From : Diego Guttierez
Just got home.
Tapos na akong makaligo nang matanggap ko ang mensahe ni Diego. Naupo ako sa dulo ng kama at doon tinitigan ang text message niya. Hindi ko alam kung anong ire-reply ko.
Matagal bago ako nakapagreply sa kan'ya. Makailang ulit pa akong nagtipa at nagbura ng mensahe.
Ako :
Glad you're safe.
Ilang minuto rin akong naghintay ng reply mula kay Diego pero lumipas na ang halos isang oras ay wala pa rin akong natatanggap mula sa kan’ya. Nasubukan ko pa ngang mag sent ng mensahe sa sarili kong numero para lang masiguro kong hindi nagloloko ang cellphone ko at nakatanggap naman ako. Kumpirmadong hindi na nga nag reply so Diego sa akin.
Napabuntonghininga na lamang ako. Sino lang ba ako? Isang hamak na Rachel Ann Macasaet na nagmula sa mahirap na angkan. Hindi ako bagay sa isang Diego Guttierez na nabibilang sa isa sa pinakamayamang angkan sa lugar namin. Langit siya, lupa ako. Kaya hindi dapat ako nagtataka kung hindi niya ako nabibigyan ng oras at atensyon.
Hindi ako worth it sa bawat tingin na ipinupukol niya sa akin.
Tulad ngayon, magkasabay silang naglalakad ng kaibigan niyang si Rain sa harapan ng kiosk kung saan nag-aaral ako habang hinihintay si Sidney. Abala man silang dalawa sa pag uusap ay nagawa niya pa rin akong lingunin at ngitian. Alam ko sa sarili kong hindi kami bagay. Na wala akong pag-asa sa kan’ya. Pero hindi ko magawang pigilan ang sarili ko na umasa sa tuwing pinapansin niya ako. Ganoon nga siguro kapag gusto natin ang isang tao. Pigilin man natin ay hindi natin magawa. Kahit alam nating imposible ay umaasa pa rin tayong balang araw ay masusuklian din nila ‘yong paghanga at pagmamahal na mayroon tayo para sa kanila.
"Mukhang malalim ang iniisip mo, ah?" untag sa akin ni Sidney sabay lapag sa lamesa ng bag niyang tatak pa lang ay sumisigaw na ng karangyaan saka naupo sa tabi ko.
Naiwan tuloy ang paningin ko sa bag naming dalawa na ngayo'y magkatabi. Ang mga tulad ni Sidney ang bagay kay Diego. Hindi sa katulad ko.
"Hey!" Siniko ako ni Sidney kaya agad akong napatingin sa kan'ya.
"What's happening to you? Preoccupied ka na naman," aniya.
"May iniisip lang ako. Malapit na exams natin 'di ba?"
"Ang layo pa no'n, Rachel." Sunod-sunod siyang umiling at pumipikit-pikit pa. "Huwag mo ngang ini-stress ang sarili mo sa mga bagay na hindi pa naman nangyayari!"
"Sidney, gusto kong grumaduate ng may honors para may scholarship akong matanggap sa college. Gusto kong makasama ka sa Dewford Academy."
At si Diego rin.
"Sus! It's not a problem, Chel. You can count on me. Sagot ko na tuition mo."
Agad akong umiling. "Naku, hindi pwede, Sid. Hindi ko pwedeng iasa sa 'yo ang buhay ko."
"Para saan pa't naging maging kaibigan tayo, Chel?"
"Magkaibigan tayo pero hindi ibig sabihin no'n, aasa na ako sa 'yo."
Napabuga siya ng hangin. "Bahala ka. Pero maaasahan mo 'ko, whenever you need help, ah?"
Napangiti ako. Tatlong taon na kaming magkaibigan ni Sidney. Seatmate ko siya no'ng first year kami. Ang totoo'y hindi siya palakaibigan noon. Tahimik at ilag siya sa mga kaklase namin. Kaya rin siguro halos lahat ng mga kaklase namin ay takot lumapit sa kan'ya. Pero hindi rin naman siya nagagawang i-bully ng mga kaklase namin, dahil na rin sa apelyidong dinadala niya. Sa ganda at kamalditahang tinataglay niya at sa yaman ng pamilya niya, sinong magtatangka 'di ba?
Ako lang yata.
Hindi ko na matandaan kung paano kong naging kaibigan si Sidney. Basta naging magkaibigan na lamang kami isang araw at nagkasundo sa halos lahat ng bagay. Maliban lang sa pagkahilig niya sa shopping at sa pagiging studious ko.
Pabiro niya akong inirapan.
"Hindi ka na naman sumabay sa amin sa pag uwi kahapon. At isinumbong mo pa ako kay kuya."
"Sorry naman. Alam mo namang nahihiya ako sa kuya mo."
"Oh my goodness, Rachel! I really don't understand kung bakit nahihiya ka sa kuya ko. E, magkasingbaho lang naman ang utot niyo," tawa niya.
Nakitawa na rin ako sa kan'ya. "Kadiri ka, Sidney!"
"Arte nito. Kain na nga lang muna tayo," aniya sabay tayo.
Tumango ako't agad nang nagligpit ng mga gamit. Nag diretso kami sa Cafeteria at agad na namili ng makakain. Nasa tabi ako ni Sidney at abala sa pagpili ng puwedeng kainin nang hindi ko sinasadyang nalingon si Diego sa may 'di kalayuan. Naroroon siya't nakikipagbiruan kasama ang teammates niya.
"Rachel, anong sa 'yo?" rinig kong tanong ni Sidney kaya agad akong nagbalik ng tingin sa kan'ya.
"Uhh..." usal ko habang nakatingin na naman sa menu. Iniisip ko kasing baka kulangin ang perang dala ko. Sapat naman sana 'yong perang ipinapabaon sa akin ni mama pero hindi ko dinala lahat ng 'yon, hinati ko para may maipon ako pangbili ng regalo ko kay Diego. Malapit na kasi ang birthday niya. Hindi ako sigurado kung imbitado ba ako at hindi na rin naman ako umaasa pang maiimbitahan pero gusto ko pa ring magbigay ng regalo kahit na hindi mas'yadong sosyal ang mabili ko.
"Uhh? Nagtitipid ka na naman ba? Ano na namang pinagiipunan mo this time?" ani Sidney nang napansing ilang minuto pa akong nakatunganga sa menu at hindi man lang nagawang sagutin ang tanong niya.
Tumingin ako sa kan'ya at alanganin akong ngumiti. Nagdadalawang isip ako kung sasagutin ko ba ang tanong niya o hindi.
"Birthday kasi—"
"Nevermind, Rachel," putol niya sa akin sabay harap sa babaeng nasa harap namin at naghihintay pa sa order na idadagdag namin. "Ate, dagdagan mo ng isang tuna carbonara at isang coke."
"Sidney, kulang 'yong pera ko."
"Why? Sinabi ko bang ikaw ang magbabayad? Don't worry, Rachel. It's on me."
Wala na akong nagawa at sumunod na lamang kay Sidney nang maglakad ito patungo sa napili niyang table.
Alanganin akong naupo habang panay pa ang pagnanakaw ng tingin kina Diego na nasa kabilang table lang. Sobrang lapit niya sa amin.
Panay ang pagke-kwento ni Sidney tungkol sa nangyaring party kuno na pinuntahan niya. Aniya'y nagkita na naman daw sila no'ng crush niya na lagi siyang dini-deadma. Nakikinig ako sa kan'ya pero paminsan-minsan talaga lumalaki 'yong tainga ko at nakikinig na sa usap-usapan mula sa kabilang table.
"Ligawan mo na, dude." narinig kong sabi ng isa sa mga teammates ni Diego.
"Oo nga. Complete package na 'yon. Hindi ka na lugi ro'n. At saka pang experience lang naman," anang isa pa.
Hindi ko naiwasang hindi lumingon sa gawi nila. Kuryuso ako sa pinaguusapan nila. Grabe talaga 'tong mga lalake no? Ginagawa lang na experience 'yong mga babae. Anong akala nila sa amin? Walang pakiramdam?
Agad akong napaayos ng upo at mabilis na itinutok ang paningin ko kay Sidney na nagsasalita pa rin nang biglang nagtama ang mga mata namin ni Diego pagkalingon ko.
"Sinundan ko siya sa CR upang kausapin. Sinabihan ba naman akong manyak dahil naroroon raw ako at naninilip sa mga boys na nando'n. Oh my gosh! Sa ganda kong 'to? Hindi ko matanggap na tinawag niya akong manyak, Chel!"
"Mag name drop ka na kasi baka matulungan kita sa panliligaw mo," biro ko sa kan'ya.
"Oh! No! I confessed, okay. But I will never going to pursue him. Kung ayaw niya sa akin, eh 'di huwag!" sabay irap niya.
"May iba akong gusto," Narinig kong sabi ni Diego. Marahil ay tugon niya iyon sa mga teammates niya. Napagtanto kong siya pala 'yong tinutukoy nilang manliligaw 'don sa babaeng pang experience lang daw.
Hindi ko na naman napigilan ang sarili ko at napalingon ulit ako sa gawi nila. At sa pangalawang pagkakataon ay nag abot muli ang aming mga mata. Natatawa pa siya habang nakikinig sa mga panunukso ng mga kaibigan niya sa kan'ya habang ang kan'yang mga mata ay nakatutok sa akin. Hindi ko alam kung mag iiwas ba ako ng tingin o ano. Nakalulunod kasi ang mga titig niya. Mabuti na lang at eksaktong dumating ang orders namin kaya may dahilan ako para mag iwas ng tingin sa kan'ya. Gosh! Hindi na talaga ako lilingun ulit.
Pigilan mo 'yang sarili mo, Rachel!
"Rachel, nakikinig ka ba sa akin?"
"Ha? Oo naman," tugon ko kay Sidney sabay hawak sa kubyertos na nasa lamesa.
Umirap siya sa kawalan. "Ayoko namang mag name drop since you're very talkative kaya I'm sure ipagkakalat mo 'yon."
Umismid ako. "Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Sa iyo meron pero sa bibig mo wala. Lagi nga akong napapahamak dahil d'yan."
"Bakit? Pinapagalitan ka ba ng kuya mo?"
"Hmm... Hindi naman siya nagagalit talaga, pero nakakarindi 'yong mga paulit-ulit na bilin niya."
"Puro ka kasi shopping at waldas ng pera. Magtipid ka kaya?" sabi ko.
"Marami akong ipon, Rachel. Ni hindi ko na nga alam kung paano gastusin 'yong mga perang ibinibigay sa akin ng parents namin. The truth is, I really don't need the money..."
Sana lahat! Sana tulad din ako ni Sidney na nakahiga sa maraming salapi. Bakit nga ba kasi may ipinanganak na mayaman at may ipinanganak na mahirap?
"I need their attention na hindi nila maibigay sa akin," dagdag niya.
Natulala ako sa kan'ya. Sa sobrang ganda niya at sa yaman ng pamilya niya, nasasabi kong nasa kan'ya na ang lahat. Pero hindi ko inaasahang may tinatago pala siyang lungkot sa loob niya.
Naisip ko tuloy na maswerte na ako kasi kahit mahirap lang kami, kumpleto naman ang pamilya namin at masaya kami.