"May tutuluyan kayo sa East Dormitory. May maghahatid sa inyo. Huwag kayong lalabas ng dormitoryo nang walang pahintulot.”
“Sir, teka lang,” sabi ni Ivan. “Hindi n’yo pa po nasasagot kung bakit walo lang ang kinikilala ng university.”
Tumingin si Sir Monching sa kaniya.
“Dahil ang unibersidad na ito ay para lamang sa walong estudyante.”
“Pero bakit kami sampu?”
Saglit na natahimik ang principal.
Pagkatapos, marahan niyang isinara ang attendance book.
“Hindi ko alam kung bakit kayo sampu.”
Tumingin siya sa amin isa-isa.
“At iyon ang dahilan kung bakit dapat kayong mag-ingat.”
---
May babaeng naghihintay sa labas ng opisina.
Nasa edad trenta siya, maayos ang pagkakatali ng buhok, at nakasuot ng cream-colored blouse at itim na palda.
“Hello,” masigla niyang bati. “Ako si Ma’am Badet. Ako ang maghahatid sa inyo sa dormitoryo.”
“Ma’am,” tanong ni Yana, “bakit po parang walang estudyanteng nagsasalita rito?”
Bahagyang nagbago ang ekspresyon ni Ma’am Badet.
“Maraming estudyante ang nag-aaral.”
“Pero wala po kaming naririnig,” dagdag ni Aica.
“Sanay lang sila sa katahimikan.”
“Bakit po?”
Ngumiti si Ma’am Badet.
“Dahil mas ligtas ang mga taong marunong manahimik.”
Hindi na nagtanong si Yana.
Habang naglalakad kami sa pasilyo, napansin kong may mga larawan sa dingding. Mga lumang litrato ng mga estudyante, guro, at iba pang taong hindi ko kilala.
Sa bawat litrato ay may walong taong nakahanay.
Walong estudyante.
Walong mukha.
Walong pares ng mga mata.
Ngunit sa pinakadulong larawan, may nakita akong kakaiba.
Siyam ang taong nakatayo roon.
May isang babae sa gitna na nakasuot ng puting damit.
Mahaba ang buhok niya.
Nakayuko ang ulo niya.
Nanlamig ang batok ko.
Iyon ang babaeng nakita ko sa screen ng cellphone ko.
“Ma’am,” tawag ko.
Huminto si Ma’am Badet.
“Ano iyon?”
“Bakit po siyam ang tao sa larawang iyan?”
Tumingin siya sa litrato.
Pagkatapos, tumingin siya sa akin.
“Walo lang iyan.”
“Pero—”
“Walo lang, Shermaine.”
Naramdaman kong nanuyo ang lalamunan ko.
Hindi ko na kailangang bilangin muli.
Malinaw kong nakikita ang siyam na tao.
Ngunit nang tumingin ako sa litrato sa pangalawang pagkakataon, walong estudyante na lamang ang naroon.
Nawala ang babaeng nakaputi.
Parang hindi siya kailanman naging bahagi ng larawan.
“May nakita ka ba?” bulong ni Madi sa tabi ko.
Hindi ako agad sumagot.
“May siyam na tao sa litrato kanina.”
Hindi siya nagulat.
Hindi rin siya nagtanong kung sigurado ako.
Sa halip, mahigpit niyang hinawakan ang braso ko.
“Shermaine, kapag may nakita kang hindi nakikita ng iba, huwag mong basta sasabihin.”
“Bakit?”
Lumapit siya nang kaunti.
“Dahil baka malaman nilang nakikita mo sila.”
Bago ko pa siya matanong kung sino ang tinutukoy niya, nauna na siyang maglakad.
At muli akong naiwan sa harap ng larawang may walong estudyante.
---
Ang East Dormitory ay nasa likod ng pangunahing gusali.
Luma ang pader nito, at may mga halamang gumagapang sa magkabilang gilid ng pasukan. May walong pintuan sa unang palapag, ngunit sa ikalawang palapag ay may isang pintuang nakahiwalay sa lahat.
May maliit na numerong nakapako rito.
8
Napahinto ako.
Room 8.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Sa ilalim ng numero ay may mahabang gasgas, na para bang may paulit-ulit na nagtangkang buksan ang pinto gamit ang isang matulis na bagay.
“Ma’am,” tanong ko, “ano po ang kuwartong iyan?”
Hindi man lang tumingin si Ma’am Badet.
“Wala kayong kailangang malaman tungkol sa kuwartong iyan.”
“Pero—”
“Walang papasok diyan.”
Matalim ang pagkakasabi niya.
“Walang hahawak sa doorknob. Walang susubok buksan. At higit sa lahat, walang titingin sa loob kapag nakabukas iyan.”
Naramdaman kong nagkatinginan ang mga kasama ko.
“Bakit po?” tanong ni Bert.
Huminto si Ma’am Badet.
“Dahil ang mga taong pumapasok sa Room 8 ay hindi na bumabalik.”
Natahimik kaming lahat.
“Ma’am, ibig n’yo bang sabihin, may taong nakatira diyan?” tanong ni Roy.
“Hindi.”
“Kung ganoon, bakit hindi na lang tanggalin ang pinto?” tanong ni Gelay.
Dahan-dahang humarap sa kaniya si Ma’am Badet.
“Dahil may mga bagay na kailangang manatiling nakakulong.”
Mula sa likod ng pinto, may narinig kaming mahinang kaluskos.
Parang may gumagalaw sa loob.
Napahawak si Yana sa braso ni Aica.
“May tao ba sa loob?” bulong niya.
Walang sumagot.
Muli kaming nakarinig ng tunog.
Sa pagkakataong ito, parang may kuko na marahang kumikiskis sa kahoy.
Krrrk.
Krrrk.
Krrrk.
“Ma’am…” halos pabulong na sabi ko.
Biglang humarap sa amin si Ma’am Badet.
“Walang narinig ang sinuman sa inyo.”
Hindi iyon tanong.
Isa iyong utos.
“Malinaw?”
Isa-isa kaming tumango.
“Good. Sundan ninyo ako.”
Habang naglalakad kami palayo, may narinig akong boses mula sa likod ng pinto.
Mahina.
Paos.
Pamilyar.
“Shermaine…”
Napahinto ako.
Hindi ko alam kung bakit, pero may kakaibang kirot na dumaan sa dibdib ko nang marinig ko ang boses na iyon.
“Shermaine, tulungan mo ako.”
Dahan-dahan akong napalingon.
Ngunit bago pa ako tuluyang makaharap sa pinto, may humawak sa pulso ko.
Si Madi.
“Wag,” bulong niya.
“Pero may tao—”
“Wag kang lilingon.”
Nanginginig ang mga daliri niya sa pagkakahawak sa akin.
“Hindi lahat ng tumatawag sa pangalan mo ay gustong tulungan mo sila.”
Napatingin ako sa kaniya.
“Paano mo nalaman?”
Hindi siya sumagot.
Sa likod namin, tumigil ang pagkiskis ng mga kuko.
At pagkatapos ay may mahinang tawa.
Isang babaeng tumatawa.
Parang natutuwa siya dahil muntik na akong lumingon.
---
Nang makarating kami sa dormitoryong itinalaga sa amin, wala pa rin akong maalis sa isip ko.
Ang attendance book.
Ang walong bilog.
Ang babaeng nakaputi.
At ang boses sa likod ng Room 8.
Pinagsama-sama ko ang mga iyon sa isip ko, ngunit walang malinaw na sagot na lumilitaw.
“Shermaine.”
Napalingon ako kay Aica.
“May problema ba?”
Umiling ako.
“Hindi ka naman mukhang okay.”
“Pagod lang ako.”
Hindi siya naniwala, pero hindi na niya ako pinilit.
Ang dormitoryo ay may dalawang magkahiwalay na pakpak para sa mga babae at lalaki. May common room sa gitna, kasama ang lumang telebisyon at mga sofa na tila matagal nang hindi ginagamit.
“Eight students only,” sabi ni Sharon habang binabasa ang maliit na karatula sa pader.
Napatingin kami sa kaniya.
“Ano na naman?” tanong niya. “Lahat ng lugar dito may walong bagay. Eight Horizon, walong bilog, walong estudyante sa attendance, walong pintuan sa ibaba. Baka may discount sila kapag walo ang tao.”
“Hindi nakakatawa,” sabi ni Gelay.
“Hindi ko naman sinabing nakakatawa. Sinabi kong may discount.”
Napabuntong-hininga si Ivan.
“May isa akong gustong subukan.”
Kinuha niya ang attendance sheet na ibinigay sa amin ni Ma’am Badet. Nakasulat doon ang mga pangalan ng mga bagong dating.
Walo lamang.
Wala ang pangalan nina Roy at Ramil.
At wala rin ang pangalan ko.
Napahawak ako sa papel.
“Bakit wala ang pangalan natin?” tanong ni Roy.
“Hindi ko alam,” sagot ni Ivan. “Pero tingnan ninyo ito.”
Itinuro niya ang ibabang bahagi ng papel.
May walong maliliit na bilog na nakaayos sa isang hanay.
Sa ilalim ng mga ito ay may pangungusap na nakasulat sa lumang tinta.
EIGHT STUDENTS MAY REMAIN.