CHAPTER 4: Game Over

1146 Words
-=Joross Point of View=- Gulong gulo ng isip ko nang mga oras na iyon, patuloy na naglalaro sa isip ko ang narinig kong pag-uusap ng mga magulang. Masakit lang na marinig na mukhang hindi nila matatanggap ang tunay kong pagkatao, lalo na ngayon na kailangan kailangan ko nang makakausap. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad na walang siguradong pupuntahan, ni hindi ko nga halos maramdaman ang pagod dahil sa mga bagay na tumatakbo sa isip ko. Pagod na pagod na ako, pagod na akong magtago, pagod na akong magpanggap na ok lang ako, na hindi ako nasasaktan, na hindi ako malungkot. Dalawampu't siyam na taon kong tinago ang lahat dahil sa takot na masaktan ko ang mga magulang ko kapag nalaman nila ang totoo, at mukhang patuloy kong kailangan itago ang bagay na iyon. Pero... parang hindi ko na kaya, hindi ko na kaya.. pagod na pagod na ako. Hindi ko alam, pero nagulat na lang ako nang makarating ako sa building na pinagtatrabahuan ko, parang may isip ang mga paa ko na dumiretso sa elevator at agad pinindot ang pinakamataas na floor kung nasaan ang rooftop. Walang masyadong tao nang mga oras na iyon, dahil mangilan ngilan lang ang may pasok kapag ganoong oras. Habang nasa elevator ay wala akong nakasabay na para bang pagkakataon na ang gumagawa ng paraan para sa akin. Nang makarating sa rooftop ay awtomatikong naglakad ang mga paa ko hanggang makarating sa cliff nang building, mula sa kinatatayuan ko ay tanaw na tanaw ko ang ibabang bahagi ng building. Ni wala akong nararamdamang takot habang nakatanaw sa mga nagliliwanagang building sa harap ko. Sa totoo lang ay may takot ako sa mga matataas na lugar, kaya naman kataka takang wala akong nararamdamang takot ng mga oras na iyon. Habang nakatanaw sa kawalan ay muling nagbalik sa akin ang mga nangyari. Kung paano ko naramdaman na wala akong kuwentang tao, na wala na akong dapat na asahan na magandang mangyayari sa akin, na kahit kailan ay hindi na ako magiging masaya at takot na malaman ng pamilya ko ang totoo at maging sanhi pa iyon para mapahiya pa sila ng ibang tao. Isang malalim na paghinga ang ginawa ko at matapos noon ay naglakad na ako, tumigil lang ako ng isang paa na lang ang nakatapak sa pikagilid na bahagi ng building. "I'm sorry..." ang tanging namutawi sa mga labi ko, hindi ko alam kung para kanino ba ang pagsosorry kong iyon, matapos nga noon ay tuluyan ko nang hinayaan ang sarili ko, dahil handa na ako. Ngunit laking gulat ko nang may mahigpit na humawak sa kamay ko at agad akong hinatak pabalik, agad akong napatingin dito. "Please let me go... gusto ko nang matapos ang lahat." pagsusumamo ko dito, habang pilit na pumipiglas sa mahigpit nitong pagkakahawak. Ngunit imbes na pakawalan ay mahigpit pa ako nitong niyakap at kahit na anong pakiusap ko ay parang wala itong narinig. Nanghihina naman akong napaupo, habang patuloy na umiiyak. Ang gusto ko na lang ay matapos ang lahat, akala ko pa naman mangyayari na iyon. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakaupo sa lapag habang patuloy na umiiyak, hindi pa din ako pinapakawalan ng taong pumigil sa akin, natatakot siguro ito na naghahanap lang ako ng pagkakataon para maisakatuparan ang binabalak ko. "Hindi ko alam kung anong pinagdadaanan mo... pero hindi ito ang solusyon sa problema mo." narinig kong sinabi nito. Isang mapait na ngiti naman ang gumuhit sa mga labi ko sa narinig mula rito. "Ginagawa ko ito... dahil ayokong masaktan ng mga magulang ko ang totoo. Ayokong mapahiya sila kapag nalaman nila at nang iba na isang bakla ang anak nila. Ayoko silang masaktan." malungkot kong paliwanag dito. Naramdaman ko naman na bahagyang lumuwag ang pagkakayakap nito sa akin, agad ako nitong hinarap para tignan ako sa mga mata. Doon ko lang tuluyang napagmasdan ito, nasa late forties o early fifties ata ito, pero kahit may edad na ay makikita pa din ang angking kaguwapuhan nito. "Sa tingin mo ba.. sa gagawin mo hindi mo sasaktan ang mga magulang mo? Patuloy silan mag-iisip kung anong dahilan kung bakit mo ginustong magpakamatay, sisisihin nila ang mga sarili nila dahil pakiramdam nila ay nabigo ka nila." natigilan naman ako sa sinabi nito, sobra ko kasing inisip na mapapahiya sila ng dahil sa akin at hindi ko naisip kung anong magiging epekto ng gagawin ko sa pamilya ko. "Huwag mong iisipin na wala nang pag-asa, dahil meron pa, habang nabubuhay ka ay meron pang pagkakataon na maging maayos ang lahat sa buhay mo, nakadepende pa din iyon sayo." nakangiti nitong sinabi, tuluyan na ako nitong binitawan ng maramdaman nitong wala na akong balak ituloy ang pagpapakamatay. "Sabihin mo sa akin, bakit mo naisip gawin ang bagay na ito?" kalmado nitong tanong sa akin. Muli kong naalala ang mga nangyari sa akin ngayong gabi, pero minabuti kong ilabas lahat ng sama ng loob ko at lahat ng takot na namamayani sa dibdib ko. Ipinagtapat ko sa kanya ang lahat, wala akong tinago pati ang pagkatao ko ay pinagtapat ko sa kanya, siguro kailangan ko lang mailabas ang nasa dibdib ko at habang kinukuwento ko sa kanya ang lahat ng iyon ay tahimik lang itong nakikinig. "Iyon ang drama ng buhay ko." natatawa kong pagtatapos, hindi ko inasahan ang nagawa ng paglalabas ng sama ng loob ko dito, dahil pakiramdam ko ay biglang gumaan ang dibdib ko. "Katulad nga ng sinabi ko, habang nabubuhay ka ay madami pang maaring mangyari, kaya huwag na huwag kang susuko." ang sinabi nito, hindi ko alam, pero parang may kakaiba akong nadetect dito na hindi ko naman maipaliwanag. Pinagkasya na lang namin ang paglipas ng mga oras habang nakatingin sa mga nagliliwanag na building mula sa kinauupuan namin. "Oo nga pala, ako si Joross, anong pangalan mo?" naalala kong itanong dito. "Ako si William, janitor sa building." nakangiting sagot naman nito. Sandali pa kaming nag stay sa lugar na iyon at matapos nga noon ay nagpaalam na din ako dito. "Ito na siguro ang huli nating pagkikita, wala na kasi akong trabaho dito." natatawa kong biro dito. "Huwag kang magsiguro, gaya nga ng sinabi ko habang may buhay ay madami pang puwedeng mangyari." sagot naman nito na tinawanan ko lang. Kahit wala na akong trabaho ay hindi ko na masyadong inisip iyon, at sobrang laki ng pasasalamat ko sa taong ito, dahil kahit paano ay binigyan niya ako ng pag-asa, pinangako ko din sa sarili ko na dadalawin ko siya one of these days. Minabuti kong umuwi na sa bahay, mabuti na lang talaga at tulog na ang mga magulang ko, dahil nahihiya akong humarap sa kanila, kung natuloy pala ang binalak ko kanina ay malamang sa malamang ay mas masaktan ko sa kanila. Minabuti kong magdasal na sobrang dalang ko nang gawin, humingi ako ng tawad sa muntik ko nang nagawa at humingin na din ako ng guidance sa Kanya. Dahil sa pagod at stress ay agad akong nakatulog, hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin bukas, pero ng dahil sa mga sinabi ni William ay pakiramdam ko ay handa na ako sa kahit na anong mangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD