CHAPTER 6: PAGTAKAS AT PAGTUKLAS
Zeph's POV
Napalunok ako nang bumunot na ng baril ang lalaking nakakita sa hiwa ng sako. Patay na talaga.
Hindi ako duwag, pero aminado akong tinatablan din ako ng takot. Ngayon palang ako naka-encounter ng taong may hawak na baril. Siyempre, sinong hindi matatakot labanan ang ganoong klaseng tao?
Hanggat maari, ayoko silang labanan. Tiyak na di ako mananalo sa kanila ng harapan. Hindi pa ako puwedeng mamatay rito, kailangan kong—
Harapan?
Kumunot bigla ang noo ko nang tumatak sa isipi ko ang salitang 'yon. Hindi pa nila 'ko nakikita, kasalukuyan pa lang nila akong hinahanap. Ibig sabihin, lamang pa rin ako sa kanila kahit pa nakabaril sila. Napapikit ako at bahagyang natawa dahil sa sarili kong katangahan.
Inilibot ko ang tingin sa buong paligid. Malawak ang buong factory, marami rin ang puwedeng pagtaguan—palagay ko ay masaya makipaglaro ng taguan dito. Ngumisi ako nang maramdaman ko ang excitement dahil sa mga naiisip kong maaring mangyari.
Tahimik akong umalis sa pwesto ko at dahan-dahang lumipat sa isang malaking makina—na hindi ko alam ang tawag. Mula rito ay hinawakan ko ng mahigpit ang dagger ko.
Sumilip ako sa gawi ng mga nakapatong na sako ng drugs. Naroon pa rin silang dalawa at unti-unting lumalapit dito habang palinga-linga pa rin sa paligid. Alam nilang nandito pa 'ko. Hindi ko maiwasang hindi mamangha dahil may utak din sila, kabaliktaran sila ng mga nakakalaban ko sa kalye.
Naghanda ako sa pag-atake nang makalapit sa akin ang isa sa kanila. Agad ko siyang sinakal mula sa likod at sinaksak sa kanang dibdib gamit ang dagger ko. Inulit ko ang saksak sa kaliwa niyang dibdib pagbitaw ko sa leeg niya. Hinila ko siya sa bandang makukubli at dahan-dahang inihiga sa sahig para hindi makagawa ng anomang ingay.
Lumingon agad ako nang maramdaman kong nakita na 'ko ng kasama niya. Mabilis akong tumakbo pabalik sa tinaguan ko kanina nang magpaputok siya. Bwisit, muntik na ako.
Ngayong nakita na niya 'ko, hindi na 'ko ligtas. Sumilip ako para tignan kung nasaan ang kalaban ko, pero agad din akong nagtago nang magpaputok ulit siya. Hindi ko alam kung sinasadya niyang hindi ako tamaan o talagang duling siya mamaril, pero nagpapasalamat na rin ako kahit papaano.
Mabilis akong lumipat ng pagtataguan dahil tiyak kong susugurin niya ako. Hindi ako nagtago sa isang lugar lang, nagpalipat-lipat ako para matiyempuhan siya at mauna siyang mamatay sa akin.
Hanggang sa sumulpot ang kamay niya na may hawak na baril sa pinagtataguan ko. Agad kong sinaksak iyon at sumigaw siya sa sakit. Nabitawan niya ang hawak niyang baril. Hindi na ko nagpaliguy-ligoy pa dahil sinaksak ko na rin siya sa kaliwang dibdib.
Habang hinihingal, tinitigan ko ng ilang segundo ang lalaking huli kong pinatay. Hindi ako nanghihinayang o nagsisisi na pinatay ko silang dalawa. Sa uri ng trabaho nila, tiyak na marami na rin silang pinatay at maraming buhay na rin ang nasira nila. Kabayaran ito sa lahat nang kasalanan nila.
Hindi 'ko sigurado kung dalawa lang silang sakay ng kotseng sinundan ko kanina, pero mainam na 'yung sigurado. Kailangan ko nang makaalis kaagad dito.
Bago ako umalis, inikot ko muna ang tingin ko sa paligid. Tiyak 'kong may mga CCTV dito. Kaya kahit delikado ay hindi na ako nagdalawang isip na maglibot para sirain ang lahat ng makikita ko. Kahit makaligtas ako rito, kung may makakakita naman sa akin, wala na ring saysay ang lahat ng pagod ko. Nagsisimula pa lang ako, malayo pa ako sa takbo ng misyon ko...hindi pa ako puwedeng mahuli.
Pagkatapos kong matiyak na wala na ang bakas ko rito ay mabilis akong umalis ng factory. Bumalik ako sa taxi na minaneho ko kanina. Pero bago ko buhayin ang makina ng sasakyan, may naisip akong isa pang kalokohan...
"Mamang pulis, may tao po na puro dugo sa loob ng factory ng asukal. Tulungan n'yo po ako, takot na takot ako." Napangisi ako pagkababa ko ng tawag.
Hindi ko alam kung may maniniwala sa tawag ko dahil hindi ko kayang magsalita na natatakot talaga ako. Pero bahala na sila kung maniniwala ba sila, o hindi. Basta ako...masaya ako na nakasira na ako ng isa nilang basurang gawain. Hindi sana ito parte ng paghihiganti ko, pero hindi ko naman kayang mawalan na lang ng pakialam sa mga buhay na sinira na ng droga.
Umalis na ako habang may pagkakataon pa ako, tapos na ang trabaho ko rito.
Hindi ko sinabi sa pulis na may droga sa lugar na iyon, dahil gusto kong palabasin na hindi ko sinasadya ang nakita ko.
***
Pagkatapos kong maligo ay agad akong nagbukas ng TV para manood ng balita. Tulad ng inaasahan ko, laman ng balita ang pagawaan ng asukal na pinagtataguan ng drugs. Ayon sa balita, hindi pa kilala ng pulis ang sindikatong nasa likod nito. Pero kagaya ng palagi nilang sinasabi, 'Ginagawa namin ang makakaya namin para blah...blah...blah...'
Napangisi na lang ako nang hindi nila binanggit na mayroon lang tumawag sa kanila kaya nila natuklasan ang drugs. Minsan talaga, nakakabuti rin ang pagiging 'famewhore' ng mga gaya nila. Heh, utak talangka talaga.
Maganda ang kinalabasan ng unang hakbang ko para sa misyong ito. Balak ko nang ituloy-tuloy ang ganitong gawain. Kung mahirap lapitan ang amo nila, sa ibang paraan ko na lang sila sisirain. Kapag naipakulong ko na ang taong 'yon...madali na lang sa akin ang patayin siya.
Pero hindi ako dapat makampante...kahit pa hindi alam ng sindikato kung sino ang pumatay sa dalawang miyembro nila, at kung sino ang nagturo sa pinagtataguan ng kanilang drugs...tiyak kong hindi nila palalampasin ang ginawa ko at hahanapin nila 'ko. Siguradong galit na galit na sila sa gumawa n'on sa kanila.
Sabi ni Katrina sa 'kin, hindi lang isang lugar ang pinagtataguan nila ng drugs. Bukod pa rito, may laboratoryo rin sila na pagawaan ng mga ito. Wala naman akong plano na isa-isahin ang mga iyon. Pero tiyak kong magsususpetsa sila na may balak akong gawin iyon.
Kung ako ang founder ng Pistol's Tribe, dodoblehin ko ang security ng mga negosyo ko...at gagawin ko ang lahat para mahanap at mapatay lang ang nanggugulo sa negosyo ko.
Wala akong balak na umalis sa condo ko, bagkus ay itutuloy ko ang pagjo-jogging at pagdaan sa harap ng kanilang bahay. Ayokong maisip nila na posibleng ang bagong kapitbahay nila ang may kagagawan ng pagsusumbong sa mga pulis.
Nang makadaan na ako sa harap ng bahay nila, napansin kong iba na ang guard na nagbabantay sa gate ngayon. Pero bumalik sa dati ang mansyon—walang ibang tao kundi ang dalawang guard. Tuwing gabi lang talaga sila naghahasik ng lagim. Napaisip na naman tuloy ako...saang impyerno naman kaya pumpunta ang demonyong nakatira rito kapag umaga?
Nakangiti sa akin ang isang guard nang dumaan ako ulit sa harap ng gate. Ngumiti rin ako sa kanya, palagay ko ibang demonyo ang lahi niya—m******s. Pero kailangan kong makakuha ng ilang impormasyon kaya gagamitin ko muna ang pagka-m******s niya pansamantala.
Naisipan kong tumakbo pa ng isang ikot pa ulit, kaya bumalik ako sa harap ng mansyon. Nandoon pa rin ang guard na m******s, pero wala na siyang kasama. Isang napakagandang pagkakataon.
"Sexy ka na, miss. Hindi mo na kailangan pang magpagod sa kakatakbo, pinagpapawisan ka pa tuloy."
Hindi na siya nagdalawang isip na maunang bumati sa akin. Nakangiti pa rin ang demonyo.
Huminto ako sa harap niya para ipakita na nagpapahinga ako sandali sa pagtakbo at sandaling makipagkwentuhan sa kanya.
"Naku, kailangan ko kasing i-maintain ang katawan ko, eh. Alam mo kasi, freelance model ako, kaya importante ang figure sa trabaho ko," sagot ko naman.
"Ah, ganoon ba? Kaya pala 'di na nakakapagtaka na sobrang ganda mo, ang kinis mo, tapos perpekto pa ang katawan mo. Walang duda, ikaw na ang pinakamagandang model na nakita ko!"
"Ah, hindi naman po." Tumawa ako ng mahinhin.
Bwisit, nakakairita ang ganitong usapan. Kinikilabutan ako sa mga sinasabi niya.
"Anong pangalan mo?"
Ngumiti ako. "I'm Mace. And you are?"
Pasensya na, Mace...pangalan mo ang unang pumasok sa isip ko, eh. Saka, patawarin mo rin sana 'ko sa panggagaya ng gestures mo.
"Marco."
Iniabot ko ang kamay ko para tanggapin ang alok niyang shake hands.
"Ang lambot pala ang kamay mo, Mace."
Bwisit, kadiri.
Binawi ko ng mabilis ang kamay ko. "Ano ba, bakit naman ganyan ka magsalita?" Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para maging katunog ng malambing na boses ni Roxanne ang boses ko.
Mahinang tumawa ang demonyo dahil sa sinabi ko. Halata sa boses ng m******s na ito kung ano ang gusto niya sa akin. Kaya para mapadali ang pagbalik niya sa impyerno, handa akong ihatid siya doon.
"I'm thirsty, may tubig ka ba diyan?" tanong ko.
Kinikilabutan na talaga ako sa sarili kong pag-iinarte.
"Mayroon. Kaso nasa loob, pero puwede naman tayo pumasok sandali para mapawi ang uhaw mo."
Hindi ako ganoon ka-inosente, kaya alam ko na ang mga ganitong uri ng usapan.
"Teka lang, hindi ba masyado tayong mabilis? Saka, baka makita tayo ng kasama mo o kaya ng amo mo."
"Huwag kang mag-alala, umalis sandali ang kasama ko dahil may inutos sa kanya. Isa pa, walang ibang tao sa mansyon kundi tayong dalawa lang."
"Baka makita nila sa CCTV ang pagpasok ko, baka mapahamak ka pa? Nagpapasok ka ng hindi taga-rito."
"Kung iyon lang naman ang inaalala mo, buburahin ako ang record ng paglapit mo sa akin. Tapos papatayin ko pagpasok natin sa loob para wala ng ebidensya."
Ngumiti ako sa kanya. "Sige na nga."
Gotcha! Papatayin ka ng ka-manyakan mong demonyo ka.
Ginawa niya ang sinabi niya. Pagkatapos ay inanyayahan na niya ako sa loob. Sinarado niya ang gate at sumilip pa sa paligid para masiguro na walang nakapansin sa pagpasok ko.
Habang chi-ni-check niya ang paligid, kusa nang lumakad ang mga paa ko papasok sa loob ng mansyon. Ito ang unang beses kong makakapasok sa loob, gusto ko lang malibot ang kuta ng kalaban at humanap ng puwede kong magamit laban sa kanila. Patay ang CCTV kaya malaya akong makakapaglibot sa paligid.
Pagpasok ko, bumungad sa akin ang napakagandang disenyo ng living room. Nakakamangha lang talaga ang itsura nito, halatang mamahalin ang mga gamit na nandito.
Napatingin ako sa portrait na nakasabit sa dingding, sa tiyantiya ko ay nasa 40 na ang edad ng lalaki sa picture. Naningkit ang mata ko, hindi ko pa kilala ang founder ng Pistol's Tribe...pero ang portrait na ang nagtuturo sa akin kung sino siya.
Para sa isang street fighter, siya na ata ang pinakamatandang nakita ko. Bata pa ang bumuo at nagtatag ng unang gang, pati na rin ang nagpakilala ng street fighter na sina Nickel at ate Tiffany. Ang ibang street fighter at gang ay halos estudyante lang din.
Ang street fighter ay isa lang samahan ng mga estudyante ng MCU at ng ilang kabataang naghahanap ng kakampi sa away. Malayo ito sa layunin ng Pistol's Tribe.
