CHAPTER 15: TROUBLE
Zeph's POV
Ano 'to? Alam ba nilang darating kami?!
"Zed!" muli kong tawag sa kasama kong nasa labas.
Sa totoo lang, hindi ko sigurado kung maririnig ba ang boses ng nasa loob ng Pawnshop mula sa labas, pero gusto ko pa ring subukan na tawagin siya.
Kaharap niya mismo ang target namin. Hindi ko sila nakikita sa labas. Nasaan na sila?
Binaling ko na ang tingin ko sa lalaking nakausap ko rito sa loob, kung totoo ang sinasabi niyang boss niya ang kaharap ni Zed sa labas ibig sabihin, siya—
Agad akong dumapa nang nagpaulan siya ng bala sa akin. Kainis, mahirap kumilos dito dahil maliit lang ang pwesto ng Pawnshop nila.
Nakarinig na ako ng sigaw mula sa labas, nakakaagaw na kami ng atensyon ng iba. Sigurado akong maya-maya lang ay may darating ng pulis. Hindi magiging pabor sa akin kung eeksena sila. Kainis naman...bakit ba kasi 'ko napasok sa ganitong sitwasyon, eh.
Nakita ko ang isang pinto malapit sa counter, sigurado akong exit 'yon. Kailangan kong makaalis dito para hanapin si Zed. Dapat kaming magkaroon ng mas maayos na plano, alanganin ang sitwasyon namin ngayon.
Pero nabaling ang atensyon ko sa lalaking kasama ko rito sa loob nang marinig ko siyang magsalita, "Ilang turnilyo ba ang nawala sa utak ng amo mo para ipadala ang dalawang bata sa isang misyong gaya nito? Tapos babae pa yung isa. Akala n'yo ba mapapatay n'yo ang boss ko ng ganoon lang kadali?"
Hindi ko muna siya sinagot, wala rin naman dapat isagot sa sinabi niya. Mas dapat kong pagtuunan ng pansin sa ngayon ay ang makalabas.
Gumapang ako ng bahagya para magtago sa isang lamesa, tinaob ko ito at ginawang panangga kung sakaling mamaril siya muli. Malapit lang ang lamesang ito sa counter na pinagtataguan niya kaya delikado pa rin ang posisyon ko rito, pero ligtas ako habang nagsasalita siya. Ang kailangan ko na lang gawin ay kausapin siya habang nag-iisip ng plano para makatakas sa kanya. Pero puwede ring patayin ko na siya ngayon at lumabas ng malaya sa pinto.
May parte sa akin na sang-ayon sa sinabi niya tungkol sa taong 'yon, dahil kung ganito nga kahirap ang aabutin ko at hindi ko mapapatay kaagad ang target...talagang maluwag nga ang turnilyo niya sa ulo. Alam naman niyang bago lang ako sa ganitong misyon, mahirap agad pinagawa sa amin tapos wala pa akong baril. Nasisiraan na nga ata siya ng ulo!
Pero, hindi kaya mas malala ang sira ko sa ulo? Bakit ba ako pumasok ng basta rito nang walang maayos na plano, nakalimot na naman ako na may baril nga pala ang mga kalaban ko rito. Hindi na ito ang kalyeng kinagisnan ko.
"Alam mo, mabait naman ako, Hija. Hindi naman ako pumapatay ng bata kung wala naman itong ginagawa sa akin. Kaya kung lalabas ka riyan para lumuhod sa akin at humingi ng tawad, pagbibigyan naman kita."
Kainis, hindi ko siya kaya kausapin habang nag-iisip. Masyado 'kong apektado sa posisyon ko ngayon, pakiramdam ko isang maling galaw ko lang...paglalamayan na 'ko mamayang gabi.
Nakagat ko ang labi ko, sinabi ko kay Zed na ayokong idamay ang guard sa misyong ito. Pero sa ginagawa niya ngayon, hindi na siya inosente sa paningin ko.
Palinga-linga ako sa paligid, naghahanap ng maaring magamit panlaban. Hindi ko kasi puwede isugal ang paghagis ng dagger ko, baka kasi hindi ko siya matamaan...lalo akong naging mukhang tanga rito. At ayoko rin mawala ito sa akin, mas mahalaga pa ito kaysa sa samahan namin ni Zed.
Nagkaroon ako ng pag-asa nang may nakita akong basurahan sa likuran ko. Kailangan ko lang ng kaunting oras para makapag-isip ng magandang plano. Kausapin mo lang siya Zeph, kausapin mo lang.
