“Ano ba naman 'yan, Dorothea Vibar, hanggang sa bahay ba naman ninyo ay ganiyan pa rin ang porma mo?”
Mabilis na nagusot ang ilong ni Dorothea nang maramdaman ang presensiya ni Selly –o Anselmo noong hindi pa ito naglaladlad ng pink na kapa—sa bandang likuran niya. Hindi niya ito pinansin at nagkunwaring abala pa rin sa paghuhugas ng mga plato.
Maliban sa magpinsan sila sa side ng mga ama nila ay magkapitbahay din sila kaya madalas itong tumatawid sa bahay niya para lang bisitahin siya.
“Aray!” napahiyaw siya ng bigla nitong hilahin ang buhok niya.
Sa ginawa ni Selly ay hindi sinasadyang nahubad ang suot niyang baseball cap.
“Nakakaasar ka, Anselmo!” bulyaw niya sa pinsan.
Humarap siya sa direksiyon nito at umaktong susuntukin ito pero mabilis na nakaiwas naman ito palayo sa kaniya habang panay ang hagikhik. Dahil tapos na siyang maghugas ng plato ay sumabay siya sa pinsan nang magtungo ito sa sala. Binatukan pa niya ito nang magkatabi silang maupo sa sofa.
“Aray naman, sister, masyadong brutal ang ganti mo.” Angal ng pinsan niya.
Pinandilatan lang niya ito ng mga mata. Itinikom nito ang bibig at nag peace sign pa sa kaniya.
Sa lahat ng mga pinsan niya ay kay Selly siya malapit dahil ito lang naman ang nakakaintindi sa kaniya.
Ang ilan kasi sa mga kamag anak nila ay madalas na pinagtataasan lang siya ng kilay. Kahit ang kaniyang ama ay hindi rin masyadong tanggap na ang nag iisang prinsesa nito ay pangarap palang maging prinsipe.
Pero kung tutuusin ay hindi naman siya masisisi ng pamilya niya. Buong buhay niya kasi ay hindi naman niya naranasan na makisama sa mga babae. Lumaki siya na walang nakagisnang ina dahil namatay ito sa panganganak sa kaniya. Ang nag alaga sa kaniya ay ang tatay Lino niya at ang pitong kuya niya.
Noong seventeen pa lang siya ay naranasan niya ang maglayas at makitira sa pinsan niyang si Suzy dahil sa madalas na pagtatalo nila ng kaniyang ama. Nalaman kasi nito na may nililigawan siyang babae at hindi nito ikinatuwa ang bagay na iyon. Hindi niya magawang aminin sa ama na hindi naman talaga niya gusto ang babaeng nililigawan niya at nadala lang siya ng pustahan nila ni Selly.
Dahil naging matindi ang pagtatalo nilang mag ama ay nagdesisyon siyang maglayas at tumira sa carnabal nila lolo Impeng. Pagkalipas ng ilang buwan ay umalis siya at naghanap ng trabaho sa Maynila. May kaibigan ang kaniyang ina sa Maynila na siyang tumulong sa kaniya. Pinagsabay niya ang pag aaral at pamamasukan bilang service crew sa fastfood noon. Third year college na sana siya nang magpasiya siyang umuwi dahil nagkaroon ng sakit ang tatay Lino niya.
Ang noon lang na madalas na paninikip ng dibdib nito ay nauwi na sa sakit sa puso. Nang malaman niya ang tungkol sa sakit nito ay hindi na siya nagmatigas pa at agad na umuwi sa pamilya niya. Mas gusto pa niyang manatili na lang sa bayan ng Mondemar para makasama niya ang ama at hindi na siya mag alala pa dito.
“So, anong balita tungkol sa napakahot mong boss?”
Napadiretso siya ng upo.
“Ayon monster pa rin,”
Parang gusto niyang sabunutan si Selly ng bigla na lang itong humagikhik na parang isang teenager na kinikilig. Kung tutuusin ay hindi na nakapagtataka ang naging reaksiyon nito dahil ang lahat naman ng mga babae at mga kafederasyon ng pinsan niya ay parang gusto nang magtumbling sa kilig kapag ang mga anak na ng mag asawang Mondemar ang pinag uusapan.
Sa totoo lang ay wala pa siyang nakikitang kahit isang pangit sa angkan ng mga Mondemar. Parang mga nilalang na bumaba ang mga ito mula sa mount Olympus. Minsan na niyang nakita ang antic na painting ni Juancho Miguelito Mondemar sa munisipyo ng bayan nila –ng minsan siyang magawi doon—at masasabi niya na kamukhang kamukha nito ang mga anak ni don Federico Mondemar.
Si Juancho Miguelito Mondemar ay isang negosyong kastila na inirerespeto ng mga tao sa bayan nila. Dahil sa pagiging mabait at matulungin nito ay isinunod dito ang pangalan ng bayan nila nang pumanaw ito. Ang apo nito sa tuhod na si don Federico Mondemar ay ang siyang ama ng boss niyang si Miguel.
“Okay lang kahit monster, mas feel ko ang mga katulad niya at saka sigurado akong mas mahaba pa sa ruler ang—” hindi na itinuloy pa ni Selly ang sinasabi kaya lumingon siya dito.
Nagulat pa siya nang ipakita nito sa kaniya ang kanang braso nito.
Santisima!
Kamuntik na siyang malaglag sa sofa nang maintindihan ang sinasabi ni Selly. Nang mapagmasdan niya ang malaking braso nito ay napakurap siya. Kahit naman lalaki na may pusong mamon ang pinsan niya ay higit na mas malaki ang katawan nito kompara sa ibang lalaki. Sanay kasi ito sa pagbubuhat ng mga sako ng bigas dahil may pwesto ng bigasan ang ama nito sa palengke.
“Gets mo na?”
“Gaga!” namumula ang mga pisngi na hinampas niya ito ng palad sa braso.
Hindi na naman tuloy niya mapigilan ang sariling maalala ang nangyari noong nakaraang linggo kung saan nakita niya ang hindi naman talaga dapat niyang makita.
Mas lalong namula ang mga pisngi niya nang humalakhak ng malakas si Selly. Kung wala lang siguro sa labas ng bahay nila ang mga kapatid niya at nag iinuman ay baka kanina pa niya sinabunutan ng matindi ang bakla.
“Kung makapagreact naman ito parang akala mo nakakita na ng malaking anaconda!”
Hindi siya nakapagsalita. Paano kaya kung sabihin niya na talagang nakakita nga siya ng anaconda? baka mahimatay sa pagkabigla ang pinsan niya.
“Gusto mo talagang masaktan?” sabi niya nang makabawi at iniumang kay Selly ang nakakuyom niyang kamao.
“Siyempre hindi!” nanlaki ang mga mata nito at mabilis na umatras para maiwasan siya. “Teka nga Dorothea, hindi ka na ba talaga magbabago ng porma mo, ha? Daig mo pa ang palaging biktima ng mga sakuna dahil ikaw ang sumasalo ng lahat ng pinaglumaang damit ng mga kuya mo. Malaki naman ang sweldo mo kay papa Miguel, bakit kailangan mong magkuripot?”
Nagkibit balikat siya. Ganoon naman palagi ang reaksiyon ni Selly kapag nakikita ang ayos niya. Madalas ay pinipilit siya nitong mag ayos ng sarili at umaktong babae pero ayaw naman niya. Sabi pa nito sa kaniya ay may pag asa pa siyang magbago dahil nga hindi pa naman niya nararanasan na magkagusto sa isang babae. Kung ang iba nga raw na totoong lesbian ay nadedevelop minsan ang feelings sa lalaki, siya pa kaya na nalilito lang naman sa kasarian niya.
Hindi niya gusto ang term na ginamit ni Selly na nalilito siya pero may palagay siya na may punto ito. Kahit kasi kilos lalaki siya ay hindi pa talaga siya nagkagusto sa kapwa niya babae. Pero ang ipinagtataka niya ay wala din naman siyang nararamdaman sa kahit na sinong lalaki na nakakasalamuha niya. Hindi niya nararanasan ang sinasabi ng iba na ‘slowmo’ o ‘love at first sight’. Imposible ang bagay na iyon para sa kaniya.
Nakalimutan mo na ba ang mga kakaibang epekto sa'yo ng boss mo?
Naging mabilis ang paghinga niya at bigla ay parang hindi na siya mapakali nang lumitaw sa isip niya ang gwapong mukha ni Miguel. Napansin siya ni Selly kaya nagtatakang tumingin ito sa kaniya.
“Problema mo?”
“Ano ba ang feeling kapag nagsusuot ka ng mga damit pambabae?” pagbabago niya sa usapan.
Ayaw niyang ungkatin pa nito ang kung ano man na tumatakbo sa isip niya.
“Heaven, girl, try mo minsan!”