CHAPTER 3: Belittled

2729 Words
-=Joross Point of View=- Nagising ako ng marinig kong tila may naghahalungkat sa aparador ko at nang tignan ko kung sino iyon ay nalaman kong si Daddy pala iyon. "Anong hinahanap mo Dad?" humihikab na tanong ko dito. "Hinahanap ko iyong kulay blue polo shirt ko." sagot naman nito, minabuti ko nang bumangon na din para tulungan at ilang sandali lang ay nakita ko iyon sa laundry basket ng mga bagong laba, mukhang napasama ang polo shirt nito sa mga damit ko. "Saan kayo pupunta?" tanong ko dito habang sinusuot na nito ang polo shirt. "Magsisimba ako, gusto mo bang sumama?" tanong naman nito na agad kong tinanggihan. Matapos nga noon ay agad na itong lumabas sa kuwarto ko, muli ay napag-isa ako sa kuwarto. Minsan naiisip ko na kaya ganito ang nararamdaman ko ay dahil hindi na ako nagdadasal, baka ito na ang paalala sa akin ng nasa Taas na tumawag naman ako sa kanya. Sinubukan ko uling matulog, pero tuluyan nang nawala ang antok kaya naman agad akong bumangon sa kama at dumiretso sa baba. Pagkababa ay doon ko lang nalaman na kasama pala ni Daddy si Mommy sa pagsisimba kaya mag-isa lang ako sa bahay. Minabuti kong lumabas na lang muna nang bahay para maghanap ng maaalmusal, nakasalubong ko naman ang ilan sa mga kababata ko sa lugar namin, lahat sila ay may sari-sarili nang pamilya at kahit alam kong nahihirapan sila sa buhay ay masaya sila. "Bibili ka na naman ng softdrinks no?" ang natatawang biro sa akin ni CJ, na tinawanan ko lang, karga karga nito ang bagong silang nitong anak na lalaki at katabi nito ang napangasawa nito. Alam kong hindi ako dapat mainggit habang nakikita ko ang saya nila, muli ay nagbalik sa akin ang takot na tumandang mag-isa, hindi katulad ng mga kababata ko. Muli akong nagpatuloy sa paglalakad hanggang makarating sa tindahan na malapit sa amin, sarado pa kasi ang tindahan nila Ate Lydia ng ganoong oras. "Coke kasalo nga po." agad kong bungad, bumili na din ako ng isang cupcake at isang pewee na chichiria. "Ayos talaga ang almusal mo." muli na namang biro sa akin ni CJ nang pabalik na ako, katulad kanina ay tinanawan ko lang iyon at agad na akong bumalik sa bahay. Pagbalik sa bahay ay agad kong kinuha ang cellphone ko at binuksan ang f******k account ko, agad ko naman napansin ang isang message doon at nang tignan ko ay nalaman kong galing iyon sa kaclose ko noong fourth year high school kami na si Sheila. Ayon sa message nito ay meron pala kaming reunion ng section namin at nang tignan ko nga ang message request ay doon ko lang nalaman na meron palang ginawang group chat para sa section namin, hindi kasi ako masyadong nagchecheck sa message request kaya ngayon ko lang nalaman ang tungkol doon. Nagdadalawang isip naman ako kung pupunta ba ako o hindi lalo na't hindi ko alam kung kaya kong pakiharapan ang mga kaklase ko noong high school. Noon kasi ay kahit paano ay sikat ako sa classroom namin, dahil sobrang kulit at mapagbiro ako noon, at maliban pa doon ay talagang may itsura naman ako noon, malayong malayo sa itsura ko ngayon. Hindi ko alam kung kailan ba nabuo ang inferiority complex ko, siguro nagsimula ito nang tumaba ako o nang marealized kong tumatanda ako na wala akong nararating. Icloclose ko na sana ang message na iyon ni Sheila nang sakto naman nakita ko ang pagtatype nito. "Ano seen zoned na lang?" message nito na sinundan pa ng galit na emoticon, dahil hindi ko alam kung anong sasabihin ay nagsend na lang ako dito ng laughing emoticon. "Ano na nga sobrang tagal na nating hindi nagkikita kita. Wala na kaming balita sayo." nabasa kong message nito. "Wala akong pera." sagot ko naman dito, dahil iyon naman talaga ang totoo, naubos kasi ang sinahod ko ng magbayad ako kay Ate Lydia kahapon, pero mas higit na dahilan ay dahil nahihiya akong magpkita sa mga ito, kaya nga siguro hindi ko pinapalitan ang profile picture ko sa f******k. "Anong walang pera, huwag ka ngang magloko. Basta pumunta ka sa reunion natin kung hindi ibloblock talaga kita sa Facebook." pagbabanta nito, wala na akong nagawa kung hindi mapabuntung hininga. Agad ko naman binasa ang message sa gc na ginawa at nalaman kong mamayang gabi na pala ang reunion, binasa ko ang oras at kung saan gaganapin ang venue.  "Ledezma Fine Dining." basa ko sa venue, hindi pamilyar sa akin ang naturang lugar kaya naman naisipan kong isearch iyon at nanglaki naman ang mga mata ko ng makita ko ang simpleng meal nila, mahigit kasing limang libo ang halaga noon. "Never." sa loob loob ko, hindi ako gagastos ng five thousand para lang sa isang meal na hindi ako mabubusog, kaya naman kahit magtampo sa akin si Sheila ay hindi talaga ako pupunta. Nabasa ko naman na halos lahat ay pupunta sa reunion, it only shows na halos lahat sa section namin ay matatagumpay na sa larangan na pinasukan nila, hindi katulad ako na....... Agad kong binura sa isip ko, ayoko na lang mag-isip isip pa, dahil baka maiyak na naman ako, hindi kasi miminsan na basta na lang ako naiiyak, hindi ko nga alam kung may depression na ba ako, wala naman akong mapagsabihan tungkol sa pinagdadaanan ko dahil natatakot akong pagtawanan o lokohin lang ng iba, kaya mas mabuting sarilinin ko na lang ito. Minabuti kong manood na lang ng TV kaysa naman magpakaemo pa ako, makalipas ang mahigit isang oras ay narinig ko naman ang pagdating ng mga magulang ko, kaya naman dali dali akong bumababa para salubungin sila. "Mano po." ang sinabi ko sabay mano sa kanilang dalawa, matapos non ay inabot ni Daddy ang binili nitong sampaguita para daw isabit ko sa santo sa taas. Pabalik na sana ako ng kuwarto ko ng tawagin ako ni Daddy. "Mamayang five aalis tayo, umuwi Tito mo galing US, kaya merong reunion." narinig kong sinabi ni Daddy, sa totoo lang allergic na allergic ako sa mga reunion na ganito, dahil alam ko naman ang mangyayari at iyon ay tatanungin ako ng mga tito at tita ko kung may girlfriend na ba ako at kung kailan ba ako mag-aasawa. "Sorry Dad, hindi ako puwede pinapapasok kasi ako sa office ngayon, kulang daw kasi ng tao." pagsisinungaling ko dito. "Ahhh ganoon ba sige sabihin ko na lang sa Tito mo." sagot naman ni Daddy, pabulong naman akong humingi ng sorry dito dahil sa pagsisinungaling kong iyon. Kaya naman kahit wala sana akong balak na umalis ng araw na iyon ay wala akong nagawa kung hindi umalis. Naisipan kong mamasyal na lang sa mall, dahil wala talaga akong maisip na puntahan, wala din naman akong balak talagang pumunta sa reunion ng klase namin. Nakakaisang oras pa lang ako ay nabobore na talaga ako, hindi ko kasi alam kung dapat na ba akong umuwi dahil bakit magkaabot kami ng mga magulang ko sa bahay at magtaka sila kung bakit ang bilis kong bumalik at dahil doon ay naisipan kong manood na lang ng sine, pinili ko ang pinakamahabang movie dahil ang gusto ko lang ay may matambayan. Nakakalimang minuto pa lang ako sa panonood ay nakaramdam na agad ako ng antok, kaya naman minabuti kong matulog na lang. Halos tatlong oras din siguro ako nakatulog nang maramdaman kong may umuuga sa balikat ko, doon ko lang nalaman na tapos na pala ang movie. Sakto naman na alas nueve na ng gabi kaya siguro safe na kung uuwi ako. Pauwi na sana ako ng maisipan kong bumili na muna ng pagkain, hindi pa din naman kasi ako nagdidinner. Patawid na sana ako sa kabilang kalsada ng may humintong isang bagong bagong Honda Civic sa harap ko. Bigla naman akong kinabahan dahil akala ko ay masamang tao iyon, pero nang ibinaba nito ang bintana ay saka ko lang nalaman na si Sheila pala iyon, nasa bandang likuran ito ng kotse. "Huli ka!" nakangiting gulat nito sa akin, hindi ko naman mapigilan mapamura ng palihim dahil sa pagkikita naming iyon. Wala na akong nagawa ng bumababa ito ng kotse at hatakin ako nito papasok ng naturang sasakyan. "Ano ba Sheila, sabi ko nga sayo wala talaga akong pera." pagdadahilan ko ng nakasakay na kami sa kotse. "Don't worry ako nang bahala sayo." nagulat na lang ako ng magsalita ang driver at doon ko lang nalaman na si Jerome pala iyon, ito ang classmate namin na kinaiinggitan ko. "Sino siya?" narinig ko naman na tanong sa tabi nito, natigilan ako ng makita ko ang katabi nito, sobrang kasing guwapo nito, ilang segundo din suguro akong natulala habang nakatingin dito. "Siya si Joross, classmate din namin ni Sheila." sagot naman ni Jerome. "Ang guwapo no.... boyfriend ni Jerome yan." bulong sa akin ni Sheila, natigilan naman ako sa sinabi ni Sheila, matagal ko nang alam na kapareho ko si Jerome sabi nga nila it takes one to know one at gaya ko ay hindi din ito halata, na amaze lang ako dahil mukhang hindi na nito tinatago ang totoong pagkatao nito, pero ang pagkilos nito ay gaya pa din dati, discreet. Sa totoo lang ay mas lalong ayaw kong sumama sa kanila, pero wala akong nagawa, nalaman ko na tapos na pala silang magdinner at nagdecide nga ang buong klase na magbar naman sa bandang BGC. "Ang taba mo ngayon ahhh anong nangyari." natatawang biro ni Jerome habang nagdadrive, natigilan naman ako sa sinabi nito at gaya ng dati ay tinago ko ang sakit na naramdaman ko sa sinabi nito, dahil totoo naman. "Wala eh hiyang sa kusina." kunwaring natatawa kong sinabi dito. Mukhang wala naman nahalata si Sheila dahil patuloy lang ito sa pagcecellphone, pero naramdaman ko ang pailalim na pang-iisulto sa boses ni Jerome. Mabuti na lang at hindi na ako kinausap ni Jerome hanggang sa makarating na kami sa BCG, hindi ko naman inasahan na sa isang mamahaling bar kami pupunta, mas lalo akong nanliit nang makita ko ang mga suot nila kumpara sa suot kong mumurahing tshirt at kupasing maong ng makababa na kami ng sasakyan. Pakiramdam ko tuloy ay basahan ako habang kasama sila. "Huwag na lang kaya ako sumama." pakiusap ko kay Sheila, kahit saan kasi ako tumingin ay nakikita kong nakapustura ang lahat ng nasa bar na iyon, alangan na alangan ako sa lugar na ito. "Nandito na tayo, and besideds magbabayad naman tayo." pangungumbinsi nito sa akin kaya naman kahit labag sa loob ay dumiretso na kami sa pila. "Guys! Guess who kung sino kasama namin!" nakangiting sinabi ni Jerome sa mga kaklase namin na mukhang kanina pa nakapila. "Oh my..... Joross ikaw ba yan? Ang taba mo ah." hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi nila nang tuluyan na kaming makalapit, pinigilan ko din ang sarili kong mag-isip sa nakikita ko sa mga mata habang nakatingin sa akin. Nababanaag ko sa mga mata nila ang tila pangmamata nila sa itsura at sa suot ko, kahit hindi nila sabihin ay nararamdaman ko ang palihim nilang pang-iinsulto sa akin. Minabuti kong tumahimik na lang habang hinihintay ang turn namin para makapasok, pero ang totoo ay kaninang kanina ko pa gustong umalis, kung hindi lang kay Sheila ay kanina pa ako umalis,, hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang mga kaklase namin, wala naman akong natatandaan na naging masama ang pakikitungo ko sa kanila. Sa lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko namalayan na nakapasok na pala ang mga classmate ko, susunod na sana ako ng pigilan ako ng bouncer ng naturang bar. "Ka... kasama nila ako." paliwanag ko dito sabay turo sa mga kasama ko, ngunit hindi ako nito pinakinggan at basta na lang ako pinatabi. Nagdalawang isip ako kung tatawagan ko ba si Sheila o uuwi na lang ako, pero naisip kong baka isipin ng mga kaklase ko na kaya ako umalis ay dahil nasasaktan ako sa mga masasakit nilang biro, kaya naman tinawagan ko na din si Sheila. Ilang sandali akong naghintay sa puwestong iyon hanggang sa may lumabas sa mga kasama ko, akala ko nga si Sheila ang susundo sa akin, pero ang nakita ko ay si Jerome. "Joross tara na, pasok ka na... bakit naman kasi ganyan ang itsura mo." biro na naman nito sa akin, muli ay pilit kong hindi pinansin ang sakit sa dibdib ko sa sinabi nito. Agad naman akong sinalubong ni Sheila nang makapasok na ako, sa totoo lang ay wala talaga akong balak uminom kaya naman ng bigyan ako ng basong may alak ng mga ito ay hinawakan ko na lang iyon. Nagsimula ang pag-iinuman ng mga kaklase ko kasunod ng pagsasayaw sa dance floor. Nanatili lang akong nakaupo habang pinapanood ang mga ito. Mahigit isang oras na ang nakakalipas ng makatanggap ako ng text sa team manager namin, ayon sa text nito ay kailangan ako nitong makausap. Minabuti kong lumabas na lang muna dahil sa ingay sa loob, malamang sa malamang ay hindi kami magkakarinigan noon. Bahagya pa akong lumayo hanggang sa makarating ako sa parking lot ng bar, tatawag na sana ako ng marinig ko ang pangalan ko. Out of curiosity ay lumapit ako sa lugar kung saan ko narinig ng may nag-uusap usap at nang makalapit ay nakita ko ang ilan sa mga classmate ko kasama si Joross at ang boyfriend nito. "My goodness nakita mo ba siya? Sobrang pangit niya, ni walang kaayos ayos." nahinto ako sa paglapit sa kanila ng marinig ko ang sinabing iyon ni Bianca, kahit kasi wala itong sinabing pangalan ay alam ko na kung para kanino ang sinabi nito. "Oo nga nagulat talaga ako ng makita namin siya kanina, puncha ang laki ng tinanda ng itsura niya mukha tuloy siyang tatay." natatawang biro naman ni Jerome na sinundan ng nakakalokong tawa ng ibang kasama nito. Sinasabi ng isip ko na umalis na, pero para naman napako ako sa kinatatayuan ko, ilang masasakit na salita pa ang narinig ko mula sa kanila, kung anong pang-iisulto at pangmamata ang mga narinig ko. Ilang sandali lang ay bumalik na sila sa loob, mabuti na lang at may kadiliman ang puwesto ko kaya hindi nila ako napansin. Sobrang pagpipigil ang ginawa ko para hindi dumaloy ang mga luha sa mga mata ko. Saka lang ako natauhan ng magring ang cellphone ko sakto naman na si TM Aurora ang tumatawag. "Joross I need to talk to you. I need to tell you something." kinabahan naman ako sa seryosong pagkakasabing iyon ni TM. "Bakit TM? May problema po ba?" kinakaban kong tanong dito. Isang malalim na paghinga ang narinig ko sa kabilang linya bago muli itong nagsalita. "I'm sorry Joross, pero nagdecide ang company na tanggalin ka na sa kumpanya, ilang buwan na din kasing bagsak ang metrics mo at kahit anong paliwanag ko sa mga boss ay hindi sila pumayag." malungkot nitong paliwanag. Parang biglang nablangko ang isip ko sa narinig kong iyon, nagpatuloy pa ito sa pagsasalita, pero wala na akong naiintindihan sa mga sinasabi nito. Halo halong emosyon ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon nang matapos ang tawag na iyon ni TM. Minabuti kong sumakay ng Taxi, dahil pakiramdam ko ay hindi ko kakayanin na magcommute, nang makasakay ay tuluyan na akong napaiyak. Sobrang baba ng tingin ko sa sarili ko dahil sa mga narinig kong sinabi ng mga kaklase ko, maliban pa doon ay dumagdag pa ang nalaman ko kay TM. Sobrang gulong gulo na ng isip ko, parang gusto kong sumabog gusto kong sumigaw, gusto kong magwala. Minabuti kong umuwi na lang sa bahay, gusto kong maglabas ng sama ng loob sa mga magulang ko siguro naman maiintindihan nila ako, nagdecide na din akong ipagtapat sa kanila ang totoo kong pagkatao. Patuloy lang ako sa pag-iyak habang nasa biyahe, hindi ko na lang pinansin ang palihim na pagtingin sa akin ng driver. Inabot din siguro ng mahigit isang oras nang makauwi ako sa bahay. Agad akong pumasok at dumiretso sa kuwarto ng mga magulang ko dahil malamang sa malamang naghahanda na silang matulog, sakto naman dahil bukas ang pinto. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko bago sila harapin, habang ginagawa iyon ay narinig ko ang pag-uusap nila. "Bakla pala ang anak ni Pareng Roel." narinig kong sinabi ni Daddy. "Sino doon? Si Richard?" hindi makapaniwalang tanong naman ni Mommy, kilala ko ang sinasabi nito, si Richard ay ang bunsong anak ni Tito Roel na dating kaklase ni Daddy noong high school. "Kakagulat naman ang guwapo guwapo ng batang iyon ah." muli ay narinig kong sinabi ni Mommy. "Ayon.. problemado tuloy si Pare.... Mabuti na lang talaga at wala akong anak na bakla." parang may sumuntok sa puso ko ng marinig ang sinabing iyon ni Daddy. Tuluyang nablangko ang isip ko sa narinig mula dito, imbes na pumasok sa kuwarto nila ay agad akong tumalikod at muling lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung ano ang mas masakit. Ang maliitin ng ibang tao o malaman mong kahit kailan ay hindi matatanggap ng pamilya mo ang totoong ikaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD