“S-Sandra?” gulat na tanong ni Katrina nang mapagbuksan siya nito ng pinto.
“Katrina, ako nga. Kumusta ka?” Napadako ang kanyang mata sa bahagyang nakaumbok na nitong tiyan. “B-buntis ka na pala?”
Naging malikot ang mga mata nito. “Pumasok ka muna, Sandra.”
Nang makapasok siya sa may apat na sulok ng silid na iyon ay pinaupo agad siya nito sa mahabang kahoy na upuan.
“Hindi mo pa nasasagot ang tanong ko, Katrina. Nag-asawa ka na pala? Kailan pa?” masiglang tanong niya.
Kay tagal din kasi ng panahon mula nang huli sila nitong magkita at magkakuwentuhan.
“Ni— nitong taon lang din, Sandra. Ikaw, kumusta na?”
Nang dahil sa tanong ng kaibigan ay naalalang muli ni Sandra ang sitwasyon na kaninang umaga lamang niya nalaman.
“Buntis din ako sa pangalawang pagkakataon, Katrina,” bahagyang sumigla ang kanyang tinig.
Nagbunga rin pala ang ilang beses nilang pagkikita ni Damian. Kaya mas dapat niyang ituloy ang pakikipaghiwalay kay Alejandro.
Biglang tila nagkaroon ng interes si Katrina sa kanyang sinabi. “Talaga, Sandra? A-alam na ba ng iyong asawa?”
Marahan siyang umiling. “Hindi na dapat pa niya itong malaman dahil hindi naman sa kanya ang aking ipinagbubuntis.”
Biglang napatayo ang kanyang kaibigan mula sa kinauupuan. “Anoʼng sinabi mo?!”
Nagulat din siya sa biglang inakto nito at sa mataas na boses. “B-bakit? Nagagalit ka ba, Katrina?”
Tila naman natauhan ito sa ginawa at lumapit sa kanya. “Nagagalit ako, Sandra kasi— si Alejandro ang asawa mo. P-paanong hindi kanya iyan?”
“Si Damian ang ama nito, Katrina. Handa rin akong harapin kung gaano ang magiging galit ni Alejandro sa akin.”
“G-ganoʼn ba? Ah, Sandra, sandali lang. Ipagtitimpla kita ng juice. Siguradong nauuhaw ka na dahil sa sobrang init sa labas,” saad nito saka mabilis na umalis at nagtungo sa kusina.
Pagbalik nitoʼy tangan na ni Katrina ang isang baso ng orange juice at iniabot nito sa kanya iyon.
“Uminom ka na muna habang malamig pa. Ubusin mo hanggaʼt maaari.”
“Salamat.” Halos mapangalahati niya ang laman ng baso dahil sa sobrang sarap sa pakiramdam ng lamig ng juice. Talagang napawi nito ang init na kanyang nararamdaman.
Makalipas ang mahigit kalahating oras na pananatili roon ay nagpasya na rin siyang magpaalam kay Katrina.
“Sana sa susunod nating pagkikita, maipakilala mo na sa akin ang lalaking nakabihag sa pihikang puso ng pinakamatalik kong kaibigan,” biro niya kay Katrina na pilit naman nitong ikinangiti.
“Pangako ʼyan, Sandra. Mag-iingat ka rin sa pag-uwi mo.”
Tumango siya at kumaway muna bago pinaadar ang sinasakyang kotse.
Pagkatapos magtungo sa bahay ng kaibigan ay nagtungo muna si Sandra sa mall upang tumingin ng mga gagamitin ng paparating na anghel sa buhay niya. Ngunit sa huliʼy, napagdesisyunan niyang sa susunod na buwan na lamang mamimili ng mga gamit ng bata.
Ang mga ginamit kasi noon ni Alexander noong sanggol pa ito ay naipamigay na niya sa pag-aakalang hindi na siya magdadalang tao pang muli.
Sa halip ay bumili na lamang siya ng Hawaiian Pizza na paborito ni Alexander bago bumiyahe pabalik ng bahay. Nais niyang kausapin ang anak at humingi na rin ng tawad. Susubukan din niyang ipaliwanag dito ang lahat. Alam niyang maiintindihan din siya nito balang araw.
Hindi nagtagal ay nasa harap na siya ng kanilang gate. Inaasahan niyang sa ganoong oras ay hindi pa nakakauwi si Alejandro mula sa opisina dahil alas kuwatro pa lamang ng hapon.
Nang bumusina siya ay kaagad namang nagbukas ang gate ng kanilang tahanan at maingat niyang ipinasok ang sinasakyang kotse. Nagulat siya nang makita niya ang kotse ng asawa na naroon din. Habang naglalakad ay lihim niyang naidalangin na sanaʼy mali siya ng hinala.
Pagkapasok ni Sandra sa sala, tinanong agad niya ang isa nilang kasambahay. “Si Alex, Dindie?”
“Nasa kuwarto po niya, Maʼam.”
“Sige.” Mabilis niyang tinungo ang direksyon paakyat ng hagdan.
Nakalagpas na siya sa hagdan nang biglang sumulpot sa harapan niya ang asawa at may madilim na anyo. Kapansin-pansin din ang malaking ugat nito sa leeg— indikasyon na anumang sandali ay puputok na ito sa galit.
Napatigil siya sa paghakbang. Inatake siya ng katakot-takot na kaba. “A-Alejandro, bakit...” Hindi niya maituloy ang nais sabihin dahil sa nakikitang galit sa mukha ng kanyang asawa.
Walang salitang may inihagis ito sa kanyang paanan. Halos lumabas naman ang puso niya sa gulat nang mapagtanto kung ano ang inihagis nito sa kanyang paanan. Litrato nila ni Damian iyon noong lihim pa silang nagkikita. Nasa litratong iyon ang tagpong papasok pa lamang sila ni Damian sa isang hotel.
Sa nanginginig na kamay ay isa-isa niyang pinulot ang nagkalat na mga litrato. “S-sinong— s-saan mo nakuha ang mga ito—”
“Mahalaga pa ba iyon, Sandra?!” Halos mapatalon siya nang bigla itong sumigaw.
Ramdam niya ang panginginig ng mga tuhod sa takot. Para bang nasa mga mata ni Alejandro ang pagnanasang saktan siya.
Inilang hakbang nito ang distansya nila at mabilis na hinawakan ang kanyang mukha saka itiniaas iyon. Masyadong madiin ang mga daliri nito.
“Ibinigay ko ang mundo sa ʼyo, Sandra. Everything that every womanʼs wish for. Lahat— na sa iyo na. Ano pang bang gusto mo?!” Lalong naglabasan ang mga ugat nito sa matinding galit. Halos marinig na rin niya pati ang nagngangalit nitong mga bagang.
“A-Alejandro, n-nasasaktan ako. P-pakiusap, hayaan mo akong m-magpaliwanag.”
Ngunit hindi siya nito pinakinggan at mas lalo pang piniga ang kanyang mukha.
Bigla naman siyang nakaramdam ng kirot sa kanyang puson. Mas masakit iyon kaysa sa mukha niyang pinipiga ng mga daliri ni Alejandro.
“Paano mo ipaliliwanag ang lahat? Ipaliliwanag mo ba sa akin kung paano mo ako niloko?”
“S-sa simula pa lang, s-sinabi ko na sa ʼyo ang t-totoo. Hindi kita m-mahal at alam kong alam mo ʼyan,” pagpapaalala niya rito kahit hindi niya mawari kung bakit mas lalong tumitindi ang pananakit ng kanyang puson.
Marahas nitong binitiwan ang kanyang mukha na muntik niyang ikabuwal sa sahig.
“Pero mag-asawa na tayo, Sandra. We have been married for nine years but you'd still keep doing that goddamn affair,” mariin nitong sumbat.
“A marriage without love. Iyan ang mayroon tayo sa siyam na taon,” pangangatwiran naman niya.
Nag-isang linya ang mga labi ni Alejandro at matalim na tumitig sa kanya. “Mula ngayon, hindi ka na maaaring umalis sa pamamahay na ito.” Nasa tinig nito ang kasiguruhan sa sinabi.
Pero hindi niya hahayaan ang nais nito. Para sa batang nasa kanyang sinapupunan ay itutuloy pa rin niya ang pakikipaghiwalay.
“Maghiwalay na tayo, Alejandro. Whether you like it or not, I would file an annulment,” matatag niyang deklarasyon na lalong nagpainit sa ulo nito.
Tinalikuran na niya ang asawa at pilit na naglakad palayo mula rito. Plano niyang sa bahay muna ng ama manatili. Pahakbang na siya ng hagdan nang mariing nahawakan ni Alejandro ang kanyang braso.
“Where the hell do you think you will go, woman? Hindi pa tayo tapos mag-usap!”
Humarap siya rito upang kumawala mula sa pagkakahawak nito na matagumpay naman niyang nagawa ngunit bigla uling sumigid ang kirot sa kanyang puson. Naging dahilan iyon upang biglang manghina ang kanyang tuhod at mawalan ng balanse.
Nahulog siya mula sa mataas na hagdan. Ang kanyang katawan ay gumulong paibaba sa mahabang hagdan ng kanilang hagdan. Sa kabila niyon ay ang anak lamang na si Alexander ang tanging laman ng kanyang isipan.
“Sandra!”