Alam ko Bren masaya ka na para sa 'kin dahil hindi na ako katulad noon na naging miserable simula nang mawala ka. Kung nasaan ka man ngayon alam kong hindi mo ako pinapabayaan at palagi mo pa ring akong sinusubaybayan.
"Ayos ka lang Gelli? Tulala ka na naman, huwag mong sabihing nagaguwapuhan ka pa rin sa 'kin hanggang ngayon?" nakangising tanong niya habang nakahawak sa pinto ng kotse niya.
"Edi wow Renz," inis na sagot ko sa kanya. Pumasok na ako sa kotse niya para makauwi na rin ako sa bahay. Nakakapagod din kasi ang buong maghapon na ginawa namin sa opisina na pagpaplano ng bagong marketing strategies para sa kompanya.
Tinawanan lang niya ako bilang tugon sabay harurot ng kotse niya. Ewan ko pero parang hindi sila nagkakalayo ng ugali ni Bren sa bahaging nagsasabi siya ng mga korning linya.
Kinaumagahan ay nagising ako dahil sa mahinang tunog na nanggaling sa cellphone ko. Indikasyon na may nag-text sa 'kin at walang iba kung hindi si Renz. Tuwing umaga kasi ay lagi siyang may sweet messeges na itini-text sa akin.
"Wake up every morning with the thought that something wonderful is about to happen," mahinang basa ko sa text niya. Napapangiti na lang ako dahil hindi niya ako nakakalimutang pasayahin tuwing umaga ng simpleng mensahe na pinadala niya.
Kahit kailan talaga e madali niya akong pinapakilig sa mga simpleng mga salita niya.
"One kind word can change someone's entire day. Good Morning and have a good day," basa ko sa text ko pagkatapos ay tumayo na ako sa higaan noong ko nai-send ko na kay Renz ang mensahe ko para malaman niyang gising na ako.
Oo nga pala, kailangan kong magmadali sa pagpasok sa opisina dahil may pagpupulong na magaganap sa Conference Hall. May malaki kasing event na dapat paghandaan ang kompanya namin kaya hindi ako dapat ma-late at isa pa susunduin ako ni Renz.
Kaya tumayo na ako sa aking higaan at mabilis na akong naligo saka nag-ayos. Mabuti na lang inahanda ko na ang susuotin ko kaya hindi na ako mahihirapang maghanap at mag-ayos pa ng mga dadalhin ko sa pagpasok sa trabaho.
Ilang minuto ang lumipas ay bumaba na ako para kumain ng almusal habang wala pa si Renz sa bahay namin para sunduin ako.
"Good morning mom! Good morning dad!" masiglang bati ko sa kanila sabay halik sa kanilang pisngi.
"Good morning din Gelli," sabay na bati nila sa akin habang nakangiti.
"Tara na po kumain na tayo. Kailangan ko nang magmadali dahil susunduin ako ngayon ni Renz para sabay na kaming pumasok sa opisina," sabi ko sa kanila pagkatapos ay iniatras ko ang upuan at umupo sa tabi ni mommy.
"May bago pa ba doon anak? E halos palagi na lang kayong magkasama. Basta kapag niloko ka ni Renz sabihin mo lang sa 'kin. Ako na ang magpapatino sa kanya kapag pinaiyak ka niya," seryosong sabi ni dad habang kumakain.
"Naku, ikaw talaga Jorge. Hayaan mo na ang anak mo malaki na silang dalawa kaya huwag mo na silang pakailaman," nakangiting sagot ni mom habang nilalagyan ng ulam ang plato ni dad.
"Hindi pa kaya kami ni Renz. Saka nanliligaw pa lang po siya," nakasimangot na sagot ko sa kanila pagkatapos ay nagsimula na akong kumain.
"Bakit kasi ayaw mo pa siyang sagutin anak?" seryosong tanong ni dad habang nakatingin sa akin. “Änak, alam mo namang boto kami kay Renz para sa iyo.
Sasagot na sana ako kaso may bumusinang kotse sa labas ng bahay. Itinuloy ko ang pagkain habang hinihintay siyang makapunta rito sa garden kung saan kami kumakain. Alam kong si Renz lang 'yon dahil ayon lagi ang ginagawa niya para malaman ko kung dumating na siya.
"Nandyan na pala ang sundo mo anak. Sagutin mo na kasi siya ikaw rin baka magsawa 'yan at makahanap pa ng iba," birong sabi ni dad habang kumakain kami.
“Mommy si daddy o,” nagpapakamping sabi ko kay mommy.
Tumawa lang siys bilang tugon. Kahit kailan talaga pinagkakaisahan nila ako kapag nasa mood silang asarin ako.
"Good morning po tito at tita. Susunduin ko na ang maganda ninyong anak na nagmana pa sa inyo," pabirong sabi ni Renz habang naglalakad palapit sa kinakainan namin.
Hindi ko alam pero parang lalo siyang naging guwapo sa paningin ko dahil sa suot niyang suit na kulay blue na naging dahilan kung bakit mas naging makisig itong tignan.
"Renz hijo! Sumabay ka na sa 'ming kumain bago kayo umalis ni Gelli," nakangiting sabi ni papa pagkatapos ay inilahad ni Renz ang kanyang kanang kamay para makipagkamay kay daddy. Nakangiti naming tinanggap ito ni daddy.
"Ayos lang ho, busog na po ako makita ko lang ang anak ninyo na kumakain," muntik na akong mabulunan nang marinig ko ang sinabi niya.
"Ang suwerte talaga ng anak ko sa 'yo, Renz. Sana sagutin ka na niya. Kung ako lang e matagal na kitang sinagot kasi halos magkatulad lang kayo ng asawang kong si Jorge," natutuwang bulalas ni mom sa kanya.
"Gusto ko na nga ring magkaapo para naman may kalaro kami rito sa bahay," masayang sabi ni dad habang nanunuksong nakatingin sa 'min.
"Halika na Renz! Umalis na tayo baka kung saan pa umabot ang sinasabi nila,” tumayo na ako sa upuan ko pagkatapos ay tumayo na ako para magpaalam sa kanila. “Bye mom! Bye dad!"
Mabilis akong kumilos para humalik sa pisngi nilang dalawa. Pakiramdam ko ngayon ay pulang-pula na ang mukha ko na parang kamatis dahil sa sobrang hiya. Hila-hila ko ang balikat niya habang naglalakad kami papunta sa kanyang kotse.
Hindi ko alam kung anong nakain nila at ganoon ang mga sinasabi nila sa harap ni Renz. Parang gusto ko na tuloy ibaon ang sarili ko kanina sa lupa at lumabas na lang kapag natapos na silang mang-asar.
Sumukay na agad sa kotse niya para makaalis na kami. Mahirap na, baka hanggang dito sumunod sina daddy.
"Mapagbiro pala ang magulang mo ngayon ko lang nalaman. Lalo na si Sir Jorge na malimit ko lang makita na ngumiti sa opisina," nakangiting sabi niya bago niya binuhay at pinaandar ang kotse.
"Pasensiya na talaga. Hindi ko nga alam kina mommy at daddy kung bakit pinagsasabi nila 'yon sa'yo," nahihiyang sabi ko habang nakayuko’t hindi makatingin sa kanya.
"Wala ‘yon, huwag kang mag-alala dahil maghihintay ako kung kailan mo ako sasagutin. Nandito lang ako palagi para sa 'yo," nakangiting sabi niya habang pasimpleng sumulyap sa akin pagkatapos ay ibinalik ulit ang tingin sa kalsada.
Ngumiti ako sa kanya bilang tugon pagkatapos ay itnuon ko na ang paningin sa labas ng bintana. Konti na lang Renz sasagutin na kita. Pero sana kaya mo akong hintayin nang matagal.
May mga bagay o tao pala na akala natin hindi natin kaya kapag nawala. Pero sa katagalan nakakaya rin pala. Matagal-tagal din bago ka masanay. Siguro sa simula mahirap, pero kapag nagtagal. Masasabi mo na lang kaya ko palang magmahal ulit.