CHAPTER 7: FINDING HER
"Mahal na mahal kita, Tyron. Mag-iingat ka palagi."
Agad niyang iminulat ang mata niya. "Insan?" kunot noo niyang tawag sa pinsan niya.
Napabalikwas ng bangon si Tyron, tumingin siya sa orasan na nasa tabi ng kama...mag-aalas-kwatro na ng madaling araw.
Napayakap siya sa kanyang sarili nang makaramdam siya ng pangingilabot. Narinig niya ang boses ng pinsan niya na tila nagpapaalam pero hindi niya naman ito nakita sa paligid. Walang ibang tumakbo sa isip niya kundi...
"Ang creepy, ganitong oras pa naman ang sinasabi nilang pagbisita ng mga ligaw na kaluluwa," aniya. Palinga-linga pa sa paligid, tinitiyak kung talagang walang tao.
"Hindi magandang biro ito, Insan. Hindi ka nakakatawa," sabi niya ulit. Hindi itinigil ang paglibot ng tingin.
Nang masiguro na talagang walang tao sa paligid ay bumalik na sa paghiga ang binata. Pero ilang segundo pa lang ang nakakalipas ay bumangon siya ulit nang may ma-realize siya.
Patuloy niyang kinausap ang sarili niya, "Baka si Insan talaga iyon at nilalagnat kaya naging sweet," aniya.
Bumangon siyang muli at pinuntahan ang kwarto ng pinsan para tignan kung nakauwi na ba ito, gusto niyang patunayan sa sarili niya na hindi multo ang narinig niya kundi si Zeph na sinaniban ng sampung anghel kaya nagpa-abot ng malambing na pagbati sa kanya.
Pagharap ni Tyron sa kwarto niya ay inaasahan na niyang hindi nakalock ang pinto dahil hindi namantalaga ugali ng pinsan niya ang mag-lock ng pinto ng kwarto kahit pa nagbibihis siya.
Pagpasok niya, wala siyang nakitang Zephaniah. Ipinagkibit-balikat lang ito ng binata dahil hindi na bago sa kanya ang ganitong bagay, palaging wala sa kwarto niya ang pinsan niya dahil sa ganitong oras ito abala sa paghahagilap ng mga impormasyon tungkol sa Pistol's Tribe.
Pagsara ni Tryon ng pinto ay napangiwi bigla siya bigla nang maalala niya na narinig niya si Zeph na nagsalita kanila.
"Creepy pa rin," komento niya habang naglalakad pabalik sa kwarto niya.
Pero nakakailang hakbang pa lang ang binata ay napahinto na naman siya nang ma-realize niyang parang may mali at kakaiba sa kwarto ni Zeph. Agad niyang binalikan ito at nakumpirma niya ngang may hindi tama sa ayos ng kwarto nito, wala na ang dalawang picture frame na paborito niya...ang isang picture ay ang kasama niya si Tiffany at ang isang picture naman ay si Xenon ang kasama niya.
Kilala ni Tyron ang pinsan niya, kabisado rin nito ang ayos ng mga gamit sa kwarto ng dalaga. Alam niyang walang kahit anong gamit dito ang nagagalaw dahil sa pagiging burara ni Zeph, kailangang ma-maintain kung saan nakalapag ang mga gamit para alam niya kung saan ito babalikan. Mahigpit niyang bilin iyon sa naglilinis ng bahay nila.
Inilibot pa ng binata ang tingin niya sa kabuuan ng kwarto. Palaging bukas ang cabinet ng dalaga, kaya dapat ay may makikita siyang damit doon. Pero ngayon, wala. Nilapitan niya pa ito para tiyakin na hindi siya namamalik-mata lang.
"Umalis siya? Dala lahat ng gamit?" bahagyang tumaas ang boses niya. Tila hindi makapaniwala na iniwan siya ng pinsan niya nang wala manlang pasabi kung saan ito pupunta.
"Ibig sabihin, 'yung narinig ko kanina ay hindi talaga multo. Si Insan talaga 'yung nagsalita! Nagpapaalam siya sa akin kanina." Patuloy niyang sambit na tila may kausap pa rin siya.
Napapikit si Tyron nang muli siyang magsalita. "Hindi ko manlang siya napigilan, anak ng putakte naman, oh!" aniya.
Normal ang pag-alis ni Zeph para kay Tyron, lalo na kung ganitong oras. Pero ni minsan, hindi siya nagdala ng kahit isang pirasong damit sa mga lugar na pinupuntahan niya.
Agad na napuno ng pag-aalala ang reaskyon ng binata. Hindi niya gusto ang nangyaring ito, kakaiba ang nararamdaman niyang pagtibok ng puso ngayon...mas mabilis ito kumpara sa normal nitong t***k.
Bumalik na siya sa kwarto niya para kunin ang cellphone. Istorbo man ang gagawin niyang pagtawag isa-isa sa barkada nila pero ito lang ang magagawa ngayon ni Tyron...ang itanong sa kanila kung may alam ba sila sa desisyong ito ni Zeph.
Magliliwanag na nang matapos siyang tawagan ang lahat. Inabot siya ng ganito kahabang oras sa pag-contact sa kanila dahil matagal sila sumagot lahat, natural 'yon dahil oras pa ng mahimbing na pagtulog.
Si Roxanne ang una niyang tawagan, dahil bukod sa kanya ay ito ang pinaka malapit sa pinsan niya. Inasahan niya na may alam ito tungkol sa nangyari, pero gaya niya ay wala rin ideya ang dalaga sa planong ito ni Zeph.
Sunod niyang tinawagan si Zild, pero dahil lasing itong kausap ay wala rin siyang nakuhang impormasyon dito.
Si Claude naman ay ilang beses nang tinawagan ni Tyron, pero hindi manlang ito sumagot sa mga tawag niya.
Kahit mababa ang chance na may alam ang iba ay sinubukan pa rin silang tawagan ni Tyron para magbaka-sakali. Pero talagang wala ni isa sa kanila ang may alam kung saan nagsuot si Zeph.
Hindi na nakabalik sa pagtulog ang binata dahil sa sobrang pag-aalala sa pinsan niya. Ngayon lang nagawa ng dalaga ang umalis nang malayo sa kanya na wala manlang pasabi kung saan ito pupunta at kung kailan ito babalik. Hindi niya maintindihan kung ano pa ang tumatakbo sa isip ni Zeph, basta ang hiling lang ni Tyron ngayon ay sana...hindi pa siya nababaliw ng husto para sugurin ang kalaban ng nag-iisa.
"Sana ayos ka lang, Insan. Kung nasaan ka man, mag-iingat ka. Mahal na mahal din kita..."
***
Patuloy na inulit ni Tyron ang pagtawag kay Claude, pero hindi pa rin ito sumasagot. Kaya naisipan ng binata na sadyain na ang lalaking naiisip niyang may kasalanan bakit naisipan ni Zeph na umalis.
Sa oras na makita niya ang lalaking pakay ay agad niya itong sinalubong ng isang sapak. "Anak ka ng kamote! Alam mo ba kung anong ginawa mo sa pinsan ko?!" sigaw niya kay Claude.
Hindi siya umiimik, pinunasan niya lang ang dugo sa gilid ng kanyang labi. Muling nagsalita si Tyron, nasa boses niya ang inis sa kausap. "Umalis si Zeph...hindi ko alam kung saan siya nagpunta! At kasalanan mo 'yon! Kung hindi mo siya pinaniwalang tutulungan mo siya paghigantihan ang grupong 'yon, sana hindi siya naging ganito ka-desperada ngayon. Mapapatay kita, Claude. Alam mo ba iyon?"
Tila hangin ang kausap niya, hindi manlang ito umimik. Hindi mo mawari kung talagang gusto niya nang mamatay sa kamay ni Tyron o talagang nasa ugali na niya ang walang pakialam.
Sa ipinapakita nitong ugali, hindi na nakapagpigil pa si Tyron. Nilabas ng binata ang dagger niya, mabilis na inikutan si Claude sa likod nito at itinutok ang talim ng dagger sa kanyang leeg.
"Hanapin mo siya kung ayaw mong magkaroon na naman ng away sa pagitan ng Poison Blade at Dark Spade. Baka nakakalimutan mo, hindi mo pa nagagawa ang totoong misyon mo. Kung si Zeph madali mong nauuto...ako hindi. Alam ko ang balak mo, alam kong iyon talaga ang pakay mo simula pa lang. Kaya kung gusto mong matapos mo pa 'yon...kumilos ka."
Matapos na mahiwaan ng bahagya ang leeg ni Claude ay patulak siyang binitiwan ni Tyron tapos ay padabog na lumabas sa base ng Dark Spade.
