Chapter 10

1907 Words
NADATNAN ni Zionne na nagluluto ng almusal si Howard, kung saan ay hindi niya nakasanayan sa ka-live in. Marahil ay bumabawi ito dahil sa paghihintay niya ng matagal kagabi. Mataas na ang sikat ng araw dahil mag-aalas otso na rin ng umaga at sa halip na kumustahin si Howard ay nilagpasan niya lamang ito sa kinatatayuan upang dumiretso sa kusina at kumuha ng maiinom sa refrigerator. "O, gising ka na pala," puna nito na tila walang naging epekto sa kaniya. Ayaw niyang pagtaasan ito ng boses sa ganitong oras lalo na't kagigising niya lang. Bagama't clueless pa rin sa isipan niya ang mensaheng nabasa kagabi. Pabalik na sana siya sa may salas nang muli niyang marinig ang boses nito, "Anong oras ka pala natulog kagabi? Pasensya ka na kung pinag-alala pa kita." Napabuntong hininga siya at piniling sagutin ang katanungan nito, "Mag-aalas dose na ng gabi," tipid na aniya. Doo'y napakunot ang noo ni Howard. "Pero hindi ka dapat nagpupuyat, baka mapasama 'yan sa ipinagbubuntis mo." Napatingin lamang siya sa kawalan at sa halip na sagutin ang sinabi ng kasintahan ay bigla niyang binago ang usapan. "Nga pala, magpapa-check up ako bukas, day off mo rin naman non, 'di ba?" Mabilis na nakatango si Howard. "P'wede mo ba akong samahan?" Simpleng ngiti ang pinakawala nito habang naghihintay siya sa isasagot nito. "Siyempre naman, anong oras ba tayo aalis?" "Mga alas sais ng umaga, mahaba raw kasi ang pila sa center," sagot niya kahit labag sa kaniya na kausapin ng ganoon si Howard. Aaminin niyang naiinis pa rin siya rito. "Okay sige, sasamahan kita." Tipid lang siyang ngumiti kay Howard. "Kain na tayo," pang-aaya nito na nagbigay ng kaunting kiliti sa puso niya. Aaminin niyang hindi siya nasanay sa pagiging maasikaso ng kasintahan dahil madalas itong tanghali nang nagigising. O 'di kaya ay babangon lang ito kapag may nakahain ng pagkain. Tunay nga sigurong kapag may kasalanan ang isang tao ay gumagawa ito ng paraan para bumawi. Fried rice, pritong itlog at longganisa ang nakahain sa may lamesa. Habang kumakain ay kinuha niya ang sandaling iyon para kwestyunin si Howard, "Nga pala, may nabasa akong message mula sa isang unknown number sa cellphone mo kagabi. Sino ba 'yon?" pang-uusisa niya. Doo'y napaayos nang pagkakaupo si Howard bago pa man sumagot, "Ah! Si Fred 'yon, kaibigan ko na stock man din." Akala nito ay tatahimik na siya pero lalo lang naging curious si Zionne para magtanong muli, "Saan ka nag-inom kagabi? At sino ang mga kasama mo?" pang-uusisa niya pa rin. Umaasa kasi siya na maririnig mismo sa bibig nito ang katotohanan. "Nagkaayayaan lang sa bar ang buong men's department, p-pero 'wag kang mag-alala dahil puro lalaki lang naman kami." "Sinungaling!" tanging sigaw ng isip niya. Napangisi lang siya at saka nagtanong muli, "Pero may session ulit kayo mamaya, 'di ba?" kalmado pa rin na aniya kahit sa loob-loob ay inis na inis na siya. "Ewan ko nga kung pupunta ako, e. Lalo na ngayon at mukhang galit ka sa ginawa ko." Hindi man lang nito magawang tumingin sa mga mata niya nang sabihin iyon at para sa kaniya ay mukhang magbabago pa ang desisyon nito. "Sino ba namang hindi magagalit sa ginawa mo, Howard? Wala ba akong karapatan na malaman kung saan ka nagpupunta at kung sino ang mga kasama mo?" madadamdaming tugon niya. At sa puntong iyon ay nagkaroon ng sandaling katahimikan. Pero ilang sandali pa ay hindi niya inaasahan na biglang ibabagsak ng kasintahan ang hawak-hawak nitong kutsara't tinidor sabay sabing, "Putcha naman, Zionne! Parang sinasakal mo naman ako sa leeg, e. Minsan lang naman ako magpakasaya kasama ang tropa tapos ki-kwestyunin mo pa ang karapatan mo?" Napatayo ito kaya sinundan niya ito ng tingin. "Diyan ka na nga, nakakawalang ganang kumain