Chapter Three

2708 Words
MAAGANG bumangon si Arabella para ayusin ang mga gamit niya. Kagabi ay pinag-isipan niyang mabuti kung mananatili pa ba siya sa isla o hindi, sa huli ay nagdesisyon na siyang bumalik na ng Maynila. Nahihiya pa rin siya kay Jared dahil sa nangyari kagabi, oo nga at nagulat siya sa bigla nitong pagsulpot pero ang OA pa rin talaga ng reaksiyon niya. Isa pa, sa tingin niya ay hindi magandang tingnan na sila lang dalawa ang naroon sa rest house. Lumabas siya ng kuwarto bitbit ang maleta at ang kanyang bag. Sa palagay niya ay natutulog pa si Jared kaya marahan siyang nanaog sa hagdan. Naisip niyang maghintay na lang sa sala hanggang sa magising ito para makapagpaalam siya. Iniwan niya sa salas ang mga gamit niya, saka nagtungo sa kusina para kumuha ng maiinom. “Where are you going?” Muntik nang mapatalon sa pagkagulat si Arabella nang may nagsalita mula sa likuran niya. Napaharap siya sa may-ari ng tinig.  “Bakit nasa ibaba ang mga gamit mo?” tanong ni Jared na nakatitig sa kanya. “Babalik na ako ng Manila. Hinihintay lang kitang magising para makapagpaalam at mag-sorry na rin sa nangyari kagabi,” aniya na nakaiwas ang tingin dito. Hindi niya magawang salubungin ang tingin nito, she felt uneasy having him stare at her like that. Lumapit ito sa kinaroroonan ng coffeemaker. “You don’t have to leave. You can stay here for as long as you like. Bisita ka ni Charity at ayoko namang isipin ng pinsan ko na pinaalis ko ang bisita niya. And besides, you got here first. Ibig sabihin, ako ang nang-istorbo sa pagbabakasyon mo.” Hindi siya kumibo. “Stay,” sabi ni Jared at muling humarap sa kanya. “I can’t let you leave. Ano na lang ang sasabihin sa akin ni Charity kapag ginawa ko iyon? At okay lang naman sa akin na may kasama ako rito.” Tahimik na pinag-isipan niya ang sinabi nito. Oo nga naman, bakit ka aalis? Nauna ka rito sa isla at sayang naman ang effort at perang nagastos mo sa pagpunta rito kung hindi mo lulubusin ang bakasyon mo, sabi ng isang bahagi ng isip niya. “Okay,” aniya pagkaraan ng ilang sandali. “But I have one condition,” biglang sabi ni Jared. Muntik nang tumikwas ang kilay ni Arabella. Condition? Ano ang karapatan nitong magsabi ng kondisyon? Oo nga at isa ito sa mga may-ari ng rest house pero hindi siya nagpupumilit na manatili roon. Hindi ba’t ito ang nagpipilit na mag-stay siya? “You can stay here but I want you to stay out of my way. I won’t bother you and I hope you’ll do the same for me. Don’t bother me and just mind your own business. Klaro naman 'yon sa 'yo, right?” Ngali-ngaling tarayan niya ito. Sino ka ba sa palagay mo para pag-aksayahan ko ng panahon para istorbohin? “Have I made myself clear?”  Marahan na lang siyang tumango kahit sa loob-loob niya ay gusto na niyang barahin ang antipatikong ito. “Good,” sabi nito. Dala ang isang tasa ng kape ay humakbang na ito palabas ng kusina. Huminto ito sa may pinto at humarap sa kanya. “Do you need help with your luggage?” "No thanks, I can manage," matabang na sabi niya. Hindi na ito nagsalita at iniwan na siya. Napasimangot siya habang sinusundan ng tingin ang papalayong lalaki. “Pa-gentleman effect ka pang unggoy ka, hindi naman bagay!” mahinang bulong niya. Kumilos na siya. Binitbit niya ang mga gamit, saka umakyat pabalik sa silid na inookupa niya. Muli niyang ibinalik sa bakanteng cabinet ang mga damit niya, pagkatapos ay nahiga siya sa kama. Sa totoo lang, ayaw pa sana niyang bumangon kanina dahil mabigat ang kanyang katawan at inaantok pa siya.  Napasimangot siya nang maalala ang sinabi ni Jared kanina. "Mind my own business pala ha, as if naman pakikialaman kita! Bwisit! Pakayabang!" Inabot niya ang isang unan at niyakap iyon ng mahigpit. Naisip niyang matulog na lang para makaiwas na rin kay Jared tulad ng gusto nito.   *****   NAGISING si Arabella dahil sa pagri-ring ng kanyang cell phone. Pupungas-pungas na kinapa niya iyon sa bedside table. “Hello?” “Good afternoon, Miss Ara. Si Marissa po ito,” pakilala ng nasa kabilang linya, ito ang personal assistant ni Charity. “Yes, Marissa. Napatawag ka? May problema ba diyan sa office?” aniya, saka napahikab. “Wala naman, Ma’am. Itatanong ko lang po sana kung saan ninyo inilagay 'yong envelope ng mga picture ng cover model natin for this month. Hinahanap po kasi ni Ma’am Charity. Hindi ho kasi kasama roon sa mga files na na-forward ninyo sa akin.” Napapikit siya at mabilis na inalala ang tungkol sa folder na tinutukoy nito. “I think nasa drawer ng table ko. Pakikuha na lang do’n. Kung wala, pakitanong kay Bernadette. Baka napasama doon sa mga files na iniwan ko sa kanya.” “Okay po. Thank you. Anyway, ipinakukumusta po kayo ni Ma’am Charity. Sabi ho niya, tumawag na lang kayo sa kanya kung may problema.” “Tell her not to worry about me. I’ll call her tomorrow. I know she’s busy right now. Ikaw na ang bahala, ha? Kung may iba pang files na kailangan, i-check mo na lang sa computer ko.” “Yes, Ma’am.” Pinindot na niya ang End call button pagkatapos nilang mag-usap ni Marissa. Tiningnan niya ang orasan at napamulagat siya nang makitang pasado alas-dos na nang hapon. Napahaba pala ang tulog niya. Naupo siya sa kama at nag-inat. Nakagat niya ang ibabang labi nang maramdaman ang pangangalam ng kanyang sikmura. Hindi pa nga pala siya kumain o nakainom kahit mainit na kape kaninang umaga. Bumangon na siya at inayos ang sarili bago bumaba sa kusina. Maghahanap na lang siya roon ng kahit anong maaaring kainin at saka siya aalis para mamili ng supplies niya. Tahimik siyang bumaba at nagpalinga-linga. Pinakiramdaman niya kung nasaan si Jared pero mukhang wala ang lalaki. Ang fridge ang unang binuksan niya at hindi naman siya nabigo dahil may nakita siya roon na isang microwavable container na may lamang afritada. “Mabuti na lang at talagang siniguro ni Aling Consuelo na hindi ako magugutom ngayon,” nangingiting sabi niya bago simulan ang pagkain. NAGLAKAD-LAKAD si Arabella sa tabing-dagat bago nagtungo sa palengke. Ilang minuto rin siyang naglakad mula sa rest house bago niya narating ang main road patungo sa bayan. Hindi siya nahirapan dahil natandaan naman niya ang dinaanan nila nina Aling Consuelo kahapon. Mula sa main road ay sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa bayan. Malapit ng magdapit-hapon nang makabalik siya sa rest house. Agad niyang natanaw si Jared pagbaba niya ng tricycle ilang metro ang layo sa bahay. Nakatayo ang lalaki sa front door, naka-krus ang mga braso nito sa tapat ng dibdib habang nakatingin sa kanya. Tama si Charity, maganda nga rito sa isla. Puwede kang makapagpahinga at makapag-isip ng maayos. Kung sana nga lang ay hindi dumating ang lalaking ito, naisaloob niya. “Good evening,” mahina at matabang na bati niya kay Jared nang makalapit siya rito.  Nakatingin ito sa kanya pero hindi man lang sumagot. Nilampasan na niya ito. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ay biglang nagsalita ang lalaki. “I thought we had a deal?” Napatigil siya at humarap dito. “Ha?” “Akala ko nagkasundo tayo na hindi natin pakikialaman ang isa’t isa?” Tumikwas ang isang kilay niya. “Bakit, inaano ba kita? Am I bothering you?” hindi maitago ang sarkasmo sa tinig niya. Ano bang problema ang antipatikong ito sa kanya? “Ikaw ba ang kumain ng afritada na nasa fridge?”  Natigilan siya at hindi nakasagot. “That was mine. Iyon sana ang dinner ko mamaya,” dagdag na sabi nito. Ilang sandali rin siyang hindi nakapagsalita bago nakabawi. “Iyon lang ba ang ipinaghihimutok ng butsi mo? I’m sorry. Akala ko kasi si Aling Consuelo ang nag-iwan n’on para sa akin.” “Well then, mali ang akala mo.” Ngali-ngaling ibato niya sa mukha nito ang mga plastic na hawak niya. Hindi talaga niya gusto ang ugali ng lalaking ito. “I’m sorry. Papalitan ko na lang 'yon," aniya pagkatapos pigilin ang sarili na tarayan ang lalaki. “Huwag ka nang mag-abala, tapos na akong kumain. Pinagtiyagaan ko na 'yong stock na de-lata. Sa susunod, huwag mong basta pakikialaman ang mga bagay na hindi sa 'yo,” sabi nito at tinalikuran na siya. Nagngingitngit sa inis na sinundan niya ito ng tingin. Hindi siya makapaniwala sa ugali ni Jared. He’s so mean. Ganoon ba siya mag-estima ng bisita? Nagtungo na siya sa kusina. Halos padabog niyang ibinaba sa mesa ang mga dala niya. May narinig siyang ingay ng isang motor na papalayo sa bahay. Sa hula niya ay si Jared iyon. “Napakasama ng ugali! Malay ko bang sa kanya 'yon. Kung alam ko lang na siya ang nagluto n’on, ni tikim hindi ko gagawin,” paghihimutok niya. Nag-ring ang kanyang cell phone. Kinuha niya iyon at sinagot. “Hello?” Mahihimigan pa rin ang inis sa boses niya. “Hey, mukhang mainit ang ulo mo, ah,” sabi ni Charity mula sa kabilang linya. Napabuga siya ng hangin para i-relax ang sarili. “I’m sorry. Medyo nasira lang kasi ang mood ko kanina.” “Why? May problema ba?” “Wala. 'Yong pinsan mo kasi—” Tumawa si Charity. “Why? Has he been pestering you?” “Oo. At ngayon, dinadagdagan mo pa,” naiiritang sabi niya. "Nakakatawa ba na pinipeste ako ng pinsan mo?" “Chill ka lang naman!" Napabuga siya ng hangin. “Anong chill ang sinasabi mo diyan? Paano ako makakapag-relax at magkakaroon ng peace of mind kung araw-araw ay mukha ng pinsan mo ang makikita ko rito?!” "Bakit, guwapo naman ang pinsan ko, ah.” She rolled her eyes, mukhang gusto pa yatang dagdagan ni Charity ang inis na nararamdam niya ngayon. “Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo, ha?" "Bakit ba pikon ka? I'm just kidding," ani ng babae na halata sa tinig na pinipigil lang ang pagtawa. "Okay, okay, I'm sorry. Can you please calm down. Ano ba’ng ginawa sa 'yo ni Jared?” “Malapit nang b-um-ingo sa akin ang pinsan mo. Kahapon pa nang umaga niya ako sinimulang buwisitin,” reklamo niya. Naupo siya sa dining table. “Kahapon ng umaga? Eh, 'di ba kagabi lang naman dumating si Jared diyan? At ikaw naman, nasa biyahe ka pa kahapon ng umaga," bakas ang pagtataka sa tinig ng babae. Ikinuwento niya sa kaibigan ang nangyari nang magkrus ang mga landas nila ni Jared sa bus terminal. Lalo siyang naiinis sa lalaki nang maalala ang tagpong iyon. “Iniisip ko na ngang bumalik na lang diyan, eh. Hindi ako makakatagal na kasama ang pinsan mo,” aniya pagkatapos niyang ikuwento pati ang nangyari bago ito tumawag. “Ano ka ba, Ara? Diyan ka lang. Sulitin mo na ang pagpunta mo riyan. Besides, I’m sure hindi naman magtatagal diyan ang pinsan ko. Jared dela Vera is a workaholic. Hindi siya puwedeng matagal na mawala sa trabaho dahil siya ang VP ng Dela Vera Builders.” Tumaas ang isang kilay niya. Ang Dela Vera Builders ang pinakamalaking construction company sa buong Pilipinas. Hindi lang sa bansa kinikilala ang kompanyang iyon kundi sa buong Asya. Hindi pala basta-bastang tao ang kasama niya sa isla. Ngayon lang niya naalala ang isang article na nasulat sa magazine nila noon tungkol sa DVB. Nabanggit doon ang tungkol sa thirty-three years old na anak ng Chairman ng kompanya, ito raw ang pinakabatang naging vice president ng DVB. Akalain mong ang antipatikong si Jared pala iyon. Napaismid siya. "Kaya pala napakayabang ng pinsan mo.” “Grabe ka. Mabait si Jared, magaling nga lang mang-asar. Anyway, just ignore him. Huwag mong i-stress ang sarili mo dahil sa kanya.” Napabuntong-hininga siya. Kung sana ay ganoon kadaling gawin ang sinabing iyon ng kaibigan. Kapag nakikita niya si Jared, pakiramdam niya anumang oras ay puwedeng umabot ang dugo niya sa boiling point nito. Naiinis talaga siya rito kahit na dalawang araw pa lang niya itong nakikilala.   *****   HATINGGABI na nang umuwi si Jared. Nakipagkita siya sa mga kaibigan niya sa isla. Dahil matagal-tagal din niyang hindi nakasama ng mga ito, hindi siya nakatanggi nang magyaya ang mga kaibigan na uminom. Hindi rin niya namalayan ang oras dahil napasarap ang kuwentuhan nila. Pagpasok niya sa bahay ay napansin niyang bukas pa ang ilaw sa dining room. Nagtungo siya roon sa pag-aakalang naroon si Arabella. Nangunot ang noo niya nang makitang walang tao roon pero may nakahaing pagkain sa mesa. Lumapit siya at tiningnan iyon.  “Afritada,” nasabi niya nang makita ang pagkain. Napabuntong-hininga siya. “Nagluto pa talaga siya.” Kumuha siya ng kutsara at tinikman ang luto ni Arabella. Napabuntong-hininga siya habang tinitingnan ang pagkain. Mayamaya pa ay tumayo siya at inilagay sa fridge ang afritada. Hinugasan niya ang ginamit na kubyertos bago walang imik na umakyat siya sa second floor ng bahay.  Papasok na siya sa kanyang silid nang matanaw niya si Arabella sa veranda. Nakaupo sa sahig ang babae at yakap-yakap nito ang mga tuhod. Nakatanaw ito sa malayo pero mayamaya ay isinubsob nito ang mukha sa mga tuhod nito. Natanaw niya ang pagyugyog ng mga balikat nito na tila ba umiiyak. Kunot-noong pinagmasdan niya ang babae. Naagaw ang atensiyon niya nang biglang tumunog ang cell phone niya. Mukhang narinig din iyon ni Arabella dahil napa-angat ang ulo nito at dumako ang tingin sa kinaroroonan niya. Tama nga siya, umiiyak ang babae. Basa ang mukha nito at namumugto ang mga mata. Siya ang unang nagbawi ng tingin, pumihit siya patungo sa kanyang silid.  Pagkasara niya ng pinto ng silid ay saka niya sinagot ang tumatawag. “Vanessa, ano'ng balita diyan sa opisina?” “Wala namang problema, all is well. Kumusta ang pagbabakasyon mo diyan?” tanong ni Vanessa. Ito ang assistant niya at matalik ding kaibigan. “Ayos lang ako dito. Ano’ng progress sa ipinapagawa ko sa 'yo? Nakumbinsi mo na ba sina Mr. Ortega na ibenta sa atin ang properties nila?” “Yes," bakas ang tuwa na pagbabalita nito sa kanya. "IpInaasikaso ko na sa legal department natin ang mga kailangang papeles.” Napangiti siya. Ilang buwan din nilang kinulit ang mga Ortega upang ibenta ang lupain ng mga ito sa kanila. Doon nila itatayo ang Palacio de Mercedes, ang pinaka-highlight ng resort and nature club na napakatagal din nilang pinlano ng kanyang papa. “Alam na ba ni Papa ang tungkol dito?” “Yes. Actually, kasama ko siya kahapon na kumausap sa mga Ortega. Malapit na nating masimulan ang project natin,” sabi ni Vanessa na hindi maitago ang excitement. “I guess kailangan ko nang bumalik diyan sa Maynila para ayusin ang iba pa nating kailangan.” “Jared, relax. Kami na ang bahala rito. Ngayon ka nga lang uli nakapagbakasyon, eh.” “Pero—” “Ano ka ba naman? Wala ka pang tatlong araw na wala rito sa opisina, ang pagbalik na agad ang nasa isip mo. Bigyan mo naman ng panahon ang sarili mo na makapagpahinga ng matagal-tagal. Napabuga siya ng hangin. “Masyado lang ako na-overwhelm sa balita mo.” “I know. Pero sabi ng papa mo kahapon, gusto raw niyang gawin ang groundbreaking sa anniversary ng kasal nila ng mama mo. Next month pa 'yon kaya huwag mo munang i-pressure ang sarili mo. In the meantime, enjoy your vacation dahil next month, siguradong wala ka na namang panahon na mag-relax nang ganyan.” “You’re right. Hayaan mo, pagbalik ko, ikaw naman ang bibigyan ko ng oras para magbakasyon.” “Finally!” tuwang-tuwang sabi nito. May sinabi pa ito na ilan pang detalye sa trabaho bago ito nagpaalam.  Pagkatapos niyang makipag-usap kay Vanessa ay muli na siyang nahiga sa kama. Tuluyan na ngang nawala sa isip niya si Arabella.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD