mo," anang hari.
"Pasensya na Ja. Ayaw pa ring pumayag ni Papa," ani Ricky.
"Ano ba ang balak nyo?" tanong ng hari.
"Magpapaturo po sana si Jaja mangabayo para sa equestrian exams nila," banggit ni Niño.
"Gusto man namin syang turuan kaso nakasagot na po kami ni Niño sa pagsasanay kasama ang Storm troop," wika ni Jude.
"Pwede naman akong magturo sa'yo, Jaja," anang hari.
"Wala po kayong gagawin?" tanong ni Ricky.
"Wala na akong schedule ngayong hapon at balak ko sanang makipagbonding kasama ang mga anak ko," wika ng hari.
"Si papa ang nagturo sa aking mangabayo noon bago pa man ako naturuan ng pormal," kwento ni Ricky.
"Pero paano po si Kuya?" tanong ni Jessie.
"Ipagpapaalam ko sya kay Mama na makalabas," anang hari.
"Salamat Papa. Hindi na po mapalagay si Kuya at baka mabaliw iyan kapag hindi makalabas ng kwarto. Nabanggit ni Kuya Drew na bagot na bagot na daw po sya," patuksong wika ni Niño.
"Mabuti rin namang makalanghap ng sariwang hangin ang si Ricky para mas mabilis ang kanyang paggaling," katwiran ng hari sa reyna.
"Mukhang naiplano nyo na itong lahat," anang reyna na napailing.
"Sige na po Mama. Pakiusap," lambing ni Jessie.
"Tiyakin nyo lang na walang gagawing mabigat ang kuya nyo at papayag ako," bigay ng kondisyo ng reyna.
"Pangako. Kapag lumabag sya sa kasunduan ay ako na mismo ang magpapadala sa kanya sa Phoenix Temple at ipapatapon ko sya doon ng isang taon," anang hari.
"Sige na," payag ng reyna.
Kinahapunan ay nakaupo si Ricky sa bakod ng horse field kung saan tinuturuan ng hari ang dalagita ng mga paraan para mapasunod at mapagbuti pa ang kakayahan nitong mangabayo. Nagmamasid at pinalalakas naman ni Ricky ang loob ng bunso
Bumaba sya at humawak sa bakod na kahoy nang makalayo ang mag-ama. Pumikit sya at pinakawalan ng bahagya ang lakas nya para makarecover ng bahagya ang katawan nya at lakas. Nakaramdam ng bahagyang kilabot si Drew na nakaupo sa hindi kalayuan at nagmamasid sa kanya. Makalipas ang ilan pang saglit ay itinago nya muli ang lakas bago nagmulat ng mata at humingang malalim.
"Ayos ka lang?" tanong ni Drew.
"Mas magaan na ang pakiramdam ko," wika ni Ricky.
"Alam na ba ng pamilya mo ang balak mo?" tanong ni Drew sa kaibigan habang nakatingin sa mag-ama na nagtuturuan.
"Malamang alam na ni Papa dahil may pulong sya kay Kuya Ren kanina," sagot ni Ricky.
"Ang mama mo? Paano si Jaja?" tanong ni Drew.
"Hindi pa nya alam ni Mama pero kakausapin ko sya mamaya pagbalik natin sa palasyo. Balak naming kausapin si Jaja mamaya matapos ang hapunan," wika ni Ricky.
"Mukhang mahihirapan kayong magpaalam sa kanila," sabi ni Drew.
Tumango si Ricky.
"Mas madali pang magpaalam kay Mama kahit alam kong nag-aalala sya sa kaligtasan namin. Kay Jessis, oo. Matagal kaming nagkalayo at nito lang kami muling nagkasama kaya mas nagiging mahirap ito," ani Ricky na tumukod sa bakod.
"Ayos ka lang?" nabahalang wika ni Drew na hinawakan si Ricky.
"Oo. Naninibago lang ako ng kaunti. Kailangan ko lang pakawalan ng bahagya pa ang kapangyarihan ko para maka-adjust. Kailangan ko lang sigurong ikilos ulit ito," wika ni Ricky.
Kaagad namang lumapit si Jessie sa kapatid matapos bumaba sa kabayo.
"Kuya!" tawag ni Jessie na yumakap sa tagiliran ng kapatid.
"Kamusta? Mukhang natutunan mo na patakbuhin ang kabayo mo," tanong ni Ricky.
"Nakuha ko po ang tinuto ni Papa," ani Jessie.
"Mahusay ang aking mag-aaaral. Kaya mo namang gawin mag-isa kailangan mo lang isiping kaya mo," wika ng hari na lumapit sa kanila.
"Sya mismo ang nagturo sa aking mangabayo," pagmamalaki ni Ricky.
"Nakakamiss ang ganito. Matagal-tagal na rin ng makapangabayo ako," anang hari.
"Sana sa susunod na pagkakataon kasama na natin sina Kuya at Mama," anang dalagita.
"Darating tayo dyan," anang hari.
Biglang bumahin si Jessie.
"Ang mabuti pa ay bumalik na tayo sa palasyo baka ikaw naman ang magkasakit," ani Ricky.