CHAPTER 16: HELP
Rox's POV
"Tyron, puwede bang huwag ka na lang makulit, okay? Hindi ka nga puwedeng umalis!"
Agad niya akong sinamaan ng tingin. "Bakit ba para kang nanay ko kung magbawal? Pakialam mo ba kung saan ako pupunta? Gagawin ko ang lahat ng gusto ko at kahit ano sabihin mo hindi mo ako mapipigilan," aniya saka padabog na lumabas ng kwarto.
Ngayon siya na-discharge sa ospital. Ang bilin ng doktor, huwag namin siya hahayaan na mapag-isa ulit dahil may posibilidad na ulitin niya ang tangka niyang pagpapakamatay. Madali lang sana ang bilin na iyon kung marunong lang sana sumunod ang lalaking iyon. Ang kaso, unang try ko pa lang na pagsabihan siya...ayan at sinungitan agad ako. Wala nga akong narinig na pasasalamat mula sa kanya, ako kaya ang nag-alaga sa kanya mula nang ma-ospital siya...
Napa-upo na lang ako sa kama nang tuluyan nang umalis ang siraulong pinsan ni Zeph. "Ang hirap niya kumbinsihin na mag-stay kasama natin. Nakakainis!" reklamo ko sabay hampas sa unan.
"Well, hindi natin siya mapipilit kung ayaw niya. Imagine what happened...and how you guys treat him in your gang. Kahit ako, I don't want to be with you, eh," maarteng sambit ni Mace. Nakaupo siya sa couch habang naka-de-kwatro.
Hindi ko na siya sinagot at ibinaling ko na lang ang tingin ko kay Ranz. "Hal, bakit naman hindi mo pinigilan umalis? Dumaan na sa harap mo...wala ka manlang ginawa? Alam mo naman na hindi natin siya puwede pabayaan, eh," reklamo ko sa boyfriend ko na nakatayo sa tabi ng pinto.
Umayos siya ng tayo at nagsimulang naglakad palapit sa akin. Habang naglalakad ay kinakausap niya ako, "Relax, hal. Hindi natin siya mapipigil kahit pa harangan ko ang pintuan. Mas mabuti kung hayaan na muna natin siya mapag-isa para makapag-isip tungkol sa ginawa niya."
Humarap ako sa kanya nang tumabi siya sa akin dito sa kama. "Makapag-isip? Hayaan? Baka mamaya ang maisip niya...paano ulit siya magpapakamatay, tapos heto tayo nakaupo rito at hinayaan siyang gawin iyon," irita kong sagot.
Umirap ako nang bumaling muli sa isa pang kasama namin ang tingin ko. "Huwag ka nga magpaka-stress out sa weirdo na pinsan ni Zeph, nag-iinarte lang 'yun and for sure...babalik din sa katinuan 'yon," ani Mace.
Hindi na ko muli nagsalita, ayoko na umimik dahil naiirita na 'ko sa dalawang kasama ko. Pa-chill-chill lang sila kasi wala silang pakialam kay Tyron, hindi gaya ko na nag-aalala na baka nga matuluyan siya at si Zeph naman ang sunod na ma-praning kapag namatay ang pinsan niya.
Alam kong siya na lang ang natitirang pamilya ng best friend ko, kaya hindi ko hahayaan na mawala pa ang iisa na 'yun at maging miserable na naman ang buhay ng kaawa-awa kong kaibigan. Madami na siyang napagdaanang hirap at sakit, sana naman ngayon ay magkaroon na siya ng normal na buhay at makamit na niya ang hustisyang matagal na niyang inaasam.
Nainis ako lalo dahil heto na naman ako, may panibagong hiling para kay Zeph...samantalang hindi pa nga natutupad 'yung bagay na hiniling ko nu'ng nakaraan. Kung totoong may Diyos, tiyak na nalito na 'yon sa dami ng paulit-ulit kong panalangin sa kanya.
Dahil wala na rin namang sense ang pag-stay namin dito, lumabas na kami ng kwarto at napagpasyahan nang umuwi na lang.
Hanggang sa makalabas ng ospital ay wala akong imik. Hinayaan ko lang sina Mace at Ranz na magkwentuhan, naririnig ko silang nag-uusap pero hindi ko iyon iniintindi. Mabuti pa silang dalawang, walang stress sa buhay at walang iniisip na problema. Feeling ko tuloy, tatanda ako ng maaga dahil sa wrinkles.
Bahay na sana ang punta ko ngayon, since Sabado ngayon at wala naman akong ibang gagawin. Kaya lang ay nag-aya ng libre si Mace sa Starbucks...pinilit nila 'kong dalawa na sumama.
"Hindi naman issue sa akin kung kayong dalawa lang ang mag-Coffee Date," sabi ko habang hila-hila ako ni Mace.
"Shut up! Hindi ito tungkol sa bagay na 'yan. Isinasama kita because I wan to hang out with you, guys!" ani Mace habang ipinapalit-palit niya ang tingin niya sa akin at kay Ranz na sumusunod lang sa likuran namin.
Napawi ng mga salitang iyon ang inis na nararamdaman ko, nakakatuwa talaga na palagi na kaming magkasamang tatlo. Bukod pala sa pagiging conyo at maldita ni Mace, madaldal din siya. Hindi siya nailang sa amin ni Ranz kahit pa minsan ay PDA na kami...parang ayos lang sa kanya, hindi nga siya nagrereklamo. Siguro biro niya lang talaga kapag minsan ay pinapansin niya ang landian namin ng boyfriend ko.
Hindi siguro mahirap para kay Mace ang makipag-tag-along sa amin dahil dati na silang magkaibigan ng boyfriend ko. Kung tutuusin nga ay ako ang dapat mailang o makaramdam na out of place ako sa kanilang dalawa...pero hindi...kasama ako parati sa topic na pinag-uusapan. Ang saya maging kaibigan ni Mace, may baon ng kwento tapos may pera pa panglibre—perfect.
Pagkatapos ng aming kwentuhan at magpa-sosyal, umuwi na rin kami. Ngayon ko na-realize na sa buong oras namin sa Starbucks...hindi ko naisip si Zeph o si Tyron. Ngayon ko napatunayan na hindi lang alak ang sagot sa problema para makalimot, kailangan mo lang din ng kaibigan na handa kang pasayahin kapag kailangan mo.
***
Tapos na ang weekends, Lunes na naman. Umaga na at narito ako sa kanto kung saan ako hinihintay ni Ranz tuwing papasok kami. Palagi kaming magkasabay kasi palagi niya akong inaabangan dito. Hindi niya ako sinusundo sa mismong bahay ko dahil gusto niya raw akong bigyan ng privacy, ayaw niyang basta na lang sumulpot sa bahay lalo pa at mag-isa lang ako roon.
At oo...alam kong sobrang swerte ko sa kanya dahil ganyan ang mindset niya.
Dahil nga sanay ako na pagdating ko rito ay maabutan ko na siya, agad akong nagtaka dahil hindi ko siya nakita rito. Kung ano-ano na ang naiisip kong reason kung bakit wala siya rito at hindi ko talaga gusto ang mga naiisip ko.
Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa, kinuha ko ang cellphone ko at agad ko siyang tinawagan.
Halos tumalon ako sa tuwa nang may sumagot na.
"Hal, saan ka na?" tanong ko sa nasa kabilang linya.
[Hal, sorry...puwede ba na mauna ka na? Baka mamaya pa ako makapasok,] ani Ranz.
Kumunot ang noo ko kahit hindi niya ito nakikita. "Bakit? Anong problema? May sakit ka ba?"
[Nawawala si King at hindi ko pa rin siya makita. Hindi ko alam paano siya nawala, pero baka kapag pinalipas ko paghahanap...tuluyan ko na siyang hindi makita.]
Agad akong nataranta sa narinig ko. "Nawawala si King?! Ano bang nangyari?"
[Hindi ko talaga alam, Hal. Basta bigla na lang siyang nawala...ewan ko.]
Nasa boses niya ang pag-aalala at pansin ko na wala siya sa sarili niya. Halata naman sa mga sagot niya na hindi niya alam ang sasabihin.
Napabuntong hininga ako at parang hindi ko na rin alam ang sasabihin ko. Si King ang alagang shih tzu ni Ranz. Siguro ay may limang taon na rin silang magkasama. Kung ako man ang nasa posisyon niya, tiyak na mababaliw din ako kakahanap.
Napansin ko na naghihintay siya na magsalita ako kaya agad ko siyang sinagot, "Siguro Hal, mas makakabuti kung huwag ka muna pumasok. Mas importanteng mahanap mo si King."
[Pasensya na, Hal. Pero makikita ko rin si King, 'wag ka mag-alala.]
"Hopefully makita mo siya agad...King, nasaan ka na ba kasi?"
[Sa 'yo ako mas nag-aalala...kaya mo ba pumasok mag-isa?]
"Huwag mo ako isipin, okay? Kaya ko ang sarili ko, nandoon naman si Mace...sa kanya na lang ako sasama para hindi ako nag-iisa. Basta after class, kapag hindi mo pa siya nakikita, update me para makatulong ako sa paghahanap. Magtatanong na rin ako sa mga classmates natin na malapit sa village mo kung nakita nila si King."
[Salamat Hal, ingat ka. I love you.]
"Goodluck sa paghahanap, sana makita mo na si King. I love you too."
Ibinaba ko na ang tawag. Napasimangot ako nang isukbit ko na ang bag ko. Ito ang unang beses na papasok akong hindi kasabay si Ranz, mula nang maging kami.
Bukod sa palagi niya akong sinusundo, siya pa ang parati kong kasama. Pero ngayon na priority niya ang mahanap si King at gusto ko na rin naman siya mahanap kaagad, kailangan ko muna magtiis na mag-isa. Nag-book na lang ako ng grab papasok ng University.
Pagdating ko, tahimik akong naglakad. May ilang mata ang nakatingin sa akin, siguro ay nagtataka dahil nag-iisa ako. Kailangan ko bang ipaliwanag isa-isa sa kanila bakit ako nag-iisa ngayon?
"Hey, what's up love bird, bakit mag-isa ka?"
Napangiti ako nang umangkla sa akin si Mace, mabuti nalang at nandito na siya. "Hindi papasok si Ranz dahil nawawala si King, 'yung aso niya," sagot ko.
Sabay kaming naglakad ni Mace papunta sa classroom namin. Nakakapit pa rin ang kamay niya sa kanang braso ko.
"Ah, I remember that dog...magkakilala na kami ni Ranz nu'ng in-adopt niya 'yon." Hindi ako nagsalita kaya muli siyang nagsalita, "Pero ang weird ha, ang tagal na ni King sa kanya...ngayon lang nangyari na nakawala siya. Hindi ka ba nagtataka?"
Nilingon ko siya na may bahagyang kunot sa noo, bahagya ring ngumuso ang labi ko. "Mace, huwag mo naman ako takutin ng ganyan. Nag-aalala 'ko lalo, eh."
Bumaling ang tingin niya sa akin. "No I'm not, sinasabi ko lang naman na ang weird, eh." Bumitaw si Mace sa akin nang makarating kami sa classroom. "Anyway, kaya mo naman mag-isa, right? May inutos pa kasi sakin si Athens, so kailangan ko muna iyon tapusin bago magsimula ang klase kaya maiwan muna kita ha? Bye!"
Hindi na ako nakasagot pa kay Mace nang tuluyan na siyang umalis. Akala ko pa naman makakasama ko siya.
Tahimik akong pumasok sa classroom, kagaya kanina ay may mga mata pa ring nakatingin sa akin. At sa totoo lang nababahala ako, hindi na ito gaya ng pakiramdam na nagtataka sila dahil mag-isa ako. Hindi ko gusto ang mga tingin nila.
Umupo ako sa pwesto ni Zeph, tahimik na naglayag ang aking isip. Walang laman ang isip ko kundi ang panalangin na sana ay ayos lang si King at mahanap na siya si Ranz.
Sumagi nga rin sa isip ko na baka naman gawa-gawa lang ni Ranz ang pagkawala ni King para makagawa siya ng surprise para sa akin, kasabwat niya ang mga taong kanina pa nakatingin sa akin...siguro para bantayan ako kung may gagawin akong makakasira sa surprise niya. At siguro 'yung bagay na sinabi ni Mace na utos sa kanya ng kakambal niya ay dahilan niya lang din, baka naman ang totoo ay utos iyon ni Ranz. Tama naman kasi na weird nga na basta na lang nawala si King.
Praning na kung praning, pero sa ganitong pagkakataon na hindi ka sanay na nag-iisa ka...hindi mo talaga maiiwasang hindi mag-isip ng kung ano-ano.