kapag ganiyan!" Naiwan siyang mag-isa sa lamesa na may nangingilid na luha. Kahit wala ng ganang kumain ay pinilit niya iyong ubusin. Pagkatapos ay iniligpit ang mga pinagkainan bago pa man mag-asikaso para pumasok, at kagaya nang nakagawian ay sabay pa rin silang pumasok sa trabaho ni Howard kahit may hindi sila pagkakaintindihan. Maingat siyang umangkas ng motorsiklo at habang nasa biyahe ay hindi man lang nila nagawang mag-usap hanggang sa makarating sila sa work place. Nang tuluyan na silang maghiwalay ay napansin niya na ini-park ni Howard sa may gilid ang motorsiklo nito. At dahil nga wala silang imikan ay hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya kung saan ito pupunta habang siya ay napabalik mula sa paglalakad upang sundan ang nobyo kung saan ito pupunta, kahit naghahabol siya ng oras. At dahil pasado alas nuwebe pa lamang ng umaga ay hindi pa bukas ang mall kung kaya't hindi pa maaaring pumasok doon si Howard. Sa kuryosidad ay sinundan niya pa ito at sa pagsunod niya ay nakita niyang humihithit ito ng sigarilyo sa may isang private way, nadismaya siya sa nakita dahil first time niyang makitang magyosi ang nobyo lalo pa't lingid iyon sa kaniyang kaalaman. Napailing na lamang siya sa nakita dahil parang hindi rin nanghihinayang si Howard sa ginagastos na pera para sa sigarilyo at alak, maging sa magiging salary deduction kung sakaling ma-late ito. Naiinis ma'y hindi niya na ito nagawang lapitan dahil nakita niyang mayroon na lamang limang minuto bago ang oras ng kaniyang pagpasok. At pagkapasok niya sa may employees entrance ay hindi inaasahang makasasabay niya si Paul na nakapila para sa prisking at checking ng bags. "Kumusta?" Hindi niya inaasahang wika nito. Hindi na niya matandaan kung kailan sila huling nag-usap nito simula nang magsama silang dalawa ni Howard. Lalo na't hindi maganda ang kanilang naging huling pag-uusap. "Ayos lang," tipid pero nakangiti niyang sagot. Gusto niya pa rin iparamdam sa kaibigan na masaya siya sa presensya nito. Napatingin ito sa tiyan niya na hindi pa rin mahahalatang nagdadalang tao siya dahil na rin sa balingkinitan niyang katawan. "Parang hindi ka lang buntis, ah," nakangiti pang wika nito. Doo'y napangiti siyang muli habang sabay silang naglalakad papunta sa may locker room. Pero hindi niya inaasahan ang sumunod na sinabi nito, "Ingatan mo ang magiging baby ni'yo, hah. Kung may problema ka, nandito lang ako." At tanging ngiti lang ang isinagot niya dahil sa totoo lang ay wala siyang mood na makipag-usap ngayong araw. - Nang sumapit ang oras ng out sa trabaho ay hindi man lang nakita ng dalawang mata niya si Howard. Mabuti na lamang at nakasalubong niya si Gelo na isa sa mga kaibigan nito. "Ah, Gelo, nasa loob pa ba si Howard?" umaasang tanong niya. Sandali itong napakamot sa ulo bago pa man sumagot, "Ah, hindi ba nagpaalam sa'yo? Nag-under time 'yun, e. Dahil pupunta raw sila kila Bob." Naalala niyang muli ang isang mensahe na naglalaman ng pangalan ng Bob na 'yon. Hindi siya pamilyar sa pangalan no'n kung kaya'y napatanong siyang muli, "Sinong Bob 'yon?" "Ah! 'Yung sales clerk sa men's department, 'yung may hawak ng Levi's? 'Di mo ba 'yun kilala?" "Hindi, e. Ah, s-sige, Gelo. Salamat sa impormasyon." At saka napatango lang ito bago pa man siya tuluyang lampasan. Doo'y lalong tumindi ang galit niya para sa kasintahan dahil hindi man lang nito magawang tumanggi sa ganoong pagkakataon, lalo na't buntis pa siya. Kaya kahit nagtitipid ay nagawa niyang mag-commute na lang pauwi. Kinabukasan ay maaga siyang nagising para magtimpla ng gatas, wala pa kasi siyang ganang kumain kaya pinili niyang hindi magluto ng almusal. Nakita niyang mahimbing pang natutulog si Howard kaya pinili niya munang inumin ang gatas at maligo