Gilbert (POV) Nalaglag ang picture frame ni Maine. Pinutol ko ang tawag. Hindi ako makapagsalita. Bigla na namang naging Ortigas ang harapan ko. Nagsisitayuan ang mga puno at mga building. Sa sobrang liwanag ng nakikita ko, halos magimbal ako sa pagiging totoo ng mga nakikita ko. Nalaglagan ng mga debris si Maine. Nawala ang hitsura ng Ortigas nang pumasok si Kuya Jeff. Tumulo ang luha ko. “Bert, okay ka lang?” “Ah, oo, kuya.” “Ano’ng nangyari?” “Nalaglag na lang ang picture frame ni Maine.” Hindi ko alam pero bigla niya akong niyakap. Sinasabihan niya ako ng kung ano-ano, at nawawalan na ako ng pandinig. Isang manipis na huni na lang ang naririnig ko. Wala nang dugo na umaagos sa binti ko. Natulala ako sa isang banda at lumalabo ang paningin ko. Isang sampal ang gumising sa akin.

