CHAPTER TWO

2963 Words
HABANG tinatahak ni Light ang daan papasok ng subdivision nina Winona ay paulit-ulit niyang sinasabi sa utak ang natatandaan niyang direction na sinabi nito kung paano makakapunta sa bahay nito. Tatlong kanto tapos liko sa kanan… Tatlong kanto… Tatlong kanto… Kakalampas lang niya sa unang kanto nang matigilan siya. Nakita na niya si Winona at basang-basa na nga ito ng ulan. Ngunit imbes na sumilong ang babae ay mukhang nag-e-enjoy pa ito. At sa sobrang enjoy nito ay sumasayaw pa talaga ito. Stupid! Hindi ba niya alam na hindi lang siya ang mababasa kundi pati ang bag niya? Naiinis na turan niya sa kanyang isip. Kahit kailan talaga ay hindi ito nag-iisip. Malalaki ang mga hakbang na naglakad siya palapit kay Winona. Wala na siyang pakialam kahit natitilamsikan ng tubig ulan at putik ang kanyang pantalon at sapatos. Agad niyang pinayungan ang babae kahit alam niyang wala na iyong silbi dahil nga sa basang-basa na ito. “Bakit ka nagpapaulan?!” sita niya dito. “Hindi mo talaga ginagamit ang utak mo kahit kailan! Hindi mo ba alam na pwede kang magkasakit sa ginagawa mo, ha? At tignan mo, basa na ang bag mo!” Winona just smiled at him kaya naman napatulala siya. “Ano ka ba, Light? Water-proof kaya ang bag ko!” At tumalikod pa ito para ipakita sa kanya ang bag. Matapos iyon ay tumakbo ito palayo sa kanya at nagtatalon sa mga naipong tubig-ulan sa gilid ng kalsada. Hindi pa ito nakuntento at in-spread pa nito ang dalawa nitong braso, tumingala at nagpaikot-ikot. Naalala tuloy bigla ni Light noong bata pa siya. Never siyang pinayagan ng daddy niya na maligo sa ulan. Ayon sa mga ito ay sakit lang ang makukuha niya kapag ginawa niya iyon. Kaya naman ganoon na lang ang inggit niya sa mga kalaro niya kapag umuulan. Nakakaligo at nakakapagtampisaw kasi ang mga ito sa ulan. Habang siya ay nakasilip lang sa bintana at pinapanood ang mga ito. Napailing na lang siya nang makita niyang nakabukas pala ang mga mata at bibig ni Winona habang nakatingala. Tila sinasalo talaga nito ang patak ng ulan! “Hey! Stop that!” pasigawa na saway niya dito. Muli niya itong nilapitan. “Ahhh!!! Ang sakit pala sa mata ng ulan at ang lasa niya… matabang!” Tumingin ito sa kanya at parang bata na ngumiti. “Pero, okay lang kahit masakit sa mata at matabang ang ulan. Atleast, nakita ko ang maganda niyang pagbagsak.” Nagulat na lang si Light nang biglang hablutin ni Winona ang isa niyang kamay. Hinila siya nito pero hindi siya nagpadala. “Anong ginagawa mo?” tanong niya. “Maligo ka rin sa ulan. Maglaro tayo, Light!” anyaya nito. “Ha? Hindi na ako naglalaro. Matanda na ako.” “Matanda? Ang matanda ay iyong may puting buhok na at uugod-ugod na katulad ng lola ko. Bata ka pa kaya!” “Yeah, I know but--” “Ano ka ba? Maglalaro lang naman, e. Sige na!” Natulala at napakurap na lang si Light nang magpa-cute sa kanya si Winona. Hindi niya alam kung sinadya ba nito iyon o ganito talaga ito. “A-anong laro ba?” Parang nahipnotismong tanong niya. “Laro tayo ng basa-basaan, habol-habulan tapos tulak-tulakan! Parang ganito!” At ganoon na lang ang pagkabigla ni Light nang walang pasabi na itinulak siya ni Winona. Dahilan iyon para matumba siya at mapaupo sa basang semento. Nabitawan pa niya ang hawak na payong kaya naman tuluyan na siyang nabasa ng ulan. “Look what have you done!” galit na sigaw niya. “Ang lampa mo pala, Light!” Tumatawang sabi nito. “Ah, gano’n ha… Lampa pala? Humanda ka sa akin!” Malakas na napatili si Winona nang bigla siyang tumayo at habulin ito. Para silang mga bata na naghabulan sa gitna ng ulan. Walang pakialam kung basa na basta makapaglaro lang. Ang seryosong mukha ni Light ay unti-unting nabahiran ng ngiti. Akala mo ay hinahabol ng killer kung makasigaw naman si Winona. Kapag naaabutan niya ito ay itinutulak niya ito at walang arte na nagpapagulong-gulong ito sa semento. Napakalakas ng tawa niya kapag ginagawa nito iyon. Para kasi itong troso kung makagulong. Tapos siya naman ang hahabulin nito at ganoon din ang gagawin niya. Hanggang sa habang hinahabol niya si Winona ay naisip niya na parang hindi na siya ito. Sa isang iglap ay nakalimutan niya na hindi niya ito dapat ginagawa. Ang mabilis na takbo ay bumagal hanggang sa naglalakad na lamang siya. At tuluyan na siyang tumigil… Napansin yata ni Winona na hindi na niya ito hinahabol kaya naman huminto ito at nilingon siya. “Hoy, Light!!! Suko ka na ba? Ang dali mo naman palang sumuko, e!” sigaw nito sa kanya habang kumakaway. “Habulin mo pa ako! Bilisan mo! Samantalahin na natin habang hindi pa natigil ang ulan, o!” “Ayoko na!” Malamig niyang tanggi. Binalikan niya ang payong at itiniklop iyon. Patakbong nilapitan siya ni Winona at niyugyog sa braso. “Ano ba `yan? Sayang naman ang ulan. Laro pa tayo, please…” anito. “Ayoko na sabi.” “Last two minutes na lang!” “Hindi ka ba marunong umintindi ng ayoko na?! Ganiyan ba talaga kabagal ang utak mo?!” sigaw niya dito. Natahimik si Winona at nalungkot. “O-okay…” Bahagya siyang nakonsensiya sa ginawa. “S-saan ba ang bahay niyo? Ihahatid na kita.” Pwede naman niya itong ihatid pero tila may sariling utak ang kanyang dila at nasabi niya iyon. “Sumunod ka na lang sa akin.” Nakangusong sagot nito. Sa palagay niya ay sumama ang loob nito dahil umayaw na siya sa paglalaro. Ganoon na nga ang ginawa ni Light, sumunod na lang siya dito hanggang sa tumigil ito sa harapan ng isang maliit at simpleng bahay. Bungalow-style iyon na yari sa semento at yero. Sa tantiya niya ay wala pa iyon sa kalahati ng laki ng bahay nila. Parang kasing laki nga lang iyon ng kanyang kwarto, e. Binuksan ni Winona ang maliit na gate at pumasok habang siya ay nasa bungad lang ng gate. Nang kumatok ito sa pinto ay isang matandang babae ang nagbukas niyon na agad namang niyakap ni Winona. “I miss you, lola! Nandito na po ako!” Sweet na sweet na sabi nito sa matanda. “Ay diyaskeng bate ire! Bakit basang-basa ka?!” “Si Lola Patring talaga… Siyempre po, umulan!” “Pilosopo! Hindi mo ba dinala ang payong mo?” “Mababasa ba naman ako kung dinala ko, `la!” anito sabay hagikhik. “Ay, `wag mo muna akong yakapin at ako ay nababasa na rin dine! Pumasok ka na sa loob at magbanlaw ka. Magkakasakit ka sa ginagawa mo, e!” Hindi malaman ni Light kung bakit naaaliw siyang panoorin si Winona at ang lola nito. Kahit minsan kasi ay hindi niya naranasan ang maglambing sa lolo o lola niya. Hindi pa siya ipinapanganak nang mamatay ang lolo at lola sa father side niya. Sa mother side naman niya, nasa ibang bansa ang lolo at lola niya kaya hindi niya nakakasama ang mga ito. Isa pa, hindi rin niya ka-close ang mga iyon kaya kapag nakikita niya ang mga iyon ay parang wala lang. Kumalas si Winona sa pagkakayakap sa lola nito. “Okay po, lola!” anito sabay halik sa pisngi ng matanda. Nagtatakbo na ito papasok ng bahay. Nang makita ni Light na nasa loob na ng bahay si Winona ay nag-decide na siyang umalis. Paniguradong kanina pa siya hinihintay ng driver niya. Ngunit akmang tatalikod pa lamang siya nang bigla siyang tawagin ng lola ni Winona. “Ay, totoy, ikaw ba ay hindi muna magpapatuyo sa loob? Ikaw ang naghatid sa apo ko, `di ba?” “Po?” Itinuro niya ang kanyang sarili. “A-ako nga po.” “Pumasok ka muna sa loob at magpatuyo.” “Naku, hindi na po. Kailangan ko na rin kasing--” “Ay, ano bang sinasabi mo diyan? Pasok na! Kung ayaw mo ay lalapitan kita diyan at hihilahin papasok ng--” “`Wag na po! `Wag na po!” pigil niya dito nang makita niyang lalabas nga ito ng bahay. Matanda na ito kaya ayaw niyang mabasa ito ng ulan. “Papasok na po.” Napipilitan man ay pinagbigyan na niya ang matanda. Pumasok na siya sa loob ng bahay nito. Agad naman siya nitong binigyan ng malinis na tuwalya. “Tuyuin mo kahit buhok mo. Uso ang sakit ngayon, totoy. Ako nga pala ang lola ni Winona. Tawagin mo na lang ako na Lola Patring. Ikaw, anong pangalan mo?” “Light po.” “Light? Liwanag? Iba na talaga ang mga pangalan ng mga kabataan sa henerasyon ngayon. Teka, gaano na ba kayo katagal ng apo ko?” Biglang natigilan si Light sa pagkuskos ng tuwalya sa buhok. “Ano po?” “Tinatanong ko kung gaano na kayo katagal na magkasintahan ni Winona…” Napamulagat si Light sa sinabi ni Lola Patring. “Ho?! Nagkakamali po kayo. Hindi po kami magkasintahan ni Winona!” Malakas siyang tinapik ng matanda sa kanyang dibdib kaya napaubo siya. Kahit matanda na ito ay mukhang ang lakas pa rin nito. “Ano bang hindi? Ako nga’y huwag mong pinalololoko! Matanda na ako, totoy, at hindi mo na ako mapaglalalangan. Lahat ng napagdaanan niyo ay napagdaanan ko na. Isa pa, sinabi sa akin noon ng talandi kong apo na kung sino ang unang lalaki na dadalhin niya dito ay iyon ang kanyang boypren. Aba, e… Ikaw pa lang ang lalaking dinala niya dito.” Nagkaloko-loko na! Gusto nang mag-face palm ni Light ng oras na iyon dahil napagkamalan pa siyang nobyo ni Winona. “Mga kabataan talaga ngayon…” “Pero--” “Ikaw nga ay huwag nang mangatwiran at magsinungaling! Wala namang problema sa akin kung magkaroon ng nobyo ang apo ko. Alam ko naman na mapagkakatiwalaan si Winona at hindi siya iibig sa lalaking hindi ko rin mapagkakatiwalaan. Okay lang `yan, totoy…” At nakangiting tinapik-tapik pa siya ni Lola Patring sa likod. Sa pagkakataon na iyon ay hindi na niya nagawa pang umapela. Hindi bale, una’t huling beses na naman niyang makakapunta sa bahay na ito. Hindi na naman sila magkikita ni Lola patring oras na umalis na siya. Ipinagpatuloy na lang niya ang pagtuyo sa buhok para makaalis niya. Habang ginagawa niya iyon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na ilibot ang mata sa loob ng bahay ni Winona. Cute ang pagkaka-design. Maliit pero maaliwalas. Pastel colors ang karamihan sa kulay ng mga gamit nito. Pero kung sa sariling opinyon ay hindi niya gusto ang pagkakaayos ng bahay. Mas prefered pa rin niya iyon konting gamit at kulay sa isang bahay o kwarto. Hindi nakakapagod sa mata kapag ganoon. Pagkatapos niyang tuyuin ang buhok ay kinuha ni Lola Patring ang tuwalya at inilagay nito iyon sa ibabaw ng isang upuan at pinaupo siya. Walang pasabi na nagpunta ito sa kusina. Pagbalik nito ay binigyan siya nito ng isang mug ng hot chocolate. “Pasalubong ng kaibigan ko ang tablea na ginamit ko diyan. Galing pa sa Bicol. Inumin mo habang mainit pa para mainitan ang katawan mo…” anito. “Salamat po…” Malugod niyang tinanggap ang hot chocolate. “Kayong dalawa lang po ba ni Winona ang nakatira dito?” aniya pagkatapos humigop. Tama nga ito, masarap ang pagkakagawa nito sa hot chocolate. Hindi masyadong matamis at may nalalasahan siyang kaunting pait. Hindi rin malabnaw, bagkus ay medyo malapot iyon. “Oo, kaming dalawa lang. Humigit-kumulang isang dekada na rin siguro.” Tumango-tango siya at muling iginala ang tingin. “Kanino po iyong gitara?” tanong niya nang may makita siyang gitara na nakasandal sa gilid ng patungan ng telebisyon. Inginuso pa niya iyon. “Kay Winona. Mahilig kasi siyang tumugtog ng gitara at kumanta. Iyon nga lang, ewan ko ba at hindi na niya iyon ginagawa.” Humila ng upuan si Lola Patring at umupo sa may harapan niya. Medyo na-surprise si Light sa sinabi ng matanda. Hindi niya kasi akalain na ang tatanga-tangang si Winona ay may talent din pala. Nagtataka lang siya kung bakit hindi nito iyon ipinapakita sa school. Sana ay nakakasali ito kapag may singing or talent contest katulad niya. Isang litrato na nakapatong sa gilid ng telebisyon ang napansin ni Light. Picture ng dalawang batang babae na magkamukha. Napansin yata ni Lola Patring na nakatingin siya doon kaya naman kinuha nito ang litrato at bumalik sa pagkakaupo. “Si Winona po ba `yan?” Tumango ito. “Oo. Si Winona at ang kakambal niya…” Napansin niya agad ang biglang paglungkot sa boses nito. “May kakambal si Winona? Nasaan?” Hindi makapaniwalang turan niya. “Meron…” Medyo nagulat pa siya nang hawakan siya ng matanda sa kamay at matamang tignan sa mata. “Light, siguro ay dapat mong malaman ang dahilan kung bakit ganiyan mag-isip at kumilos ang apo ko dahil ikaw ang nobyo niya. Sasabihin ko sa iyo ang lahat…” seryosong sabi nito sa kanya. “K-kayo po ang bahala…” Iyon lang ang naisagot niya. KANINA pa nakatulala si Light habang bumabyahe na sila ng driver niya pauwi sa bahay nila. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin maalis sa utak niya ang sinabi ni Lola Ptring sa kanya tungkol kay Winona. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ito ganoon kumilos at mag-isip. Ayon kay Lola Patring ay may kakambal nga si Winona. Ngunit namatay ito at ang tatay nito nang limang taong gulang si Winona. Umalis daw noon ang nanay ni Winona dahil may aasikasuhin sa probinsiya kaya naiwan ang kambal sa pangangalaga ng tatay ng mga ito. Isang gabi, isang magnanakaw ang pumasok sa bahay nina Winona. At dahil nanlaban ang tatay ni Winona ay pinagbabaril daw ng magnanakaw ang tatlo. Dead on arrival nang dalhin sa ospital si Wendy at ang tatay nito habang si Winona ay 50-50 ang chance na mabuhay dahil sa isang tama ng bala sa ulo nito. Kailangan daw agad itong operahan. Agad namang isinagawa ang operasyon at matagumpay na natanggal ang bala sa ulo ni Winona. Mahigit anim na buwan daw itong comatose at parang gulay. At nang magising na daw ito ay nag-iba na ang ugali at kilos nito. Naging bugnutin ito at palaging umiiyak. Maramdamin at gusto palaging mag-isa. Ayon sa doktor ay labis na nakaapekto sa development at behavior ni Winona ang pinsala ng pagkakabaril nito sa ulo at ang trauma na naranasan nito dahil sa harapan nito mismo pinatay ang kakambal at tatay nito. Dahil sa espesyal na kondisyon ni Winona ay napilitan ang nanay nito na magtrabaho sa HongKong bilang isang domestic helper. Kailangan kasing pag-aralin si Winona sa isang special school. Simula noon ay si Lola Patring na ang nag-alaga dito. Ngunit sadyang malas talaga si Winona dahil isang taon pa lamang ang nanay nito sa ibang bansa ay napagbintangan itong pinatay nito ang sarili nitong amo. Nahatulan ito ng kamatayan at walang nagawa ang gobyerno ng Pilipinas nang bitayin ito. Ang pagkamatay na iyon ng nanay ni Winona ay hindi ipinaalam ni Lola Patring dito hanggang ngayon. Ayon kasi sa doktor ay makakasama kay Winona ang labis na pag-iisip at masasamang balita o alaala. Baka daw biglang bumigay ang utak nito at hindi na nito kayanin. Kaya naman hanggang ngayon, ang akala ni Winona ay buhay pa rin ang nanay nito at nagtatrabaho sa HongKong. Ang hindi nito alam ay ang mga kapatid ng nanay at tatay nito ang nagpapadala ng pera para may pang-gastos ito at si Lola Patring. Simula rin nang mamatay ang nanay ni Winona ay inilipat na ni Lola Patring si Winona sa public school dahil hindi na nito kaya na pag-aralin si Winona na mamahaling eskwelahan. Ngayon ay may awa na siyang nararamdaman para kay Winona. Napaka-tragic naman kasi ng nakaraan nito at hindi naman bato ang puso niya. May malaking dahilan naman pala sa likod ng pagiging tanga nito. At hinding-hindi rin pala niya makakalimutan ang huling sinabi sa kanya ni Lola Patring bago siya umalis kanina sa bahay nito. “Matanda na ako, Light. Mahina na… Nararamdaman ko na baka isa sa mga darating na araw ay kukunin na ako ng Diyos. At kapag nangyari iyon, ikaw na sana ang bahala kay Winona. Ipangako mo sa akin na hindi mo siya papabayaan dahil kapag pinabayaan mo siya… hihilahin ko palagi ang paa mo tuwing gabi kapag matutulog ka na!” “Ahhh!!!” Wala sa sarili na napasigaw si Light nang maalala iyon. Nakakakilabot kasi ang hitsura ni Lola Patring nang bitiwan nito ang mga salitang iyon kanina. Akala mo ay isa talaga itong multo na pinagbabantaan siya. “Okay lang kayo, sir?” tanong ng driver niya. “O-okay lang ako.” “E, bakit bigla ka na lang sumigaw, sir?” “M-may naalala lang akong nakakatakot. `Wag mo nga akong pinapakialaman. Just keep driving!” aniya. Hindi na sumagot ang driver niya at nag-drive na lang ito. Malalim na huminga si Light at sapo ang noo na sumandal. Hindi maalis-alis sa isip niya si Winona at ang dahilan ng pagiging ganoon nito. Naaawa siya para dito. Maya maya ay bigla siyang may naisip. Ano kaya kung baguhin niya ito? Alisin niya ang pagiging tanga nito? Tama! Ganoon ang dapat niyang gawin. Hindi lang si Winona ang magbe-benefit kundi pati siya. Hindi na siya mabubwisit dito araw-araw kapag hindi na ito tatanga-tanga. At simula nga ng araw na iyon ay binigyan ni Light ang kanyang sarili ng isang misyon… At ang i-transform si Winona mula sa pagiging tanga into a smart girl.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD