Chapter 4

2105 Words
04. Yllona Eloise Del Fuente's POV "I heard that you're going to your hacienda. Bago 'ata 'yon? Ang akala ko matagal mo ng sinukuang lumabas sa mansyon na 'to." Nanatili akong walang imik sa upuan ko habang feel at home na feel at home si Uncle Gilbert na nakaupo rin sa kaharap kong sofa at rinig ko ang tunog ng tasa sa bawat pag-inom niya ng tsaa. "You came here because of that? How odd, ang akala ko masyado ka ng abalang angkinin ang kumpanya," ang sabat ko ng tila ay naghihintay siyang sumagot ako. Marahan itong natawa. "Here you are again. Bakit mo ba minamasama ang pagtulong namin sa 'yo. Look, Eloise, we are family here—" "You're not my family," ang agad kong pagputol na ikinatahimik niya ng saglit bago muling matawa na tila ay sarkastiko. "Gusto mo bang pasamahan kita sa mga bodyguard ng mansyon? Sino pa lang magiging kasama mo para alalayan ka? I doubt you can go there all alone," pag-iiba niya ng usapan. "Hindi niyo na kailangang mag-abala at ayoko rin ng ibang kasama galing dito sa mansyon bukod kay Manang Isay." "You still keep your distance from others, huh? Well, if that's what you want. I guess this is better for you to finally move on, since it's almost a year." Naikuyom ko naman ang kamao ko. Wala talagang pagpunta niya na hindi niya nababanggit ang tungkol sa pagmo-move on ko sa nangyari na parang isa lang 'yong madaling bagay na sa isang kurap lang ay magagawa ko. "If you're done checking if I'm still alive. You can leave," sambit ko bago ako dahan-dahang tumayo hawak hawak ang white stick ko. Nagsimula ko ng galawin ang stick ko para kapain ang daan at lisanin na ang salas nang muli siyang magsalita. "Enjoy your vacation, I hope you find peace there. Malay mo doon mo na pala talaga maisipang lumagi na. Don't worry, we can take care of everything here," aniya bago ko marinig ang pagtayo niya sa upuan at yabag papalapit sa akin. "Always choose your peace, Eloise," dagdag niya pa bago ako tapik-tapikin sa balikat at marinig ang mga yabag niya papalayo. Muli kong naikuyom ang kamao ko habang nanatili pa rin sa kinatatayuan ko. "Maghintay lang kayo because I will surely take back my peace." Nang araw na 'yon ay agad kong tinawagan si Ninang Serina para sabihin na babalik ako ng hacienda ngayon ding linggo kasama si Mang Isay para sa operasyon ko. Halos tatlong buwan na rin ng bisitahin ako ni Ninang Serina para kausapin ako tungkol sa binabalak niyang pag-opera sa mga mata ko ng palihim. Wala akong naging pagtutol sa mga sinabi niya sa akin maging sa kundisyon niyang maging sekreto lang ang lahat lalo na kila uncle Gilbert na tingin niya ay may pinaplanong hindi maganda. Sa napag-usapan naming plano ay papalipasin muna namin ang ilang linggo pagkatapos ng pag-uusap na 'yon para hindi makahalata sila uncle, na mukhang natuwa pa ng marinig na pansamantala muna akong magbabakasyon sa hacienda namin sa San Carlos. Mukhang umaayon naman sa amin ang lahat kaya agad kaming uuwi ni Manang Isay sa unang bahay nila Lolo, ang Hacienda Del Fuente. Matagal na akong hindi nakakauwi ro'n ngunit doon ako palaging nagbabakasyon nang bata pa ako. Sa San Carlos lumaki sila Mommy at Daddy, at doon din nakatira si Ninang Serina na mayroon ng sariling clinic doon kung saan niya balak isagawa ang operasyon ko sa mata. Walang ibang dumadalaw sa Hacienda bukod sa pamilya namin kaya alam kong magiging ligtas kung doon ako mamalagi pagkatapos kong maoperahan. Mukhang hindi rin naman magtataka sila uncle na inaasahan na mag tatagal ako roon. Sa kalagayan ko ngayon ay makakabuti rin sa akin na lumipat muna sa hacienda, tutal ay malayo iyon sa mga alaala namin sa mansyon, lalo na sa mga taong alam kong minamanmanan ang bawat kilos ko. "What? Uuwi ka sa hacienda? Sino namang kasama mo? Magiging maayos ka lang ba—" "Kasama ko si Manang Isay," ang agad na pagputol ko sa sunod-sunod na sambit ni Checka na biglaan akong tinawagan dahil nalaman niya ang pag-alis ko. "And, stop overreacting you can visit me anytime, alam mo naman kung nasaan ang hacienda." "Psh! I'm not overreacting 'no, I'm just concerned! Baka kasi magkita kayo ni ano do'n," ang makahulugan niyang sambit. Nanatili naman akong nakatihaya sa kama ko at kahit umaga ay purong kadiliman lang ang nakikita ko. "Sino naman ang makikita ko kung bulag ako," ang tamad kong sagot sa kaniya. "Aish! It's not what I mean! Si ano, alam mo na!" "Papatayin ko na," ang amba ko dahil sa purong paligoy-ligoy niya. "Si Buenavista! Gosh! Mukhang nag-aalala lang ako sa wala dahil hindi mo naman na 'ata naaalala ang isang 'yon," aniya na saglit kong ikinatahimik ng sumagi sa isipan ko ang isang mukha ng lalaking matagal ko ng ibinaon sa limot. "Kapag nagkita kayo ni Miya ipaliwanag mo na lang sa kaniya ang mga sinabi ko. Ibababa ko na," pag-iiba ko ng usapan bago daretsong patayin ang tawag ng hindi na siya hinihintay na makasagot. Muli akong napatulala sa literal na kawalan dahil sa kadilimang bumabalot sa mundo ko ngayon. Napabuntong hininga ako at napahawak sa ulo ng hindi na maalis ang imahen ng lalaking matagal ko ng hindi naaalala, o pilit ko lang iniisip na nakalimutan ko na. "Sa lahat talaga ng ipapaalala sa 'kin ng babaeng 'yon, ang lalaking 'yon pa talaga," ang bulong ko sa sarili bago makarinig ng pagkatok at pagbukas ng pinto ng kuwarto ko. "Bakit nakahiga ka pa? Nakahanda na ang lahat sa ibaba," si Manang Isay na nilapitan ako ng hindi ko siya sagutin. Hinawakan niya ako sa braso at hinila paupo. "Bakit parang pinagbagsakan naman ng langit at lupa ang mukha mo? Nakaraang araw lang masaya ka pa dahil sa balita ni Miss Serina." Tama siya. Nang unang marinig ko ang tungkol sa plano ni Ninang Serina at ang posibilidad na makakita ako ay parang muli akong nagkaroon ng rasong mabuhay, pero ngayong papunta na kami sa hacienda para sa operasyon ay hindi ko na mahanap ang sayang no'n ko na lang na naramdaman ulit pagkatapos ng halos isang taong pagkalugmok. "Manang, paano kung hindi maging successful ang operasyon. Masasayang lang lahat ng plano natin at habang buhay na akong mabubuhay sa madilim na mundo kong 'to," ang mahina kong sambit na saglit niyang ikinatahimik. "Iyon ba ang iniisip mo? Kung magpapadaig ka lang din naman pala sa negatibong nasa isip mo 'wag na nating ituloy ang pagbalik sa hacienda," aniya na ikinabaling ko sa puwesto kung saan ko naririnig ang boses niya. Naramdaman ko ang paghawak niya sa kamay ko. "Eloise, anak, alam kong sa dami ng madidilim na pangyayari sa buhay mo ngayon, mahirap na sa 'yo na maniwalang may liwanag pang darating para iligtas ka. Pero, kung magpapanaig ka rin sa mga negatibong naiisip mo kaysa isipin ang posibilidad na mabawi mo ang paningin mo, doon mawawalan ng saysay ang lahat ng planong binuo mo— niyo ng Ninang mo." "Pero, hindi ko maiwasan, Manang." "Naiintindihan ko, pero hindi natin malalaman kung hindi natin sinusubukan. Kung sa isip mo pa lang sumusuko ka na pa'no mo pa haharapin ang lahat ng dapat mong harapin," dagdag niya. " Tandaan mo, Eloise, kailangan mong magpakatatag para magpatuloy at magawa ang lahat para sa hustisyang ninanais mo para sa mga magulang mo. Subukan muna natin ang lahat ng kaya natin hanggat may nakikita pa tayong paraan." Hindi ko na nagawang makasagot pa at marahan na lang na tumango kay Manang Isay, sa mga sinabi niya ay muli akong nalinawan. Tama siya, kailangan kong magpakatatag lalo na ngayon. Ilang buwan na ang sinayang ko sa pagtatago sa dilim at kung ipagpatuloy ko 'yon ay mawawalan ng saysay ang dahilan kung bakit ako nabuhay sa aksidente. Ang mabigyang hustisya ang pagkawala ng mga magulang ko at mahanap ang nasa likod ng lahat ng ito. Saglit ko lang muling inalala kung may nakalimutan pa ba ako bago ko napagpasyahan bumaba kasama si Manang. Nagpahatid kami gamit ang van at si Manong Leo ang nag-drive sa amin papunta sa hacienda na aabutin ng buong araw ang byahe. Mas minabuti ko ng si Manong Leo ang maghatid sa amin kaysa ang mga bodyguards ni uncle Gilbert na wala akong tiwala. "Mabuti at napagpasyahan mong sa hacienda muna, Eloise, mas presko ang hangin doon at walang gaanong manggugulo sa 'yo," ang boses ni Manong Leo habang nasa byahe kami. "Oo, malayo sa magugulong gaya mo. Magmaneho ka na lang d'yan," agad na pambarag ni Manang sa kaniya. Magkatabi sila sa harapan dahil gusto kong mapag-isa sa likurang upuan at dahil baka makatulog din ako sa byahe. "Eloise, umidlip ka muna at malayo-layo ang byahe natin. Sabihin mo lang din kapag nagugutom ka nagdala ako ng pagkain natin." Marahan lang akong tumango sa kaniya bilang sagot at muling dinama ang hangin mula sa bahagyang nakabukas na bintana sa tabi ko. Malayo na kami sa syudad kaya hindi na gaanong kapulusyon ang hangin na ngayon ko na lang muli naramdaman. Habang bumabyahe ay naririnig ko ang maya-mayang pagtatalo ni Manang Isay at Manong Leo na hindi naman nakakairita o sanay na ako na gan'yan sila. Bumalik tuloy ang alaala ko sa tuwing umuuwi kami no'n sa Hacienda at silang dalawa ang kasama namin, palagi silang kinakantyawan nila Daddy dahil sa pagkakaalam ko ay pareho silang walang pamilya. Ang akala ko rin no'n ay mag-asawa sila dahil sa dalas nilang mag-asaran na mukhang normal na sa kanilang dalawa. Hindi ko na namalayan na sa pagbabalik ko sa mga alaala namin noon ay nakatulog na ako. Nagising na lang ako ng gisingin ako ni Manang para kumain at sabihing malapit na kami. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakatulog na siyang pinakamatagal ko na sigurong tulog na tuloy-tuloy at hindi ako binabangungot. Nang dumating kami ay sobrang tahimik na ng paligid at halos ang tunog na lang ng sasakyan naming ipinarada ni Manong Leo ang naririnig. Sinalubong kami ng caretaker ng hacienda na mukhang buong magdamag kaming hinintay para salubungin at tulungan sa mga bagahe namin. Nasa labas pa kami ng hacienda ng makarinig kami ng pagtawag sa mga pangalan nila Manang. "Isay! Leo! Kayo ba 'yan? Ang akala ko ay kung sinong dumating ng ganitong oras dito," ang salubong ng boses na hindi ko makilala kung kanino nanggagaling pero sa tono niya ay mukhang kasing edad niya lang ang dalawang kasama ko. "Oh, Don Arturo! Magandang gabi sa inyo. Kami nga ho, nagising ba kayo ng ingay ng sasakyan?" si Manong Leo na mukhang sinalubong pa ang kausap. Don Arturo? "Hindi naman, hindi naman. Nagpapahangin lang ako ng makita ko ang sasakyan niyo papasok dito. Matagal na rin kasing walang dumadalaw rito —oh, si Ely na ba 'yan?" ang tanong nito ng mukhang mahagip ako ng tingin niya. "Si Don Arturo Buenavista, 'yan ang Ninong ng Papa mo at kaibigan ng lolo mo. Nasa katapat na lupain lang ang lupain nila," bulong sa akin ni Manang Isay na agad kong ikinatango at ikinatigil ng maalala na siya. "Magandang gabi ho," ang mahina kong pagbati bago bahagyang yumuko kahit na hindi ko alam kung nasaang gawi ba siya. "Magandang gabi, ija. Natutuwa akong makita kang muli," ang masiglang pagbati nito pabalik. "O s'ya, hindi ko na muna kayo iistorbohin pa mukhang malayo ang binyahe niyo," pagpapaalam nito bago muli akong tawagin ng tila ay may maalala ito. "Mahilig ka pa rin ba sa mga manga? Nagkataon kasi na kanina kami nag-harvest, gusto mo bang padalhan kita bukas ng umaga?" Marahan akong tumango. "Salamat po," ang tanging sagot ko na lang dahil muli ng nagbalik sa akin kung bakit tila ay pamilyar sa akin ang Don. Nang magpaalam na ito ay pumasok na rin kami sa loob nila Manang na inihatid muna ako sa kuwarto ko maging ang mga dala kong gamit bago ako iwang mag-isa. Dilat na dilat pa rin ang mata ko habang nakatihaya sa kama at inaalala ang eksana kanina sa bakuran. At kung bakit tila ay may iba akong naaalala sa Don bukod sa malapit siya sa pamilya namin at palagi nila akong dinadalhan ng mangga ng asawa niya. "Wala naman siguro siya sa San Carlos, 'di ba?" ang bulong ko sa sarili na tinutukoy ang isang taong muli ko na namang naalala. Nailing ako sa sarili. "Hindi dapat 'to ang iniisip mo ngayon, Eloise. Nandito ka para sa mga mata mo at hindi sa lalaking 'yon," muli kong pagpapaalala bago mapabuntong hininga. "At panigurado rin naman wala na siya sa bayang 'to... sana."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD