“ANAK, 'di ka pa papasok dito sa loob?” Tahimik akong nakaupo sa upuan habang naghihintay kay Ram. Nilalamok na nga ako kakahintay sa kanya. Alas-diyes na ng gabi ay wala pa rin kasi ito. Kanina pa ako nag-aalala. Saan na kaya dinala ng babaeng iyon si Ram? Sabi nito ay magkakape lamang ang mga 'to. Napabuntong hininga ako. “Tay, mamaya na po. Hinihintay ko pa si Ram dumating.” Hindi ko nilingon si tatay dahil ang mata ko ay panay ang tanaw sa malayo. Naramdaman ko ang paglapit ni tatay. “Malaki na si Ram, anak. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya. Uuwi at uuwi rin 'yon. Pumasok ka na sa loob. Masiyadong mahamog, baka sipuin ka.” “Dito lang po ako, tay.” Giit ko pa rin. Hindi ako mapapanatag hanggat wala pa si Ram. Isipin ko pa lang ang mga posibleng mangyari ay nagpapanik na ako

