CHAPTER 20: AKUSASYON
Rox's POV
Hindi na kami nakapasok ni Ranz sa klase dahil sa nangyari. Pagkatapos ng eksena sa Canteen ay dumiretso na kami sa Base ng Dark Spade para kausapin si Mace.
Hindi ako sanay na mag-cutting classes, pero para sa pagkakataong ito...kailangan ko munang isakripisyo ang isang araw para harapin ang isa pang importanteng usapin.
Maswerte na lang kami dahil gaya namin ay hindi rin pumasok ang Co-leader ng Dark Spade, kaya naabutan namin siya sa loob ng base na parang seryosong-seryoso na naman sa buhay.
"Mace," bati ko sa kanya pag-apak pa lang namin sa receiving area nila.
Nakaupo siya sa couch doon habang naka de-kwatro. Nasa cellphone ang atensyon niya at tila hindi maganda ang nakikita niya roon dahil sa pinta ng mukha niya. Seryoso talaga siya at parang handa nang magtaray anomang oras.
Bigla tuloy akong nag-alangan na kausapin siya, pakiramdam ko kasi ay maaring mabaling sa amin ang inis niya.
Pagbaling ng tingin niya sa amin ay nakataas kaagad ang kilay niya. Napalunok na lang ako nang magtama ang tingin namin, mukhang wrong timing talaga ang pagpunta namin dito.
"Do you even know what you guys did?"
Kumpara sa awra niya, kalmado naman ang boses niya. Alam naming dalawa ni Ranz na maaring may alam na siya sa nangyari sa Canteen at inisip ko talagang iyon ang rason bakit siya bad trip, pero hindi iyon ang tingin kong dahilan kung bakit namin siya naabutan na masama ang mood.
Nagkatinginan muna kami ng kasama ko bago kami tumuloy ng pasok sa loob. Dahil nasa couch nakaupo si Mace at hindi sa parehong pwesto namin kagabi, doon na rin kami naupo para harapin siya.
Pinili kong huwag na lang bigyan ng pansin ang kakaibang mood niya ngayon, hindi rin naman iyon connected sa akin. Saka, baka imbes na mahinahon siya ay magkatotoo ang iniisip kong tarayan niya kami bigla.
Tumingin ako kay Ranz para hintayin na sagutin niya si Mace, pero napabuntong hininga na lang ako dahil hindi siya nagsalita.
Kaya ako na lang sumagot, "Naunahan niya kami magsabi sa lahat ng tungkol sa nangyari, sorry," sabi ko at agad akong yumuko.
"Bakit ka nag-so-sorry? Wala naman akong kinalaman sa issue ninyong dalawa, and hindi naman ako ang nasira sa nangyari," aniya, kagaya ng madalas niyang pananalita ay maarte pa rin ito.
Gusto kong umirap kasi kahit iwasan ko, talagang mamalditahan niya kami. Hindi na yata talaga maaalis sa ugali niya 'yon.
"Nasira?" sabay naming tanong ni Ranz sa kanya. Kumunot din ang noo ko sa kanya.
Tumaas ang kilay niya. "Wait, hindi n'yo alam? Naging talk of the town na ang nangyari sa Canteen. And the worst part is...pinag-uusapan nilang pumatay si Ranz sa loob ng school."
"Ano?!" Napatayo ako kasabay ng pagsasalita ko sa mataas na boses. Hindi ako makapaniwala na ganoong balita pa talaga ang matatandaan ng mga estudyante sa dami ng ganap ng kanina.
"Pero nilinaw ko naman kanina kung bakit iyon nagawa ni Ranz! At sinabi ko ring kagagawan lang iyon ni Xander! Inamin niya pa nga na magsisimula siya ng gulo, eh," giit ko.
Nakakainis! Bakit nga ba ang tao...sa siyam na tamang ginawa mo, 'yung iisang pagkakamali mo ang talagang matatandaan nila?
Hindi ko matanggap na sa kabila ng pagbabanta ni Xander kanina, mas bibigyan pa rin nila ng pansin ang nangyaring pagpatay. Wala ba silang isip para hindi nila maindtindihan ang nangyari? Kahit naman yata sino, kapag ganoon ang sitwasyon, hindi na iintindihin kung ano ang circumstances ng kanyang gagawin. Saka, katanggap-tanggap naman ang rason ni Ranz...bakit ba hindi nila iyon makita?!
At ang mas nakakainis pa, bakit hindi nila nakikita na may mali rin si Xander? Bakit hindi nila maisip na siya naman talaga ang nag-umpisa ng gulo?!
"Tama ka naman. Pero...breaking the rule is the most crucial part of this chaos. Wala silang pakialam sa ibang narinig nila, ang importante lang ay...may taong lumabag sa utos ni Zeph. Sa part na 'yon, nakuha na ni Xander ang gusto niya. Magsisimula nang masira muli ang Poison Blade."
Natulala ako ng ilang segundo dahil sa sinabi niya. Naiisip ko palang na maaring mangyari ang sinasabi ni Mace, nababaliw na ako. Hindi ito ang gusto kong mangyari! Sino bang may gusto na magkaganito ang lahat?!
Ikinuyom ko ang kamao ko. "Hindi puwede! Wala ba silang utak?! Hindi ba nila nakikita na sinisiraan lang kami?! Plano lang ito lahat ng lalaking iyon!" Hindi pa rin ako umuupo, gusto kong idiin na walang kasalanan ang boyfriend ko. Hindi ko mapigilan ang sarili kong maglabas ng inis kahit sa pagsigaw manlang.
"Hal, plano man o hindi...hindi pa rin nito mababago ang katotohanang sumuway talaga ako—"
"Ranz, hindi! Kahit anong sabihin nila...tiyak na kung narito si Zeph, ikaw pa rin ang kakampihan niya! Natural lang ang ginawa mo, kaya—"
"Sa tingin mo talaga...kakampihan kayo ng babaeng 'yon kapag nalaman niyang sinira n'yo na naman ang gang na binuo niya?"
Nabaling ang tingin ko kay Mace. Hindi ko nagawang um-oo sa tanong niya, bigla akong nakaramdam ng pagdududa sa sarili ko na...dahil maaring hindi nga kami kampihan ng best friend ko.
Kung sakaling dumating siya at maabutan niyang nangyayari ito, hindi ko naman siya masisisi kung sakaling hindi niya kami kampihan. Iintindihin kong pipiliin niya ang kapakanan ng gang niya kaysa sa akin at kay Ranz. Pero gan'on pa man, hindi ko rin maiiwasang sumama ang loob kapag nangyari nga 'yon.
Kilala ko si Zeph, kahit ganoon siya manalita ay alam kong may puso siya para sa lahat. Pero mula nang tanggapin niya ang kapalaran niya bilang Princess of the Street Fighters, nag-iba na ang pakikitungo niya sa ibang tao bukod sa aming mga kaibigan niya. Nakikitaan ko na siya ng pagmamalasakit sa iba na ugali ng isang mabuting leader.
Kaya sa pagkakataong ito, maari talagang mangibabaw sa kanya ang pagtingin sa nangyari na pantay para sa lahat.
Bumaba ang balikat ko bago ako nagsalita, "Anong gagawin natin ngayon?" bumalik na sa normal na lakas ang boses ko.
"Hindi gagawin ni Zeph na isakripisyo ang pagkakaibigan nila ni Roxanne para lang sa batas na ginawa niya lang din naman."
Bumaling ang tingin ko kay Ranz. Seryoso ang tingin niya kay Mace na para bang desidido siyang ipaintindi sa kausap na siguradong-sigurado siya sa sinabi niya.
"Oh, really? Then, why don't we try to call her? Tell her what happened and let's see if what she can do about it," suhestiyon naman ni Mace.
Sa ideya niyang iyon ay agad na kumilos si Ranz para kunin ang cellphone niya sa bag. At sa oras na mahawakan niya ito...agad na nanlaki ang mata ko nang may ma-realize ako.
"Huwag!" pigil ko.
Sabay silang napatingin sa akin. Nakita ko ang pagtaas ng kilay ni Mace.
"Bakit?" tanong naman ni Ranz.
"Hindi niya pa dapat malaman ang nangyari. Isipin n'yo na lang, problemado na siya sa sarili niyang misyon sa buhay...huwag na sana nating dagdagan pa," sagot ko.
"Huwag dagdagan?! At sino ang gusto mong mag-resolve ng problemang ito kung hindi siya? Wala namang ibang pakikinggan ang mga estudyante kundi siya lang...dahil siya ang princess!" ani Mace.
"Alam ko, pero bilang kaibigan niya at bilang miyembro ng Poison Blade...gusto kong kami mismo ang gumawa ng paraan para solusyunan ito. Isa pa, sa akin din naman nagsimula ang gulong ito...kaya dapat lang na ako rin ang tumapos."
"Okay, I commend your braveness. So, what's your plan, then?"
Napalunok ako sa naging tanong na iyon ni Mace. Pero buo na ang desisyon kong akuin ang pagresolba sa problemang ito. Ikinuyom kon muli ang kamao ko bago nagsalita, "Sa ngayon, wala pa akong ideya kung paano. Pero hangga't maari...gusto kong maging last choice ang ipaalam sa kanya ang nangyari."
Hindi na niya 'ko sinagot, bagkus ay inirapan niya pa ako. Nakaramdam ako ng kaunting guilt dahil doon, dahilan para lumambot ang tingin ko sa kanya ang kumawala ang dalawang kamay ko sa pagkakakuyom nito.
Problemado kami ni Ranz at alam kong nadadamay lang si Mace rito. Kaya ayoko nang dagdagan pa ang mga nadadamay sa gusot na ito. Hindi ko ito ginagawa dahil natatakot ako o nababahala sa maaring maging desisyon ni Zeph kapag nalaman niya ang nangyari...inaalala ko lang na baka pagdaanan na naman niya ang nakaraang sakit kapag nagdagdag pa ako ng problema.
Bago pa mangyari ito, sinabi ko na sa sarili kong ako na ang bahalang magprotekta sa Poison Blade habang wala ang best friend ko. Kaya para patunayan ang sinabi kong 'yon, hindi ako titigil hangga't hindi ko nagagawang patahimikin ang Street Ninja.
Hindi ko alam ang sunod kong gagawin dahil wala nang nagsalita sa kanilang dalawa. Nakatayo pa rin ako at iginala ko na lang ang mata ko sa paligid habang naglalayag ang isip ko, nagbabakasakai na makapulot ako ng ideya kapag ginawa ko ito.
Tila nabuhayan ako ng loob nang magsalita si Mace, "Kung iyan talaga ang desisyon mo...then we don't have a choice, ang magagawa na lang natin sa ngayon ay linisin ang pangalan ni Ranz. Dahil kung hindi, maaring mangyari talaga ang sinabi ko," ani Mace.
Pabagsak ako naupo muli sa couch. Natulala ako dahil sa pag-iisip na maari na namang magkaroon ng panibagong gang war dahil sa nangyari. Pero sa kabilang banda, nakaramdam ako ng kaginhawaan dahil sa sinabi niya.
Sa sobra ko sigurong pagkalugmok sa pag-iisip, nakalimutan ko na ang tungkol sa ideyang sinabi niya. Iyon naman talaga ang dapat gawin.
Napatingin ako kay Ranz nang maramdaman ko ang kamay niyang umalo sa kabilang braso ko, ngumiti ako sa kanya at isinandal ko ang ulo ko sa kanang balikat niya.
Gusto ko na namang umiyak dahil feeling ko, lalong lumalala ang problema namin. Hindi talaga matatahimik ang bwisit na lalaking iyon hanggang hindi niya nakukuha ang gusto niyang pagsira sa Poison Blade.
"So, again, may naiisip ba kayong plan?"
Napapikit na lang ako nang marinig ko ang tanong ni Mace, nawalan na ako ng gana na sumagot sa kanya.
"Kagabi ko pa sinasabi sa inyo, walang ibang solusyon dito sa problemang ito kundi ang patahimikin natin panghabang-buhay ang Xander na iyon kasama ng buong gang niya," suhestiyon ni Ranz.
"Hindi magbabago ang sagot ko sa 'yo about sa bagay na 'yan, and I won't repeat what I've said," ani Mace.
Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan naming tatlo. Stuck pa rin talaga kami sa kung ano ang next step namin pagkatapos ng ginawa ni Xander na pagbulgar sa nangyari.
Kung tutusin, iyon din naman ang plano namin. Hindi lang talaga namin in-expect na siya ang mauunang magawa iyon. Iniisip ko tuloy, kung nauna ba kaming magsalita tungkol sa nangyari...may ganitong balita pa kaya na kakalat?
"CCTV." Salitan ko silang tiningnan habang malapad ang ngiti ko. "I'm sure makikita sa CCTV kung ano ang nangyari!"
Pero imbes na matuwa rin sila sa sinabi ko, nagpalitan lang sila ng tingin. Kahit hindi pa sila nagsasalita ay alam ko na ang sasabihin nila.
"Bago mo pa 'yan naisip ay nagawa ko na 'yan. Pero sabi sa akin ng Guard na naka-assign noong gabing iyon, sinadya raw na putulin ang wire ng CCTV ng buong university. Ibig sabihin, walang record ng nangyari noong gabing iyon," ani Mace.
Napayuko na lang ako dahil sa sinabi niya. Kaya pala wala ang guard sa pwesto niya sa gate noong oras na pumasok ako, may posibilidad na iyon din ang oras na napansin niyang sira ang CCTV.
"Kinausap mo rin ba ang Guard kung may nakita siya nu'ng gabing iyon?" Nabaling ang tingin ko kay Ranz nang itanong niya iyon kay Mace.
Sinagot siya ng kaharap namin, "Yes. And sabi niya, wala siyang napansing taong pumasok sa gate na kakaiba ang kilos o suot."
"Pero baka habang ch-in-i-check niya ang pagkasira ng CCTV, napansin niya 'ko o si Ranz?" singit ko naman.
Bumaling ang tingin niya sa akin. "Malawak ang university para mapansin niya agad ang nangyari sa inyo ni Ranz that night, kaya hindi niya rin iyon nakita."
Muli ko na namang naikuyom ang kamao ko, wala pa rin kaming hawak na ebidensya hanggang ngayon...kahit alam ng guard na may nangyaring anumalya sa CCTV, hindi sapat 'yon para idiin si Xander. Kailangan pa namin ng mas matibay na ebidensya laban sa kanya!
Nawawalan na ako ng pag-asa na malilinis ko pa ang pangalan ng boyfriend ko. Gusto ko na talagang umiyak kasi naiinis na rin ako.
Natulala ako ng ilang segundo nang makita ko ang kamay ni Ranz na dumapo sa kamay ko. Inalis niya ang pagkakakuyom nito at saka inilagay sa pagitan ng mga daliri ko ang mga daliri niya.
Pagtingin ko sa kanya ay nakangiti siya sa akin dahilan para mapangiti rin ako. Kahit ganito na ang sitwasyon namin ay nagagawa niyang ibahin ang ambiyansa dahil sa kaunting bagay lang na ginagawa niya.
Para bang binigyan niya ako ng lakas na hindi ako dapat paghinaan ng loob...tila pinagkakalooban niya ako ng pag-asa na makakaisip din kami ng paraan para lusutan ang gusot na ito.
"Kung wala talaga tayong maisip na paraan para itama ang isip ng mga estudyante, at wala rin tayong ebidensya laban kay Xander...bakit hindi na lang natin kontrahin ang lahat ng gagawin niya laban sa atin?"
Hindi ako sumagot sa tanong ni Ranz, dinama ko lang ang init ng kamay niya na hanggang ngayon ay nakahawak pa rin sa kamay ko. Hindi siya nakuntento sa pagkakahawak na iyon, dahan-dahan niya pang hinila ang kamay ko para ipatong sa hita niya.
Gusto kong ipakita sa kanya na kinikilig ako sa ginagawa niya pero pinipigilan ko ang sarili kong mapangiti dahil kaharap namin si Mace. Saka hindi ito ang oras para sa ganoon dahil seryoso pa ang pinag-uusapan namin. Alam kong ginagawa niya lang ito para pakalmahin ako.
"Puwede ang naiisip mo, sa bagay na 'yan...puwede nating magamit ang alliance natin," sagot ni Mace habang nakangiti sa aming dalawa.
Bukod sa balak naming kalabanin na lang si Xander, nag-brainstorm na rin kami tungkol sa kung ano ang mga posible niyang gawin o plano pagkatapos ng anunsyo niya at kung ano ang maari naming ilaban doon.
Sa pagkakataong ito, hindi ko na pinigilan ang sarili kong ngumiti na rin sa kanilang dalawa. Hindi lang ito dala ng pagmamahal ni Ranz na ipinadadama niya sa akin ngayon. Dala na rin ito ng katotohanang...mayroon akong kaibigan at boyfriend na gaya nilang dalawa na nandiyan para sa akin. Hindi kaming mag-iiwanan, hindi magtatrayduran, at higit sa lahat...hindi pababayaan.