CHAPTER 17: ALONE
Rox's POV
Hindi nawala ang kaba sa dibdib ko hanggang makalabas ako ng school. Dahil din sa nangyari, hindi na 'ko nakapag-CR. Pero hindi na iyon importante sa ngayon, mas binibigyan ko ng pansin ay ang likuran ko...habang naglalakad palayo ay ilang beses akong lumilingon dahil sa pag-aalala na baka sinusundan niya ako.
Madaming estudyante ang naglalakad din gaya ko, pero sigurado akong mas madami ang nasa loob pa...ang mga nagsisiguro na makauuwi sila ng ligtas.
Gusto ko rin maging ligtas, sa totoo lang ay magandang choice ang maglagi muna sa loob dahil safe zone iyon. Pero huli na para maisip ko 'yun, nakalabas na ako ng gate. At ayoko na rin bumalik. Nakakainis, bakit ba ako tumakbo kaagad palabas nang hindi nag-iisip?!
Dalawang bagay lang ang naiisip kong rason kung ano ang kailangan ng lalaking iyon...maaring miyembro siya ng mga hindi kilalang gang na minsan na naming nakalaban, maari rin naman na pinadala siya ni Xander para atakihin ako.
Alam kong nananahimik na ang Street Ninja, pero hindi ibig sabihin n'on ay tumigil na sila sa balak nila. Naisip ko kasi ito dahil kay Mace, sinabi niyang 'weird' ang pagkawala ni King...at sang-ayon ako roon. Maingat si Ranz sa aso niya, at wala namang pet parent na pababayaan ang alaga niya. Ngayon lang nawala si King at tila inabot pa ito ng maghapon sa paghahanap. Malaki na si King kaya imposibleng basta na lang iyong mawala sa bahay nila, pwera na lang kung may kumuha talaga sa kanya.
Napapikit na lang ako nang maisip ko ang sarili kong kaligtasan, sobra ang kaba ko mula pa kanina at hindi ko alam kung anong gagawin ko ngayon.
Balak kong pumunta sa bahay ni Ranz, pero hindi naman ako makahinto sa paglalakad para mag-book ng grab, kasi kapag ginawa ko 'yon...baka masundan na naman ako ng humahabol sa akin.
Ang puwede ko lang lakarin ay ang papunta sa hideout ng Poison Blade at ang bahay ni Katrina, kaya mas pipiliin ko nang magpunta sa mga kasama ko...sana lang ay maging ligtas na ako hanggang makarating ko roon.
Inihanda ko na rin ang dagger ko kung sakaling may lumapit sa akin, advantage na rin na nasa labas na ako ng school...puwede kong patayin ang lalapit sa akin.
Habang patuloy na naglalakad ay sinubukan ko na ring kunin ang cellphone ko sa bag ko, alam kong priority na mailigtas si King...pero sa ganitong pagkakataon, kailangan ko si—
"Nag-iisa ka yata, Roxanne?"
Isang lalaki ang bigla na lang sumulpot sa harapan ko, muling bumilis ang t***k ng puso ko...
"S-sino k-ka? A-anong kailangan mo?"
Umatras ako palayo sa kanya, ngayon ko natitigan ang mukha niya...siya ang lalaking lumapit sa akin sa hagdan. Sinundan niya ako!
Sa sobrang takot, wala akong nagawa kundi ang tumakbo pabalik ng school. Mas magiging ligtas ako kung naroon ako sa loob, hindi niya ako masasaktan doon. Kapag nakapasok ako, hindi niya na ako malalapitan pa...
Takbo lang ako ng takbo, hindi ko na binalak pang lingunin siya...sinunsundan niya man ako o hindi, buo ang desisyon kong bumalik sa MCU para masiguro na may iba akong kasama. Doon ay makakatawag na ako kay Ranz, mapapanatag ako kapag kasama ko siya.
Lalo akong nagdududa na gawa nga ito ng
Street Ninja, pinaghiwalay nila kami ni Ranz para magawa ang atakeng ito. Alam nilang mahina ako kaya ako ang pupuntiryahin nila. Sana lang ay ako lang...sana ay ayos lang ang boyfriend ko.
