NATAPOS ang kainan at ang mga bisita ay binati ang bagong dating ng "Maligayang Pagbabalik". Nasa bandang sulok ako kung saan walang ilaw na pwedeng magbigay liwanag sa'kin. Ininom ko ang natitirang laman ng baso na hawak ko.
"Athalia, ikaw ba yan?" anang baritonong boses na nanggagaling sa likuran ko. Lumingon ako at nasilayan ang isang napakagwapong nilalang na nakatayo malapit sakin. Si Luke. Kaylaki talaga ng pinagbago niya. Binatang-binata na siya.
"Luke? Oo ako nga. Kamusta ka? Maligayang Pagbabalik!" bati ko sa kanya.
Nginitian ko siya at ngumiti rin siya pabalik. Naglakad siya papalapit sa'kin. Napakagwapo talaga niya sa suot na kulay abong suit. Yung sapatos niya lang ang itim. Tumabi siya sa'kin. Tiningala ko ang buwan. Tumingala rin siya.
"Hindi ka pa rin nagbabago Luke. Ikaw parin yung adik sa color gray,"
At nagtawanan kami. Tinitigan niya ako. Nagbaba ako ng tingin. Hindi ko kayang makipagtitigan sa kanya. Parang anomang oras mawawalan ako ng urirat dahil sa intensidad ng titig niya.
"Ang laki rin ng pinagbago mo. Ang ganda mo. Dalagang-dalaga ka na," puri niya sa akin.
Tinitigan niya ako hanggang 'yung titig niya bumaba sa aking mga labi. Lumakas ang kabog ng aking dibdib. Hahalikan ba niya ako?
"Athalia, you're here!" Si Charles ang tumawag sa akin. Lumapit siya sa amin.
"Hi, im Charles. Athalia's new friend." Inilahad nito ang kamay kay Luke. Tinanggap naman ni Luke ang pakikipagkamay ni Charles.
"I'm Luke, Athalia's best friend since childhood." Pakilala ni Luke.
Nagulat ako. Best friend? Tama ba ang narinig ko? Oh baka sinabi lang niya iyon dahil nagpakilala si Charles bilang kaibigan ko. Nasaktan ako sa isiping iyon. Tiningnan ko siya. Mukhang seryuso siya sa sinabi.
"Pwede ko ba mahiram saglit si Athalia para maisayaw?" paalam nito.
Doon ko lang napansin na nagsasayawan na ang mga ibang panauhin. Wala na rin ang mga mesa. Pumapailanlang ang samyo ng musiko sa kalaliman ng gabi.
"Oo naman," pag sang-ayon ni Luke pero ramdam ko na napipilitan lamang ito. Dahil ba sa naistorbo ni Charles ang pag-uusap naming dalawa?
Umalis na rin si Luke. Naglakad na kami ni Charles paalis sa lugar na iyon. Nang nasa gitna na kami kinuha niya ang kamay ko at inilagay sa balikat ko. Samantala yung isang kamay ko ay hawak-hawak niya. Yung isang kamay naman niya nasa beywang ko. May ilan din na nakasuot ng kagaya sa'kin ang nakipagsayawan.
Nagsimula na kaming sumayaw. Nakita ko sa gilid ng aking mata si Luke at ang nobya niya na nagsasayaw. Magkadikit ang mga katawan nila. Makikita mo ang pagmamahal nila sa isa't-isa. Naiinggit ako sa nakikita ko. Gusto ko ako ang 'yung isinasayaw ni Luke.
Bigla akong nag-angat ng mukha ng magsalita si Charles.
"Kung liligawan ba kita papayag ka ba?"
At hinapit niya ako palapit sa kaniya. Wala akong maramdaman na kahit katiting na pagtingin para kay Charles pero sabi nga nila natututunan ang pag-ibig. Wala naman sigurong masama kong papayagan kong ligawan niya ako.