Ayaw man niyang sabihan ito sa nangyari sa pinsan niya ay wala siyang choice...hindi niya maitatanggi na may magagawa ang lalaking iyon para mahanap si Zeph. Alam niyang kikilos ito dahil may pakay siya sa dalaga.
Wala talagang tiwala si Tyron kay Claude at hindi na magkakaroon pa kahit kailan. Pero kung si Zeph ang pinag-uusapan, alam niyang maari niyang bigyan ito ng pagkakataon na magkaroon ng silbi kahit ngayon lang.
Malaki pa rin ang galit niya sa leader ng Dark Spade. Sa mga ginawa ni Claude noong gang war at sa mga sinabi niya rin noon, hindi basta-basta naniniwala ang binata na talagang nagsisisi na ito. Paniniwala niya, sa drama lang nangyayari ang mga eksenang pagpapatawad ng bida sa kontrabida kahit pa ilang beses na siyang sinaktan at ilang beses pinagtangkaang patayin. Kaya hindi siya kumbinsido na wala nang away sa pagitan ng Poison Blade at Dark Spade.
Mas naniniwala si Tyron sa pakiramdam niya kaysa sa pinagsasabi noon ni Claude. Si Zeph lang naman ang nauto niya...palibhasa ay desperada ang dalaga na makapaghiganti, nakalimutan na niya agad ang inasal ng lalaking iyon noong gang war.
Sa isip ng binata, sinabi lang ni Claude ang pagtulong na iyon para lapitan siya ni Zeph, sinamantala niya ang kahinaan ng dalaga lalo pa't ugali na nito ang maglagak kaagad ng tiwala.
May tampo man si Tyron sa pinsan niya dahil tingin niya ay nakalimutan na nito ang mga pagsasakipisyo ni Xenon para sa kanya, may tiwala pa rin siyang may matibay na rason si Zeph bakit ito nagpa-uto kay Claude noon. Naniniwala siyang hindi ganoon kadaling mabura ng kabaitang pinapakita ng lalaking iyon ang pagmahal ng pinsan niya kay Xenon. May kutob siyang sinusubukan din ng pinsan niya na hanapin ang lahat ng sagot sa tanong niya sa sarili niyang paraan.
Ang pagkamatay ni Tiffany ang naging simula kung bakit sila nalagay sa posisyong ito. Hindi iyon nakikita ng pinsan niya dahil nabubulag ito sa gusto niyang gawing paghihiganti. Pero sa mata ni Tyron, alam niyang nakatakda talagang mangyari ang lahat ng ito. Una-unahan lang na makarating sa impyerno.
Madaming sikreto ang mga Hernandez, maari silang ituring na pamilya ng demonyo...mga taong nabubuhay para gumawa ng masama at pumatay. Mga uri ng taong hindi alam ang tunay nilang silbi sa mundo pero sumusubok na lumaban sa buhay kahit pa puro sila makasalanan.
Hindi niya ginustong hayaan si Tiffany na maging tauhan ng pamilya nila. Pero sarado ang isip niya noon, wala siyang ibang inisip kundi ang makaalis sa kulungan ng pamilyang iyon. Dahil para kay Tyron...hindi pamilya ang turing ng mga tao roon sa kanila, kundi mga laruan na magagamit para sa pansariling interes.
Kahit hindi naging ganoon ka-close ang magkapatid, masaya pa rin si Tyron dahil sa kabila ng pag-iwan niya sa ate niya noon...hindi siya kinalimutan nito. Sa paglipas ng panahon at sa muling pagkikita nila, nandoon pa rin ang pakiramdam na kahit papaano ay may pamilya pa siya. Masaya at kuntento na ang binata kahit si Tiffany na lang ang kumikilala sa kanya bilang pamilya.
Tinuruan siya ni Tiffany na pahalagahan ang taong nandiyan pa para sa 'yo. Kaya para sa ate niya, pumayag siyang maging parte ng plano na naisip nito na iligtas si Zeph at ilayo sa maling trato ng pamilya nila. Dito na nagsimulang mapalapit si Tyron kay Zeph at mahalin din ito bilang isang pamilya.
Nangako rin si Tyron kay Zeph na pag-uusapan nila ang tungkol sa paghihiganti nila sa pagkamatay ni Tiffany, pero hindi na iyon natuloy dahil umeksena nga si Claude. Kaya talagang hindi ganoon kadali maalis ang inis niya sa lalaking iyon dahil marami itong bagay na sinira sa samahan nilang lahat.
Pansin din naman niya na hindi lang siya ang wala pa ring tiwala sa lalaking iyon. Dahil bukod kay Zeph, sa kakambal niyang si Mace, at sa best friend niyang si Kris...wala nang iba pang kumakausap kay Claude sa grupo nilang magkakaibigan. Tiyak niya ring hindi pa rin naaayos ang 'past issue' sa pagitan nila Mace, Claude, at Zild.
"Kung wala si Claude, siguro ay maayos ang samahan namin bilang barkada. Siguro nga...kung hindi kami street fighter, baka naging mas malalim pa ang pagkakaibigan namin at baka ginagawa na namin ang mga 'friendship goals' na uso ngayon. Siya pa rin ang tinuturing kong kontrabida..." ani Tyron habang patuloy sa paglalakad, tila hindi alam kung saan siya ngayon pupunta.
Nanlaki ang mata ng binata nang may ma-realize siya tungkol sa pagkawala ng pinsan niya—maaring mawalan ng ilaw ang daan nilang lahat, maaring mahinto na ang pagkakaibigan nila dahil wala ang rason kung bakit sila nagkasama-sama ngayon. Si Zeph kasi ang naging tulay ng samahan nila.
Ito na rin ang dahilan bakit ganito siya protektahan at pahalagahan ng lahat. Tama na si Zeph ay isang babaeng tahimik at puno ng galit ang puso...pero hindi niya alam na napaka espesyal niyang babae. Nakabuo siya ng isang matibay na pagkakaibigan.
Sa tingin pa ni Tyron, wala naman talagang nagbago. Siguro nga, nabuo ulit ang Dark Spade at may marami ulit silang miyembro...nagawa ni Zeph na ayusin ang Poison Blade at tanggapin na siya ang dapat maging leader nito...madami nga siguro silang pinaghirapan ni Claude para kilalanin silang Princess and Prince of Street Fighters.
Pero sa pananaw niya...wala pa ring nagbago, may kulang pa rin...hindi iyon ang pagbabago na gusto niyang makita.
Patuloy lang siya sa paglalakad, basta kung saan lang siya dalhin ng paa niya. Aminado siya na kahit ang sarili niyang iniisip ay hindi na niya naiintindihan. Basta ang alam niya lang, may hindi pa rin tama. May kulang na bagay na nakakalimutan nilang lahat.
Tuluyan nang nakalabas sa MCU si Tyron. Bahagya niyang iniling ang ulo niya para mabura ang mga 'yon sa isip niya. "Ano ba, Tyron? Kung ano-ano ang iniisip mo. Ang bigyan mo ng atensyon ay ang paghahanap sa pinsan mo at hindi ang mga wala namang kwentang bagay," aniya. Tila kausap na naman ang sarili.
Nahinto na siya sa paglalakad nang mahinto siya sa pag-iisip kung saan pa siya pupunta ngayon. Hindi na niya alam kung saan niya pa maaring ipagtanong si Zeph. Dahil kung walang alam si Claude sa pag-alis ng pinsan niya, mas lalong mahirap ang paghahanap na ito.
"Sino pa ba ang puwede kong pagtanungan?"
Bago niya masagot ang sarili niyang tanong, biglang nag-ring ang cellphone ni Tyron. Agad niya itong sinagot nang makita na si Roxanne ang tumatawag. Waalang ibang hiling ang binata kundi ang sana ay may maganda siyang balita na sasabihin.
[Kumusta? Alam mo na ba kung nasaan si Zeph? Pupuntahan mo na ba siya ngayon?]
Iyon ang bungad na bati sa kanya ng kausap sa kabilang linya. Agad na nakaramdam ng pagkadismaya ang binata dahil imbes na magbigay ito ng balita, siya pa pala ang hihingian nito ng update.
"Hindi pa rin, kahit si Claude ay walang ideya kung saan nagpunta si Insan."
[Tyron, may isang tao ka pang hindi napagtatanungan.]
Kumunot ang noo niya. "Sino naman?" pagtatakang tanong sa kausap.
[Si Katrina. Siya naman ang dahilan bakit lalong naging desperada si Zeph sa misyon niya, 'diba?]
Napangisi na lang si Tyron habang naiisip na mabuti na lang at matalino ang naging best friend ng pinsan niya.
"Sige. Pupuntahan—"
[Sasama kami. Sinabihan ko na ang lahat. Kaya sama-sama tayong maghahanap kay Zeph.]