Day 6
“Roman, kumain kana oh?” Inabot ni Paulina ang isdang hinimay niya sa nobyo. Hapon na kasi pero wala pa rin laman ang tiyan nito.
Mula noong nilagpasan sila ng helicopter ay naging tahimik na lamang ito at nakahiga na lamang sa kubo. Ni hindi na ito kumilos o tumayo lamang para kumuha ng pagkain nila. Kaya naman siya ang nagtyagang kumuha ng pagkain nilang dalawa.
Mabuti na lang ay mabilis siyang matuto at nakahuli siya ng tatlong pirasong maliit na isda. Hindi nga lang niya kinayang umakyat na sa mga puno dahil makailang beses siyang nahuhulog. Pero mamaya ay susubukan niya ulit para makakain si Roman ng prutas.
“Roman... uy, h'wag ka namang ganyan.”
“Wala akong gana,” mahinang sabi ni Roman.
Napatungo si Paulina at malungkot na sinabing, “Pinaghirapan ko pa naman 'tong hulihin tapos hindi mo kakainin,” aniya. “Bahala ka. Uubusin ko 'to!”
Hindi naman natinag si Roman sa biro niya at nanatiling nakatalikod lamang sa kanya habang nakahiga. Nakagat ni Paulina ang kanyang labi. Nilapag niya muna sa may gilid ang hawak niyang pagkain saka humiga siya sa tabi ni Roman at niyakap ito habang nakatalikod pa rin sa kanya.
“I love you,” malambing niyang sabi.
Hindi sumagot si Roman.
“Sobra... alam mo naman 'yon diba? Kaya please... h'wag mo namang pabayaan ang sarili mo?” Nangilid ang mga luha niya. “Makakaalis din tayo rito, Roman. Makakaalis ka rin dito. Kaya please h'wag kang panghinaan ng loob?”
Narinig niyang suminghot si Roman kaya lalo niyang hinigpitan ang pagyakap niya rito.
“Kailangan mong maging matatag, Roman. Paano na lang kung wala na ako? Ayokong makita kang nahihirapan. Kaya please, h'wag mong pahirapan ang sarili mo. Palagi mong lakasan ang loob mo. Mahal na mahal kita, Roman. Tatandaan mo 'yan.”
Dahan-dahang humarap sa kanya si Roman at niyakap din siya ng mahigpit. Hindi ito nagsalita ngunit umiiyak lamang ito habang hinahalik-halikan siya sa noo. Lalo naman siyang nagsumiksik sa dibdib nito para mapakinggan ang t***k ng puso nito.
‘I love you so much, Roman. I wish that you will always be happy.’
Ilang sandali sila sa ganoong posisyon hanggang sa napansin ni Paulina na nakatulog na ang kasintahan. Dahan-dahan siyang kumalas sa pagkakayakap kay Roman. Dala ang flashlight ay bumaba siya sa kubo. Naisipan niyang pumasok sa gubat at maghanap ng prutas. Nagbabaka sakali siyang mas gugustuhin ni Roman ang mga prutas kesa sa isda.
Hindi pa naman madilim kaya sa tingin niya ay makakuha pa siya. Nalibot na rin niya itong isla kanina kaya tiwala siyang hindi siya makakasalubong ng mga mababagsik na mga hayop.
“Okay.”
Tiningnan niya ang gubat pagkatapos ay huminga muna siya ng malalim saka kabadong pumasok na sa loob ng gubat. Dahan-dahan siyang naglakad at nagpalinga-linga para makakita ng prutas na pwede nilang makain. Hindi pa man siya nakapunta sa pinaka gitna ay nakakita na siya ng puno na kapareho ng saging. Mabilis niya itong nilapitan at halos magtatalon siya sa tuwa nang makita niyang mayroon itong bunga.
“Yes! Thank you, Lord!” aniya at tumingin pa sa langit. Hindi iyon kataasan kaya madali niya lang itong maabot.
Akmang aabutin na sana niya ang prutas nang makarinig siya ng pamilyar na huni ng hayop. Nagpalinga-linga siya agad para makita kung nasaan iyon. Nang wala siyang makita ay muli niyang inabot ang prutas ngunit natigilan siya sa kanyang nakita.
May hindi kalakihang ahas ang nasa itaas ng mga prutas at nakatunghaw sa kanya. Pakiramdam niya ay nagtaasan ang mga buhok niya sa buong katawan.
Nanginginig ang kamay na dahah-dahan niyang ibinaba at marahang umatras. Ngunit nagumpisa rin gumalaw ang ahas. Masyado siyang malapit sa puno kaya nakaramdam na siyang pagkataranta.
“Diyos ko...”
Pakiramdam niya bawat galaw niya ay bumaba rin ang ahas. Kaya lalo siyang nakaramdam ng hilakbot.
“Roman,” mahina niyang tawag sa nobyo. Marahan siyang umaatras hanggang sa natigilan siya dahil bigla na nakababa na rin ang ahas at nakaharap sa kanya. Napahigpit ang hawak niya sa flashlight na nakatutok lamang sa ahas. Panay ang huni nito at paglabas ng dila na handang handa umatake anumang oras.
Napahikbi na siya dahil hindi na niya maiangat ang kanyang mga paa. “R-Roman... Roman!” sigaw niya ng malakas na ikinagulat ng ahas kaya tumalima ito sa pagsugod sa kanya. Napapikit na lamang si Paulina at hinintay ang pagtuklaw ng ahas. Ngunit lumipas ang ilang sandali ay wala siyang naramdaman.
Unti-unti niyang iminulat ang kanyang mga mata. Napaawang na lamang ang kanyang bibig nang makita niya ang nangingisay na ahas sa lupa habang may nakapatong sa ulo nito na malaking kahoy.
Napahagulhol siya nang makita niya si Roman. Gigil na sunod-sunod niyang hinampas ng kahoy ang ahas kahit patay na ito. Pagkatapos ay binitawan nito ang kahoy at nilapitan siya.
“Ayos ka lang? May masakit ba sa 'yo?” nag-aalalang tanong nito.
Hindi nakasagot si Paulina at umiiyak lang na tiningnan ang kasintahan.
Niyakap ng mahigpit ni Roman ang kasintahan. “Ssshh... okay na. Andito na ako.” Tinapik-tapik ni Roman ang likod ni Paulina. “Sorry... sorry kung nawalan ako ng pag-asa. Promise hindi na mauulit. Sorry...”