Ngayon ako mas nakakasigurado, hindi isang street fighter ang gang na ito. Hindi sila isang grupo na nagnanais lang ng kasama sa gulo. Hindi sila lumalaban para patunayan na malakas sila.
Higit pa sila sa demonyong bumabalot sa amin, sagad sa buto ang kasamaan nila. Sila ang tunay na latak ng lipunan, ang mga dumi na dapat walisin.
Naikuyom ko ang kamao ko, mas lalo akong nagkaroon ng dahilan para tapusin ang kasamaan nila. Bukod sa pinatay nila si ate Tiffany, sumisira rin sila sa mundong dapat ay tahanan ng mga taong nabubuhay para tuparin ang kanilang mga pangarap.
Hindi ako mabuting tao, alam kong nakakatawa ang sinasabi ko...pero hindi ako kasing sama ng Pistol's Tribe na gagawa ng ikasisira ng mga taong inosente at gipit sa buhay. Hindi importante sa akin ang pera dahil pinanganak akong may gintong kutsara sa bibig, pero hindi nangangahulugang wala na ring halaga sa akin kung may gagawa ng masama sa iba para lang magkapera.
Ang street fighter ay para lang sa mga gaya kong nabuhay sa gulo, puro away lang ang ginagawa namin. Palakasan, paangasan. Pumapatay kami pero hindi gaya nila na may nasisira. Hindi ko alam kung dinidipensahan ko lang ang sarili ko...pero alam ko, magkaiba ang lebel ng kasamaan namin...sigurado akong mas masama sila.
"Nariyan ka lang pala."
Nagitla ako nang magsalita si Marco, ang guard na nagpa-pasok sa akin sa loob ng mansyon. Muntik ko na siyang makalimutan, hindi ko pa pala napag-iisipan kung paano ko siya papatayin.
Humarap ako sa kanya. "Sorry. Nauna na 'ko pumasok dito, natakot kasi ako baka may makakita pa sa akin sa labas."
Lumapit naman siya sa akin. "Wala namang makakakita sa 'yo rito dahil walang nagtatangka na tumingin o lumapit sa bahay na ito."
Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"
"Lahat ng tao na nakapaligid sa mansyon na ito, kilala nila kung sino ang nakatira rito. Alam nila na ang amo ko ang tipo ng taong hindi dapat banggain."
Ngumiti ako ng pilit sabay atras palayo nang unti-unti siyang lumalapit sa akin. "Ano bang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan. Hindi ba, kaya tayo narito ay para—"
"Para balaan ka...Zephaniah Hernandez."
Bwisit.
Pinagpa-planuhan ko sila, pero hindi ko alam na pinagpa-planuhan din pala nila 'ko. Paano na? Ang tanga mo, Zephaniah!
"Akala mo ba talaga...simpleng guard lang ako na nautusang bantayan ang mansyon na ito? Isang uto-uto na basta ka na lang papapasukin sa loob ng bahay? Sa tingin mo, ganoon kami katanga para hindi ka makilala? Bata ka lang. Hindi mo kilala ang binabangga mo. Kung ako sa 'yo, lalayo na ako. Pasalamat ka, mabait si Bossing dahil di niya ipinag-utos na patayin ka."
Hindi ko na nagawang magsalita pa dahil tuloy-tuloy lang siya sa pagsasalita.
"Babala lang ito, Zephaniah Hernandez...isang babala na dapat kang magambala. Bumalik ka na sa kung saang impyernong paaralan ka naglulungga. Wala kaming pakialam sa napaka walang kwentang rason mo kung bakit mo pinasok ang pagawaan ng asukal at kung bakit ka nangingialam sa negosyo namin. Pero sa susunod na mangialam ka pa, sinasabi ko sa 'yo...makakasama mo na ang ate mo sa impyerno..."
Hindi ako makagalaw, hindi ko na talag nagawang magsalita. Nakakapangilabot, kilala nila 'ko. Alam nilang naghihiganti ako, alam nila lahat...
"Ano na, Zephaniah Hernandez? Natatakot ka na ba? Ikaw naman kasi, nasobrahan ka sa tapang. Kahit sundalo, hindi gagawin ang gaya ng ginawa mo na pasukin ang kuta ng kalaban ng nag-iisa. Nakakatawa ka, para kang isang daga na pumasok sa kulungan ng mga leon."
Blangko pa rin ang isip ko, akala ko nasa maayos ang lahat. Akala ko nakakalamang ako. Pero...
"Hindi ka mananalo sa Pistol's Tribe, Zephaniah Hernandez."