CHAPTER 2

1187 Words
Sa anim na buwan akong nanatili sa aking kuwarto ay parang nanibago ulit ako ngayon na makisalamuha sa mga taong bumabati sa 'kin sa kompanya. Hindi ko alam kung ngingiti ba ako o ano dahil sa nararamdaman kong kaba sa dibdib ko. Mukhang bumalik na naman ang Agoraphobia o fear of public spaces or crowds. Dahil sa ilang buwan din akong nanatili sa kuwarto ko na hindi nakikisalamuha sa ibang tao bukod sa magulang ko. Naghiwalay na kami ni daddy sa elevator dahil ako ay sa 2nd floor lang pupunta at siya naman ay nasa 3rd floor ang opisina. Nang dahil sa naninibago ako ay para akong bata na nawalan ng kakampi habang naglalakad sa hallway. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid ng opisina. Nakita ko na wala pa ring pinagbago ang kompanya punong-puno pa rin ng mga trabahador na abalang-abala sa kani-kanilang gawain mula sa pagtitipa sa keyboard ng kanilang kompyuter, pagsagot ng telepono at hanggang sa pagkukuwentuhan nila ng tungkol sa kung ano-ano. Larawan sila ng mga taong abala sa pagtatrabaho. Nang dahil sa rami ng nakita kong tao ay nailang at nahirapan akong huminga dahil sa simpleng pagsulyap lang nila sa akin. Kaya habang naglalakad ako ay mahigpit akong nakahawak sa aking shoulder bag. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng tiwala sa aking sarili simula noong isinarado ko ang puso’t isip ko sa lahat at nanatili sa loob ng anim na buwan sa aking kuwarto. Nagdesisyon muna akong pumunta sa banyo bago tumungo sa opisina ni Sir Renz. Habang nasa banyo ako ay tiningnan ko muna ang sarili kong repleksiyon sa salamin. Wala pa rin iyong dating sigla sa mga mata at mga ngiti sa labi ko. Wala na kasi iyong dahilan ng pagngiti ko pero para sa magulang ko kailangan ko ulit maging masaya kahit wala na siya. Pagkatapos ay pilit akong ngumiti upang kahit papaano ay mawala ang aking kaba. "Bren, tulungan mo ulit akong maging masaya sa kabila ng lahat," mahinang sabi ko habang naglalagay ng pulbo sa aking mukha para matakpan ang pamamawis nito. Pero napalingon ako dahil naramdaman kong may hangin na biglang humamplos sa likod ko. Kinilabutan ako pero inisip ko na lang na si Bren ‘yon at nasa tabi ko lang habang pinapalakas niya ang loob ko na palagi niyang ginagawa noong nabubuhay siya. Isang tapik niya lang sa balikat ko ay lumalakas na agad ang loob ko. Ipinagkibit-balikat ko na lang ang nangyari at inayos na lang ang nagusot kong damit mula sa pagkakaupo ko kanina sa kotse. Kahit na ganito ang nararamdaman ko kailangan ko pa rin maging presentable sa paningin ng iba dahil ayaw kong pagtsismisan at masabihan na ang anak ng may-ari ng kompanya ay mukhang manang. Sabi ni mommy ay maganda pa rin naman daw ako kahit hindi ako gaanong nag-aayos ng sarili. Ako kasi iyong tipong ayos na kahit foundation at lip tint lang ang ilagay sa mukha ko ay ayos na. Sabi niya ay singkit at bilugan daw ang aking mga mata, may mapula at maliit na labi, hugis pusong mukha, matangos na ilong at mestisahing balat na namana ko sa pagiging dugong kastila ng pamilya niya. Dahil sa mga katangiang ‘yon ay nabihag ko ang puso ng mahal kong si Bren. Nagmadali na akong lumabas sa banyo dahil baka ma-late pa ako sa unang araw ng pagbabalik ko sa trabaho. Ngunit hindi sinasadyang may nabunggo akong isang matipunong katawan. Mabango at lalaking-lalaki ang amoy niya na pamilyar sa akin at pakiramdam ko kilala ko na kung sino ang nabangga ko kaya biglang nakaramdam ako ng kaba. “Patay…bakit siya pa ang nakabanggaan ko?” kunot-noong bulong ko. Mabuti na lang sa pagkakabangga namin ay nahawakan niya ako sa aking baywang. Kung hindi ay mapapaupo sana ako sa tiles at mababalian. Lalayo na sana ako sa pagkakadikit ng aming katawan pero sa hindi inaasahang pangyayari ay naramdaman ko na lang na nakalayo na siya sa akin na para bang amoy pawis ako o may sakit akong nakahahawa. "Go-good morning Sir Renz, pasensiya na po at nabunggo ko kayo," sabi ko habang nakayuko at nahihiya dahil sa nangyari kanina. Pakiramdam ko tuloy napakamalas ko sa lahat ng bagay. Ngayon pa lang ako papasok pero may nangyari na agad na kung ano at ang malala pa ay nabungga ko pa ang boss ko. "Ayos lang iyon, Ms. Gelli. Oo nga pala! Kailangan mo nang bilisan dahil male-late ka na. Dapat nasa opisina na kita ng saktong alas-otso. Kung hindi ay umuwi ka na at maghanap ng ibang malilipatan na departmento," walang kaemo-emosyong sabi niya sa akin habang inaayos ang kanyang nagusot na damit mayamaya ay umalis na rin siya sa harapan ko. Tiningnan ko muna ang aking relong pambisig. Nakita kong pasado alas-siyete na ng umaga at kailangan ko ng magmadali. “Naku, kailangan ko nang bilisan baka nga ilipat ako ng ibang department,” nagmadali na akong naglakad habang dala-dala ko ang shoulder bag ko. Wala akong pakialam kahit naka-2 inches ako na heels at idagdad pang nakapalda ako. Kailangan kong magmadali bago mauna si sir sa 'kin. Dahil ayaw kong malipat ng ibang department. Hindi dahil gusto ko siya, ‘yon ay dahil bagong pakikisama na naman ang gagawin ko sa ibang departamento kung sakali kaya ayaw ko ng mailipat pa. Marahas akong napabuga ng hangin para ibalik sa dati ang aking paghinga dahil sa lakad-takbo na ginawa ko kanina. "Sa wakas nandito na rin ako sa opisina ni sir," masayang sabi ko pagkatapos ay pinalipas ko muna ang limang minuto bago ko kinuha ang susi sa bag para makapasok na ako sa loob ng opisina. Pagkabukas ko ng pinto ay inilibot ko ang aking paningin sa loob ng opisina. “Mabuti na lang wala pa siya rito. Siguro naghahanap na naman siya ng mga babaeng bibiktimahin niya.” Ibinaba ko ang aking bag sa may lamesa para makapag-umpisa na akong magtrabaho. Akala ko nga may mga tambak na papeles sa lamesa ko pero wala akong nakita. “Sino kaya ang gumawa ng trabaho ko rito sa loob ng anim na buwan?” Natampal ko na lang ang noo ko dahil kailangan ko pa palang hintayin si sir na sabihin sa 'kin kung ano dapat kong gawin ngayong araw. Ngayon lang ulit kasi ako pumasok sa trabaho at ayaw kong magkamali sa unang araw ko. Wala pa ring nagbago rito sa opisina dahil ‘yong lamesa ni sir ay malapit pa rin sa lamesa ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang set-up dahil kadalasan ang alam ko sa mga sekretarya ay nasa labas lang ng opisina ng boss nila. Lahat din ng mga gamit ay maayos pa rin na nakasalansan sa kabinet kung saan nakalagay ang mga files. Mukhang masipag ang naging sekretarya ni sir sa loob ng anim na buwan dahil wala akong nakitang tambak na mga papeles sa lamesa ko. Nakarinig ako ng pamilyar na tunog ng sapatos na naglalakad sa hallway at mukhang papunta rito. Hinintay kong bumukas ang pinto ng opisina. Nang masiguro ko na si sir na ang dumating ay tumayo ako malapit sa aking lamesa para salubungin siya bilang paggalang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD