Pagod na isinandal ni Miguel ang likod sa backrest ng swivel chair nang matapos siya sa pagbabasa ng mga papeles. Pasado alas kuwatro na ng hapon at siguradong mamaya lang ay magmamadali nang umuwi ang mga tauhan niya. Wala naman siyang gagawin mamaya kaya mananatili na lang siya sa opisina para tapusin ang iba pang mga papeles na may kinalaman naman sa negosyo ng mga kapatid niya.
Nang maalala ang iba pang mga kapatid ay mabilis na napailing siya. Siya ang pangatlo sa limang magkakapatid at hindi niya inakala na siya ang mas aasahan ng mga kapatid pagdating sa mga negosyo nila. Ang panganay na kapatid niyang si Jaime ay abala rin naman lalo pa at may triplets ito na kailangang intindihin kung kaya madalas na siya ang napagbibilinan nito ng mga bagay tungkol sa mga negosyo nito. Ang pangalawang kapatid naman niya na si Juancho ay ilang buwan nang nagbabakasyon pagkatapos mamatay sa atake sa puso ang girlfriend nito—sa mismong araw ng kasal ng mga nito.
Ang dalawa pa niyang mas nakababatang kapatid na sila Gabriel at Fabio ay mas madalas ngayon na nasa Maynila sa hindi pa niya alam na dahilan. Hindi naman kasi nila nakaugalian na alamin pa ang mga bagay na pinagkakaabalahan ng bawat isa sa kanila. Nagkataon lang na pagdating sa trabaho ay siya talaga ang pinakaseryoso kung kaya siya ang palaging inaasahan ng mga kapatid niya.
Hindi naman gaanong mahirap ang trabaho niya dahil may mga tao naman silang pinagkakatiwalaan. Kaya nga lang ay madalas na nawawalan na siya ng oras sa sarili. Kahit ang tawagan ang best friend niyang si Janella na nasa ibang bansa ngayon ay hindi niya madalas na nagagawa.
Sumilay ang kontentong ngiti sa mga labi niya nang maisip si Janella. Simula pagkabata ay magkaibigan na sila. Simula gradeschool hanggang high school ay hindi na sila nagkahiwalay pa dahil palaging nasa iisang section lang sila. Nang tumuntong sila sa kolehiyo ay umalis ito para mag aral sa ibang bansa. Iyak siya ng iyak noon dahil ayaw niyang mahiwalay sa best friend niya.
Nangako naman ito na babalik kapag naging maayos na ang buhay nito. Nagkaroon kasi ng problema ang pamilya nito matapos mabaon sa utang at malugi ang negosyo ng mga magulang nito. Kinuha ito ng isang tiyahin at dinala sa France para pag aralin. Kasabay nang pag alis nito ay ang pangako na sa pagbabalik nito ay ibibigay na nito sa kaniya ang matamis na ‘oo’ na matagal na niyang hinihintay.
Nasa high school pa lang kasi sila ay nililigawan na niya si Janella. Naglakas loob siyang sabihin ang nararamdaman niya dito sa takot na maunahan pa siya ng iba. Pero hindi agad siya sinagot ng dalaga dahil kailangan na muna daw nilang magfocus sa pag aaral. Ngayon na naibalik na nito sa dating estado ng pamumuhay ang pamilya nito ay nararamdaman niya na malapit na itong bumalik. Maraming taon din silang hindi nagkita dahil hindi nito sinabi sa kaniya ang address nito sa France. Sinadya nitong huwag makipagkita sa kaniya dahil ayaw daw nitong maistorbo ang pag aaral nito. Sinunod niya ang lahat ng kagustuhan nito dahil alam niya sa sarili na sa pagbabalik nito ay sigurado na siya na hindi na niya ito pakakawalan pa.
Dahil sa matagal na nawala si Janella ay natuto siyang tumingin sa iba. Playboy ang tingin sa kaniya ng lahat pero kontra siya sa bagay na iyon. Nagkataon lang na hindi pa bumabalik ang taong hinihintay niya at hindi naman patas kung hindi siya magpapakasaya sa buhay ng dahil lang sa wala ito. Lalaki pa rin siya at may mga pangangailangan.
“Boss, hindi pa ba tayo uuwi?”
Awtomatikong kumunot ang noo niya nang marinig ang tinig ng bodyguard niyang si Dorothea. Wala pa naman alas singko pero hindi na ito makapaghintay at gusto na agad umuwi.
Umayos siya ng upo at tiningnan ang babae. Napahinga na lang siya ng malalim nang mapansin na malaking t-shirt na may tatak ng pangalan ng kung anong rock band at maong jeans na maluwag ang suot nito. Malinis naman ang rubber shoes na gamit nito pero halatang panlalaki iyon.
Palagi rin nitong itinatago ang mahabang buhok sa ilalim ng baseball cap na hindi na nawawala sa porma nito. Kung hindi lang niya kilala si Dorothea ay iisipin niya na totoong lalaki nga ito.
“Maaga pa, Dorothea—”
“Doro na lang po, sir, ilang beses ko ba dapat sabihin sa'yo na kahit Doro na lang ang itawag mo sa akin. Hindi ka po ba nahihirapan na sabihin nang paulit ulit ang buong pangalan ko?”
Pinangkitan niya ito ng mga mata. Malakas ang loob nitong sumagot sagot sa kaniya dahil alam nitong kakampihan ito ng mommy niya. Ang kaniyang ina kasi ang nagpasok dito sa trabaho kaya niya ito naging bodyguard s***h assistant.
Hindi niya alam kung bakit naisipan ng ina na kailangan niya ng bodyguard. Kung hindi lang siya natatakot na baka magtampo ito sa kaniya ay siguradong hindi niya tinanggap ang serbisyo ni Dorothea.
Kung tutuusin ay masipag naman ang babae kahit daig pa nito ang lalaki kung kumilos. Ayon sa ibang tauhan ay totoong tibo daw si Dorothea pero sa bagay na iyon ay hindi siya naniniwala.
Sa dami ng mga babaeng nagdaan sa buhay niya ay naging eksperto na siya pagdating sa mga ito. May pakiramdam siya na nalilito lang ang babae sa kasarian nito. Isa pa ay wala kahit isa man sa mga babaeng empleyado niya na gustong magpapansin dito ang nagtagumpay na makuha ang atensiyon nito.
Malamang na wala itong nararamdaman na atraksiyon kaya madalas na umiiwas ito kapag inaakit na ito ng ibang babae.
“Basta gusto ko na tawagin kang Dorothea, bakit ba ang dami mong reklamo? At saka teka nga, bakit ka ba nagmamadali? Four o’clock pa lang ng hapon.”
“Four fifteen na po, hindi ba pwedeng sumabay na tayo sa ibang tauhan? Pauwi na kaya iyong iba.”
“What?” napabalikwas siya ng tayo at hindi makapaniwalang sinalubong ng tingin ang assistant niya.
“Eh, sir, nag announce na po sa TV na kasama ang bayan natin sa mga lugar na may signal number three. Kung hindi pa tayo uuwi agad ay baka lahat tayo mastranded na dito.”
Oh shoot!
Buong araw siyang nasa opisina lang kaya hindi niya alam kung ano na ang nangyayari sa labas. Mabilis na naglakad siya palapit sa bintana at hinawi ang makapal na kurtina. Napapalatak pa siya nang makita na nagsisimula nang magsara ang mga establisyementong katabi nila.
“Ihahatid na kita—”
“Hindi na, mauna ka na. Pwede naman akong magpasundo sa driver ni mommy. Hindi ko pa natatapos ang mga papeles—”
“Ihahatid na kita.”
Nabigla siya sa tono ni Dorothea. May halong pag aalala at pinalidad ang tinig nito na para bang sinasabi nito sa kaniya na kung hindi niya ito susundin ay kakaladkarin siya nito sa kotse para lang magawa nito ang gusto.
“Kung ayoko nga, may magagawa ka ba?” nakataas ang isang kilay na tanong niya.
Gumalaw ang mga panga nito at sinalubong siya ng matapang na tingin. Kapag ganoon na seryoso na ito ay parang gusto niyang umatras na lang at sundin ang gusto nito.
Nakakatakot kasi ang klase ng tingin na ibinibigay nito sa kaniya. Sa loob ng mahigit isang taon na paninilbihan nito sa kaniya ay hindi pa niya napapatunayan ang sinabi sa kaniya ng ina na magaling daw sa self defense si Dorothea.
Oo nga at may mga pagkakataon na nagtatalo sila ng babae pero kahit isang beses ay hindi pa niya nasusubukan ang lakas nito.
Sa palagay mo ba maiisip ng mommy mo na gawing bodyguard mo si Dorothea kung hindi totoo ang sinasabi niya?
Muli siyang napabuntong hininga dahil sa tanong na nabuo sa isip nya.
“Basta ayoko pang umuwi.”
“Hindi nga pwede, kailangan ba talagang ipilit mo ang gusto mo?”
mababakas ang pagkainis sa buong mukha na sabi ni Dorothea sa kaniya.
“Umuwi ka na.” sabi pa niya.
Pero hindi ito natinag mula sa kinatatayuan. Naikurap niya ang mga mata nang hubarin nito ang suot na baseball cap. Sumabog sa mukha nito ang ilang hibla ng itim na buhok nito. Parang walang ano man na inayos ng babae ang pagkakatali ng mahabang buhok at muling isinuot ang baseball cap.
“Pasensiyahan na lang tayo boss,”
“Anong—hey!” nanlaki ang mga mata niya nang lumapit ito sa kaniya at hinawakan siya ng mariin sa kaliwang braso. Hindi niya magawang gumalaw dahil bigla siyang namilipit sa sakit nang hawakan nito ng mahigpit ang braso niya.
Sumisigid ang sakit hanggang sa buto niya kaya napahiyaw na siya.
“Anong ginagawa mo!” nangangalit ang mga ngipin na bulyaw niya dito.
Mukhang nakonsensiya naman ito dahil niluwagan nito ng bahagya ang paghawak sa kaniya. Napaungol siya at nag angat ng tingin kay Dorothea.
Pero ang lahat ng galit na nararamdaman niya ngayon ay biglang nalusaw nang tumama ang tungki ng ilong niya sa noo nito. Umabot lang kasi hanggang sa balikat niya ang taas nito kaya malaya niyang nasasamyo ang mabangong ulo nito. Bigla ay napalunok siya nang masamyo ang mabangong amoy ng babae. Parang may kung anong init na binuhay ito sa loob ng katawan niya.
Fvck!
“Tara na, boss,”
“Huh?” wala na siyang nagawa pa nang pilipitin nito ang kaliwang kamay niya at ilipat nito iyon sa bandang likuran niya.
“Ouch! Fvck!” sigaw niya ng muling maramdaman ang sakit.
Pinilit niyang lumingon sa likod niya para sana pagalitan si Dorothea pero halos manghina lang siya dahil sa kakaibang lakas nito.
“Alam mo ba kung anong ginagawa mo, ha? Pwedeng pwede kitang ipatanggal sa trabaho—”
“Ang mommy mo ang mismong nagsabi na daanin ka sa ganito kapag nagmatigas ka pa. Sorry boss, sinusunod ko lang ang utos ni ma’am Leticia.”
Sh@t!
Wala na siyang nagawa pa nang kunin nito ang laptop bag niya sa ibabaw ng mesa na malapit lang sa kanila at basta siya nito itinulak palabas ng opisina.
Nang lumabas sila ay abala na ang mga tauhan niya sa pagliligpit ng mga gamit at halatang naghahanda na nga sa pag alis. Nagulat ang mga ito nang makita na nasa likuran niya si Dorothea at hawak siya ng mariin sa braso. Hindi niya magawang pumalag dahil pagdating sa sakit ay talagang mababa ang tolerance niya. Kaunting kirot lang ay talagang umaaray na siya.
“Miss Magie, uuwi na kami ni boss. Nagbilin si ma’am Leticia na ikaw na ang bahala dito at nasabihan ko na rin ang lahat na umuwi na agad.” Bilin ni Dorothea sa sekretarya niya.
Hindi naman siya nag aalala na iwan kay Magie ang opisina niya dahil alam niyang maaasahan talaga ito. Kapag wala siya at nasa Maynila para bisitahin ang mga negosyo ng pamilya ay ito ang pansamantalang namamahala sa printing press na pag aari niya. May dalawang branch siya sa bayan ng Mondemar at apat na branch naman sa Maynila. Mayroon pa siyang ibang mga negosyo na kasosyo naman niya ang mga kapatid niya.
Nang makita ang pagtataka sa mukha ni Magie ay parang gusto niyang magmura ng malakas. Pero naitikom na lang niya ang bibig dahil masakit pa rin ang ginagawa ni Dorothea na pagpilipit sa braso niya. Hanggang sa makarating sila sa parking lot ng building ay hindi pa rin siya nito binibitiwan. Nagpumiglas lang siya nang makalapit na sila sa kotse niya. Tuluyan nang sumabog ang galit niya nang pakawalan siya ng babae.
“Bullsh#t!”
“Naku sir, mas mapapasalamatan mo pa po ako dahil iniligtas ko ang buhay mo.” Seryosong sabi ni Dorothea sa kaniya.
“Iniligtas?” hinihingal sa galit na asik niya.
“Oo, anong malay natin sa pwedeng mangyari sa'yo sa loob ng building kapag mag isa ka na lang? malay mo baka biglang lumindol at mabagsakan ka ng kung ano, 'di ba? O kaya habang nasa elevator ka ay biglang nawalan ng kuryente at makulong ka sa loob.”
“Shut up!” bigla siyang kinilabutan sa narinig.
Ngumisi lang si Dorothea at ipinagbukas pa siya ng pinto. Nagdadabog na sumakay na siya ng kotse habang hinihimas pa rin ang nasaktang braso. Naupo naman ito sa tabi niya at binuhay na ang makina ng sasakyan. Pagkalabas nila ng exit gate ng building ay tumambad sa kaniya ang madilim na kalangitan at mas malakas pang pagbuhos ng ulan.
Kaninang umaga ay narinig niya sa balita na number one pa lang ang signal ng bagyo sa lugar nila at hindi niya akalain na tataas agad iyon sa loob lang ng ilang oras.
“Sir, hindi ba dapat na matuwa ka dahil ligtas ka ngayon?”
Gusot ang ilong na nilingon niya ang dalaga. Sa lahat ng mga tauhan niya ay ito lang ang hindi niya magawang kontrolin dahil nga hawak ito ng kaniyang ina. Pero papayag ba siya na basta na lang siya nito manipulahin at pagtawanan?
Siyempre hindi!
Napangisi siya ng bigla siyang may maisip na plano. Tingnan na lang niya kung hindi pa siya makabawi sa ginawa nito sa kaniya kanina.
Hah!