bago ito gisingin. Pagkapasok sa kuwarto ay agad niyang ginising si Howard. "Howard." Nakita niya ang pagkilos ni Howard, senyales na gising na ang diwa nito. Humahalimuyak pa rin ang maaamoy ng alak mula sa bibig nito. At kagaya nga nang sinabi ni Gelo ay nag-inom na naman ito. Hindi niya na kasi nahintay ang pagdating nito kagabi dahil antok na antok na siya. "Howard, gising na," muli niyang paggising dito habang niyuyugyog ito. "Oh." Boses lasing pa rin ang tono nito. At mukhang kasarapan pa rin ng tulog kung kaya hindi niya maiwasang mainis dito dahil ganoon na lamang nito hindi pinapahalagahan ang pagbubuntis niya. Sa inis ay sumuko na rin siyang gisingin ito. "Kung ayaw mong bumangon diyan, bahala ka!" inis niyang sabi. Dahil dito ay nagpasya siyang bumiyahe mag-isa. Lakas ng loob at panalangin ang naging sandata niya upang makarating ng ligtas sa center. Pasado alas sais na nang makarating siya roon at marami na ring mga pasyente ang naroon. At dahil first time ay hindi siya nahiyang magtanong kung paano ang process. "Salamat sa info, hah?" aniya sa katabing buntis na medyo malaki na ang tiyan na nagngangalang si Anica. "No worries, oh teka, sino pa lang kasama mo?" "A-ako lang," tila nahihiya niyang sagot. "Pareho tayo, naku! Bibihira na lang talaga ang mister na maaasahang samahan ka para sa pre-natal check up, madalas ay inom o barkada ang inuuna, e. Okay lang sana kung nasa work, excused pa." Gusto niya sanang sumang-ayon sa sinabi nito pero naisip niya na baka may ibang dahilan din ang nakagawiang pag-iinom ni Howard. "Ah.. busy lang kasi ang partner ko, madalas pagod kaya okay lang sa'kin na hindi niya ako masamahan," pagtatanggol pa niya sa nobyo kahit sa loob ay malaki na talaga ang nararamdaman niyang inis at galit dito. "Ganoon ba, pero malapit ka naman ba sa biyenan mo?" Napayuko siya. "Iyon nga lang, wala akong balita tungkol sa magulang ng partner ko. Ang sabi niya lang ay may ibang pamilya na ang mama niya habang matagal ng patay ang papa niya." "Ah, I'm sorry to hear that, anyway, nice to meet you, I'm Anica, ikaw ba?" "Zionne," tipid na sagot niya at nadagdagan pa ang palitan nila ng kuwentuhan hanggang sa tawagin na sila ng nurse para iparinig ang heartbeat ng baby. Anong saya ang naramdaman ni Zionne nang unang marinig ang heartbeat ni baby, para bang napawi ang lungkot sa puso niya. Doo'y mas nanaig sa kaniya ang paniniwalang dapat ay mas maging matatag pa siya. Pagkauwi niya ng bahay ay hindi niya inaasahang madadatnan pa rin na tulog si Howard. Nanginginig na siya sa gutom at laking pagsisisi niya dahil hindi pa siya bumili ng pagkain sa labas. Sa inis ay tila sumabog ang brain cells niya kung kaya't napasigaw siya nang malakas. "Ano, Howard? Ganiyan ka na lang ba maghapon? Pagkatapos magpakasarap mag-inom ay hihilata na lang sa higaan?" Dahil sa lakas ng sigaw niya ay napabalikwas ito sa pagbangon. Napahawak agad ito sa ulo na mukhang iniinda ang sakit. "Ang sakit ng ulo ko.. pasensya na kung tinanghali ako ng gising," anito. "Bakit ka ba kasi nag-inom kagabi? Napapadalas na 'yang pag-inom mo, e! Baka naman sa pag-iinom nauubos ang pera mo!" naiinis na sabi niya. Hindi niya lubos akalain na naaapektuhan ng ganoon ang emosyon niya, dala na rin siguro ng hormones kapag nagbubuntis. Sa sobrang inis ay padabog siyang umalis ng kuwarto at bumalik na siya sa may kusina. Doo'y no choice siya kundi ang kumain na lamang ng instant noodles. Pero hindi pa man siya nakatatagal mula sa pagkain ay isang yakap mula sa likuran niya ang nakapagpatigil sa kaniya at mas lalo siyang nainis sa mga salitang binitawan nito, "Sorry na, nagkaayayaan lang ulit kagabi ang tropa, hindi ako nakatanggi." Itutuloy..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD