1
SHE HAD a brain tumor. Iyon ang nasisiguro ni Gabrielle habang namimilipit siya sa sakit ng ulo. Nakahiga siya sa kamang ipinasadya niya sa isang sikat na furniture designer sa Cebu. She had paid a fortune for it. Kamuntik na nga siyang himatayin nang makita niya ang bill. Nakabalot sa kanya ang puting kumot na pinabili pa niya sa London noong pumunta roon ang isang kaibigan niya. It was pure, organic, unbleached cotton. Nakakatulong daw iyon sa mga may allergy. Wala siyang allergy ngunit sa palagay niya ay nagkaka-develop na siya. Madalas na siyang mangati kaya ingat na ingat na siya sa mga ginagamit niya. Nabawasan naman ang pangangati niya mula nang ginamit niya ang kumot na iyon. Dapat lang naman sa laki ng pinakawalan niyang pera para sa isang sheet.
Kung mamamatay siya ngayon, hindi agad siya matatagpuan. Wala siyang friendly neighbor. She was going to die alone in her condominium unit. Ang condo na katatapos lang niyang bayaran. Mabubulok siya roon bago siya matagpuan. She’d be so ugly. Hindi madalas na nagtutungo roon ang mga matalik niyang kaibigan dahil pare-pareho silang abala sa kanya-kanyang trabaho.
Napaungol siya nang maalala ang mga kaibigan niyang itinuturing na niyang mga kapatid. They had been friends for fifteen years. When was the last time they had seen each other? Two months ago? No, it was almost three already. Hindi pa siya maaaring mamatay! Pag-aagawan ng mga kaibigan niya ang mga mamahalin niyang bag.
Hindi pa siya maaaring mamatay. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. May mga account pa siyang nais na makuha. Kapag namatay siya, kanino mapupunta ang mga hawak niyang malaking account? Wala pa rin siyang last will and testament. Kaya hindi siya matatahimik kapag ngayon siya malagutan ng hininga.
Kahit nahihirapan siya sa iniindang sakit ay pilit pa rin siyang tumayo, binuksan ang drawer niya, at kumuha ng papel at ball pen. Kailangan niyang magsulat ng huling habilin.
Natigilan siya nang makita ang isang medicine canister sa drawer. Nang buksan niya iyon ay nakita niyang puno iyon ng Advil. Bumili nga pala siya ng maraming Advil noong isang araw. Agad siyang uminom ng isa saka muling nahiga sa kama at tumitig sa kisame.
“Minsan talaga gaga ka,” kausap niya sa sarili. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pag-epekto ng gamot na ininom niya.
Niyakap niya ang isang unan at hinintay na humupa nang tuluyan ang p*******t ng kanyang ulo. Nang mga nagdaang linggo ay madalas siyang panakitan ng ulo. Noong una ay hindi niya iyon pinapansin at inisip na dahil lang iyon sa stress sa trabaho. Ngunit nang dumalas na ay alam niyang hindi na niya iyon maaaring bale-walain.
She needed to see a doctor but she had no time to do so. Sinubukan niyang i-Google ang maaaring dahilan ng p*******t ng ulo niya at lalong sumakit ang ulo niya sa dami ng mga artikulong lumabas at nabasa niya. Hindi raw maaaring bale-walain ang sakit ng ulo dahil baka sintomas na iyon ng malalang sakit. Naalala tuloy niya ang ikinuwento sa kanya ng isang kliyente niya tungkol sa pagkamatay ng tiyuhin nito dahil sa aneurysm. Sumakit lang daw nang ilang araw ang ulo ng lalaki, nagsuka, hinimatay, at hindi na nagising.
Natutop ni Gabrielle ang kanyang noo. Ayaw man niya ay nagsimula na naman siyang mag-alala. Paano kung hindi na lang siya magising isang umaga? What if her brain was bleeding inside? Paano kung may tumor na siya sa utak na masyado nang malaki upang alisin? Hindi lang ba niya nararamdaman iyon dahil uminom siya ng painreliever? Paano kung... Marahas na ipinilig niya ang kanyang ulo at humugot ng malalim na hininga. She wasn’t going to let herself worry too much. Lalo siyang pananakitan ng ulo sa ginagawa niya.
Pagtingin niya sa digital clock na nasa bedside table ay bumalikwas siya. Bahagya pa siyang nahilo sa biglang pagkilos niya. Nang humupa ang pagkahilo niya ay nagtungo na siya sa banyo. Pagkahilamos ay nagsuot siya ng spandex sando, training shorts, at rubber shoes. Paglabas niya ng kanyang silid ay dumeretso siya sa kusina at iginawa ang sarili ng vegetable juice. Pinagmasdan niya ang dark green na likido na tinimpla niya sa isang baso. Kailangan niyang ubusin iyon dahil makabubuti iyon sa kanyang katawan at sa ikagaganda ng balat niya. Nakikita pa lang niya ang likidong iyon ay naduduwal na siya.
She pinched her nose then closed her eyes tightly. Sinaid niya ang laman ng baso. Pagkatapos ay tinakpan niya ang kanyang bibig at pinigilan ang pagduwal. She had to be healthy.
Nang maayos na ang pakiramdam niya ay kumuha siya ng bottled mineral water bago nagtungo sa kinaroroonan ng treadmill niya. Hinawi niya ang isang floor-to-ceiling na kurtina at bumulaga sa kanya ang isang “magandang” tanawin ng mga nagtatayugang gusali at maulap na siyudad.
She started running. Iwinaksi niya sa isip na hindi naman talaga maganda ang natatanaw niya. Bigla niyang na-miss ang mga bundok, palayan, at sariwang hangin sa probinsiya. Hindi na siya ang dating Gabrielle na probinsiyana at naïve. She had been a city girl for a decade.
May malapit na parke sa condo niya kung saan siya maaaring tumakbo ngunit masyadong masakit sa balat ang sikat ng araw. Ilang taon niyang inalagaan ang kanyang balat para maging ganoon kaputi at kakinis. Hindi biro ang binayaran niya sa isang sikat na skin care clinic na madalas na puntahan ng mga artista.
Wala pa siyang limang minutong tumatakbo sa treadmill ay nais na niyang tumigil. Hindi dahil pagod na siya. She had been running on that machine for five years. Sa palagay niya ay nasulit na niya ang perang pinakawalan niya para doon. Minsan lang ay hindi niya alam kung bakit niya iyon ginagawa sa bawat umaga na ginawa ng Diyos.
“You have to be fit and healthy,” sagot niya sa sariling tanong. “You’ve decided to live a healthy life now that you can afford it. No more instant food. Exercise is good for the body. You love being fit and healthy, Gabbie.”
Hindi siya bumaba ng treadmill kahit matindi ang kagustuhan niyang bumalik sa kama at maghapong mahiga. Natural lang sa tao ang tamarin paminsan-minsan at hindi siya dapat nagpapagapi sa pakiramdam na iyon. Wala siyang karapatang tamarin. Hindi pa niya natatapos bayaran ang sasakyan niya. Hindi pa niya naipapatayo ang second dream house ng mga magulang niya.
Para hindi na tamarin at hindi na matuksong bumalik sa kama ay inabala niya ang isip sa trabaho. Inisa-isa niya ang mga kailangan niyang gawin sa opisina para sa araw na iyon. Nagtatrabaho siya sa pinakamalaking PR company sa bansa. Hindi basta-bastang tao at kompanya ang mga kliyente nila. At thirty-two, she had quite achieved a lot but she was still not contented. She had in-depth knowledge of communication, finance, health care, consumer marketing, technology, and transportation. Ngunit kailangan pa niyang umangat. Kailangan pa niyang dagdagan ang pera niya sa bangko.
Pawis na pawis siya nang sa wakas ay i-off niya ang treadmill. Sandali siyang nagpahinga sa sofa bago pinilit ang sarili na maligo na. Habang nasa ilalim ng shower ay inisip niya kung mag-aalmusal muna siya bago pumasok. Bigla ay nais niyang makatikim ng tapa at sinangag. Ngunit hindi niya maaaring pagbigyan ang sarili. Wala siyang kailangang ipasok sa katawan niya kundi vegetable juice.
Importante ang mga meeting niya sa araw na iyon kaya maingat siyang pumili ng damit na isusuot. Pagkatapos ay ipinusod niya ang kanyang alon-along buhok at ekspertong naglagay ng makeup. She smiled in satisfaction upon seeing her reflection in the mirror. She looked professional.
May nakasabay siya sa elevator pababa na may dala-dalang drinking tumbler. Nalanghap niya ang mabangong aroma ng kape na laman ng tumbler. She missed coffee. But she had stopped drinking it, and swore to drink only herbal tea. Coffee was not good for her. She had been ingesting too much caffeine since she was fifteen years old.
Huminga siya nang malalim. She was just suffering from withdrawal. She would get over this. She was not going to stress herself over this.