"Bakit naman ako magso-sorry sa 'yo? Sino ba ang namaril? Saka, nagtatanong lang naman ako sa iyo kung ikaw ang may-ari...ikaw itong bigla nalang nagwala riyan," sabi ko.
Habang nagsasalita, lumapit ako ng pakonti-konti sa basurahan habang hila-hila ko ang lamesang pananggalang ko. Maingat ako sa bawat paghila para hindi niya mapansin ang ginagawa ko. Kakambal ko nga ata talaga ang swerte dahil plastic ang lamesa, hindi ito naglilikha ng malakas na ingay kapag nakakayod sa tiles.
"Bata, hindi ako ipinanganak kahapon para hindi kayo matunugan. Alam ko ang totoong pakay ninyo, alam ko kung sino kayo."
Napangisi ako nang makalapit ako sa basuharan. Lumingon ako muli kung nasaan siya saka sumagot, "Alam mo? Weh? Bakit mo hinayaan na ang boss mo ang humarap sa kasama ko? Kahit kilala mo kami, imposibleng alam mo kung ano kapabilidad ng kakayahan namin dahil unang misyon namin ito. Hindi mo alam sino sa amin ang mas magaling."
Kinalkal ko ang basurahan para maghanap ng bagay na puwedeng mapakinabangan, habang patingin-tingin ako sa kanya kung sakaling itayo na naman siya ng demonyo at mamaril na naman.
"Bata lang kayo, hindi kayo dapat seryosohin. Sa totoo lang, kung gugustuhin ko, kanina ka pa dapat patay. Pero dahil may natitira pa akong awa sa 'yo, nakakapagsalita ka pa ngayon at wala pang butas ang katawan mo."
Kanina pa siya nakaupo, tiyak 'kong nakikiramdam din siya sa galaw ko. Sigurado akong iniisip niya rin na may baril ako, o kung anomang bagay na puwedeng tumapos agad sa kanya. At mabuti na lang din at minamaliit niya 'ko, nagagamit ko ang pagiging kampante niya para mapadali ko ang pagpatay sa kanya.
Halos magsisisigaw ako sa isip ko dahil sa tuwa nang makakita na ako ng bagay na puwede kong magamit para makaligtas. Sabi nila may pera sa basura, pero mas naniniwala akong may kaligtasan sa basura.
"Talaga? Bakit hindi mo subukan tumayo at magpaulan ulit ng bala rito? Natatakot ka bang makita ng mga tao na ikaw lang ang nagpaputok at ang balak mong patayin ay isang batang babae?"
Hindi ko tanaw kung may mga tao nga sa labas, bukod sa pinto ay maliit na lang na bintana ang salamin dito. Hindi ko magawang makatayo para silipin pa ang labas, mas ligtas ako rito sa sulok sa tabi ng basurahan.
Hindi ako nakarinig ng tugon mula sa kanya, kaya muli akong nagsalita, "Alam mo ba kung gaano kalakas ang sabog ng granada?" Nakangisi ako, handang-handa na sa kalalabasan ng plano ko.
Hindi pa rin siya nagsasalita, ngayon ako nagkaroon ng ideya kung bakit siya nananatiling nakatago sa likod ng counter at kung bakit siya nag-abalang kausapin ako. Pareho kami ng sitwasyon, kritikal. Napangisi akong muli nang maintindihan ko ang nangyayari...wala na siyang bala. Kagaya ko rin siya na gumagawa ng paraan para maka-isip ng plano paano makakaligtas.
Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ko hanggang sa makatayo ako. "Ikamusta mo na lang ako sa mga demonyo sa baba!" sigaw ko saka mabilis na inihagis sa kanya ang babasaging bote ng energy drink na napulot ko sa basurahan.
"HUWAG!" sigaw naman ng kaharap ko. Pero huli na ang sigaw niyang iyon dahil bago pa siya naka-react ay papunta na sa kanya ang inaakala niyang granada.
Sinabayan ko ng mabilis na takbo ang paghagis ko. Agad akong lumabas sa pintong nakita ko sa tabi ng counter.
Balak ko na sanang tumakbo pa para tuluyan nang makatakas, pero kung gagawin ko iyon...baka pumalpak pa ang plano namin.
May kutob akong pagkatapos niyang matuklasan ang ginawa ko, tiyak na lalabas siya at tatangkain akong habuli. Bata lang ako pero kaya ko namang mag-isip ng pangmatanda kagaya niya.
Inabangan ko siya sa labas ng pinto, pumwesto ako sa likod nito para hindi niya ako mapansin.
Sigurado ako sa pagkakataong ito ay galit na galit siya dahil naisahan siya ng minamaliit niyang bata. Tiyak na kung nakakamatay lang ang pagmumura, baka nakahandusay na 'ko ngayon dahil sa asar niya na babasaging bote lang pala ang hinagis ko sa kanya.
At hindi ako binigo ng suspetsa ko...paglabas niya, agad 'kong itinutok sa likod niya ang puluhan ng dagger ko. "Huwag mong susubukan lumingon kung ayaw mong mabutas ang katawan mo."
Hindi ko kita ang reaksyon niya, hindi rin ako sigurado kung mapapaniwala ko siya na may hawak nga akong baril sa ginawa kong ito. Pero sapat na ang pagtutok ko sa likuran niya para maisip na may hawak akong bagay para masaktan siya. Tiyak na hindi niya tatangkaing lumingon sa akin.
"Magaling ka bata, pinapahanga mo talaga ko," aniya.
"Dapat ka lang talaga humanga sa akin, dahil hindi ako gaya mo na sobra ang tiwala sa sarili at minamaliit ang kalaban dahil lang sa babae ako at bata lang ako sa paningin mo. Dahil sa kayabangan mo, mapapa-aga kamatayan mo," sagot ko naman.
Sinunod niya ang sinabi ko na huwag lumingon, inagaw ko ang baril niya at kinapkapan siya. Ch-in-eck ko ang baril niya, may bala pa naman ito. Bahagyang kumunot ang noo ko nang maalala na hindi siya nagpaputok kanina, siguro talagang kulang lang siya sa diskarte kaya hindi niya 'ko napatay.
Nang masiguro kong isang 9mm lang ang dala niya ay pwersahan ko siyang pinabalik sa loob ng Pawnshop. Pagpasok niya ay agad kong itinutok sa kanya ang inagaw kong baril.
Nakaharap siya sa akin at nakataas ang dalawang kamay na para bang suko na siya sa akin. "Maawa ka sa 'kin, may anak ako. May pamilya ako," aniya, malambot at nagmamakaawa ang tunog ng boses niya.
Napangisi akong muli, halos pigil ko ang sarili kong matawa. Ngayon ay nagmamaka-awa siya, kanina lang ay kung ano-ano pa ang sinasabi niya.
"Sa totoo lang, ayaw sana kitang idamay...kasi inosente ka sa kasalanan ng boss mo. Pero matapos ng ginawa mo, sa akin ka na may atraso..."
Hindi siya umimik sa akin, nakatingin lang siya sa hawak ko at tila naghihintay ng pagputok ko rito.
"Paalam..." Iyon na ang huling katagang narinig niya bago siya mamatay.
Tinapos ko ang buhay niya sa isang putok sa sintindo. Pagkatapos ay pinunasan ko ang baril para mabura ang fingerprint ko. Pinahawak ko sa kanya ang baril saka ipinutok sa CCTV.
Hindi ko alam kung mapapaniwala ko ang mga pulis na nagpamatay ang guard na ito. Pero ang mahalaga, hindi ako mapagbibintangan dahil burado ang fingerprint ko.
Muli na naman akong nakarinig ng sigawan sa labas ng Pawnshop, mas malakas kumpara kanina. Tanghaling tapat kaya siguradong madaming tao ngayon sa labas.
Wala na 'kong oras para i-check pa ang monitor kung may CCTV din sa labas, kaya ibabalato ko na sa taong 'yon ang pagbura sa record na 'yun kung meron man.
Kaswal akong lumabas ng Pawnshop gamit ang pinto sa gilid na nilabasan ko rin kanina. Dahil sa dami ng tao at nasa harap ng Pawnshop ang atensyon nila, walang pumansin sa paglabas ko. Dead end din kasi ang kabilang banda kaya tanging sa kalsada lang ang daan ko nito palabas.
"Grabe, sino kaya nagpaputok ng baril? Bakit kaya nagpaputok?"
Iyan ang halos naririnig kong usapan ng mga usisero, pero hindi ko na ito binigyan ng malalim na pansin. Inuna kong intindihin ang makalayo na sa tumpok ng tao.
