“Hindi ka nag-iisa, Aviona. At kung sa tingin nila madali kang patahimikin, nagkakamali sila. Kahit sila ang may pera, huwag kang magpapaapi.” Tumango ako. Nagyakap kaming dalawa ulit. Muli ay nanumbalik sa alaala ko ang masaklap na nakaraan ko. Pagkatapos kunin ng SOCO ang mga bangkay ng mga magulang namin, parang biglang tumahimik ang mundo… hindi iyong payapang katahimikan, kundi iyong klase ng katahimikan na nagdudulot ng lalong kirot sa puso namin. Dahil ulilang lubos na kami at wala pa sa tamang gulang para buhayin ang mga sarili namin, kinuha muna kami Uncle Rolly, kapatid ni Papa, sa bahay niya. Sa unang gabi pa lang, mahigpit niya na kaming niyakap ni Kuya Arvill. Pakiramdam namin ay nakahanap kami ng kanlungan sa gitna ng unos. “Dito muna kayo,” sabi niya, paos ang boses.

