Day 8
Mabigat ang pakiramdam ni Roman noong magising siya. Pilit niyang iminumulat ang kanyang mga mata ngunit hindi niya magawa. Nakakaramdam din siya ng lamig sa buo niyang katawan kaya naman ay halos mamilipit na siya sa kanyang pagkakahiga.
“Roman?” tawag ni Paulina sa kanya. Pilit niyang iminulat ang mga mata niya ngunit hindi niya magawa.
Naramdaman niyang inaakay siya nitong umupo kaya naman ay kahit mabigat ang kanyang pakiramdam ay pinilit niyang umupo.
“Kain ka oh, may nakuha akong mga prutas.”
Pilit niyang ibinuka ang bibig niya nang maramdaman niyang mayroong malambot na bagay itong isinusubo sa kanya. Nang maibuka niya ang kanyang bibig ay kumagat siya ng kaunti at pilit iyong nilunok. Ngunit matapos niyon ay umiling na siya. Pakiramdam niya kasi ay napaka laki ng kanyang ulo at gusto na lamang niyang mahiga.
“Sandali! Uminom ka muna nitong buko,” pigil sa kanya ni Paulina.
Muli ay pinilit niyang uminom. Ilang lagok lamang ang kanyang nagawa at muli siyang napahiga.
"Roman!"
Nagblangko muli ang kanyang paningin.
Sa muling pagmulat ng kanyang mga mata ay naramdaman niya ang katawan ni Paulina na nakayakap sa kanya. Napangiti siya at lalong nagsumiksik sa dibdib nito.
"Magpahinga ka pa, Roman. Kailangan mo ng lakas."
Narinig niyang sabi ni Paulina. Nakaramdam siya ng kapanatagan kaya muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang muling makatulog.
Ilang sandali lamang ay muli siyang nagising. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Paulina. Inaabot nito ang sabaw ng buko upang kanyang mainom. Pinilit naman niyang inumin iyon kahit na nakahiga. Sobrang bigat kasi ng kanyang pakiramdam kaya hindi niya magawang ikilos ang kanyang katawan.
"Ang taas pa rin ng lagnat mo. H'wag kang mag-alala, susubukan kong magpaningas ng apoy."
Ungol na lamang ang kanyang isagot dahil muli siyang hinila ng antok.
“Roman! Gising!”
“Hmm...” ungol niya ngunit hindi niya iminulat ang kanyang mga mata. Nararamdaman niyang niyuyugyog siya ni Paulina na tila ba ay nagmamadali.
“May mga tao! Makakaalis kana rito!” masayang sabi ni Paulina.
‘May tao?’
Pilit na iminulat ni Roman ang kanyang mga mata ngunit wala siyang nakita.
“Dito! Andito kami!” sigaw ni Paulina at sinalubong ang mga taong dumating.
Muling ipinikit ni Roman ang kanyang mga mata.
“Sir?” narinig niyang may tumawag sa kanyang boses ng lalaki. Mayroong dumampi sa may leeg niya. “He's alive! But he's burning!” sunod nitong sabi.
Nakarinig pa ng ibang mga yabag ng paa si Roman kaya pilit niyang iminulat ang kanyang mga mata. Nakita niyang mayroong papalapit sa kanyang dalawang tao na may dalang stretcher. Sa di kalayuan ay nakita niya si Paulina na lumuluhang nakatingin sa kanya. Nakangiti ito at mababakas ang kagalakan sa mukha nito.
“Sir? Why?” tanong sa kanya ng lalaking tumitingin sa kanya. Hindi siya makasagot kaya ungol lamang ang kanyang nagagawa.
‘Si Paulina! Get her too!’
Pilit niya itinuro ang kasintahan habang inilalagay siya ng mga ito sa stretcher. Napansin kasi niyang walang umaasikaso rito at nasa gilid lamang niya habang nakatanaw sa kanya.
‘Wait! Paulina!’
Unti-unti na siyang binuhat ng mga lalaki kanina. Unti-unti na ring pumipikit ang kanyang mga mata.
“P-Pau... li... na...” aniya ngunit hindi siya maintindihan ng mga nagligtas sa kanya.
Naniningkit na ang kanyang mga mata ngunit hindi nakaligtas sa kanya ang isa pang stretcher na dala-dala ng mga dumating. Mayroon din ditong nakasakay ngunit mayroong nakatalukbong na puting kumot.
“Paalam, Roman.”
Narinig niya ang boses ni Paulina. Pilit niyang hinanap ang nobya. Nakita niya ito sa gilid niya. Nakangiti at kumakaway sa kanya.
Nakahinga siya ng maluwag at tuluyan nang ipinikit ang kanyang mga mata.
Sa muling pagmulat ng kanyang mga mata ay puting kisame na ang bumungad sa kanya. Pilit niyang iginalaw ang kanyang kamay para makaupo.
“Roman! Tawagin niyo ang Doctor!”
Napalingon siya sa nagsilata, ang kanyang ina.
“Diyos ko! Salamat sa Diyos at gising kana anak!” umiiyak na sabi nito at hinawakan siya sa kamay.
“M-Ma? Nasaan ako?”
“Nasa ospital ka anak,” ani ng kanyang tatay.
Napangiti siya noong marinig niya iyon. Sa wakas ay naka-alis na sila sa isla.
Ngunit mayroong kulang.
Inilibot niya ang kanyang paningin sa silid. Tanging ang kanyang pamilya lamang ang andito. Ang magulang niya at dalawang kapatid. Kumunot ang kanyang noo.
“Nasaan si Paulina?”
Natigilan sila sa kanyang tanong at nagkatinginan. Lalo namang nagtaka si Roman kaya muli niyang tinanong ang mga ito. “Si Paulina? Kasama ko siya sa isla. Where is she? I want to see her.”
Nagumpisa nang tumulo ang mga luha ng kanyang ina. Nilapitan naman ito ng tatay niya at inalo. Ang kanyang dalawang kapatid ay nagumpisa na ring mag-iyakan.
“H-Hey...” Nakaramdam ng kaba si Roman. “Where is she? Why are you crying?”
Namayani ang katahimikan sa kanyang silid. Tanging paghikbi lamang ng kanyang ina ang naririnig. Lalo namang nakaramdam ng kaba at takot si Roman.
“What's wrong?! Answer me! Where is she?!” Nakaramdam na siya ng pagkataranta.
Mayamaya ay hinawakan ng kanyang ina ang kaliwang kamay niya. Garalgal ang boses na nagsalita.
“A-Anak... Roman... h'wag ka sanang mabibigla,” anito at tumigil. Naluluhang tinitigan sa mga mata si Roman.
“W-What is it, ma?”
Lumunok muna ito bago muling nagsalita.
“W-Wala na si Paulina, Roman. Patay na siya.”