TDD2 (Raizel)

1648 Words
“Lolo, bakit po?” usisa ko sa lolo ko dahil kanina ko pa siya napapansin na nakatingin siya sa malawak na kalangitan kahit oras na ng pagtulog. “Namimiss n’yo na po ba sina lola at nanay? Gusto po ba ninyo na dalawin natin sila sa sementeryo?” “May iba akong iniisip, Apo,” sagot sa akin ng lolo ko. “Ano naman po ang iniisip ninyo? ‘Wag po kayong mag-isip ng kung ano-ano dahil baka magkasakit na naman po kayo sa ginagawa ninyong iyan, Lolo. Kung si Senior Ricardo na naman po ang iniisip ninyo ay ‘wag po kayong mag-alala dahil pupunta po tayo sa lamay niya mamaya.” “Dumating na raw ba ang labi niya?” tanong sa akin ni lolo. “Dumating na raw po kanina sabi ni Aling Mildred. Si Señorito Stone daw po ay nasa Manila na kaya tiyak ako na anumang oras ay darating na rin iyon sa mansiyon.” “Ganoon ba? Anong oras ba tayo pupunta sa mansiyon, Apo?” “Bukas na lang po siguro, ‘Lo,” ani ko. Pagod kasi ako ngayon dahil maghapon akong nasa palayan kanina para bunutin ang mga damo na humahalo sa mga palay. “Masakit po kasi ang katawan ko ngayon, eh. Ayos lang po ba sa inyo kung bukas na lang tayo pumunta, Lolo?” “Aba’y oo naman. Alam ko naman kasing pagod ka ngayon, eh. Isa pa, makapaghihintay naman ang bagay 'yon. Ang mahalaga ay pupuntahan natin siya.” “Salamat po, Lolo.” Bukas na lang kami pupunta pag-uwi ko galing sa trabaho. Maaga naman lagi ang uwi ko dahil sa bayan lang naman ako nagtatrabaho. Isa akong cashier sa isa sa mall na pag-aari ng mga Devereux. Ayaw na nga ni lolo na magtrabaho ako dahil sa tuwing umaalis ako para magtrabaho ay lagi raw siyang kinakabahan. Kahit hindi naman daw kasi ako magtrabaho ay makakakain naman kaming dalawa dahil mayroon naman daw kaming mga tanim na gulay na p'wedeng ibenta. Mayroon din kaming palayan. Hindi kalakihan pero sapat para mabuhay kami ng lolo ko. Ang akin lang ay mas maganda pa rin ‘yong may trabaho ako para kapag inatake na naman ng sakit ang lolo ko ay madadala ko agad siya sa ospital o ‘di kaya’y mabibilhan ko kaagad ng gamot. Iba pa rin kasi ‘yong may inaasahan kang pera pagdating ng kinsinas at katapusan. “Lolo, matulog na po kayo dahil gabi na,” sabi ko. “Hindi po kayo makakatulog niyan kung marami po ang tumatakbo sa isip ninyo.” “Ayos lang ako, Raizel.” Tumingin sa akin ang lolo ko habang malungkot ang mga mata niya. “Mauna ka na dahil may pasok ka pa bukas. ‘Wag mo akong intindihin dahil kahit anong oras ay p'wede akong matulog.” “Sabay na po tayo, Lolo. Matulog na rin po kayo.” “Mauna ka na. Susunod na rin ako mayamaya. Gusto ko pa kasing pagmasdan ang mga bituin, Apo. Sige na, ‘wag mo akong intindihin. Ayos lang ako.” “Sige po.” Hinalikan ko ang lolo ko sa noo. “Goodnight, Lolo. I love you.” “Mahal din kita, Apo.” Kung wala lang akong pasok bukas ay p'wede sana akong magpuyat ngayon kaya lang ay maaga pa akong gigising bukas dahil magluluto pa ako ng babaunin ko. Dinadamihan ko na ang luto ko para hindi na magluto ang lolo ko ng kakainin niya sa almusal at tanghalian. Matanda na kasi ang lolo kaya ayaw ko na siyang mahirapan pa kaya naman bago ako pumasok ay asikaso ko na ang lahat. Pag-uwi ko naman ay saka ako magluluto ng hapunan namin. Ganoon lagi ang routine namin ng lolo ko. Mahal na mahal ko ang lolo kaya ayaw ko siyang nahihirapan dahil siya na lang ang mayroon ako. “Lolo, sumunod na rin kayo mayamaya, ah. ‘Wag po magpupuyat masyado,” paalala ko sa Lolo Esteban ko bago ako pumasok sa loob ng bahay namin. Kinabukasan ay kasabay ng pagtilaok ng mga manok ay gising na rin ako para mag-asikaso. Nagulat pa ako nang madatnan ko ang lolo ko sa kusina na nag-iinit na ng tubig. “Hindi po ba kayo natulog, Lolo?” tanong ko dahil madalas ay nauuna talaga akong magising sa kaniya. “Natulog ako.” “Bakit po ang aga ninyong magising ngayon?” “Ewan ko ba! Pag-ihi ko kanina ay hindi na ako nakaramdam ng antok kaya nag-init na lang ako ng tubig para makainom na ng kape. Umaga na rin naman, eh.” “Siguro po dahil iniisip n'yo pa rin hanggang ngayon kung ano ba talaga ang ikinamatay ni Senior Ricardo kaya hindi kayo makatulog ng maayos. Hayaan po ninyo at malalaman rin natin mamaya ang dahilan pag-uwi ko.” “Umuwi ka kaagad ng maaga, ha?” “Lagi naman po akong umuuwi ng maaga, eh. Mag-asikaso na po kayo mamaya para pag-uwi ko ay aalis na lang po tayo.” “Sige.” Nang kumulo ang tubig ay ako na mismo ang nagtimpla ng kape at ibinigay agad iyon kay lolo. Binigyan ko rin siya ng tinapay na nilagyan ko na rin ng palaman at pagkatapos ay nagsaing na ako. Habang nagsasaing ako ay kinuha ko na ang mga sitaw na lulutuin ko kung saan nakapatong ang mga iyon sa lamesa. Adobong sitaw ang lulutuin ko ngayon dahil marami akong napitas kahapon sa mga tanim namin ni lolo. “Raizel,” tawag ni lolo sa akin habang nagkakape ito sa labas. Mayroon kasi kaming mahabang upuan sa labas at mayroon ding lamesa na gawa sa kahoy. Doon kami madalas kumain lalo na kapag tanghalian. “Po?” Agad akong lumabas para silipin ang lolo ko. Pansamantala kong itinigil ang paghihimay ng mga sitaw dahil baka may mahalagang sasabihin sa akin ang lolo ko. “Bakit po, Lolo?” “Dumating na raw si Stone at galit na galit.” “Po? Sino naman po ang nagsabi?” “Si Mildred. Kakadaan niya lang ngayon. Narinig niya raw na sumisigaw si Stone habang nagmumura kaya hindi na muna siya tumuloy. Hindi na raw muna siya pumasok ngayon dahil baka atakehin raw siya sa puso.” “Naku! Mas lalo pong magagalit ‘yon kung hindi siya papasok lalo pa't siya ang mayordoma, Lolo.” “Natakot siguro. May edad na kasi si Mildred kaya mabilis nang kabahan at matakot.” “Normal lang naman po na magalit si Señorito dahil nga sa nangyari sa daddy niya. Intindihin na lang po sana nila at pagpasensyahan.” “Oo nga, eh.” “O siya, maiwan ko na po muna kayo at magluluto pa po ako. Mamaya na po ulit tayo mag-usap, Lolo.” “Sige na. Magwawalis na rin ako pagkatapos kung ubusin itong kape.” “Sige po.” Pagkatapos kong magluto ay naligo na agad ako. Nagbihis at inayos ang sarili para komportable ako sa trabaho. Nang handa na ang lahat ay nagpaalam na ako sa lolo ko dahil baka mahuli ako sa trabaho. “Lolo, alis na po ako!” paalam ko sa lolo ko. Alas-sais y media na kasi kaya kailangan ko ng magmadali. Maglalakad pa kasi ako hanggang sa centro at pagdating ko roon ay sasakay ako ng jeep hanggang sa makarating ako sa bayan kung saan ako nagtatrabaho. Alas-nueve pa naman ang duty ko kaya lang dahil medyo malayo ang lalakarin ko ay maaga talaga akong umaalis dito sa bahay. “Ingat ka, Apo. Uwi agad ng maaga, ha?” “Opo! Ingat po kayo rito. ‘Wag po kayong magpupupunta sa malayo. Hintayin po ninyo ako kung sakaling may gagawin kayo.” “O siya, sige. Ingat ka.” “Bye, Lolo! Mahal ko po kayo!” ani ko sabay halik sa noo ni lolo bago ako naglakad palayo. Habang nasa daan ako ay naririnig ko ang mga tao na pinag-uusapan ang pagbabalik ni Stone. Ang ilan ay natutuwa pero ang karamihan sa kanila ay nangangamba. Napapailing na lang ako sa mga naririnig ko. Hindi naman sila dapat matakot kung wala naman silang ginagawang masama. Hindi naman magagalit sa kanila si Stone kung tama ang ginagawa nila, eh. Nakarating ako sa bayan isang oras bago ang duty ko kaya may oras pa ako para magpahinga. “Pupunta raw dito mamaya si Sir Devereux, Raizel,” imporma sa akin ni Shiela na isa sa mga katrabaho ko. Isa lang naman ang natitirang Devereux kaya alam ko na kung sino ang tinutukoy ni Shiela. “Bakit kaya, ‘no? Ngayon talaga siya pupunta? Hindi ba muna niya hihintayin na mailibing ang matandang Devereux bago niya asikasuhin ang mga negosyo nila?” “Ano ka ba? Hayaan mo lang. Siguro gusto niyang libangin ang sarili niya kaya nais niyang puntahan lahat ng negosyo nila para may makausap siya.” “Iba kasi ang pakiramdam ko, eh.” “Ano naman ang nararamdaman mo?” “Ang usap-usapan kasi ay malaki raw ang magiging pagbabago, Raizel.” “Kagaya ng?” “Bawal daw ma-late sa pagpasok. Bawal daw um-absent ng walang matinding dahilan. Bawal daw mag-over break. Marami na raw bawal ngayon. Alin man daw diyan ang maging dahilan ay tatanggalin niya agad kahit isang beses mo lang nagawa.” “Kanino mo naman narinig ‘yan? Tanggal talaga agad? Walang warning muna? Tanggal talaga? Agad-agad?” “Oo nga! Narinig ko kanina, eh! Hindi naman malabong mangyari ang mga 'yon dahil kilala na natin siya, ‘di ba?” “Kilala lang natin siya sa pangalan pero hindi ang buo niyang pagkatao, Shiela,” ani ko. Sobra-sobra naman kasi ang mga iniisip ng mga ito tungkol kay Stone. Hindi na makatotohanan. Masyadong masama ang kuwento nila tungkol doon sa tao. Kawawa naman masyado sa kuwento ng iba gayong hindi pa naman nila nakakasama ng matagal ang lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD