-=Joross Point of View=-
Napangiti ako ng magmulat ako ng mga mata pagkagising ko nang umagang iyon, sa dami ng mga nangyari sa akin kahapon ay sobrang gaan ng pakiramdam ko.
Sandali kong tinignan ang cellphone ko at nakita ko ang text messages mula kay Shiela, nagtaka kasi ito kung bakit bigla na lang ako nawala. Pinaliwanag ko na lang dito na nagkaroon ng emergency kaya kailangan kong umalis.
Muli kong naisip ang muntik ko nang pagpapakamatay at sa totoo lang ay nahihiya ako, nahihiya ako na muntik na akong magpatalo sa kahinaan ko, mabuti na lang talaga at niligtas ako ni William.
William lang ang tawag ko dito, dahil ayaw nitong magpatawag ng kuya o kahit gumamit man ako ng po at opo dito.
Sabi nga nila, kapag nasa pinakamababa kang punto ng buhay mo ay dadating ang isang tao para iligtas ka, at naniniwala akong si William iyon, nakakalungkot lang talaga na hindi ko na siya makikita pa, dahil nga wala na akong trabaho.
Speaking of trabaho, mukhang kailangan ko na namang mag update ng resume ko, kaya naman naisipan kong iturn on ang computer ko at matapos ang halos trenta minutos ay nakapagprint na ako ng resume, hindi kasi ako puwedeng mawalan ng trabaho ng matagal dahil madaming bills na kailangan maliban pa sa nakuha kong pera sa credit card ni Ate Lydia.
Pababa na sana ako nang makita kong tumatawag ang TM namin, agad ko iyong sinagot.
"Hello?" ang sinabi ko nang sagutin ko ang tawag nito.
"Hello Joross, may good news ako sayo." narinig kong sinabi nito, bigla naman akong kinabahan at hindi ako makapaniwala nang sinabi nitong hindi na ako matatanggal sa trabaho.
"Pero... akala ko terminated na ako?" hindi pa din ako makapaniwala na meron pa din pala akong trabaho.
"Oo, iyon din ang sinabi sa akin sa email, pero kinausap ako ng boss ko at sinabing binabawi na ang desisyong iyon, kaya huwag kang magpapalate mamaya ah." hindi na din nagtagal ang tawag na iyon at agad na itong nagpaalam.
Sobrang saya nang pakiramdam ko matapos ang tawag na iyon, kung noon parang pagod na pagod na ako sa routine na trabaho ko, ay iba na nga ngayon, bigla kong naappreciate ang trabaho ko.
I felt so different, I felt like a different person, a person who have a new perspective in life.
Pagkababa ko ay naabutan ko si Mommy na abalang nagluluto para sa ititinda nitong chicken fillet sandwich.
"Good morning." nakangiting bati ko dito.
"Mukhang maganda ang gising mo ah." puna nito sa akin na sinagot ko lang nang isang malapad na ngiti, paalis na sana ako nang may bigla akong maisip.
"Mommy pabili ako ng dalawang chicken fillet sandwich ah." pahabol ko dito, habang hinahanda nito ang order ko ay minabuti kong maligo at mag-ayos na papasok.
Inabot din siguro ako ng mga thirty minutes sa pag-aayos kong iyon, kaya naman nakahanda na din ang sandwiches na inorder ko.
"Papasok ka na ba?" tanong ni Mommy.
"Opo, papasok na ako." sagot ko naman dito, matapos magpaalam at mailagay ang baon ko ay agad na akong umalis.
Gaya ng inaasahan ay siksikan sa bus na nasakyan ko, kapag ganitong oras kasi ay madami ang nakakasabay ako.
Mahigit one hour din ang ginugol ko sa biyahe hanggang sa makarating ako sa opisina, at dahil maaga pa ay iniwan ko lang muna ang gamit ko sa locker at agad dumiretso sa rooftop ng building, umasa kasi ako na makikita ko si William, ngunit laking pagkadismaya ko ng hindi ko ito nakita doon.
Paalis na sana ako nang sakto naman na makita ko itong bumababa ng elevator, agad itong napangiti nang makita ako.
"Please... huwag mong sabihin na nagbabalak ka na naman..." sadya nitong pinutol ang sasabihin habang nakangiti sa akin.
"Hindi ko na gagawin iyon, pangako." sagot ko dito, agad kong inabot dito ang baon kong sandwich at sabay naming kinain iyon.
Ilang minuto na ang nakakalipas nang maisipan kong magsalita.
"Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin." ang sinabi ko dito.
"Wala iyon, basta huwag na huwag kang susuko, madami pang puiwedeng mangyari." ang sinabi naman nito pabalik.
Habang kausap ito ay hindi ko maiwasang hindi maniwala na madami pang puwedeng mangyari sa akin, hindi katulad noon na ang nasa isip ko lang ay tatanda akong mag-isa at dahil sa takot na iyon kaya naisipan kong tapusin na ang buhay ko, pero iba na nga ngayon.
"Sige mauna na ako, baka malate pa ako, ikaw hindi ka ba papasok?" tanong ko dito, katulad kasi kahapon ay nakasuot lang ito ng polo shirt.
"Mamaya maya pa ang pasok ko." sagot naman nito.
"Lunch ko mamayang two, gusto mo bang sabay tayong kumain? Libre ko." nakangiting aya ko dito na agad naman nitong sinang-ayunan.
Agad naman akong bumalik sa station ko kung saan ko naabutan si TM.
"Good morning TM." masaya kong bati dito.
"Good morning din Joross." nakangiting bati nito sa akin.
Ilang sandali lang ay nagdatingan na din ang ibang mga katrabaho ko, katulad nang dati ay nakarinig ako ng mga panunukso mula sa kanila, pero kumpara noon ay hindi ko na iyon dinadamdam.
Naging magaan ang araw na iyon para sa akin, excited na din akong makita si William, hindi dahil sa may gusto ako dito, kung hindi dahil sobrang gaan ng pakiramdam ko kapag kasama at nakakausap ko ito.
Bago mag lunch break ay nagdecide ang team na mag-order ng makakain kaya naman naisipan kong sumabay na din, nag order ako ng para sa dalawang tao.
"Seryoso Joross?" natatawang biro ni Jennelyn.
"Oo." nakangiti kong sagot dito, hindi ko na pinansin ang komento ng kasamahan naming si Karen na kaya hindi ako pumapayat dahil sobrang takaw ko.
Bandang alas dos nang saktong dumating ang order namin at matapos magpaalam kay TM ay agad akong dumiretso sa rooftop, sakto naman na nandoon na din si William, this time nakasuot na ito ng kulay blue na uniform na nakikita ko sa mga naglilinis sa building.
"Kain na tayo." nakangiting aya ko dito.
"Nilibre mo na naman ako." napapailing naman na sinabi nito.
"Naku... maliit na bagay ito bilang pagpapasalamat ko sa ginawa mo para sa akin." paliwanag ko dito.
"Huwag mong intindihin iyon, ang mahalaga sa akin ay nangako kang hindi mo na uulitin iyon." ang sinabi nito.
Habang kumakain ay naisipan kong itanong dito ang tungkol dito, dahil puro patungkol na lang ang pinag-uusapan namin.
"Nga pala, meron ka bang pamilya? May asawa at anak ka na ba?" tanong ko dito.
Sandali naman itong natahimik, kaya naman agad akong napatingin dito nang hindi pa din ito umimik.
"Wala akong pamilya, wala din akong asawa at anak." sagot naman nito, bigla akong nacurious sa nalaman ko mula dito.
"Ibig sabihin wala kang kasama sa bahay?" tanong ko dito, hindi ko magawang magtanong kung anong pakiramdam nang wala ka man lang inuuwian.
"Huwag kang mag-alala, oo nga't mag-isa ako, pero hindi ibig sabihin malungkot ako." nakangiti nitong sinabi nang mahalata siguro nito ang pag-aalinlangan ko.
Kahit iyon ang sinabi nito ay nararamdaman kong may tinatago din itong lungkot, pero hinayaan ko na lang muna iyon, baka hindi pa ito handang mag open sa akin.
Nagpatuloy ang pag-uusap namin hanggang sa matapos na ang lunch break ko at kinailangan ko nang bumalik sa trabaho.
"William..." tawag ko dito nang mauuna na sana itong umalis, agad naman itong huminto at hinintay akong magpatuloy.
"Kapag kailangan mo nang mapagsasabihan ng kahit na ano, nandito lang ako." nakangiti kong sinabi dito at matapos nga noon ay nagpatuloy na ito sa pag-alis, ako naman ay muling bumalik sa trabaho.