Chapter Two

2848 Words
MAAGANG nagpunta si Arabella sa terminal patungo sa Atimonan, Quezon dahil ang sabi sa kanya ni Charity ay mas maganda kung umaga siya magbibiyahe upang hindi siya abutin ng gabi. Hindi raw kasi tiyak ang schedule ng biyahe ng mga roro na masasakyan patawid sa isla ng Alabat. Bitbit ang isang backpack at medium size na maleta, nakipagsiksikan siya patungo sa bilihan ng ticket. Hindi na siya nagtataka na ganoon karami ang pasaherong naroon; Marso ngayon kaya maraming nagsisipag-uwian sa probinsiya. Napasimangot siya nang makita ang pila sa kuhanan ng ticket. Mahaba iyon at sa tingin niya ay pangdalawapu’t pito pa siya. Nagsisimula na ring tumirik ang araw at dahil sa dami ng tao ay lalong naging maalinsangan ang paligid. Nakahinga siya ng maluwag nang sa wakas ay siya na ang nasa harap ng ticket booth. “Sandali lang, Miss,” aniya sa babaeng nasa loob ng booth, sabay kalkal sa dalang backpack para kunin ang kanyang wallet. “Excuse me,” anang isang lalaki na bahagya pa siyang tinabig. “Miss, isang ticket papuntang Atimonan.” Nakataas ang isang kilay na kinalabit niya ang lalaki. “Excuse me rin. Hindi mo ba nakitang may nauna sa 'yo? Hindi ka ba marunong pumila?” Tila walang narinig na iniabot ng lalaki ang bayad sa babaeng nasa ticket booth. Lalong tumaas ang kilay niya. Garapal din talaga ang isang ito, ah. Tumikhim siya nang malakas. Saka lang tumingin sa kanya ang lalaki. “Yes?” Aba't ang kapal talaga! Parang hindi mo ako nakita nang lumapit at sumingit ka rito. Nagsisimula na siyang manggigil sa inis. “Sabi ko, hindi ka ba marunong pumila? Kanina pa kasi ako rito. Actually, ako nga ang nasa huli ng pila. It was already my turn to get my ticket when you showed up,” mataray na sabi niya at patabig ding pinaalis ang lalaki sa harap ng booth. “Miss, sa Atimonan ako.” “Eh, Ma’am, iisa na lang ho 'yong bakanteng upuan ng bus,” anang babae na napatingin sa lalaking nasa tabi niya. “No problem. Mag-isa lang naman ako,” sabi niya. “Miss, naiabot ko na sa kanya ang bayad ko,” sabi sa kanya ng lalaki. Humarap siya rito. “So what do you mean? Sa 'yo dapat mapunta ang ticket? No way! Kanina pa ako nakapila rito!” Iniabot niya ang pera sa babae. “Miss, akin na ang ticket ko.” “Sinabi ko sa 'yong ako ang naunang magbayad, so that ticket is mine. 'Di ba, Miss?” tanong ng lalaki sa nasa ticket booth. Nginitian at kinindatan pa nito ang nagbebenta ng ticket.  Aabutin na sana ng lalaki ang ticket pero mabilis niyang iniharang ang kanyang kamay sa butas ng booth. “Wala akong pakialam kung nagmamadali ka o ikaw ang naunang nag-abot ng bayad! Nauna ako sa pila at sumingit ka lang. Miss, give me that ticket or else I will report you to your superior!” Waring natakot ang babae sa banta niya kaya sa kanya nito ibinigay ang ticket. “Miss, please. I really need to get on that bus,” pakiusap ng lalaki. “Kung kailangan mong makaalis kaagad, dapat nagpunta ka rito nang mas maaga. Excuse me.” Tinabig niya ang lalaki paalis sa pagkakaharang nito sa kanyang dadaanan. Taas-noong nagmartsa na siya patungo sa bus na sasakyan niya. PINUNO ni Arabella ng sariwang hangin ang kanyang dibdib. Pasado alas-dos ng hapon siya nakarating sa Atimonan at mula roon ay sumakay siya ng roro patungo sa Alabat. Natatanaw na niya ang isla at sa tingin niya ay magugustuhan nga niya ang pananatili roon. Ilang sandali pa ay dumaong na ang roro sa maliit na pantalan ng isla. Nang makababa siya ay isang may-edad na babae ang sumalubong sa kanya. “Miss, ikaw ba si Arabella, 'yong kaibigan ni Ma’am Charity?” “Opo,” nakangiting tugon niya. "Good afternoon po." Ginantihan din ng matanda ang ngiti niya. “Maligayang pagdating dito sa isla. Ako si Consuelo, ang caretaker ng rest house ng pamilya nina Ma’am Charity.” “Thank you po sa pagsundo sa akin. Sana ho, hindi ako nakakaabala sa inyo.” “Sus, wala iyon. Halika na’t nang maihatid na kita.” Kinuha nito ang kanyang maleta.  Isang owner-type jeep ang sinakyan nila patungo sa rest house na nasa dulo ng kaliwang bahagi ng isla. “Kayo lang ho ba ng pamilya ninyo ang nakatira sa rest house ngayon?” tanong ni Arabella habang nasa sasakyan sila. “Naku, hindi kami doon nakatira. May sarili kaming bahay na malapit lang din naman sa rest house,” sagot ni Aling Consuelo. Natigilan si Arabella. “'Ibig ho ninyong sabihin, mag-isa lang ako doon ngayon?” Tumango ito. “Oo. Pero huwag kang mag-alala, safe naman doon. Pribado ang bahaging iyon ng isla kaya bihira lang may magawi roon. Tuwing ikatlong araw ay nagtutungo kami roon para maglinis.” Hindi siya sumagot. Hindi niya naiwasang mangamba dahil hindi siya sanay na nag-iisa, lalo pa at hindi rin siya pamilyar sa lugar na ito. “Basta kung may kailangan ka tawagan mo lang ako. Ibibigay ko sa 'yo ang cell phone number ko para mai-text o matawagan mo ako kung may problema.” Napatango na lang siya. Mahigit kinse minutos silang nagbiyahe bago nila narating ang rest house. Agad siyang napahanga sa lugar. Maganda ang paligid at mukhang tahimik. Tulad ng kuwento ni Charity, nasa dalampasigan ang rest house ng pamilya nito at mula roon ay napakaganda ng tanawin. “Halika na sa loob para makapagpahinga ka na,” yaya ni Aling Consuelo na nagpatiuna na sa pagpasok sa loob ng rest house. Kasunod nito ang ipinakilala nitong panganay na anak na lalaki; bitbit ng lalaki ang kanyang mga gamit. Simple pero maaliwalas ang loob ng bahay. Malaki iyon, ayon kay Aling Consuelo ay may limang silid ang rest house. Bagaman gawa iyon sa semento at salamin, ang mga kagamitan naman ay yari sa kahoy at kawayan. May mga halaman din sa loob kaya lalong malamig sa mata. “Bihirang umuwi rito si Ma’am Charity. Ang mga magulang at mga pinsan niya ang madalas na nagtutungo rito,” sabi ni Aling Consuelo. Sinamahan siya nitong libutin ang bahay at pagkatapos ay inihatid na siya nito sa magiging silid niya. Iyon daw ang silid na tinutuluyan ni Charity kapag nagpupunta roon ang kaibigan niya. Malaki at malinis ang silid. Malaki ang pabilog na kama at ang malalaking bintana ay natatakpan ng maninipis na puting kurtina. “Paano, hija, maiwan ka na namin. May pupuntahan pa kasi kaming mag-ina. May niluto na akong pagkain diyan para sa hapunan mo.” “Maraming salamat po uli.” Inihatid niya hanggang sa labas ang mag-ina. Bago umalis ang mga ito ay ibinigay ni Aling Consuelo sa kanya ang susi ng main door, veranda, at ng kanyang silid. Nang wala na ang mag-ina ay bumalik na siya sa silid at sinimulang ayusin ang kanyang mga gamit. Inilalagay na niya ang kanyang mga damit sa cabinet nang mahulog mula sa pagkakaipit sa mga iyon ang isang maliit na pulang kahon. Ilang sandali rin niyang tinitigan iyon. Napahugot siya ng malalim na hininga bago iyon pinulot at binuksan. Isang diamond studded ring ang laman nito, iyon ang engagement ring na ibinigay sa kanya ni George noong mag-propose ito. Naramdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Hindi niya maiwasang maalala ang ginawang proposal noon ng dating kasintahan. Kinasabwat pa ng lalaki ang mga kasamahan niya sa trabaho. Taon-taon ay mayroong sports festival ang kompanya, at mula pa noon ay siya na ang panlaban ng team nila sa swimming competition kahit pa never pa siyang nanalo. Pero noong isang taon ay siya ang nanalo, and during the awarding ay saka niya nalaman na sadya pala siyang pinapanalo ng mga kalaban niya sa competition. And her prize was that ring. Napakasaya niya noon kaya never niyang naisip na mauuwi lang sa ganito ang relasyon nila ni George. Napitlag siya nang tumunog ang kanyang cell phone. Pinahid niya ang mga luha sa kanyang pisngi at inilagay ang kahita sa bulsa ng backpack niya bago sinagot ang tawag. “Kumusta ang biyahe mo?” tanong ni Tita Carlota mula sa kabilang linya. “Okay naman ho. Kararating ko lang dito sa rest house." “Mabuti naman kung gano’n. Siniguro ko lang na safe kang nakarating diyan. Mag-iingat ka. Tawagan mo ako lagi para hindi ako masyadong mag-alala sa 'yo.”  “Opo, mag-ingat din ho kayo diyan." "Sige na, magpahinga ka na muna, I'm sure napagod ka sa biyahe." Pagkatapos magpaalam ay ibinitang na niya sa kama ang cell phone at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng mga gamit. PAGKATAPOS kumain ng hapunan ni Arabella kanina ay umakyat na siya sa kanyang silid. Gusto na sana niyang matulog pero hindi siya dalawin ng antok kaya minabuti niyang magbasa ng isa sa mga librong dala niya. Mahigit tatlong oras na siyang nagbabasa pero hindi pa rin siya inaantok. Nagpasya siyang maligo muna. Baka sakaling makatulog siya kapag napreskuhan ang kanyang katawan. Agad nga siyang nakaramdam ng ginhawa pagtapat niya sa shower. Pakanta-kanta pa siya habang naliligo. Halos kalahating oras din siyang nagbabad sa tubig bago siya lumabas ng banyo.  Eksaktong paglabas niya ng banyo ay bumukas ang pinto ng silid na kinaroroonan niya at isang hubog ng lalaki ang pumasok doon. Napatili siya dahil sa labis na pagkagulat pero agad ding napalitan ng takot ang nararamdaman niya. Dahil ang malamlam na ilaw lang mula sa lampshade sa bedside table ang nagbibigay ng liwanag sa silid, hindi niya gaanong maaninag kung sino ang estranghero na biglang pumasok sa silid. “Sino ka?!” Napahigpit ang pagkakahawak niya sa pagkakabuhol ng tuwalya na tanging tumatakip sa katawan niya. “Magnanakaw ka, 'no? Help! Tulungan n’yo ako!” malakas na sigaw niya habang inililibot ang tingin sa loob ng silid para makahanap ng kahit anong bagay na puwedeng ihampas sa estranghero. “Shut up! Calm down!” anang lalaki na nagtangka pang lumapit sa kanya. “Huwag kang lalapit sa akin!” Napaatras siya. “Tulungan n’yo 'ko! Tulong!” “Manahimik ka muna, Miss.”  Mabilis niyang nadampot ang sapatos na natapakan niya at ibinato iyon sa lalaki. Sapol ito sa ulo. “Damn it!” Pumalatak ito habang sapo ang bahagi ng ulo na tinamaan ng sapatos. Lumayo ito sa kanya at nagtungo sa switch ng ilaw. Nagliwanag ang paligid at ganoon na lang ang pagkabigla niya nang humarap sa kanya ang estranghero. “Ikaw?!” bulalas ni Arabella, titig na titig sa lalaki. Ito ang bumuwisit sa kanya sa bus terminal. Mababakas din sa mukha nito ang pagkagulat nang mamukhaan siya nito. “Sino ka? Ano’ng ginagawa mo rito?” halos magkasabay nilang tanong sa isa’t isa. Ilang saglit din silang nagtitigan. Habang nakatingin sa lalaki ay pasimpleng nangangapa ang mga kamay at paa niya ng bagay na maaari pa niyang ibato rito. “Bakit bigla-bigla ka na lang pumasok dito? Magnanakaw ka ba? Tulungan n'yo ako! May magnanakaw rito!” muli ay pagsisigaw niya. “Miss, tumahimik ka nga!” anang lalaki at muling humakbang palapit sa kanya. “Huwag kang magkakamaling lumapit sa akin!” Nasa tabi na siya ng bedside table kaya dinampot niya ang vase na naroon. Umatras ang lalaki. “Miss, ibaba mo 'yan! Kapag tinamaan ako niyan, baka makalimutan kong babae ka! Put that down!” maawtoridad na sabi nito. Lalo namang humigpit ang pagkakahawak niya sa vase. “Sino ka ba? Bakit ka nandito?” “Ako ang dapat nagtatanong niyan sa 'yo, Miss. Wala ka sa posisyon para magtanong sa akin ng ganyan,” sabi nito na titig na titig sa kanya at sa vase na tangan niya. “Ano?” naguguluhang tanong niya. “Hindi ako magnanakaw o masamang tao. Member ako ng pamilya na nagmamay-ari ng vacation house na ito,” sabi ng lalaki. Sandali siyang natigilan sa sinabi nito. Ano ba'ng malay ko kung nagsasabi ka ng totoo?  sabi ng isang bahagi ng isip niya. “You mean, kamag-anak ka ni Charity?” paniniguro niya. “She’s my cousin,” sagot ng lalaki. Hindi pa rin naalis ang pagdududa niya. Maraming nagkalat na masasamang tao ngayon at magaling ang mga iyon sa panloloko. Malay ko ba kung isa ang damuhong ito sa mga iyon? Naalala niya ang insidente sa bus terminal. Sa ugaling mayroon ang isang ito, hindi malayong tama ang hinala ko. “I don’t believe you,” mayamaya ay sabi niya. “Umalis ka na rito, or else sisigaw uli ako! Huwag mong hintaying dumating ang mga taga-rito sa isla at kuyugin ka.” Ngumiti ito. “Okay, go on, scream. Tawagin mo silang lahat!” “Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo! Malapit lang dito ang bahay ng katiwala ng rest house na 'to at kapag nilakasan ko pa ang sigaw ko, siguradong maririnig nila ako,” pananakot pa niya bagaman hindi niya alam kung gaano kalayo ang rest house sa iba pang mga bahay doon. “Hindi rin ako nakikipagbiruan sa’yo, Miss. Pagod ako sa biyahe at gusto ko ring magpahinga tulad mo. Para matapos na 'to, bakit hindi mo tawagan si Charity? You know her, right? Itanong mo sa kanya kung sino ako.” Magandang ideya ang sinabi nito, pero bigla na namang gumana ang imahinasyon niya. Paano kung gumagawa lang ito ng paraan para maatake siya nang hindi siya handa? “No,” aniyang sinabayan pa ng pag-iling. “You call her.” Nagbuga ng hangin ang lalaki na tila nauubusan na ng pasensiya. "All right!” Dinukot nito ang cell phone sa bulsa nito.  Hindi niya inaalis ang tingin dito. Habang nag-iisip ng gagawin. Iisa lang ang pinto palabas ng silid at bago pa siya makarating doon ay mahaharang na siya ng lalaki. Kung magkukulong siya sa banyo, gasino lang na sirain nito ang pinto. At kung tatalon naman siya sa bintana - Hell no! Paano kung mapasama ang bagsak niya? s**t! Think, Ara! Damn it!  "Hello, Charity,” sabi nito pagkaraan ng ilang sandali. Natigilan siya at napatunganga sa lalaki. "I have a problem," anito habang magkasalubong ang noo na nakatingin sa kanya. "Nandito ako sa Alabat and there’s someone here na tinatawag akong magnanakaw. I think you know her. Can you please talk to her? I don’t have time to argue with this woman.” Napataas ang kilay ni Arabella sa sinabi nito.  “Here,” sabi sa kanya ng lalaki, sabay abot sa kanya ng cell phone. “Paano ako makakasigurong si Charity 'yan?” nakaismid na sabi niya. Nagtagis ang mga bagang ng lalaki. “Oh, for Christ’s sake! Why don’t you just talk to her! Kung kilala mo talaga ang pinsan ko, I'm sure you’ll recognize her voice!” tila nauubusan na talaga ng pasensiyang sabi nito. Labag man sa kalooban ay nakaramdam siya ng kaunting pagkapahiya. May punto ito. Pero paano kung pag-abot niya sa cell phone ay bigla siya nitong sunggaban? Malay ba niya kung may kausap talaga ito sa kabilang linya. "Put her on loudspeaker," utos niya sa lalaki. Napailing na lang ito bago pinindot ang cell phone. “Arabella! Are you okay?"  Natigilan siya nang marinig ang tinig mula sa cell phone na hawak ng lalaki. "Charity?" nausal niya. "Yes, it's me. I'm sorry, I didn't know that Jared will be there kaya `di kita nasabihan. He’s my cousin." Napabuntong-hininga siya. Si Charity nga ang nasa kabilang linya. Pakiramdam niya ay nais niyang lumubog sa kahihiyan. “Ganoon ba? Natakot kasi ako sa bigla niyang pagdating dito. Kaya ganoon ang naging reaction ko." “It’s okay. I'm sure he'll understand," wika ng kaibigan niya. Napasulyap siya sa mukha ng pinsan ni Charity, blangko `yon. Ganyan ba ang nakakaunawa? "I will call you later, Ara. Jared, usap muna tayo." Tinanggal na ng lalaki sa loudspeaker si Charity, at nag-usap na ang mga ito habang siya naman ay di pa rin kumikilos sa kinatatayuan. Ibinalik na niya sa bedside table ang vase na hawak. “Arabella, right?” sabi sa kanya ng lalaki pagkatapos nitong kausapin si Charity. Mahinang tango lang ang ibinigay niya rito. “Sinabi sa 'kin ni Charity na magbabakasyon ka rito nang dalawang linggo. I’m sorry kung bigla na lang akong pumasok dito sa kuwarto. Hindi ko kasi inisip na may tao rito. Akala ko naiwan lang ni Aling Consuelo na bukas ang lampshade kaya i-o-off ko sana," ani Jared. "Sige, maiwan na kita. Ayusin mo na ang sarili mo at magpahinga ka na." Hindi siya nagsalita. Nang wala na ang lalaki ay saka lang tila nag-sink-in sa kanya ang huling sinabi ni Jared. Naalala niya ang kanyang ayos, mabuti na lang at hindi natanggal ang pagkakatapis ng tuwalya sa kanyang katawan. Mabilis niyang kinuha ang mga damit niya sa kama at bumalik ng banyo para magbihis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD