CHAPTER 19: HARAPAN
Rox's POV
Hindi na kami pinauwi ni Mace, sama-sama kaming natulog dito sa base nila. Ngayon ko lang nalaman na puwede palang mag-stay dito overnight.
Ang katwiran kasi ni Mace, pinakaligtas na lugar ito sa kumpara sa kahit saang lugar. Sang-ayon naman ako roon dahil bukod sa nasa loob kami ng school—which is sinabi ni Zeph na bawal pumatay—ay wala namang estudyante ang magtatangka pang pumasok dito sa magdamag. Sino bang mag-iisip na magpalipas ng gabi rito? Kami lang 'yon.
Ayaw din kasi akong hiwalayan ni Ranz, hindi na raw niya hahayaan na maulit ang nangyari kaya palagi na siyang didikit sa akin kahit saan pa raw ako magpunta.
Hindi man halata, pero malawak ang base ng Dark Spade. May sariling kwarto rito sina Mace at Claude. Bukod pa roon ang opisina ni Claude at ang kwarto kung saan kami nag-usap-usap na tatlo—na ayon kay Mace ay ang receiving room. Mayroon ding entertainment room at may kitchen din.
Feeling ko nga ay dito inspired ang kuta ng Poison Blade, ginaya ni Zeph ang mga kwarto rito. Medyo unique lang ang sa amin dahil hindi ito eleganteng tingnan na gaya ng base na ito.
Doon ako natulog sa kwarto ni Mace kasama siya. Habang si Ranz naman ay pinatulog niya sa kwarto ni Claude. Ayos lang naman daw na naroon si Ranz dahil bihira lang matulog dito ang kakambal niya. Maghapon mang naglalagi rito ang lalaking iyon, pero hindi raw nito ugali ang magpalipas ng gabi rito.
Maaga akong nagising dahil kailangan ko pang umuwi sa bahay para magpalit at maligo. Ginising ko na rin si Ranz para ayain na, kasi kung hindi ko siya isasama...baka magwala pa iyon. Hindi ko na ginising si Mace, mas pinili kong mag-iwan na lang ng note para sabihing umuwi muna kaming dalawa.
Napag-desisyunan naming dalawa ni Ranz na huwag nang umuwi sa bahay ko at doon na lang kami kumain at magbihis sa kanila para less hassle. Isa pa, gusto ko rin makita kung kumusta na ba si King.
Masaya ako na kahit nagkagulo ay ligtas siya at hindi naisipang saktan ng bwisit na lalaking iyon. Mabuti naman at matino pa ang utak niya at hindi niya dinamay ang walang kamalay-malay na aso.
Mula sa paggising ko, akala ko mayroon na akong payapa at normal na umaga—akala ko lang pala...
Dahil pagbalik namin sa MCU, bumungad sa amin ni Ranz ang balita na nasa Canteen daw si Xander at nag-a-anunsyo ng isang balita na inasahan naming gagawin niya talaga.
"Announcement! Makinig ang lahat! Alam n'yo na ba ang bagong balita?"
Iyon ang mga salitang una naming narinig nang makarating kami sa Canteen.
Hingal na hingal ako kasi tumakbo kami papunta rito. Pag-angat ng tingin ko, nakita ko si Xander na nakatayo sa itaas ng lamesa at pagala-gala ang tingin. Nang mapansin niyang nandito kami ni Ranz, agad siyang ngumisi sa amin. Talagang nang-aasar siya.
Napansin ko na lalong dumami ang estudyanteng gustong maki-usisa sa ibabalita niya, halos napuno ang Canteen bukod pa sa mga nakaupo na kumakain.
"Isang miyembro ng Poison Blade ang lumabag sa batas na ginawa ng kanilang Leader!"
Sa pagkasabi niya n'on, agad na nagbulungan ang mga estudyante. Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa sinabi ni Xander...naunahan niya kami!
Agad kong hinarap si Ranz na katabi ko lang. "Ano nang gagawin natin ngayon?" tanong ko.
Hindi naaalis ang tingin niya kay Xander. "Wala tayong magagawa kundi sakyan ang larong ito at hulihin siya mismo sa sarili niyang bibig," aniya.
Napalunok ako at ilang segundo muna siyang tinitigan bago ko ibinalik ang tingin ko kay Xander. Boyfriend ko siya at malaki ang tiwala ko sa kanya, pero sa sitwasyong ito...umaasa ako na tama lang na magtiwala ako. Kasi sa totoo lang, nababahala talaga ako sa puwede pang gawin o sabihin ng lalaking iyon.
Ayokong masayang ang pagpaplanong ginawa namin buong magdamag, gusto kong patunayan sa lalaking nasa harapan namin ngayon na kahit sa kanya pa nanggaling ang balitang iyon...hindi niya magagawang sirain ang gang ni Zeph.
Naramdaman ko ang tingin sa amin ni Xander. Dahan-dahang lumipat ang atensyon ko sa kanya. At sa oras na makita ko ang isang nakakalokong ngisi sa labi niya, alam ko na ang sasabihin niya...
"Ang taong 'yon...ay walang iba kundi ang isa sa matalik na kaibigan ni Zephaniah...si Ranz Kevin Perez."
Muli na namang umalingawngaw ang bulungan sa paligid. Habang nagbubulungan ay abot-abot din ang tingin ng lahat sa aming dalawa ng kasama ko. Pero pareho kaming hindi natinag sa kinatatayuan namin, hindi namin iniinda ang mapanghusga nilang mga tingin...bagkus ay kay Xander lang kami naglagak ng masamang tingin.
"Talagang ikaw pa ang may ganang magbunyag ng sarili mong kalokohan?" rinig kong sambit ni Ranz.
Kahit nagsalita siya, hindi pa rin naaalis ang tingin ko sa lalaking mayabang. Kitang-kita ko ang bahagyang pagtaas ng kilay niya na para bang alam niyang may sasabihin din kaming hindi niya magugustuhan.
"Kalokohan ba kamo? At ano naman sa tingin mo ang kinalaman ko sa ginawa mong pagpatay?" ani Xander.
"Paano mo ba nasabing nakapatay ako? Nakita mo ba? Naroon ka ba?" tanong pabalik ni Ranz.
Ilang segundong katahimikan ang namayani, hanggang sa humalakhak ang kausap niya. Sa tingin ng iba, tumawa siya dahil nagpapatawa ang boyfriend ko. Pero para sa akin, ginawa niya iyon para magkaroon ng sandaling oras na mag-isip ng isasagot niya.
Nakangisi pa rin siya nang mahinto siya sa pagtawa. "Ano bang klaseng tanong 'yan, Ranz? Siyempre, miyembro ng gang ko ang napatay. Natural lang na malaman ko 'yun."
"Kahit ano pang koneksyon mo sa taong 'yon, hindi pa rin yata tama na mag-akusa ka agad na wala kang ebidensya. Paano mo papatunayan ang sinasabi mo?"
Napalunok ako dahil sa tanong na iyon ni Ranz. Nagsimula nang kumabog ang dibdib ko, ito na kasi ang parte na talagang nagbibigay sa akin ng matinding pag-aalala. Natatakot ako kung ano ang maaring isagot ng kaharap namin.
"Bago ko sagutin ang tanong mo, magbigay muna tayo ng kaunting kasiyahan sa lahat ng nandito. Bakit mag-isa lang si Roxanne kahapon? Nasaan ka ba?"
Napaawang ang labi ko. Saan siya humuhugot ng lakas ng loob para itanong iyon?! Bakit ganito siya kakampante?!
Ganito ba niya na-plano ang lahat? Kalkudo niya ba ang lahat ng mangyayari? Alam niya ba lahat ng itatanong namin sa kanya?
Gusto kong sabihin na huwag niyang ibahin ang usapan, pero ayokong magsalita ng kahit ano dahil baka gamitin niya ang sasabihin ko laban din sa amin.
Ibinaling ko ang tingin ko kay Ranz, kahit kaunti, nakaramdam ako ng ginhawa sa dibdib dahil nakita ko ang ngisi niya niya—bagay na sa tingnin ko ay pabor sa amin ang tanong ni Xander.
Sinagot siya ni Ranz, "May isang importante sa akin ang biglang nawala kahapon, inuna kong hanapin siya dahil kampante akong hindi naman mapapaano ang girlfriend ko kahit mag-isa siya sa rito sa loob ng MCU. Ang nakakapagtaka lang, nang oras ding wala ako sa tabi niya...may umatake sa kanya rito...may taong nagbalak na gahasain siya."
Bumalik ang tingin ko kay Xander, gusto kong makita ang reaksyon niya sa ibabatong tanong sa kanya ng boyfriend ko.
"May alam ka ba rito, Xander? O baka naman...kilala mo ang taong gumawa n'on sa girlfriend ko?" dagdag pa ni Ranz.
Hindi ko napigilan ang sarili kong mapangiti, tama lang na nagtiwala ako kay Ranz!
Gusto ko talagang tumawa kasi siya mismo ang nagbibitag sa sarili niya. Ang lakas pa ng loob niyang tanungin si Ranz ng ganoon, hindi naman pala ganoon katibay ang kumpiyansa niyang mananalo siya sa diskusyong ito.
Sumeryoso ang ekspresyon ng mukha ng lalaking kaharap namin, muli ring nagbulungan ang mga etudyanteng kasama namin.
Bago sumagot, naupo na sa lamesa si Xander habang nakapatong ang paa sa isang monoblock na upuan. Ipinatong niya rin sa kanyang hita ang siko niya habang nakadaupang palad ang dalawang kamay niya. Ipinatong niya ang baba roon saka ngumiti ng bahagya.
Napalunok na naman ako, hindi ko talaga gusto ang nangyayari kapag ganyan siya.
"Ikaw ba...nakatitiyak ka bang iyan nga ang nangyari? Sabi mo nga, may iba kang inasikaso. Paano mo nasabing may tao ngang gustong gumahasa kay Roxanne? Nakita mo ba?" ani Xander.
"Hindi siya nagsisinungaling! Iniligtas niya 'ko sa lalaking—"
"Ginusto mo 'yon, 'diba?"
Kumunot ang noo ko. Kumabog ang dibdib ko. Gumagawa na naman ba siya ng isa pang kasinungalingan?!
"Anong sinasabi mo?!" bulalas ko. Hindi ko maiwasang hindi mataranta habang nagsasalita, natatakot ako sa kung ano pang puwede niyang sabihing walang katotohan.
"Hindi ako magsasalita rito kung wala akong alam sa nangyari kahapon. Siyempre, oras na nalaman ko ang balita, agad akong nagpa-imbestiga. At nalaman ko...may relasyon kayo ng lalaking sinasabi ni Ranz na nagtangkang gumahasa sa 'yo."
Kinikilabutan ako sa pinagsasabi niya, ganito siya kadesperadong sirain ang Poison Blade, maski ang pagkatao ko bilang girlfriend ni Ranz ay handa niyang sirain makuha lang ang gusto niya.
Itinulong niya ang sinasabi niya, "At ang nangyaring tagpuan ninyo sa CR ang patunay na totoo ang sinasabi ko."
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay naghagis siya ng maraming picture. Bumagsak ito sa harapan ng lahat. Agad na pumulot ang mga estudyante para tingnan kung ano ang nasa picture.
Hindi kami pumulot ni Ranz, sapat na sa amin ang nakita naming nakatihayang picture sa harap namin.
Gusto kong umiyak sa nakikita ko...ang picture na naka-print ay ang tagpo na nilapitan ako ng lalaki sa gilid ng CR. Kuha ito nang inilapit niya ang mukha niya sa akin. Sa anggulo ng camera, para kaming naghahalikan. Kahit sino ay iisipin ngang may relasyon kaming dalawa.
Agad akong tumingin kay Ranz. "Hal—"
"Huwag kang mag-alala, hindi ang gaya ng picture na ito ang sisira sa tiwala ko sa 'yo. Hindi ako tanga, alam kong parte lang ito ng paninira ni Xander. Alam kong hindi mo ako lolokohin kahit kailan."
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumingin siya sa akin na nakangiti. Isang ngiti na palaging tumutunaw sa puso ko. At sa ngiting iyon, lumakas muli ang loob ko...kasama ko sa labang ito ang lalaking pinakamamahal ko.
"Bakit hindi mo aminin sa lahat ng narito na may relasyon kayo ng lalaking iyan at nahuli kayo ni Ranz kaya nagawa niyang patayin ang lalaking kalaguyo mo?" tanong ni Xander.
Sabay kaming nag-angat ng tingin ni Ranz sa kanya. Habang masama ang tingin ko sa kanya ay sumagot naman ang boyfriend ko, "Nakakatawa ka. Gumawa ka pa talaga ng ganitong eksena para lang kampihan ka ng mga tao. Kung ito lang ang ebidensyang meron ka para sa sinasabi mong krimeng ginawa ko, wala itong kwenta. Hindi mo kayang patunayan na pinatay ko nga ang sinasabi mong lalaki."
Humalakhak si Xander. Isang halakhak na para bang tinitiyak niyang hindi siya mapapahiya sa pag-uusap na ito. Desidido pa rin siyang panindigan ang kalokohang ginawa niya.
"Hindi ko naman kailangang patunayan na tama ang binibintang ko. Hindi ko rin kailangang pilitin ang mga tao rito na paniwalain sila sa mga sinabi ko. Dahil walang matinong tao na maniniwala at papatol sa mga sinasabi ko kung alam nilang isang gabi lang ang lumipas sa pag-iimbestiga ko. May sari-sarili silang utak, puwedeng sila na ang humusga sa totoong nangyari...nasa kanila na 'yon kung sino ang paniniwalaan nila sa atin."
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon. Kung ganoon, bakit pa siya nag-aksaya ng oras para lang sa bagay na ito? Bakit niya pa sinakripisyo ang buhay ng kasamahan niya kung hindi niya naman pala paninindigan sa huli ang ginawa niya?
"Pero gusto ko lang ipaalala sa inyong lahat na narito...sana ay magsilbing aral ang nangyaring ito para magising ang mga diwa ninyo. Ngayong wala si Zeph sa loob ng Monte Claro University, delikado nang muli ang lugar na ito...wala nang puwang ang kaligtasan sa kahit saang sulok ng school na ito. Puwedeng maulit ang nangyaring pagpatay, puwede ring may estudyante ritong mag-isip na gawin ang parehong senaryo na sinabi ko."
Naikuyom ko ang kamao ko nang makita ko muli ang ngisi niya. Naiinis akong isipin na naisahan niya kami...masyado kaming nag-isip na gang namin ang sisirain niya. Pero hindi! Iba ang balak niya.
Hinarap ko si Xander. "At anong gusto mong palabasin? Na magsisimula muli ang p*****n dito sa loob ng school? Maayos at tahimik na ang lahat...ano pa bang gulo ang puwedeng mangyari? Maliban na lang...kung magsisimula ka ng—"
"Tama ka! Ako ang magsisimula ng gulo! Sisiguraduhin kong matatapos ngayon ang pamumuno ninyo rito!"
Hindi ako nagpadaig sa lakas ng boses niya, hindi ako natatakot sa talim ng tingin niya sa akin, at hinding-hindi ako magpapa-apekto sa anomang banta na ibato niya sa akin.
"Sa tingin mo ba, sa ginawa mong 'yan, may taong papanig sa 'yo? Lahat sila rito...kapayapaan ang gusto. At nakamit nila iyon nang dahil kay Zeph. Isa pa, wala namang rason para magkaroon pa ng gulo. Ikaw na lang ang pesteng naniniwala na dapat sirain ang maayos na pundasyon ng school na ito!" sagot ko.
"Huwag kang magsalita ng bagay na hindi ka sigurado. Sa isang demokrasyang bansa, hindi lahat ay pabor sa pamumuno ng kasalukuyang lider."
Naningkit ang mata ko nang maalala ko na isa siya sa mga uri ng tao na hindi pabor sa pamumuno ni Zeph. Ayon kay Tyron, ang grupo nila ay may hangarin na pabagsakin ang kaibigan ko dahil umano hindi ito patas sa kanila. Pero sa tingin ko, inggit lang ang nararamdaman nila...hindi nila matanggap sa sarili nila na natalo sila ng isang babae.
Patuloy siyang nagsalita, "May boses ang lahat...at may kapangyarihan na mas malakas sa Zephaniah na pinagmamalaki mo! Ang pagiging prinsesa niya ay sa pangalan lang...hindi niya magagawang pigilan ang malaking bilang ng Street Fighter kung gugustuhin nilang mag-aklas. Kahit sino, kapag nasakal, pumapalag. Kaya...ihanda n'yo na ang sarili ninyo. Tapos na ang maayos na buhay na sinasabi mo!"
Pagkatapos ng huli niyang sinabi na 'yon ay iginala niya ang kanyang tingin, seryoso ang ekspresyon ng mukha niya at tila nagpapahayag na talagang mangyayari ang sinasabi niya.
Ilang segundo niyang ginawa iyon at saka ibinalik ang tingin sa aming dalawa ni Ranz. Nakipaglaban ako ng titigan sa kanya hanggang sa siya na ang sumuko.
Hindi na siya muling nagsalita, pinanood ko na lang siyang maglakad hanggang makalabas siya ng Canteen. Pagkatapos ng nangyari, bumalik na sa dating ginagawa ang iba at may ilan ding pinili nang lumabas na.
Wala na kaming nagawa ni Ranz kundi ang magtinginan na lang.