Oo naman. Wala naman akong boyfriend kaya pwede ka manligaw," tugon ko at nginitian siya.
Pagkatapos ng kasiyahan na iyon ay inihatid kami ni Charles pauwi sa amin.
"Salamat sa paghatid Charles."
"Walang anuman. Good night," tugon niya. Inihatid ko siya ng tanaw hanggang sa mawala siya sa aking paningin. Pagpasok namin ni inay sa bahay ay agad siyang nag-usisa sa akin.
"Sino 'yun?"
"Si Charles po 'nay. Nagkakilala po kami kanina. Balak po niya akong ligawan. Maari po ba inay?" tanong ko.
"Wala naman masama kung magpapaligaw ka anak. Pero, kilalanin mo siya ng mabuti dahil mahirap kapag di mo pa lubos na kilala 'tapos kapag naging asawa mo na saka mo lang malalaman kung sino siya. Nasa huli ang pagsisisi anak," sermon niya sa akin.
"Opo inay. Saka nanliligaw pa lang po siya. Akyat na po ako sa kwarto ko 'nay. Magpapahinga na po ako. Napagod ako ngayong araw na ito. May pasok pa po ako bukas," paalam ko at hinalikan siya sa pisngi.
Habang nakahiga ay iniisip ko kung tama ba ang desisyon ko na magpaligaw kay Charles. Bahala na. Ayaw ko muna isipin ang mga bagay-bagay. Ipinikit ko na ang mga mata para matulog.
NAGISING ako sa ring ng cell phone ko. Unregistered number. Sinagot ko iyon.
"Sino po sila?" tanong ko sa kung sino man ang tumawag.
"Lumabas ka ng bahay niyo."
Luke? Si Luke ba ang nasa kabilang linya? Paano nito nalaman cell phone number ko? At bakit siya napatawag ng ganitong oras? Lumabas ako ng bahay at nakita ko siya na nasa labas nakasandal sa sasakyan niya.
"Anong ginagawa mo dito? Alas singko palang ng umaga ah?" tanong ko sa kanya.
"Gusto lang kita makita. Baka mamaya pumunta na dito 'yung Charles at ihatid ka sa trabaho. Ihahatid ko sana kayo kagabi kaso naunahan ako." Parang may halong tampo ang boses niya. Pero bakit?
"Hindi naman niya ako ihahatid. Umuwi ka na at tatawagan nalang kita kapag susunduin mo na ako. Baka magalit girlfriend mo niyan."
Ayaw kong ako ang pagmulan ng away nila. Pero ano naman ngayon? Mas una kaming nagkakilala ni Luke at magkaibigan lamang ang turingan namin sa isa't-isa. Ipagkakait ba niya yun? Eh, mas matagal kong nakasama si Luke kaysa sa kaniya. Lumapit siya sa sa'kin.
"Talaga? Hindi ka niya ihahatid?" Tinitigan niya ako sa mga mata. Tumango ako.
"Sobrang namiss kita Athalia. Hindi ko lang mapigilang mainis sa kanya dahil imbes na solo kita kagabi nandoon siya at sinira 'yun."
Bakit sinasabi niya iyon sa akin? Mas lumapit pa siya sa akin. Mula sa pagtitig sa aking mga mata, bumaba ang kaniyang tingin sa aking mga labi. Ibinaba niya ang kaniyang ulo para halikan ako. Malapit na maglapat ang aming labi ng..
Isang malakas na katok sa pintuan ang nagpagising sa'kin. Nagpagising sa isang matamis na sandali na isang panaginip lang.
"Anak! Gising na. Mag-aalas syete na. Baka ma-late ka sa trabaho. Hinihintay ka ni Luke. Ihahatid ka daw niya. Halika na at ng makapag-agahan na tayo,"
Agad akong napatayo. Napatingin ako sa orasan. Napatapik ako sa aking noo ng makita ang oras. Alas syete na pala. Napagod kasi ako kagabi kaya napasarap ang tulog ko. Ano sabi ni inay? Nandito sa bahay namin si Luke. Nanaginip na naman ba ako? Kinurot ko ang aking braso. Nang masaktan ako doon ko nalaman na nasa reyalidad ako.
"Opo, bababa na po ako!" sigaw ko. Nakarinig ako ng yabag na papalayo.
Pababa na ako ng hagdan makita si Luke na nasa hapag kainan at masayang nakikipagkwentuhan kay inay. Nakahain sa mesa ang pritong isda na may sawsawan na bagoong. Mayroong ding itlog at hotdog na nakahain. Napatingin siya sa sa'kin ng makitang pababa na ako ng hagdan.
"Good morning. Pasensya na hindi na ako nakapagpaalam na bibisita ako kasi wala naman akong cell phone number mo," paliwanag niya. Sasagot na sana ako ng maunahan ako ni inay.
"Okay lang 'yun iho. Welcome na welcome ka dito sa bahay kahit hindi ka na magpaalam. Kumain ka lang, huh? Tiyak na na-miss mo ang mga 'to. Alam ba ni Olivia na nagpunta ka dito?"
Umupo na ako sa hapag kainan. Magkaharap kami ni Luke. Nagkatinginan kami. Ibinalik niya ang tingin kay inay.
"Hindi po. At saka nasa Manila po siya ngayon kasama si Mickaela. May importanteng inaasikaso," paliwanag niya.
Tumingin siya sa akin. Nagtama ang aming ang mga mata. Ako ang unang nagbawi ng tingin at minadaling tapusin ang agahan. Baka ma-late ako sa trabaho dahil may kaltas iyon.
"Saan ka nagtratrabaho ngayon Athalia?" tanong ni Luke sa akin.
"Sa isang garment factory ang Heirwone Enterprise. Marketing Staff ako doon. Ipinasok ako doon ni Ate Melissa," sagot ko sa kanya habang nasa pagkain pa rin ang atensiyon ko.
"That's good to hear. Maganda ang Heirwone Enterprise at de-kalidad ang produktong ginagawa nila. Nangangailangan kasi ako ngayon ng katuwang sa pamamahala sa hacienda. Pero, dapat kilala ko. Hindi rin kasi biro ang magtiwala ngayon," saad niya.
Tumango lang ako bilang pagsang-ayon sa kanya. Matapos kumain, tumayo na ako para maligo at magbihis. Nagpaalam muna ako sa kanila na abala sa pakikipagkwentuhan. Pagkatapos kong maligo, lumabas na ako ng kwarto. Nakita kong naghuhugas ng pinggan si inay. Tapos na pala silang kumain.
"Mauna na ako 'nay," paalam ko.
"Oh sige. Mag-iingat kayo ni Luke," tugon niya.
Pumunta na ako sa labas. Nadatnan si Luke na nakatayo at nakasandal sa kotse niya. Ng makita niya ako, agad siyang pumunta sa passenger seat at binuksan ako ng pinto. Naglakad ako patungo roon at pumasok matapos magpasalamat. Nang maisara ni Luke ang pintuan, umikot siya at sumakay sa driver seat. Minaniobra iyon patungo sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko.
WALANG umiimik sa amin habang binabagtas ang daan papunta sa pinapasukan kong garment factory. Tumingin ako sa labas ng bintana. Pinagmasdan ang mga bukirin na may tanim na mga palay. Malapit na naman ang anihan. Ang mga nakikita ko ngayon ay pag-aari nila Luke. Bigla siyang nagsalita.
"Mukhang nagkakapalagayan na kayo ng loob ng lalaki kagabi. Sino ba 'yun?" sabi niya. Bakit parang naiinis siya base sa tono ng boses niya? Oh guni-guni ko lamang 'yun?
"Balak niya akong ligawan. Pumayag naman ako. "
Tumingin ako sa kanya. Biglang tumalim ang mata niya. Ano bang problema niya? Nagagalit ba siya? Ano karapatan niyang magalit? Hindi na siya umimik sa buong byahe hanggang sa narating namin ang Heirwone Enterprise na pinapasukan ko.
Bumaba na ako ng sasakyan. Hindi na siya nag-atubiling pagbuksan ako ng pinto. Pinausad na niya iyon palayo ng hindi man lang nagpapaalam sa akin. Sabagay, sino ba naman ako? Napangiti ako ng mapait. Huminga ako ng malalim at pilit iwinaksi sa aking isipan si Luke.
PAGLABAS ko ng gusali kung saan ako nagtratrabaho, nakita ko si Charles sa isang sulok at mukhang hinihintay ako. Nginitian niya ako. Nginitian ko rin siya pabalik. Nang makalapit ako ay agad niyang kinuha ang bitbit kong bag.
"Ano ginagawa mo dito? Paano mo nalaman na dito ako nagtratrabaho?" tanong ko sa kanya. Nagtataka lang ako kasi hindi ko naman nabanggit sa kanya kagabi kung saan ako nagtratrabaho.
"Tinanong ko kay Melissa. Pagkahatid ko sa'yo kagabi bumalik ako sa mansiyon para balikan sina mom at dad. Then, nakakwentuhan ko siya at tinanong ko kung saan ka nagtratrabaho," paliwanag niya. Tumango naman ako. Nilakad na namin ang daan papuntang parking lot.
"Saan tayo pupunta? Hindi ba pwede na umuwi muna ako para magpalit?"
Hindi naman pwede na ganito ang suot ko kung may pupuntahan man kami. Kailangan desente din akong tingnan lalo at makikita sa pananamit ni Charles na may sinasabi siya sa buhay.
"Ayos na iyan. Hindi mo na kailangang magpalit, maganda ka naman kahit iyan ang suot mo," puri niya sa'kin.
Ramdam ko ang pamumula ng aking mukha dahil sa papuri niya. Nagpasalamat ako sa sinabi niya. Sumakay na ako sa magara niyang kotse pagkatapos niya akong pagbuksan ng pintuan. Sumakay na rin siya sa driver's seat. Pinaandar na niya ang sasakyan patungo sa lugar kung saan niya ako dadalhin.
Habang binabagtas namin ang daan patungo sa isang restaurant. Medyo may kalayuan ang restaurant. Nakaramdam ako ng kaba. Tama ba ang pagsama ko sa kaniya? Gayong noong isang gabi ko lang siya nakilala.
"Mukhang di ka mapakali. Nag-aalangan ka ba sa akin, Athalia? Wala akong gagawing masama sa iyo. Hindi kita sasaktan. Magtiwala ka lang. Oo alam ko na noong isang gabi lang tayo nagkakilala pero ibigay mo sa akin ang tiwala mo. Hindi kita gagawan ng masama," paniniguro niya.
"Pasensya ka na kung ganoon ang tingin ko sa'yo. Hindi ko lang maiwasan lalo at hindi pa kita lubos na kilala."
"Ayos lang naiintindihan ko," aniya at ngumiti saka ibinalik ang tingin sa daan.
Tama lamang na sinabi ko iyon sa kaniya. Kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko. Siguro tama nga siya. Hindi niya ako pababayaan. Magtitiwala na lang ako na wala siyang gagawing masama sa'kin.
Tumingin ako sa labas at napasulyap sa side mirror ng sasakyan. May nakasunod sa amin na sasakyan. Parang pamilyar sa'kin ang itsura niyon. Napakunot-noo ako. Sasakyan ba iyon ni Luke? Umiling ako.
Baka kamukha lang at iisang daan lang tinatahak namin. Bakit naman niya ako susundan? May dahilan para sundan ka niya dahil kaibigan ka niya at nag-aalala siya sa'yo. Anang isang bahagi ng isip ko. Pero siya nga ba ang nagmamay-ari ng sasakyan na iyon?