CHAPTER 14: MISSION
Zeph's POV
Tunog ng alarm clock ang gumising sa akin. Agad akong bumangon dahil hindi ako dapat magbabad sa higaan, hindi sa araw na ito...
Kagaya ng nakagawian ko nang gawin sa umaga, naghilamos ako at nagsiplyo. Pagkatapos kong magbihis at matiyak na maayos na ang itsura ko ay lumabas na 'ko ng kwarto.
Bumungad sa akin ang lalaking bagong nanggugulo sa araw ko, si Zed.
Sumimangot siya sa akin. "Kailan ko kaya mararanasan ang kumatok sa pinto ng kwarto mo?" aniya.
Bahagya akong ngumisi. "Siguro kapag nahuli ka pa ng kaunti, tipong wala ka nang aabutan dito." Nilampasan ko siya at nauna na sa paglalakad.
"Whatever!" aniya pagsunod niya sa akin sa paglakad, hindi ko pinansin ang arte sa kanyang boses. "Nga pala, sabi ni Boss...bumisita ka muna sa opisina niya bago tayo—"
"Hindi niya 'ko tauhan para sabihan niya na palaging mag-report sa kanya kung saan ako pupunta at kung ano gagawin ko. Puwede niya naman itanong sa 'yo o 'di kaya sa mga tauhan niya kung anong ginagawa ko."
Ang aga-aga, pambubwisit ang salubong sa akin ng lalaking ito. Kailan niya kaya ma-ge-gets na ang tungkol sa taong iyon ang pinaka ayoko marining?
"Zeph, baka nakakalimutan mo kung sino si Boss..."
Huminahon ako nang ipaalala niya iyon sa akin. Oo nga pala, wala siyang alam...
"Nagmamadali ako, mamaya ko na lang siya kakausapin," sabi ko.
"Teka saan ba talaga ang lakad natin, Madam?"
Agad na kumalat sa katawan ko ang kilabot dahil sa tinawag sa akin ni Zed. Hanggang ngayon ay tinatawag niya pa rin ako ng ganyan kahit ilang ulit ko nang sabihin sa kanya na—
"Bilin ni Boss 'yon, wala 'kong magagawa kundi sumunod."
Bwisit. Puro na lang boss, puro na lang siya.
Hindi na lang ako umimik, wala rin naman akong magagawa.
Nauna na 'kong sumakay sa kotse, sa backseat ako umupo at si Zed ang mag da-drive.
"Sa Base tayo."
Wala na 'kong narinig pang tanong mula sa kanya, agad niyang pinaandar ang kotse at binagtas ang daan papunta sa sinabi kong lugar.
Ang Base na tinutukoy ko ay ang mansion na minsan ko nang pinuntahan...ang mansion kung saan ko nakilala ang guard na mayabang na nag-angas sa akin. Napangisi ako nang maalala ko ang pagmumukha niya, hinding-hindi ko makakalimutan ang lalaking iyon...dapat niyang pagsisihan ang ginawa niyang pamamahiya sa akin.
Pagkatapos niya 'kong sinadakin ng araw na iyon ay marami pang nangyari. Handa na sana akong harapin ang sarili kong kamatayan ng mga oras na iyon pero...totoo ang kasabihan na hindi namamatay ang masamang d**o.
Hindi lang isang guard ang papel sa grupo ng lalaking iyon, isa rin siyang miyembro ng Pistol's Tribe. Maraming bagay pa ang nalaman ko mula nang araw na 'yon...at maraming bagay pa ang malalaman ko.
Pupunta ako sa mansyon dahil ang balita ko ay bumalik na ang lalaking iyon galing sa huling misyon niya...kaya oras na para maningil ako ng atraso.
Pagdating namin sa hideout, paghinto ng kotse sa harap ng gate, nakita ko agad na nakatambay doon ang lalaking tinutukoy ko. Hindi na 'ko nagdalawang isip pa, pagbaba ko ng sasakyan ay agad ko siyang sinalubong ng suntok.
Walang imik ang ilang miyembro ng grupo na kasama niya kahit pa nakita nila ang nangyari. Nakatingin lang sila at ramdam kong ayaw nila mangialam. Kilala na siguro nila ako.
"Madam! Anong problema?!" Nilapitan agad ni Zed ang lalaking sinuntok ko para alalayan itong makatayo dahil nawalan siya ng balanse.
"Bitiwan mo 'yan kung ayaw mong ikaw ang isunod ko, Zed."
Nananatili akong nakatayo at masamang nakatingin sa lalaking hindi magawang ibaling ang tingin sa akin, siguro ay nagsisisi na siya sa ginawa niya sa akin nu'ng araw na 'yon.
"Sandali nga, kumalma ka! Ano bang atraso sa 'yo ni Marco?"
Hindi ko na siya nagawang sagutin nang magsalita ang lalaking mayabang.
"Tama pala ang balitang narinig ko, isa ka na sa amin. No wonder na kunin ka ni Boss kaysa patayin dahil sayang ka." Kinilabutan ako nang tingnan ako ni Marco mula ulo hanggang paa. Tinuloy niya ang pagsasalita, "Maganda na, matapang pa. Ano kayang serbisyo ang maihahandog mo kay Boss?"
Hindi na ako nakapagpigil at agad ko na naman siyang ginawaran ng sipa sa mukha. Ibinangon siya ni Zed, akala ko ginawa niya iyon para tulungan ulit pero nagulat na lang ako nang ibinato niya ito dahilan para tumama ang likod niya sa pader. Narinig ko ang pag-daing ni Marco sa sakit ng pagkakatama niya, pero agad niya rin iyong binawi nang ngumisi siya at hinaluan niya pa 'yon ng pagbungisngis. At talaga namang lalong umiinit ang dugo ko sa kanya, lalo akong nangangating patayin siya.
Nilingon niya ang kasama ko. "Bakit, Zed? Gusto mo rin ba ang babaeng 'yan? Pasensya na kung nasaktan ko ang pride mo."
Nakatalikod sa pwesto ko si Zed kaya hindi ko kita ang reaksyon niya. Pero dama ko ang pagbabanta sa boses niya nang sagutin niya ang kausap, "Wala 'kong ideya sa issue ninyong dalawa at wala talaga kong pakialam, pero hindi ko gusto na nambabastos ka ng isang babae sa harap ko."
Imbes na makaramdam ng hiya sa katawan, patuloy lang ngumisi ang walang modong lalaking iyon.
Tila nag-init na rin ang ulo ni Zed, dinampot niya si Marco at pinagsusuntok ito.
"Ano, p're? Hindi ka ba lalaban? Alam mo, matagal na 'kong asar sa 'yo kaya hayaan mong ilabas ko 'yun ngayon," ani Zed.
Nawala na ang ngisi sa mukha ni Marco, at hindi ako papayag na si Zed ang tatapos sa kanya.
Nilapitan ko siya. "Tama na," pigil ko nang nag-amba ulit siya ng suntok. "Ako ang papatay sa taong 'yan."
Naglakad ako palapit kay Marco, duguan na ang mukha ng loko pero muli na naman siyang nagpakita ng ngisi sa akin. Demonyo talaga siya kahit saang anggulo at sitwasyon, lalo akong nasasabik na patayin siya dahil patuloy niya 'kong iniinis kapag nakikita ko siya.
"Hindi ka manlang ba magmamakaawa para sa buhay mo? O baka naman may huling hiling ka bago ka mamatay?"
"Kung papatayin mo lang rin naman pala ako, bakit pa ako magmamakaawa? 'Diba mas exciting kung asarin na lang kita bago mo ako mapatay? Para hindi mo ako makalimutan hanggang pagtulog mo."
"Iyon ay kung may oras ka pang makapang-asar." Handa na sana ang dagger ko para ihagis sa kanya patusok sa noo pero mabilis siyang nakapagsalita ng bagay na kinagulat ko.
"Kilala ko ang ate mo, kilala ko rin sino ang walang awa na bumaril sa kanya nang araw na iyon."
Sa totoo lang, naapektuhan ako sa sinabi niya. Pero pasensya na lang siya dahil mayroon akong kilalang tao na mas makakapagtuturo sa akin sa kung sino ang taong iyon. Kaya hindi ko kailangan ng impormasyon galing sa kanya.
"Akala ko ba mang-aasar ka lang imbis na magmaka-awa sa buhay mo? Ano 'yang sinasabi mo ngayon? Suhol?"
"Sasabihin ko sa 'yo sino siya kung—"
Agad na umagos sa buong mukha ni Marco ang kanyang dugo. Hindi na niya nagawa pang ipagpatuloy ang sasabihin niya dahil mabilis na lumipad ang dagger ko papunta sa noo niya.
"Nakakainis, hindi ako natuwa sa madaling kamatayan mo."
Nilapitan ko ang walang buhay na katawan ni Marco at binunot ang dagger ko sa noo niya. Nakita ko pang nakamulat ang kanyang mata.
