CHAPTER 3

1112 Words
"Ms. Gelli, akala ko wala ka pa kaya natagalan ako pumunta rito," seryosong sabi ni sir habang naglalakad papunta sa kanyang puwesto. Nakita kong sumandal siya sa kanyang lamesa habang nakatayo at nakikipag-usap sa akin. "Nagmadali po akong naglakad para hindi kayo mauna rito kaysa sa ’kin," nahihiyang sabi ko sa kanya. Ito na naman ang pakiramdam ko kapag malapit siya sa ’kin at nakikipag-usap sa kanya. Pinagpapawisan at parang sasabog na ang dibdib ko sa sobrang bilis ng t***k ng puso ko. "Ahh, dahil ba sa sinabi ko kanina? Binibiro lang kita noong sinabi ko ‘yon. Hindi ko alam sineryoso mo pala," nakangiting sabi niya habang nakaupo sa kanyang swivel chair at nakatingin sa akin. Napalunok na lang ako sa sinabing iyon ni sir sa hindi ko inaasahang sasabihin niya. "Si-Sir Renz, itatanong ko lang po sana kung ano po ang gagawin ko ngayon at ano iyong mga naiwan kong trabaho sa loob ng anim na buwan na wala ako rito? Saka sino po ang gumawa ng trabaho ko bilang sekretarya niyo," hindi makatingin tanong ko sa kanya. Wala na kasi ako ibang matatanungan kung hindi siya lang kaya naglakas-loob akong magtanong sa kanya kahit kinakabahan at kinakilabutan ako. Tumingin na lang ako sa labas ng bintana para malipat ang atensiyon ko. Mayamaya ay narinig kong tumikhim siya kaya napatingin ako sa kanya. "Huwag mo ng intindihin at alamin kung sino ang gumawa ng trabahong iniwan mo. Ang mahalaga nandito ka na sa opisina ko at hindi na ako mag-isa rito. Naka-save na riyan sa laptop mo sa may “Gelli’s File” ang mga dapat mong gawin ngayong araw.” "Copy sir," nakangiting sagot ko habang nakikita ko siya sa gilid ng mata ko na nag-aayos ng mga gamit niya sa lamesa. "Gelli, huwag ka muna masyadong magtrabaho kung hindi mo naman kaya," nag-aalalang sabi niya na ikinagulat ko. "Ahh, sir ayos lang naman sa 'kin saka isa pa hindi naman po ako galing sa sakit," malungkot na sagot ko. Naramdaman kong nag-uulap na naman ang mata ko kaya inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtingin-tingin sa mga files para hindi na ako umiyak ulit. Ilang minuto rin ang lumipas simula ng nag-usap kami ni sir. Narinig kong tumikhim siya kaya napalingon ako sa gawi niya. "If you need someone to talk to, I’m always willing to listen, Gelli." "I will Sir Renz, thank you!" nakangiting sumulyap ako kay sir pagkatapos ay nagtrabaho na ako ng muli sa laptop ko. Parang biglang gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya. Mukhang simula nang nawala ako rito pakiramdam ko maraming nagbago kay sir. Mahilig na kasi siya ngayong magsalita at ngumiti hindi katulad dati na laging seryoso. Siguro nga may mabait na side siya kahit papaano. “Hay naku! Bakit ba siya ang laman ng isip ko?” Ipinilig niya na lang ang kanyang ulo upang mawala sa isip niya ang kung anumang nag-uumpisang maglaro rito. Pero nang dahil sa magandang ipinapakita ni Sir Renz ay naramdaman kong kahit papaano ay nawala ang bigat na nararamdaman ko kanina nang maalala ko si Bren. KINABUKASAN pagbukas ko ng pinto ng opisina ay may pamilyar na bagay akong nakita. “Tsk…may bulaklak na naman,” napapailing na sabi ko pagkatapos ay kinuha at inilagay na lang ito sa plorera. Marami mang nagpaparamdam sa akin sa opisina para manligaw ay tinatanggihan ko na agad. Masaya na ako sa ganito na walang iniisip na mga bagay na puwedeng makasakit sa akin ulit tulad nang mawalan ng taong mimahal. Ayos na sa 'kin na si Bren na lang ang nag-iisang lalaki na laman ng puso ko. Tuwing maiiisip ko siya ay parang pinipiga ang aking dibdib dahil sa masasayang alaala namin na magkasama. Kaya sa mahigit isang buwan na pagpasok ko sa opisina ay minsan na lang ako makaramdam ng pangungulila kay Bren dahil siguro sa marami akong ginagawang paperworks. Kailangan kong gawin iyon upang maging abala naman ang isip ko. Pero simula noong pumasok ulit ako sa opisina bilang sekretarya ni Sir Renz napapansin ko na madalas niya akong binibilhan ng pagkain tuwing lunch na hindi naman niya ginagawa noon sa akin. Kapag umaalis siya tuwing may meeting siya sa investors o kung saanman ay palagi siyang may bitbit na souvenier na keychain mula sa lugar na pinupuntahan niya. Hindi naman sa iniisip kong may gusto siya sa akin pero walang lalaki ang hindi gagawa ng ganoong bagay sa isang babae. “Pero kung siya lang din naman ang manliligaw sa akin ay di bale na lang lalo na sa mga nalaman kong tsismis tungkol sa kanya at isa pa nasaksihan ko mismo na totoong babaero pala siya.” Araw ng Biyernes kahapon at may pangyayaring biglang hindi ko inaasahan. Medyo tinanghali kasi ako ng gising imbes na sakto alas-siyete ako nagising ay pasado alas-siyete na. Kaya nagmadali na akong kumilos para makapasok. Mabuti na lang at nandito pa si daddy kaya nakasabay pa ako sa kanya. Humalik na muna ako kay mommy bago nagmadaling pumasok sa kotse. Kung marunong lang talaga ako mag-teleport ginawa ko na. Ayaw ko kasi ni sir ng nale-late sa trabaho. Gusto niya nandoon na ako bago siya dumating. Na alam ko namang tama, kasi ang pangit namang tingnan kung ang nauunang dumating sa trabaho ay boss kaysa sa empleyado. "Mukhang kailangan mo nang magmadali anak kung hindi lagot ka sa boss mo," nang-iinis na sabi ni dad sa 'kin habang inaayos ni mommy ang kanyang suot na necktie. "Si dad talaga! Nakita mo namang nagmamadali na nga ang prinsesa niyo e. Patay talaga ako kay Sir Renz kapag na-late ako ng pasok. Baka ilipat ako noon sa ibang departamento na ayaw kong mangyari," nag-aalalang sabi ko pa kay dad habang inaayos ang suot kong pink na blouse. "Huwag kang matakot dahil sagot na kita anak kapag na-late ka," nakangiting sabi ulit niya pagkatapos ay mahina akong kinurot sa tungki ng aking ilong. "Daddy naman iniinis pa ako," nakasimangot kong sabi sa kanya. Kahit anak pa ako ng may-ari ng kompanyang pinapasukan ko ayaw ko pa ring gamitin ang posisyon ni dad para gawin akong espesyal na empleyado. Gusto ko kasing matuto at magsimula sa mas mababang puwesto. Dahil iyon ang alam kong tama. Pagkahinto ng kotse na minamaneho ng drayber ni dad ay agad akong humalik sa pisngi niya para lumabas ng kotse upang makarating na agad ako sa opisina. Tumingin muna ako sa aking orasang pambisig na nasa kanang braso ko bago ako pumasok sa elevator. Nakita kong lagpas alas-otso na bago ako nakarating sa kompanya ni dad. Dalawampung minuto na rin akong huli sa trabaho ko. Ipinagdasal ko na sana ay huwag magalit si sir.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD