Maria's POV
Pikon...
Napasimanot na lang si Maria habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Manolo. Nilayasan siya ng lalaki. Mukhang badtrip pa.
May mali ba siyang ginawa? Ginaya niya lang naman ang style ni Erika. Pinsan niya na ex ni Manalo.
Nagpaka-liberated siya at daring. Nagsuot pa siya ng belt kahit ang hirap-hirap huminga para mas ma-defined ang maliit niyang bewang .
Wa epek naman! Kaasar!
Inis na tinanggal niya na lang ang belt sa bewang niya. Natagalan pa siya sa labas kanina para lang ikabit yon pero ni hindi man lang siya pinuri ni Manolo. Bulag ata ang letse. Di makita ang ganda niya.
Napatingin siya sa nilapag na pera ni Manolo sa lamesa. Dinampot niya yon at binilang. Sobra iyon para sa inorder nila.
Kinuha niya ang sobra at inilapag ang pera sa lamesa. Wala siyang pamasahe pauwi. Ubos na ang laman ng wallet niya. Ang akala niya naman kasi ihahatid siya ni Manolo sa bahay nila pagkatapos ng dinner.
Tumayo na rin siya at umalis pagkatapos iabot sa kanya ng waiter ang paper bag na naglalaman ng mga take out na pagkain.
Lumabas siya sa nag-iisang five star hotel sa bayan ng San Ignacio na pag-aari ng Daddy ni Erika. Lucky b***h!
Masyadong sinuwerte ito sa buhay. Masinop ang mga magulang ng pinsan niyang iyon kaya napalago ang mga negosyo at nagagawang magliwaliw ng pinsan niya. Kahit di nakatapos ng pag-aaral buhay reyna.
Samantalang siya graduate at titulada pero nananatiling tauhan sa kompanya ng Lolo niya.
Daig pa kasi ng imbalido ang Mommy niya. Tumatanggap lang ito ng dibidendo mula sa maliit na share na minana nito sa Lolo niya. Sa luho lang ng Mommy niya nauubos ang pera nito. Minsan dawit pa pati allowance at sahod niya na nagmumula rin sa Lolo niya.
Hiwalay ang mga magulang niya. Una, dahil pinilit lang ng Tatay niya ang Mommy niya kaya siya nabuo. Nakulong ang Tatay niya. Nakilala niya lang ito noong high school siya ng makalaya ito.
May sarili ng pamilya ang Tatay niya pero hirap din sa buhay. May lima siyang kapatid sa ama. Malilit pa. Ang panganay ay Grade 9 pa lang sa pasukan. Habang ang bunso ay limang taon pa lang.
Kalahati ng sinasahod niya ay ibinibigay niya sa ama at mga kapatid. Mabait naman ang napangasawa ng Tatay niya. Naiinggit nga siya sa mga kapatid dahil kahit sa barung-barong lang ang mga ito kayang itira ng Tatay nila masaya at buo ang pamilya ng mga ito.
Kung puwede lang siyang makipagsiksikan doon gagawin niya. At kung hindi lang humahadlang at nagbabanta ang Mommy niya matagal niya ng binigyan ng pampagawa ng bahay ang Tatay niya para maging komportable naman ang mga kapatid niya. Kaso malalaman ng Mommy niya oras na gawin niya iyon. Ang pag-aabot nga lang ng pera sa ama niya patago pa dahil malamang na malintikan siya sa Mommy niya oras na malaman nito ang ginagawa niya.
Sumakay siya sa tricycle at nagpababa sa barung-barong ng Tatay niya. Pababa pa lang siya ay nagtatakbuhan na ang mga kapatid niyang maliliit papalapit sa kanya.
Nagsiyakap ang mga ito sa kanya at Pinag-aagawan ang paper bag na hawak niya. Parang dinudurog ang puso niya kapag nakikitang ganoon ang mga kapatid kaya madalas na iuwi niya ang mga tirang pagkain sa restaurant o mga handa sa party na ina-attendan niya. Gusto niyang matikman ng mga kapatid niya ang mga masasarap na pagkain na natitikman niya.
Tuwing sahod lagi siyang bumibili ng mga pagkain sa fastfood. Kahit wala ng matira sa kanya, ayos lang.
Kinarga niya ang bunsong si Lara. Limang taon lang si Lara. Ang dalawa pa niyang kapatid na sina Jepoy at Klarenz ay nagtatatakbo na papasok sa bahay dala ang mga pagkain.
"Bakit gising ka pa ha?" Kiniliti niya si Lara na hagikgik naman nang hagikgik at nagkikikisay sa bisig niya dahil nakikiliti.
Alas nueve na ng gabi. Madalas na alas siyete pa lang tulog na ang mga ito.
"Kumain ka na ba?" Umiling ito saka sumenyas na gutom na ito. Pipe si Lara. Maiksi ang dila nito sa karaniwan.
"Gabi na dumaan ka pa?" salubong ng Tatay niya sa kanya. Matikas ang tindig nito. Guwapo kahit pa maitim at sunog ang balat dahil sa pagbibilad nito sa araw tuwing nagluluto ng uling. Iyon kasi ang kabuhayan nito. Paggawa ng uling.
"Dinaan ko lang yung pagkain," aniya at nagmano rito. "Di pa raw kayo kumamain?" tanong niya.
Nag-iwas naman ng tingin ang ama niya. Alam niyang nahihiya itong malaman niya na wala na namang pambili ng bigas ang mga ito. Gasino lang kasi ang kinikita nito sa uling. Noong nakaraang linggo pa naospital ang asawa nito dahil nakunan kaya mas lalong nagkandagipit-gipit ang mga ito, lalo na siya. Siya kasi ang nagbayad ng balanse sa ospital at bumili ng ilang gamot.
Ibinaba niya ang kapatid. Dinukot niya ang tirang limang daan sa tip na kinuha niya sa restaurant at iniabot sa Tatay niya.
"W-Wag na, anak. M-may kukuha ng uling bukas magkakapera na rin ako."
"Kung hindi ho? De nga-nga na naman kayo maghapon? Kunin niyo na ho yan. Sahod ko na rin naman bukas dadaan uli ako rito para makapag-abot ng pang grocery," aniya at kinuha ang palad nito at inilapag ang pera doon. Hindi na ito umangal at nahihiyang itinikom ang kamay.
Alam naman niyang nahihiya ito sa kanya pero dahil na rin sa kahirapan ay wala itong magawa kundi lunukin ang pride.
Hindi na rin naman na siya nagtagal nagpaalam na rin siya.
Nilakad niya na lang ang pauwi sa kanila dahil ilang kilometro na lang. Safe naman dito sa lugar nila at isa pa walang magtatangka na gumawa ng masama sa kanya rito dahil kilala siyang apo ni Damian Arcega, ang may-ari ng halos kalahati ng mga ikinabuhuhay ng mga taga San Ignacio at kalapit na probinsya.
Sa lahat ng apo ni Damian Arcega siya ang pinaka yagit. Kasalanan yon ng Mommy niya. Pinarurusahan kasi siya nito.
Galit ang Mommy niya sa kanya. Sinisisi siya nito kung bakit nasira raw ang buhay nito, kung bakit daw ito iniwan ng lalaking dapat ay pakakasalan nito. Bunga raw siya ng isang kasalanan.
Malay niya naman do'n? Di niya gets bakit kailangang sa kanya magalit ito.
But she love her mother as much as he love her biological father. Wala siyang pakialam sa nakaraan. Kung nagkasala man ang ama niya sa Mommy niya napagbayaran na nito iyon ng ilang taon. Nagdusa ito sa kulungan. Ilang taon ng buhay nito ang nasayang. Ang Mommy niya nga na hindi siya nakaramdam ng pagmamahal inunawa niya, ang ama niya pa kaya na hinanap at ninais siyang makita pagkalabas nito ng kulunga.
Hindi niya alam kung kaninong buhay ba ang mas malungkot. Sa kanya ba o sa Mommy niya.
Hanggang ngayon kasi nabubuhay ito sa nakaraan. Araw-araw may galit ito sa puso. Siya naman pilit iniaahon ang sarili sa nakaraan na pilit pinaglulubugan sa kanya ng Mommy niya.
Patay na ang mga ilaw sa loob ng bahay nila. It was a two story house. Malaki para sa kanilang mag-ina. Ipinatayo iyon ng Lolo niya dahil mas gustong bumukod ng Mommy niya.
Malapit lang naman ang bahay nila sa Villa Arcega. Ang ancestral house ng Lolo at Lola niya. Katabi lang din nila ang Rancho Arcega na pag-aari naman ng Uncle Benedict niya, kapatid ng Mommy niya.
Pumasok siya sa loob gamit ang susi niya. Hindi siya puwedeng kumatok kahit alam niyang gising pa ang ina. Ayaw na ayaw nitong naiistorbo sa pag-yo-yoga. Malamang na nasa silid nito iyon. Gabi at umaga kung mag-yoga ang Mommy niya.
Umakyat siya sa kuwarto niya at ganoon na lang ang pagbuntong-hininga niya nang makitang mukhang ninakawan ang silid niya. Sabog ang mga damit galing sa closet. Nakabukas ang lahat ng drawer. Nakakalat rin ang mga make up niya at accessories. Ang unan at kumot at ay kung saan-saan na lang inihagis. Hubad na ang kutson niya.
Hinubad niya ang sapatos. Dinampot niya iyon at inilagay sa shoe rock niya. Hinubat niya ang hikaw at mga alahas na suot niya at ipinasok sa nakabukas na drawer. Naghubad siya ng damit at inilagay iyon sa hamper kasama ng bra niya. Dinampot niya ang unan at comporter saka nahiga sa kama. Bukas niya na lang aayusin ang mga kalat dahil pagod na siya.
