Wala nang makapipigil pa sa plano niyang matagal nang niluluto sa puso at isip niya. Tahimik siyang tumayo sa puwesto niya nang may bumaba ring isa pang lalaki mula sa ikalawang palapag. Matangkad. Parehong-pareho ng tindig ng panganay na anak ni Marcus na si Asher. Nakilala niya agad kung sino ito. “Ashton…” mahina ngunit malinaw na sambit ni Arvill habang bahagyang yumuko bilang paggalang. Huminto ang lalaki sa tapat niya at tinaasan siya ng kilay. “Hindi ako si Ashton,” tugon nito. “Oh, bago ka ba rito?” Parang binuhusan ng malamig na tubig si Arvill. Mas sinuri niya ang mukha… oo nga. Pareho ang hulma ng ilong at panga, pero mas malambot ang ekspresyon ng isang ito. Mas magaan ang awra. Wala ang matalim na titig na napansin niya kapag si Ashton ang kausap niya. “Pasensiya na p