At nang tuluyan na 'kong nakalusot sa krimeng ginawa ko...ang problema ko na lang ay kung saan ko hahanapin si Zed.
Maswerte ako na narito pa rin ang kotse namin. May duplicate ako ng susi nito, para sa mga ganitong pagkakataon. Umalis ako sa lugar, hindi ako puwedeng umalis na hindi ko dala ang kotse dahil baka maging ebidensya pa ito.
Sinubukan kong tawagan si Zed pero hindi ko siya ma-contact. Saan kaya sila nakarating ng target naming 'yon?
Napag-desisyunan ko na lang na iwan na si Zed. Bahala siya sa buhay niya, tumawag na lang siya kung buhay pa siya...kung sakaling gusto niya ng sundo.
Ilang sandali pa ay tumawag na nga ang loko. Nakangisi ako nang sinagot ko iyon. "Buhay ka pa pala," bati ko.
[Ako nga ang dapat magsabi niyan sa 'yo. Dahil 'yung guard pala ang nasa loob. Kumusta? Napatay mo ba?] aniya habang nasa kabilang linya.
Ngumisi akong muli kahit hindi niya iyon nakikita. Habang kausap ko siya ay na-realize kong mahirap pala gawin ito nang nagda-drive. Kaya imbes na sagutin ko ang tanong niya ay nagtanong din ako sa kanya, "Nasaan ka ba? Wala akong driver."
[Dito sa Coffee Shop, nagkakape kasama ang target.]
Hindi ako sumagot, biglang uminit ulo ko.
Na-gets niya yata iyon kaya nagsalita siyang muli, [Chill lang Madam, hostage ko siya ngayon. Ibibigay kong regalo sa mga leon.]
Ibinaba ko na ang tawag at agad kong pinuntahan si Zed sa Coffee Shop. Bumusina lang ako, hindi ako mag-aabalang bumaba ng kotse para puntahan pa sila sa loob. Lumipat ako sa backseat nang makita kong lumabas na silang dalawa na para bang matalik na magkaibigan, dahil naka-akbay pa ang loko sa target. Pinaupo ng maayos ni Zed ang hostage niya 'kuno' at saka pinosasan.
"Madam, malinis ba ang lugar bago ka umalis?" tanong ni Zed.
Imbes na sagutin ay tinitigan ko lang siya. Napabuntong hininga na lang siya, wala naman siya magiging palag sa akin, eh.
Naging tahimik na ang naging byahe namin, sinilip ko sa salamin ang kasama naming hostage ni Zed at kitang-kita ko sa mukha nito ang pangamba at pag-aalala. Alam kong nag-iisip siya ng paraan para makatakas, pero kung ako sa kanya...hihintayin ko na lang ang kamatayan ko.
Makalipas ang kalahating oras, nakarating kami sa mansion.
"Madam, paano mo pinatay 'yung guard?" ani Zed, hindi pa kami bumababa sa kotse.
"Nothing special. Normal naman ang naging kamatayan niya."
"Hindi bale, kakausapin ko na lang si Boss na ayusin ang gusot na ginawa mo. Kawawa ka naman kapag sa kulungan ka pinulot."
Nag-init na naman ang ulo ko. "Nang-aasar ka ba? Sinasabi mo bang madumi ako magtrabaho? Gusto mo bang ikaw isunod ko sa guard na 'yon?"
"Chill, Madam...para nagbibiro lang, eh. Pag-iingat lang naman ang akin."
Nakangiting bumaba si Zed ng kotse, sumunod naman ako.
Dinampot niya ang hostage at sinama sa loob ng mansion, hindi ko pala naitanong sa kanya kung anong plano niya sa target namin.
"Sinong leon ba ang tinutukoy mo?"
"Zed! Magkano 'yan?"
Nasagot ang tanong ko dahil sa paglapit sa amin ng ibang miyembro ng Pistol's Tribe.
"Tanong n'yo kay Madam."
Tumingin ako kay Zed na para bang sinasabi kong 'huwag mo akong idamay sa kalokohan mo.'
Nilampasan ko sila at dumiretso ako sa kwarto ko rito sa mansion. Hindi ko na inalam pa kung ano ang plano nila sa target na 'yon, ang mahalaga ay natapos ko ang misyong inutos niya. Makakapahinga na ako at magagawa ko na ngayon ang gusto ko, ang sarili kong misyon.