Lalong bumilis ang t***k ng puso ko, tila nanlabo ang paningin ko nang may tumulong luha sa mga mata ko...napuno ng pag-aalala ang puso ko nang maalala ko ang huling pag-uusap namin ni Ranz. Kaninang umaga pa 'yun, mula nang oras na 'yon ay hindi na siya nag-re-reply sa mga chats ko at hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. Ayokong mag-isip ng bagay na ikasisira ng ulo ko dahil sa sobrang pag-aalala pero hindi ko maiwasan...maaring gaya ko ay nasa panganib din siya!
Mas lalo kong pinursige ang pagtakbo, hindi ko na inintindi ang mukha ko na basang-basa na ng luha...mas dapat kong pagtuunan ng pansin ang pagtakbo pabalik sa school.
Bumalik sa alaala ko ang mga nangyari noon, ipinagpalit ni Ranz ang sarili niyang kaligtasan para sa akin kaya nabugbog siya ng malala. Isang matapang, matalino, at malakas na street fighter ang boyfriend ko pero wala siyang laban kung grupo ang aatake sa kanya. Lalong bumaha ng luha sa mata ko dahil sa pag-alala ko r'on, bakit ba ito ang iniisip ko ngayon?!
Agad akong nagpunas ng luha nang makalapit ako sa gate ng school. Hinanap ko sa paligid ang guard pero wala siya...wala siya kung kailan kailangan ko siya!
Tumuloy ako ng pasok sa loob, huminto na ako sa pagtakbo at hingal na hingal akong naglakad. Madilim na ang paligid at tanging mga ilaw na lang ang nagbibigay ng liwanag sa daanan. Saglit kong nilingon ang likuran ko para tingnan kung may sumusunod pa ba sa akin, pero wala akong napansing tao...medyo nakampante ako dahil doon.
Wala ng mga estudyante sa daan, wala nang nakatambay sa ilang bench na nadadaanan ko. Pero sigurado akong madaming tao sa canteen.
Doon ko sana balak magpunta, dahil kung madaming tao, tiyak na hindi na makakalapit sa akin ang lalaking iyon.
Pero naisip ko rin na mas magiging ligtas ako sa base ng Dark Spade, hindi ko alam kung nandoon si Mace pero siguro naman ay hahayaan lang ako ng mga miyembrong nandoon na mamalagi roon sandali hanggang makatawag ako kay Ranz at masundo niya ako rito.
Magkaiba ang daanan papunta sa canteen at sa base ng Dark Spade, kahit mas malayo ang base ay mas pinili kong doon na lang magpunta. Mas kumportable akong magpunta roon kaysa sa canteen.
Nawala na ang hingal ko at medyo nabawasan na rin ang kaba ko, ngayon ay tanging si Ranz na lang ang inaalala ko...habang tumatagal ang oras, mas lalo akong natatakot para sa kanya.
Huminto ako sa paglalakad, lumingon ako sa paligid at tiniyak kung wala na ba talagang sumusunod sa akin. Napalunok ako, hindi ko na matiis ang hindi paghawak sa cellphone ko...humanap ako ng pwestong puwede kong kublihan, kinuha ko ang cellphone ko sa bag ko at nag-type ako ng message para kay Ranz tungkol sa nangyayari. Mas mabuti nang masabi ko na agad sa kanya ito...at sana lang ay mabasa na niya ito ngayon.
Pagkatapos kong mag-chat ay ibinalik ko na ito sa bag at muling naglakad papunta sa base. Hinawakan ko na rin ang dagger ko, kanina kasi ay hindi ko na ito nagawang hawakan dahil sa biglang pagsulpot ng—
"Nandito ka lang pala...saan ka naman pupunta? Magsusumbong ka sa Dark Spade? Naku, hindi ko yata hahayaang mangyari iyon..."
Sa isang iglap, bumalik ang bilis ng t***k ng puso ko...nandito na naman ang lalaking ito...hindi niya talaga ako tinatantanan!
"Ano ba talagang kailangan mo?! Bakit ka ba lapit nang lapit sa akin?!" sigaw ko.
Kabado ako, natatakot ako, nanginginig ako...pero kung magpapadaig ako sa mga 'yan, hindi ko magagawang labanan ang lalaking ito.
Nagsimula siyang maglakad palapit sa akin, kaya umatras naman ako palayo sa kanya.
"Sinabi ko na, 'diba? Ikaw...dahil gusto kita..."
Nakakakilabot ang boses niya, halatang hindi siya gagawa ng mabuti sa akin.
"Lubayan mo nga 'ko! Ayoko sa 'yo!"
"Aray naman, Roxanne...hindi mo pa nga ako nasusubukan, umaayaw ka na agad?"
"Wala kong panahon sa 'yo!"
Akmang tatakbo na sana ako pero nagawa niyang higitin ang buhok ko dahilan para mapasigaw ako sa sakit. Kinaladkad niya ako papasok sa Senior High Building, wala akong kalaban-laban...naiinis ako sa sarili ko kasi ito na naman ako...naghihintay na iligtas ng iba!
Habang patuloy na hila niya ang buhok ko ay nagpupumiglas ako, pero kahit anong gawin kong paglaban ay hindi ko kayang higitan ang lakas niya sa pananabunot sa akin...tila nakukuha ng sakit na iyon ang lakas ko.
Pero hindi ako puwedeng basta na lang magpadala sa kanya kung saan, hindi ako dapat magpadaig sa takot na nararamdaman ko...ang sabi sa akin ni Zeph, dapat akong umasta bilang isang street fighter...dahil kabilang ako sa gang na pinamumunuan niya! Dapat akong maging matapang, hindi ako dapat magpadaig sa isang gaya niya!
Gamit ang kaunting lakas na meron ako, saglit kong tiniis ang paghila niya sa buhok ko at kinuha ang pagkakataon na 'yon para kapain sa katawan ko ang dagger ko. Nang mahawakan ko na iyon ay agad kong hiniwaan ang kamay niyang may hawak sa buhok ko. Napasigaw siya sa hapdi at binitiwan niya na ako, agad akong tumakbo palayo sa kanya.
Hindi ko alam kung susundan niya pa ako pero hindi ko na inabala ang sarili ko na lumingon pa sa likuran ko. Mas dapat kong pagtuunan ng pansin ang makalayo sa kanya at makapunta sa ligtas na lugar.
"Tulong! Tulungan n'yo 'ko!" sigaw ako ng sigaw, umaasang may makakarinig sa akin kahit pa alam kong malayo ang pwesto ng building na ito sa Canteen.
"Saan mo balak pumunta, ha?! Walang hiya ka, pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin!"
Sigaw ang naging sagot ko nang muli na naman niya akong masabunutan. Gamit ang kaliwang kamay ko, sinubukan kong alisin ang kamay niya sa anit ko. Habang ang kanang kamay ko na may hawak ng dagger ay iwinasiwas ko para takutin siya. Wala akong balak na patayin siya, alam kong maari akong makagawa ng mas malaking gulo kapag ginawa ko 'yun. Pero kung hinihingi na ng pagkakataon...handa akong lumabag sa batas ng best friend ko.
Muli ko siyang nasugatan sa kabilang braso. Pero hindi iyon naging sapat para bitiwan niya ako. Kaya inulit ko ang pag-amba ng atake sa kanya kasabay ng pagsipa. Ang kaso, imbis na mabitiwan niya 'ko, naging rason pa ang ginawa ko para ako ang mapahamak. Hinawakan niya ang paa ko at pinigilan ito na makalapit sa kanya, naging dahilan iyon para mawalan ako ng balanse at bumagsak.
Nabitiwan ko ang hawak kong dagger, wala n akong nagawa kundi ang sumigaw nang sumigaw habang pumapalag nang dumagan sa tiyan ko.
"Wala ka nang kawala, Roxanne...sa akin ka na..."
Ayoko ng nangyayaring ito...ayokong isipin na sa ganitong lugar, sa ganitong sitwasyon, sa ganitong klaseng tao...matatapos ang lahat ng masasayang araw ko. Ayoko...hindi ako papayag...
Ranz...kailangan kita!
Isang malakas na sigaw ang muling kumawala sa akin ang simulan niyang buksan ang butones ng uniform ko. Kahit anong pagpalag ang gawin ko ay wala itong talab sa kanya.
"Pakawalan mo 'ko—" Isang sampal...isang sampal ang nagpatahimik sa akin. Tila nawala na ang natitirang lakas ko sa katawan.
Wala na akong nagawa kundi ang umiyak, ayokong humantong sa maduming pangyayari ang lahat pero heto ako...hinahayaan siya sa ginagawang patuloy na pagtanggal sa ibang butones ng blouse ko.
"R-ranz..."
Nawala ang mabigat na bagay na nakadagan sa tiyan ko. Sa pagbaling ng ulo ko, nakita ko ang dalawang tao sa harapan ko. Madilim ang corridor kaya hindi ko kita kung sino ang isang lalaki na bagong dating, basta ang nakikita ko lang...dalawang lalaki ang nagsusuntukan, tiyak na ang isa ay ang lalaking umatake sa akin. Pero kahit hindi ko nakikita kung sino ang isa, sigurado akong kilala ko siya...kilalang-kilala ko siya.
Dahan-dahan akong bumangon, wala akong lakas para isarado ang butones ng damit ko pero hinawakan ko ang blouse ko para takpan ang katawan ko. Isinandal ko ang sarili ko sa pader at patuloy na umiyak...
Hindi ko nagawang makapagsalita, nararamdaman ko pa ang panginginig ng katawan ko pati na rin ang pagkabog ng dibdib ko.
Kitang-kita ko ang palitan ng suntok ng dalawang tao sa harapan ko. Medyo naaaninag ko na kung sino sila dahil sa liwanag na galing sa ilaw. Kahit umiiyak, nagawa kong ngumiti dahil nakampante ako na ang nakikita ko...ay si Ranz...pinuntahan niya 'ko.
Pero agad na nawala ang ngiti kong iyon nang sumadsad siya sa harapan ko. "Ranz!" sigaw ko.
Naging mabilis ang pangyayari...hindi ko na nagawang mag-react sa mga sunod na tagpong nasaksihan ko...
Sa pagsadsad niya, dinampot niya ang dagger na nabitiwan ko. At pagharap niya sa lalaking kalaban niya, ay agad niya itong sinaksak.
Hindi nakuntento si Ranz, tumayo siya habang nakahawak pa rin sa dagger. Tila ibinaon niya 'yon nang masandal sa katapat kong pader ang lalaki.
"Sinabi ko na sa inyo, 'diba? Kahit nasa loob kayo ng school...kaya ko kayong patayin!" dinig kong sinabi ni Ranz sa lalaki.
Hindi na ito nakasagot pa dahil nang bitiwan ni Ranz ang dagger ay bumagsak na rin siya.
Hindi na bago sa akin ang makakita ng taong namatay, pero hindi ko maiwasang matulala sa lalaking nakaupo sa tapat ko na tila wala na talagang buhay.
"Hal!" Nabaling ang tingin ko sa kanya nang yakapin niya ako.
Ramdam ko na nanginginig din ang katawan niya, nasa boses niya rin ang paghikbi. Hindi ko nagawang sumagot, bagkus ay tumugon lang ako sa yakap niya at humagulgol sa pag-iyak.
"Sorry, Hal...sorry! Hindi kita dapat hinayaan na mag-isa!" paulit-ulit na sambit niya habang nakayakap pa rin sa akin.
Ngayon ko lang narinig na umiyak si Ranz, ngayon ko lang nakita na ganito siya...siguro ay nag-alala rin siya sa nangyari sa akin.
Ilang sandali ang itinagal ng yakapan namin. Para bang hinintay naming pareho na kumalma ang isa't isa.
Una siyang bumitiw sa pagkakayakap sa akin, hindi ko inasahan na sa pagharap niya...bibigyan niya ako ng isang halik na tumagal ng ilang segundo.
Muli niya akong niyakap. "Hindi ko na hahayaan na mag-isa ka ulit, hindi na 'ko aalis sa tabi mo kahit kailan," aniya.
Unti-unting nawala ang takot at kaba na kanina ko pa nararamdaman. Napawi ng yakap at halik na iyon ang lahat ng alalahanin ko. Kahit ganito ang sinapit ko, nagpapasalamat pa rin ako na ayos lang si Ranz...hindi siya sinaktan ng Xander na 'yon.
Sa pagbitiw niyang muli sa yakap ay siya na mismo ang nagsara sa mga butones ng uniform ko. Napangiti ako habang tinititigan ko siya sa ginagawa niya.
Hinarap niya ako pagkatapos. "Kaya mo bang tumayo? May masakit ba sa 'yo?" aniya.
"Walang masakit sa akin, puwede naman akong maglakad," sagot ko.
Inalalayan niya akong makatayo, pero bago kami maglakad paalis ay bumaling muna ang tingin ko sa lalaking wala nang buhay. "Anong gagawin natin sa kanya?"
Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa beywang ko. "Makinig ka, Roxanne. Kahit sino manakit sa 'yo, papatayin ko. Walang anomang batas ang makakapigil sa akin na gawin 'yon. Tandaan mo 'yan."