ISANG malakas na sampal ang nagpagising kay Maria. Napabalikwas siya ng bangon pero tubig ang sumalubong sa kanya.
Sisinghap-singhap na hinila niya ang kumot para punasan ang mukha.
Gising na gising na siya pati ata kaluluwa niya nagising. Hayup na alarm clock sarap sakalin.
"Morning, Mom," paungol na bati niya sa ina. Nakatayo ito sa harap niya hawak ang isang baso na pinaglagyan ata ng tubig na ipinambuhos sa kanya. Nakasuot ito ng pulang mini dress. High heeled red louboutini. Kumpleto sa alahas ang Mommy niya. Isnag set pa ng pearl jewerly.
"Saan ka na naman galing at ginabi ka kagabi?" tanong nito. Na sa boses ang pang-aakusa. Sa tono ng pananalita ng Mommy niya kahit wala kang kasalanan maggu-guilty ka. Hindi naman kasi ito nagtatanong. Nambibintang.
"I had a date last night with my fiance," pag-amin niya. Alam naman nito iyon nagtatanga-tangahan lang. Trip na naman ata siya.
"Fiance! Huh!" Umirap ito at sarkastikong natawa. "You're just a pawn in Papa's game. Malamang may gusto na namang ma-acquire ang Papa na business kaya ikaw ang ipinapain niya dahil kung ikaw lang malamang na hindi pumayag si Albertito na ipakasal sa'yo ang isa sa mga anak niya!" panunuya nito.
Hindi siya umimik pero sa isip niya minumura na niya ang ina. Alam niya naman ang mga sinasabi nito. Araw-araw na ginawa ng diyos simula ng sabihin ng Lola niya na engaged na siya kay Manolo, araw-araw din ipinaiintindi nito sa kanya ang bagay na yon.
Kabisado na nga niya ang lintanya nito. Kaya niya yong i-recite ng walang kakurap-kurap.
Si Albertito Maniego ang Daddy ni Manolo. Anak si Manolo ni Albertito sa labas sa isang public teacher na nasa kabilang baranggay.
Hindi pumayag ang Lolo niya na sa legitimate son ni Albertito siya ipakasal. Dahil ang panganay na anak ni Albertito sa tunay na asawa ay isang drug addict. p****r pa ata.
Wala naman siyang pakialam kung kanino siya ipapakasal ng Lolo niya. Ang gusto niya lang makaalis sa poder ng ina niya na hindi niya kailangang makonsensiya.
Kahit ayaw niya naawa siyang basta na lang itong iwan. Naisip niya kung magkakaasawa na siya kakailanganin na niyang bumukod at sumama sa mapapangasawa niya. Sa ganoong paraan may dahilan siya sa sarili niya para hindi lamunin guilt.
Kahit naman hindi naging mabuti ang trato ng ina sa kanya mahal niya ito. Suko na nga lang siya. Gusto na niyang mabago ang buhay niya.
Tumatanda na siya. Ang mga pinsan niya nagkakaroon na ng mga pamilya. Kung sino pa ang mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral sila pa itong masasarap ang buhay.
Pagkatapos siyang duru-duruin at murahin ng ina lumabas na ito ng silid niya.
Bumangon na siya nang mag-ring ang cellphone niya. Kinuha niya iyon sa ilalim ng unan niya. Hindi niya basta-basta inilalapag kung saan-saan ang cellphone niya dahil malikot ang ang kamay ng ina niya. Mahilig itong pakialaman ang mga gamit niya at pestehin.
Ang Lolo niya ang tumatawag. Agad niya namang sinagot iyon.
"Lo?"
"May meeting ka with the Maniegos today, hija. Hindi na kami makakasama ng Lola mo dahil ngayon ang labas ni Sabrina sa ospital," ani ng Lolo niya.
Pinsan niya si Sabrina. Matagal itong nawala. Naglayas noong high school at bumalik dito na may mga anak na.
"Okay lang, Lo. Subukan ko ring dumaan diyan para bisitahin si Sab," aniya. Hindi naman siya malapit sa pinsan sa katunayan sinabuyan pa siya nito ng kape noong nakaraang linggo pero curious siya rito. Ayon kasi sa source niya si Sabrina raw ang first love ni Manolo. Ito rin daw ang naging dahilan kung bakit naghiwalay si Erika at Manolo.
Gusto niyang magdidikit sa mga pinsang niyang iyon para malaman niya kung ano ang dahilan at nabaliw sa mga ito si Manolo. Baka may mapulot siya sa mga pinsan na ideya kung paano paibigin ang isang Manolo Maniego. She has a little crush on him, actually.
Napangisi siya.