Humarap ako sa ibang miyembrong nakakita sa nangyari. "Hoy, kayo...itapon n'yo na lang ang katawan ng lalaking ito sa kahit saang sapa na makita n'yo riyan sa paligid. Linisin n'yo rin ang mantsa ng dugo niyang nagkalat, nakakadiring tingnan ang dugo ng isang m******s na gaya niya," utos ko.
"Opo, madam."
Agad na nagsikilos ang lahat. Pinunasan ko naman ang dagger ko gamit ang pinitas kong dahon ng halaman dito. Hindi ko na kasi maatim na may bahid pa ng dugo ng m******s na 'yun ang dagger ko, mamaya ko na lang ito lilinisin ng maayos.
Habang nagpupunas, naglakad ako papasok ng mansion.
"Iyon lang ba ang pinunta natin dito?" ani Zed, sumunod pala siya sa akin.
Inabot ko kay Zed ang dagger ko. "Pakilinis. Hindi natanggal ng dahon 'yung mantsa, sobra ang kapit kapag dugo ng manyakis."
"Bakit ba kasi nagtitiis ka sa dagger na ito? Ang dami naman nating baril dito, makakapili ka pa ng kahit anong gusto mo."
Tinitigan ko ng diretso si Zed. "Isang beses mo pang banggitin sa 'kin 'yan, isasama ko na ang dugo mo sa mantsa ng dagger na 'yan."
Yumuko si Zed. "Sorry, Madam."
Pumasok lang ako sa loob para uminom ng tubig, kailangan kong ikalma ang sarili ko. Pagkatapos ay tinawag ko na si Zed para gawin ang totoo naming misyon.
Sumakay kami sa kotse at siya ulit ang nag-drive. Sa backseat ako ulit umupo.
Isang linggo na ang nakakaraan mula nang umalis ako sa amin. Isang linggo na akong namamalagi rito sa hideout ng Pistol's Tribe. Pero hindi ibig sabihin na narito ako ay kaisa na nila ako, nagtitiis ako rito dahil hindi ko pa nagagawa ang pakay ko—ang ihatid sa hukay ang taong pumatay sa ate ko.
Nang ma-corner ako ni Marco, para siyang isang asong naka-agaw ng buto sa kapwa aso nang palayasin niya ko sa mansion. Todo ngiti pa siya noong oras na 'yon kasi akala niya naisahan niya na 'ko. Sinabi ko talaga sa sarili ko na bago 'ko mapatay ang pakay ko rito, siya muna ang uunahin ko.
Sa araw ding iyon ay nakaharap ko mismo ang leader ng Pistol's Tribe. Halos manigas ako sa kinatatayuan ko noon dahil hindi ko sukat akalain na darating ang oras na pupunta siya sa akin at walang anu-ano'y kakatok siya sa pinto ng kwarto ko sa hotel. Nang makita ko siya, nakasigurado agad ako na siya 'yon dahil nakita ko na ang mukha niya sa portrait.
Wala siyang kasama, talagang napakalakas ng loob niyang lumakad ng mag-isa kahit pa ganoon ang estado niya sa lipunan—kriminal. Kaswal siyang pumasok sa kwarto ko pagbukas na pagbukas ko ng pinto na parang nanggaling na siya roon ng maraming beses. Uminom pa nga siya sa kape ko bago naupo. Nakangiti siya noon at tila tuwang-tuwa na makita ako.
Pagkakita ko palang sa kanya sa labas ng pinto...akala ko talaga katapusan ko na, akala ko hindi ko na magagawang patayin si Marco. Pero halos manghina ang katawan ko nang kinamusta ako ng taong kinikilala kong kaaway. Ibig sabihin, hindi siya nagpunta para patayin o saktan man ako.
Para kaming magkakilala kung magkwento siya sa akin, hindi ako sumasagot sa kwento niya tungkol sa pagsugod ko sa hideout nila pero tuloy-tuloy pa rin siyang nagsasalita.
Hanggang sa nauwi ang usapan sa pagkatao ako, kilala niya ako...kilalang-kilala. Hindi na iyon nakakapagtaka, dahil si Marco nga ay kilala ako...siya pa kaya. Pero ang pinagtataka ko, bakit siya nag-aksaya ng panahon para puntahan ako ng personal. At wala siyang ginawa kundi magsalita ng kung anu-ano.
Inalok niya 'ko ng posisyon sa grupo niya, hindi ako agad sumagot. Gusto kong tumanggi, gusto kong makaalis kasi hindi ako makahinga sa isang kwarto na kasama siya. Pero sa kabilang banda, nagawa ko pa ring mag-isip na magandang oportunidad na rin ito para makakilos ako ng malaya sa mansion nila. Mas mapapadali ang planong kong patayin siya...
Hindi naman ako tanga para hindi maisip na may plano rin siya sa akin, ang taong kagaya niya ay hindi basta-basta magpapakilala sa isang bata at babaeng gaya ko para lang pasalihin sa grupo niya ng ganun-ganun na lang, knowing na may nasira akong negosyo niya at pinasok ko pa ang mansion niya nang walang pahintulot niya.
Pero anoman ang rason niya, kailangan kong mag-ingat hanggang hindi ko pa nalalaman iyon. Sa ngayon, kailangan kong sumakay sa trip niya. Kung ang gusto niyang laro ay itong pagsali ko sa kalokohan niya...pagbibigyan ko siya...madala ko lang siya sa hukay.
Ang misyong ibinigay niya sa akin ay parang misyon ng mga assassin o hitman sa isang pelikula, kailangan ko lang patayin ang mga hadlang sa negosyo niya. Nag-e-enjoy naman ako sa misyong ito dahil ganito rin ang misyon ni ate noon sa pamilya namin.
"Madam, kaya mo bang pumatay ng inosente?"
Napatingin ako kay Zed habang nakakunot ang noo. "Saan mo napulot 'yang tanong mo?"
"Ang target natin ngayon ay guard ng isang Pawnshop. May asawa at dalawang anak."
Pumikit ako para kalmahin ang sarili ko, hindi ito ang unang beses kong papatay. Pero...
"Bakit mo nasabing inosente siya?" tanong ko.
"Ang kasalanan niya lang naman ay guard siya ng Pawnshop na pagmamay-ari ng naka-away ni Boss."
"Sa madaling salita, hindi siya ang kaaway mismo ni Boss. So, bakit siya papatayin?"
"Dahil personal bodyguard din siya ni Mr. Santos. Kaya dapat siya ang unahin—"
"Ganyan ba kayo kahina? Akala ko pa naman magagaling kayong tao."
"Madam, hindi mo kasi naiintindihan. Ang taong 'yon ay magaling—"
"Magaling ka rin. Pero kung may papatay man sa akin, hindi ko nanaising mauna kang mamatay sa kakaprotekta sa akin. Sa 'kin sila galit, kaya ako lang dapat nilang patayin. Kapag pinatay ka nila bago ako, isasama ko na sa sila sa listahan ng isasauli kong kaluluwa kay satanas."
"Madam."
"Ano na naman?"
"Payakap ako."
"Sige ba, basta ba handa ka na rin humarap kay satanas."
Nakarating kami sa Pawnshop na sadya namin. Agad kong nakita ang guard na pinag-uusapan lang namin kanina. Naningkit ang mata ko, kung hindi mo alam na isa na siyang ama at may binubuhay na pamilya, talagang nakakabahala ang itsura niya. Pakiramdam ko nga ay mas madami na siya napatay kaysa sa akin.
"Plano, madam?"
"Ipapain kita." Lumabas ako ng kotse pero bago ako naglakad muli akong nagsalita, "Wala kang gagawin na kahit na ano sa guard na 'yon. Maliwanag?"
Pagkatapos ng sinabi ko ay nagtuloy na 'ko ng lakad papasok. Narinig ko pa ang reklamo ni Zed bago ako makalayo sa kanya.
Pagpasok ko, nakita kong kinakausap na ni Zed ang guard. Gawa sa salamin ang pinto ng Pawnshop kaya kita ang lahat ng nasa labas nito.
Kumbinsido na 'ko sa sinabi ng partner ko na may galing nga ang guard ni Mr. Santos, siya lang ang naka-duty ngayon habang may isang lalaking nasa counter.
"Excuse me, kayo po ba ang may-ari ng Pawnshop na ito?" mabait ang tono ng boses ko...para bang walang gagawing masama, inosenteng-inosente ang dating.
"Ah...hindi, Hija. Empleyado lang din ako rito," aniya saka ngumiti.
Kung ganoon, maaring umalis o nasa loob ng opisina ang pakay ko.
"Ang boss ko, siya 'yung nasa labas na kausap ng kasama mo."
Halos hindi na ako nakakilos nang bigla akong nakarinig ng putok ng baril.
"Zed!"
Anong gagawin mo ngayon, Zephaniah?