SA MAGHAPONG iginugol ni Dianna ay hindi man lang siya nakaramdam ng gutom. Bahagya na ring nagdidilim ang paligid, katibayang malapit na ring kumagat ang gabi.
Walang ibang laman ang isipan ng dalaga kundi ang ina. Kumusta na kaya ito? Hindi niya inaasahang ganito pala ang magiging kahihinatnan ng will ng kanyang ama.
Sa hindi mabilang na pagkakataon, ay muli niyang pinahid ang mga luhang nagsilandas sa kanyang pisngi. Namumugto na rin ang kanyang mga mata sa kaiiyak.
Naroon lamang siya sa sahig, sa gilid ng sofa at nagmumukmok. Hindi pa rin kasi siya nawawalan ng pag-asang baka magbago ang isip ni Alexander at ibalik na nito sa kanya ang ina. Ang babaeng caretaker naman na nagpakilalang si Maria ay kanina pa nakaalis na.
Bago ito umalis ay sinabi nitong pilitin niyang kumain. Maging ang silid niyang tutulugan na itinuro nito ay hindi niya pinansin. Wala siyang pakialam sa kung ano ang magiging sitwasyon niya sa bahay na iyon.
“Mama,” sambit niya sa namamaos na tinig.
Wala siyang magawa sa sitwasyon niya. Pakiramdam niya ay naging bilanggo siya ni Alexander. Paulit-ulit din niyang kinakapa ang loob ng kanyang mga bulsa at nagbabakasakaling kahit na isang daang piso ay may madukot siya. Sapat na sana iyon na pamasahe niya paalis sa lugar na iyon at mahanap ang kanyang ina. Subalit paulit-ulit din siyang bigo sa ginagawa. Marahil ay naroon sa mga gamit na nadala ng kanyang ina ang pera.
Napadako ang kanyang mga mata sa isang papel na hindi namalayang nabitiwan pala niya kanina habang hinahanap ang ina. Muli niyang binasa ang mga nakasaad roon at para lamang mamuhi sa mga panghuling nakalagay doon.
Nakasaad roon na kailangan niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ni Alexander lalo pagdating sa kama anumang oras na naisin nito. Hindi rin siya maaaring umalis ng pamamahay nito nang walang pahintulot ng binata. Nabasa rin niya na sa loob ng isang taon ng paninilbihan kay Alexander ay bawal siyang makipag-usap sa kahit na sinong lalaki o magkaroon man ng sariling buhay.
“Ah, magiging slave niya pala ako. Sino ba siya sa akala niya? Hindi ako papayag,” nasabi niya sa sarili pagkatapos mabasa ang kabuuan ng agreement.
'Baliw ka, Alexander!'
Kung inaakala nitong ganoon lang siya kadaling mapapasunod sa mga gusto nito, puwes— nagkakamali ito. Hinding-hindi siya papayag!
PINAGMAMASDAN ni Alexander si Dianna sa kanyang computer screen. Ilang beses na niyang binisitahan ito ng tingin sa cctv. Konektado iyon sa rest house niya sa Tanay kung saan niya inilagay ang babae. At sa muli niyang pag-alam kung ano na ang ginagawa nitoʼy hindi pa rin nagbabago ang posisyon ng babae sa pagkakasalampak mula sa sahig.
Sa tingin din niya ay hindi ito kumain ng tanghalian. Bahagya siyang nakaramdam ng awa subalit dagli rin niyang pinanas ang munting awa para kay Dianna. Nagsisimula pa lamang siya sa mga plano niya. Hindi siya dapat magpadala sa maamo nitong mukha.
Isa paʼy si Damian ang unang lumapit sa kanya upang humingi ng tulong at magkaroon ng kasunduan. Hindi niya inaasahang ang anak nito ang gagawing pambayad utang sa kanya.
“Sigurado ka ba sa gusto mong mangyari, Damian? Gusto mong humiram ng pera sa akin at isanla ang lahat ng mayroon ka kapalit ng nag-iisa mong anak?” ulit niya sa sinabi ni Damian.
“O-oo. Dalawang milyon, pati na ang bahay at lupa namin sa Quezon— ibibigay ko.”
“At anoʼng mapapala ko kung papayag ako sa gusto mo?”
“Hindi ba, a-ako ang dahilan ng pagkasira ng pamilya mo? Gamitin mo si Dianna para gantihan ako sa lahat ng sakit na naidulot ko sa iyo.”
Bahagya siyang natawa sa itinuran nito. Hindi siya naniniwalang wala itong pakay sa ginagawa.
“Lahat ng naisin kong gawin kay Dianna ay ayos lamang sa ʼyo?” muli niyang tanong.
Halos hindi siya makapaniwala sa naririnig. Anong klase itong ama?
“O-oo. Sa iyo ang anak ko, Alexander. Ibinibigay ko na siya sa ʼyo.” Sa sinabi nitong iyon at nakakita siya ng paghihirap sa tumatanda na nitong mukha.
Batid rin niyang pinipilit lamang nitong magpakatatag sa kabila ng gusto nitong mangyari. Sabihin man niya o hindi ay natuwa siya sa kaalamang masasaktan pa rin niya ito sa pamamagitan ni Dianna.
Nang dahil doon ay mabilis siyang nakabuo ng isang maitim na plano. Gagawin niyang miserable ang buhay ng nag-iisang anak ni Damian gaya ng pagsira nito sa pamilya niya.
Nagsimula na siyang umani ng tuwa pagkatapos niyang masaksihan kung gaano nagalit si Dianna sa ginawa niyang pagkuha sa ina nito. Isa-isa rin niyang sisirain ang lahat sa dalaga hanggang sa pagsisihan nito kung bakit ipinanganak pa ito sa mundo.
“PALIGUAN at pakainin niyo siya.”
Isang tinig ang unti-unting nagpamulat kay Dianna mula pagkakatulog at bago pa man siya magising nang tuluyan ay may mga brasong humawak sa kanya upang maitayo siya mula sofa na kanyang hinihigaan.
Nang sa wakas ay naimulat na niyang maigi ang mga mata, doon lamang niya nalamang may tatlong babae ang sa kanya ay kumakaladkad paakyat ng hagdan.
“Teka, sandali! Saan niyo ako dadlhin?”
Sinubukan pa niyang magprotesta ngunit wala rin iyong nangyari. Wala siyang laban sa tatlong babae na pawang mga wala ring emosyon at nang lingunin niya ang pinagmulan ay naroon si Alexander na matamang nakatunghay lamang sa kanila.
“Alex! Ano ʼto?! Anoʼng gagawin nila sa ʼkin?” hiyaw niya mula sa itaas ngunit wala siyang natanggap na sagot mula rito hanggang sa tuluyan na siyang naipasok ng tatlong babae sa isang silid.
“Ano bang gagawin niyo sa ʼkin? Nasaan ang mama ko?” matigas na tanong ni Dianna kahit na alam niyang walang sasagot sa kanya.
Nagtagumpay siyang makawala sa mga ito kalaunan.
“Sumunod ka na lamang kung ayaw mong may mangyaring masama sa nanay mo,” banta ng isa sa mga babae.
“Mga walang hiya kayo! Wala kaming kasalanan sa inyo. Bakit niyo ginagawa sa amin ʼto?” angil niya.
“Hawakan niyo na siya ulit. Hubaran niyo. Punitin niyo hanggaʼt kinakailangan,” biglang utos ng babaeng nagbanta sa kanya sa dalawang babae.
Kaagad na kumilos ang dalawang babae at muli siyang hinawakan. Narinig niya ang mataginting na tunog ng pagkapunit ng kanyang blusa.
“Teka! Ano ba? ʼWag!”