Sinilip ko ang cellphone ko para i-check kung anong oras na, malapit nang mag-alas otso ng umaga...ibig sabihin malapit na magsimula ang klase, pero hindi pa rin bumabalik si Mace at hindi pa rin tumatawag si Ranz tungkol sa kalagayan ni King.
Hanggang sa nagsimula na ang klase, walang Ranz na tumawag. Hindi ko rin napansin na bumalik si Mace sa klase. Feeling ko, ginamit na naman niya ang pagiging anak ng may-ari ng school para maka-skip class. Pareho siya ng kakambal niya, hindi pumapasok pero pumapasa. May natutunan kaya sila sa ginagawa nila?
Walang nangyari sa buong hapon ko, nakakawalang gana kumilos kasi wala akong kasama. Hindi na rin ako tinawagan ni Ranz, hindi rin siya nagre-reply sa mga chats ko. Sana ay ayos lang siya, sana ay nakita na rin niya si King.
Nagpapasalamat na lang ako kasi uwian na, tapos na ang araw ko na mag-isa. Pupuntahan ko talaga si Ranz para awayin.
Naglalakad na ako sa hallway, pinili kong dumaan sa dulong hagdan dahil dadaan pa ako ng comfort room. Walang gaanong estudyante ang dumadaan sa dulo ng hallway dahil kapag uwian, canteen ang punta ng lahat. Ako lang naman ang nag-iisang weird na estudyante ng MCU na tatambay muna ng CR bago umuwi, eh.
Magkahalong lungkot at inis ang naramdaman ko nang maalala ko na naman si Ranz, siya kasi ang kasama ko na pumupunta rito kapag uwian. Binabantayan niya ang labas ng CR.
Pero ayoko nang isipin na mag-isa ako, kaunting oras na lang naman at magkakasama na kami ulit. Pababa na ako ng hagdan at sa sumunod na floor ay nandoon ang CR.
Kanina habang lunch, feeling ko ay pinag-uusapan ako ng ibang estudyante dahil mag-isa lang ako.
Ikaw ba namang kilala na kaibigan ng may-ari ng school at girlfriend ng isang ex-member ng Dark Spade tapos best friend ng leader ng Poison Blade...makita na all of a sudden, nag-iisa na lang ngayon at mukhang problemado sa buhay...siyempre talagang pagtitinginan at pag-uusapan ka nila. Siguradong nagtataka sila kung bakit—
"Aray!" daing ko nang may maka-bangga ako.
Nasa gilid na ako ng hagdan dahil paliko nga ako sa CR dito sa kaliwang banda, tapos may makakabangga pa rin ako pagbaba ko?
"Ang lawak ng daan bakit—"
Hindi ko natapos ang pagrereklamo ko dahil dahan-dahang lumapit sa akin ang lalaking bumangga sa akin. Dahil sa ginagawa niya ay napa-akyat ako muli ng bahagya sa hagdan.
Hindi ko alam kung paano ako magre-react sa kinikilos niya...
"Sorry, nasilaw kasi ako sa kagandahan mo kaya hindi na ako nakatingin sa daan. Nakuha mo kasi agad ang atensyon ko."
Sa sobrang creepy niya, napasandal na ako sa pader. Hindi ako makasalita, pigil ang hinga ko. Ilang inches lang ang layo ng mukha ng lalaki sa akin, hindi ko maitatanggi na may itsura siya...pero hindi 'yun ang nakapagpatigil sa akin gumalaw...
"Anong...ginagawa mo?" kabado kong tanong.
Sobrang lapit niya sa akin, ano bang binabalak niya?
Bago pa siya may gawing hindi maganda sa akin, tinulak ko na siya palayo. Pasalamat na lang ako at natauhan ako sa ginagawa niya.
"Puwede ba, huwag ako ang pagtripan mo?" Masama ang tingin ko sa kanya.
Sa halip na humingi ng pasensya, ngumisi pa siya sa akin. "Hindi kita pinagti-trip-an. Gusto talaga kita, Roxanne."
Kinilabutan ako sa pagbigkas niya sa pangalan ko. Hindi ako sanay na may ibang lalaki na tumatawag sa akin sa buong pangalan ko. Sanay akong marinig ang pangalan ko sa mga kakilala at kaibigan ko lang.
Agad akong tumakbo palayo sa kanya. Dali-dali akong bumaba sa hagdan. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa lalaking iyon, feeling ko...may gagawin siyang hindi ko talaga magugustuhan.