CHAPTER 21: REBELDE
Patuloy na nag-uusap ang magkakaibigang sina Roxanne, Ranz, at Mace tungkol sa kung paano nila lalabanan pabalik si Xander. Buo ang desisyon nilang kontrahin na lang ang mga balak at posible nitong gawin dahil sa ngayon, hindi pa nila alam kung paano makakahanap ng ebidensya na magpapatunay na set-up lang ang nangyari.
Ang hindi nila alam, habang abala silang tatlo sa pag-uusap, ang kalaban nila ay hindi marunong magpahinga. Tila lalo nitong ipinapakita ang intensyon niyang sirain ang Poison Blade.
Dahil nagsimula na ang plano ni Xander, hindi na siya dapat magpatumpik-tumpik pa. Hindi siya nag-aksaya ng oras at panahon, bawat sandali ay mahalaga sa kanya dahil gusto niyang makuha kaagad ang tagumpay sa planong naisip niya.
Pagkatapos harapin ng binata ang dalawang kaibigan ni Zephaniah—sina Ranz at Roxanne—na pansamantalang humahawak sa gang ng Poison Blade, hindi na rin pumasok sa klase si Xander. Wala nang bago para sa kanya ang mag-cutting classes, pero ang bago...ay ang lugar na pupuntahan niya ngayon.
Kasama ang ilang miyembro ng kanyang itinatag na gang, hinarap nila ang ilang miyembro ng Poison Blade na naiwan sa kanilang kuta. Ang mga naabutan nilang tao roon ay tambay sa lugar at hindi na nag-aaral, natural na sa mga taong ito ang magpalipas ng oras sa kanilang kuta.
Pagdating ng grupo ni Xander sa lugar, agad na nagtipon ang kabilang grupo para harapin ang bagong dating.
Paangasan at payabangan ang unang namayani sa magkabilang panig nang tuluyan silang nagharap.
"Anong kailangan n'yo?" bungad na tanong ng isang lalaki sa grupo ng Poison Blade. Tila tumayo ito bilang boses ng grupong ito.
Humakbang pa-abante si Xander habang nakangisi. "Hindi ako nagpunta rito para magsimula ng away, gusto ko kayong kausapin ng masinsinan," aniya.
Nagpalitan ng tingin ang kabilang panig, tila nagtatanungan kung dapat ba nilang pakinggan ang ano mang sasabihin ng lalaking kilala nila bilang pinuno ng nagsimula ng gulo laban sa kanila.
Pero dahil wala ni isa sa mga tinatawag nilang opisyal ng grupo ang narito, hindi sila makapagpasya ng maayos. Ilang segundo na ang lumilipas pero naghihintayan pa rin sila ng sasagot kay Xander sa kung ano ang desisyon nila.
Tila napansin naman iyon ng binata, dahil sa inip ay nagsalita siyang muli, "Hindi n'yo namang kailangang pagdudahan ang ano mang sasabihin ko sa inyo. Gusto ko lang kayo makausap ng maayos. Pangako, hindi ko sisiraan ang grupo ninyo sa harapan n'yo. Wala rin akong gagawing masama o kung ano pang iniisip ninyo na maari kong gawin."
Tumingin man ng alinlangan ang lalaki na tumayong reprisentante ng Poison Blade, wala na rin itong nagawa kundi ang pakinggan na lang ang balitang sinadya ni Xander.
Bago magsimulang magpaliwanag ay ipinakita niya muna ang seryoso niyang tingin, ginawa niya ito para ipakitang dapat makapampante ang kanilang kaharap na totoo ang sinabi niya.
"Una sa lahat, gusto kong ipaalam sa inyo ang layunin ng Street Ninja. Tulad n'yo, gusto rin namin ng payapang buhay at maayos na kasama. Nangangarap din kami na balang araw...maiintindihan na rin ng karamihan ang kinakampanya namin.
"Ang kampanyang iyon...ay ang magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa lahat. Naiintindihan ko ang galit ni Zephaniah sa mga gang o kapwa natin Street Fighter na hindi sumusunod sa kanya, tama lang na parusahan niya ito o 'di kaya ay disiplinahin. Parte iyon ng trabaho niya at nakatutuwang ginagawa niya iyon para sa kapakanan ng marami.
"Pero ang hindi lang namin magustuhan ay, kapag hindi siya sinunod, humanhantong na sa papatayin niya 'yung tao. Wala sanang masama sa layunin niya, pero natural lang naman na may taong hindi siya sasang-ayunan sa paraang ng pamamalakad niya, 'diba? Ang sa akin lang, hindi solusyon ang pumatay. Saan ka ba nakakita ng Presidente ng Pilipinas, pinatay ang mga taong napag-alaman niyang hindi pabor sa kanya? Wala naman, 'diba?
"Kaya iyon ang rason bakit pinili naming kalabanin ang grupong kinaaaniban ninyo. Gusto naming ipaglaban ang karapatan naming makapamili ng sarili naming desisyon. Gusto naming ipaintindi kay Zephaniah na ayos lang kung hindi lahat ay matuwa na tinanggap niya ang titulo bilang Princess of Street Fighters...dahil kahit anong pagwawala pa ang gawin ng mga taong may ayaw sa kanya ay wala na itong magagawa dahil 'di hamak na mas malakas siya kaysa sa mga 'yon.
"At ang rason pa kung bakit namin kayo kinakausap ay para tanungin kayo ng personal...pabor din ba kayo sa pamamalakad na ginagawa ni Zephaniah? Masaya ba kayo na nasa puder niya kayo?"
Ilang segundong katahimikan ang namayani sa paligid pagkatapos magsalita ni Xander. Nananatiling nakatayo ang grupo niya habang naghihintay sa kung ano ang masasabi ng kabilang panig sa mga sinabi niya.
Samantala, nagkaroon na ng kanya-kanyang bulungan ang ilang miyembro ng Poison Blade na kaharap nila ngayon. Tila kinukumpara nila ang mga bagay na nagawa ni Zeph sa bagay na hindi nila gusto sa mga kilos nito.
Hindi nangialam sa naging pag-uusap nila si Xander. Matiyaga siyang naghintay kung ano ang magiging sagot ng mga ito sa kanya.
"Pagkatapos namin sagutin ang tanong mo, ano ang sunod mong balak gawin?" tanong ng lalaking nasa harapan.
Itinuon ni Xander ang atensyon siya sa lalaking nagsalita.
"Simple lang, itutuloy ko ang nasimulan ko na. Hindi ako titigil hangga't hindi nagigising ang isip ng karamihan na may mali sa paraan ng pamamalakad ng Princess," aniya.
Naningkit ang mata ng lalaking nasa harapan. Alam nila kung ano ang ibig sabihin ng kausap, alam din nila kung ano pa ang maaring kahantungan ng mga nangyayari. Pero hindi madali sa kanila ang harapin ang isang gaya ni Xander, para siyang isang malaking sagabal na pilit isinisigit ang sarili sa puder nila para mas makapanira pa.
Unang lapit pa lang nila ay wala nang balak ang Poison Blade na intindihin ang gustong sabihin ng binata, wala silang interes sa kung ano man ang iaalok nito sa kanila. Pero dahil gusto nito ng maayos na usapan, pinili nilang pakinggan ito.
Napansin ni Xander ang paniningkit ng mata ng kausap, alam na niyang doon palang ay hindi na nito nagustuhan ang sinabi niya. Hindi rin naman niya kailangang kumbinsihin ang kausap na paniwalaan ang mga sinabi niya, dahil palagi siyang may reserbang plano...
"Ayos lang naman sa akin kung hindi n'yo sagutin ang tanong ko. Ako ang nang-abala, kaya iintindihin ko ang panig ninyo. Maaring takot kayo kay Zeph—"
"Hindi takot ang rason kung bakit namin siya sinusunod. Nandito kami sa gang ng Poison Blade dahil gusto namin ang pamamalakad niya bilang isang pinuno."
Bahagyang nagitla ang binata nang pinutol ng lalaking kaharap niya ang sinasabi niya. Hindi niya gusto na may taong gumagawa sa kanya ng ganoon, ayaw na ayaw niya na may nagmamarunong habang nagsasalita siya.
Pero dahil hindi pa niya nagagawa ang intensyon niya, nagpigil siyang patulan ang kausap. Kailangan niyang makuha ang tiwala nito nang sa ganoon ay hindi siya mapahiya kapag sinabi niya na ang totoong pakay niya.
Si Xander ang uri tao na ililito ang kausap para hindi mahalata ang totoong pakay niya rito. Gusto niyang bigyan ng sakit ng ulo ang kaharap para hindi nito magawang makatanggi sa mga susunod niyang sasabihin.
Hindi na niya binigyan ng pansin ang inasta ng kausap. Ngumisi lang siya rito at sumagot, "Siguro iyan ang pananaw mo, paano naman ang ibang kasama mo?"
"Ganoon din kami, kuntento kami sa pamamalakad ni Zephaniah. Maayos siyang leader at hindi niya kami pinapabayaan. Kaya kung nagpunta ka rito para ayain kaming sumali sa gang mo, salamat na lang. Makakaalis ka na," sagot ng lalaking katabi ng unang nagsalita sa panig ng Poison Blade.
Nabawi na ang inis ni Xander, napalitan ito ng mas matamis na ngisi dahil umaayon sa gusto niya ang lahat ng nangyayari.
"Pero nasaan ba siya ngayon? 'Diba't iniwan niya kayo at pinabayaan? Paano kayo kung wala ang leader ninyo?" aniya.
Ang lalaking kanina pa kausap ni Xander ang sumagot, "Hindi na namin kailangan pang sagutin ang tanong mo kung nasaan siya, dahil sanay na kaming lumalakad siya ng mag-isa. Ginagawa niya iyon dahil may sarili siyang misyon, alam kong alam mo naman na hinahanap niya ang pumatay kay Tiffany—ang founder ng Poison Blade. Kaya kahit wala siya rito, parang ginagampanan na rin niya ang tungkulin niya bilang leader ng gang."
Napahalakhak si Xander sa sinabi ng kausap, tila nagugustuhan niyang lalo ang mga nangyayari. Sinagot niya ang lalaki, "Tama...abala nga pala siya tungkol sa bagay na 'yan. Pero hindi naman puwedeng hayaan n'yo na lang na wala siya rito, paano naman ang mga nangyayari rito sa paligid ng kuta kung wala manlang mamumuno sa inyo pansamantala? Kagaya na lang kanina, alanganin kayong sumagot sa akin dahil walang maaring humarap sa akin."
"Hindi na kami bata para bantayan pa, kaya namin ang sarili namin kahit pa may umatake rito na kagaya ninyo. Dahil kapag narito si Zeph, sinasanay niya kami sa pakikipagsuntukan."
Isang ngisi ang muling sumilay sa labi ni Xander. "Paano naman ang Co-leader ninyo? Hindi niya ba kayo pinamumunuan habang wala ang pinsan niya?"
Inaasahan niyang malalaman niya sa mga miyembrong narito kung saan niya makikita si Tyron, dahil may plano rin siya para sa taong 'yon. Pero nawala ang ngisi sa mukha niya nang marinig niya ang naging sagot nito.
"Wala na kaming pakialam sa taong 'yon, pinsan man siya ng Leader namin, wala naman siyang silbi. Kita mo naman, wala siya rito ngayon. Talagang wala siyang silbi."
Seryosong sumagot si Xander, "Kung wala rito ang Co-leader n'yo at abala ang Leader n'yo sa ibang bagay...sino ang namumuno sa inyo ngayon?"
Sandaling nanahimik ang kabilang panig. Tila alangan sila kung sasagutin ba nila ang tanong na ito o hindi.
"Walang namumuno sa amin, ano bang punto mo?"
Muling natawa ang binata. "Wala? Kung gan'on, bakit hinahayaan n'yo ang dalawang kapwa n'yo miyembro na ipagmalaking sila ang pansamantalang leader daw ninyo?"
Agad na kumunot ang noo nila, alam nila na ang tinutukoy ni Xander ay sina Roxanne at Ranz. Hindi nila gustong isipan ng masama ang dalawang iyon dahil alam nilang kumikilos lang sila para sa ikabubuti ng kanilang gang dahil nga sa sitwasyon nila na walang namumuno.
Pinili ng lalaki na huwag sagutin si Xander, mali man sa paningin niya ang ginagawa nina Roxanne at Ranz pero hinahayaan lang nila ito dahil alam nilang malinis ang intensyon nila.
Pero nagbago bigla ang tingin nila sa dalawa pagkatapos na magsalita muli ng kanilang kaharap na si Xander.
"Gumawa sila ng paglabag sa batas na ginawa ni Zeph, pinatay nila ang miyembro ng gang ko sa loob ng Monte Claro University."
Wala pa ring nagsasalita, tila nagulat silang lahat na marinig ang ibinalita sa kanila.
Muling nagsalita si Xander, "Sa itsura n'yo, tingin ko ay hindi n'yo 'yun alam. Pwes, hayaan n'yong ako na ang magkwento sa inyo ng nangyari dahil tiyak na hindi naman nila iyon sasabihin sa inyo. Ang dalawang iyon ay gumawa ng pagbabanta sa akin noong nakaraan lang, at ito na siguro ang hakbang nila sa bantang iyon."
"Paano naman kami nakakasiguro na hindi ka gumagawa ng kwento?"
"Bakit naman ako mag-aabala pang pumunta pa rito kung gagawa lang naman ako ng kwento? Kung gusto n'yo ng patunay, sila mismo ang tanungin ninyo. O di kaya, tanungin n'yo ang ibang miyembro ninyo na nag-aaral din sa MCU. Tiyak na hindi n'yo pagdududahan kapag sila ang nagbalita sa inyo."
"Bakit mo ba ito ginagawa?"
Kumunot ang noo ni Xander. "Huh?"
"Bakit mo sinusumbong sa amin ang pagkakamali ng kapwa namin miyembro? Gusto mo bang magkasira kaming grupo para mas mapabilis ang pagbagsak namin?"
Muling sumilay ang ngisi sa labi ng binata. Gustong-gusto niya talaga kapag nalalaman ng kausap niya ang balak niya.
"Paano kung sabihin kong, oo? Gusto kong pagsabihan n'yo silang mali na kinalaban nila ang Founder ng Street Ninja!"
"Kung ganoon, lumabas din ang totoo. Gusto mo kaming kumbinsihin na tumiwalag sa Poison Blade para umanib sa gang mo. Kung paninindigan mo ang sinabi mo kanina na may karapatan ang lahat na pumili ng kanilang paniniwalaan, pwes...uulitin ko 'yon sa 'yo! Hindi kami aanib sa isang gang na makasarili at walang inatupag kundi mang-uto ng tao!"
Nagsalubong ang kilay ni Xander. "Anong sabi mo?" aniya, pinili niyang magsalita ng mahinahon.
"Bakit? Nabingi ka na ba? 'Diba iyon ang pinunta mo rito? Ikinuwento mo sa amin ang layunin ng gang mo at saka mo sinumbong ang pagkakamali ng kasama namin sa gang. Malinaw na ang intensyon mo ay kunin ang loob namin."
Agad na umaykat sa ulo ang dugo ng binata, asar na asar siya na isang miyembrong kagaya lang ng lalaking iyon ang tatalo sa kanya sa pautakan.
Muling nagsalita ang lalaki, "Walang kwenta ang mga ideya mo. Siguro nga ay napatay ng dalawang kasama namin ang miyembro mo, pero ang usaping iyon ay dapat sa aming grupo lang iikot. Hindi ka na dapat mangialam pa dahil kung talagang matinong kang lider...ang dapat mo nang ginagawa ngayon ay binubugbog kami dahil namatayan ka ng kasama."
Lalong nag-init ang ulo ni Xander nang makita ang nigisi ng mga kasama ng lalaki.
Patuloy itong nagsalita, "Malinaw na malinaw na kapakanan mo lang ang iniisip mo, sobrang layo ng mga pinaggagawa mo kumpara sa ikinakampanya mo. Walang-wala ka kay Zephaniah. Dahil kung siya ang nasa posisyon mo, baka burado na ang grupong pumatay sa miyembro niya."
Hindi na nakatiis pa si Xander at tumaas na ang boses niya nang sumagot siya, "At anong pinapabalas mo?! Huwag mo 'kong subukan—"
"Nakakaawa ang mga taong nauto mo. Kapag nagkagipitan ngayon, maaring ikaw pa ang unang tumakbo. Sayang ang katapatang ibinibigay nila sa 'yo."
"Tumigil ka na! Kung ayaw n'yong maniwala at makinig sa akin, huwag n'yong idamay dito ang mga miyembrong walang ibang hinangad kundi ang magkaroon ng sarili nilang desisyon! Simple lang ang hinaing namin, pero ang kikitid ng utak ninyo para hindi iyon maintindihan!"
"Hindi inosente ang pinapatay ni Zephaniah. Hindi rin totoo ang sinasabi mong pinapatay niya ang mga taong ayaw sumunod sa kanya. Dahil sa bawat gang na binibisita niya, labanan lang ang maari niyang ialok bilang basehan kung karapat-dapat ba silang magkaroon ng alyansa. Sadyang hindi lang nila matanggap na natalo sila ng isang babae kaya kahit ikamatay nila ay pinipilit pa rin nilang lumaban. Kaya kung malawak ang pang-unawa mo...alam mo dapat ang ibig kong sabihin."
Hindi na nakaimik pa si Xander. Alam na niyang bigo na siya sa pangugumbinsi niya sa mga ito.
Pero bago siya magtangkang umalis, may isang grupo ang dumating...