“R-Raizel…”
Nagulat ako nang madatnan ko ang lolo ko habang umiiyak ito sa sala.
Lugmok ang hitsura at namamaga na rin ang mga mata.
Maghapon akong wala dahil kapag ganitong wala akong pasok sa trabaho ay sa bukid ako naglalagi.
Kung hindi ako nagtatanim ng mga gulay ay nagdadamo ako para manatiling malusog ang mga tanim namin ni lolo.
“Lolo, ano po ba’ng nangyari? Bakit po kayo umiiyak? May problema po ba?” sunod-sunod kong tanong.
Mabilis kong inilapag ang basket na dala ko na puno ng mga gulay para daluhan ang mahal kong lolo.
Ang nag-iisa kong kamag-anak sapagkat ako’y ulila ng lubos.
Sa larawan ko na lang kasi nakilala ang mga magulang ko dahil ayon sa kuwento ni Lolo Esteban ay maagang namayapa ang ama ko dahil sa aksidente.
Ang ina ko naman daw ay binawian din ng buhay pagkatapos akong ipanganak.
Nag-iisang anak lang ang nanay ko kaya masakit para sa kanila na nawala pa ito.
Hindi raw kinaya ni Lola Fe ang nangyari sa nanay ko kaya naman araw-araw itong umiiyak.
Hindi na raw ito kumain hanggang sa nagkasakit at namatay kaya ngayon ay kami na lang ni lolo ang magkasangga sa lahat ng bagay.
Kami na lang kasing dalawa ang magkasama at ang isa’t isa na lang ang mayroon kami.
“Lolo, ano po ba’ng nangyari?” ulit kong tanong dahil panay iyak ang lolo ko habang sinasambit ang pangalan ko. “Masakit po ba ang ulo ninyo? Ang tuhod ninyo? Gusto po ba ninyong hilutin ko kayo?”
“P-patay na si Ricardo, Raizel. P-patay na siya. N-namatay siya kagabi…” umiiyak na wika ni lolo na ikinalaki ng mga mata ko.
Namatay? Paano? Bakit? Sa pagkakaalam ko kasi ay walang sakit ang matanda kaya paano nangyari na patay na ito?
Malakas pa nga ang pangangatawan nito dahil araw-araw kong nakikita na tumatakbo ito sa kahabaan ng lupang pag-aari nila, eh.
“Kaarawan niya po kahapon, ‘di ba po, ‘Lo? Sigurado po ba kayo na wala na siya? Baka naman po nagkakamali lang kayo. Baka po ibang Ricardo ang tinutukoy nila.”
“Kasama ko pa siya kagabi. Masaya pa kami kagabi habang nag-iinuman. Hindi ako makapaniwala na wala na siya.”
Hinagod ko ang likod ng lolo ko. Hindi ko alam kung paano ko siya pakakalmahin lalo pa't malapit ang lolo ko kay Senior Ricardo.
“Lolo, hindi po natin alam ang kapalaran ng bawat isa," paliwanag ko. “May mga pangyayari po talaga na kahit hindi natin gustuhin ay hindi natin mapipigilan kagaya ng kamatayan. Tumahan na po kayo at baka sumpungin na naman po kayo ng sakit ninyo. Ipagdasal na lang po natin ang kaluluwa ni Senior. Wala naman po kasi tayong magagawa kung hanggang doon na lang ang buhay niya, eh."
“Hindi kasi ako makapaniwala na wala na siya, eh."
“Sino po ba ang nagbalita sa inyo na wala na siya?"
“Si Jackson daw."
Si Jackson ay anak ng pangalawang asawa ni Senior.
Iisa lang kasi ang tunay na anak ni Senior at iyon ay si Stone Heat.
Mabait naman si Jackson dahil lagi nitong inaalalayan si Senior sa lahat ng bagay. Hindi ito umaalis sa tabi ng matanda. Ito ang pumalit sa puwesto ni Stone simula nang umalis si Stone papunta sa America.
Hindi kasi pabor ang lalaki sa muling pag-aasawa ng ama kaya naman lumayas ito at nagpunta sa America.
“Si Jackson daw po, Lolo? Sino naman po ang nagsabi sa inyo na si Jackson ang nagsabi na patay na nga si Senior?"
"Sina Sarah at Isabel.” Ang mga taong binanggit ni lolo ay ilan lamang sa mga tauhan ng mga Devereux sa mansiyon.
Ang mga Devereux kasi ay isa sa pinakamayaman rito sa aming lalawigan dahil halos lahat ng gusali sa bayan ay sila ang nagmamay-ari.
Pabrika, Mall, Ospital, Pharmacy, Eskwelahan. Ilan lamang ang mga iyan sa mga pag-aari nila.
Kung lupa naman ang pag-usapan ay ekta-ektarya ang lupa nila at halos hindi na mabilang pa sa sobrang dami.
Nanghihinayang nga ang senior dahil dapat daw ay nag-anak siya ng marami noong kabataan niya para daw marami ang katuwang niya sa pamamahala ng mga lupa nila at negosyo nila sa bayan.
Si Stone daw kasi ay laging kontra sa mga kagustuhan nito. Mas lalo raw itong nagrebelde nang nag-asawa ulit ang matanda.
Ano pa raw ba ang silbi ng pag-aasawa nito kung hindi rin naman na magkakaanak pa.
May punto naman si Señorito Stone pero sa kabilang banda ay sana maintindihan niya rin ang matanda na nangangailangan din ito ng makakasama na magmamahal at mag-aaruga.
“Ano raw po ba ang ikinamatay, Lolo?"
“Hindi pa alam. Wala pa raw kasing balita. Hinihintay pa raw kasi nila si Stone."
“Bakit po? Uuwi daw po ba si Señorito Stone?"
“Aba’y oo naman! Alangan naman na hindi."
“Akala ko po kasi hindi, eh.” Malaki kasi ang galit ni Señorito sa ama niya.
Limang taon na ang nakalilipas pero tandang-tanda ko pa rin ang sinabi ni Señorito Stone na hindi na raw siya babalik pa rito sa lugar na ‘to kahit pa mamatay ang ama niya.
“Ama pa rin niya ‘yon. Kahit malaki ang galit niya sa ama niya ay alam kong hindi niya matitiis lalo pa't hindi na niya ito makikita pa kailanman.”
"Aalis pa kaya siya pagkatapos ng libing ni Senior, Lolo?”
"Hindi na siguro lalo pa't siya ang tunay na heredero. Mananatili na siguro siya rito sa lugar na ‘to at hindi na aalis pa.”
"Sana nga po." Halos lahat ng tauhan ng mga Devereux ay takot kay Señorito Stone dahil halos hindi ito ngumingiti.
Seryoso kasi lagi ang lalaki at hindi man lang ito makipagbiruan sa mga tauhan nila hindi kagaya ng ama nito na magiliw sa mga tauhan.
Kahit ang tingin ng karamihan kay Señorito Stone ay masama at walang pakialam sa kapaligiran ay naniniwala ako na sa likod ng mga ipinapakita nito ay isa itong mabuting tao.
"Bukas po kaya ay nasa mansiyon na si Señorito Stone?” tanong ko pa sa lolo ko.
“‘Wag mong hilingin na makauwi si Stone dahil tiyak ako na malaki ang magiging pagbabago rito. Nakasisiguro rin ako na lahat ng tao ay iilag sa kaniya dahil alam nila na maghihigpit si Stone ngayon na wala na ang ama niya.”
“Mabait po siya kaya hindi po kayo dapat na mag-alala, Lolo.”
“Mabait?” Umiling-iling pa ang lolo ko. “Hindi tayo sigurado diyan lalo na ngayon. Ang sabi pa ni Sarah ay hindi raw aksidente ang pagkamatay ni Ricardo dahil sinadya raw na patayin ang kaibigan ko.”
“Sinadya? Paano pong sinadya, Lolo? Sinaksak ba, binaril, o nilason?”
“Hindi pa matukoy kung ano ang dahilan. Ang sabi lang ay nakita na lang daw si Ricardo na nakahandusay sa garden. Nakapagtataka, hindi ba? Wala namang sakit ang lalaking ‘yon pero basta na lamang namatay. Nauna pa siya sa akin gayong ako nga itong marami ang nararamdaman.”
Umiiyak pa rin ang lolo ko pero hindi na humahagulgol. Tahimik na lang itong lumuluha dahil sa pagkawala ng isa sa mga taong malapit dito.
“Malalaman din po natin kung ano ang dahilan ng pagkamatay ni Senior, Lolo. Sa ngayon po ay kumalma na muna kayo. Kapag nakauwi na po ang labi niya ay pupunta agad tayo sa mansiyon para makiramay.”
“Sasamahan mo ba ako, Raizel?”
“Oo naman po. Alangan naman po na pabayaan ko kayo roon.”
“Salamat, Apo.”
“Wala pong anuman, Lolo.” Hindi ko kasi p'wedeng pabayaan ang lolo ko. Hindi ko na kasi ito pinapayagan na umalis ng hindi ako kasama.
Isa pa, gusto ko rin makita si Stone.
Limang taon na rin kasi simula nang huli ko itong makita. Labing limang taon ang tanda sa akin ni Stone. Twenty pa lang kasi ako samantalang si Señorito ay thirty five na.
Hindi naman siguro masama na palihim akong humanga sa taong minsan na nagligtas ng buhay ko.
"Pagkatapos siguro ng libing ni Ricardo ay babalik ulit si Stone sa America."
"Paano po ninyo nasabi, Lolo?"
"Sigurado kasi akong may pamilya na siya roon. Sana nga ganoon ang mangyari. Sana tama ang iniisip ko."
"Sa tingin po ba ninyo ay may pamilya na siya?"
"Hindi malabong mangyari lalo pa't hindi maikakaila na magandang lalaki ang kaisa-isang anak ni Ricardo, 'di ba?"
"Sana naman wala pa," bulong ko sa isip. Hindi ko alam kung bakit sumagi iyon sa isip ko gayong humahanga lang naman ako kay Stone dahil nga magandang lalaki ito.
Kung sakaling meron na nga itong pamilya ay matutuwa ako para sa lalaki dahil kailangan naman na talaga nito na magkaroon na ng pamilya lalo pa nga at may edad na ito.
"Sabagay, tama po kayo. Mas maganda nga po siguro kung mayroon na talaga para po may katuwang siya sa pamamahala sa mga pag-aari nila."
"Tutulungan din naman siya nina Jackson at Angela kaya tiyak ako na hindi siya mahihirapan kapag nagkataon."