Chapter Two

730 Words
Ako si Rick Pria at isa akong pyrokinetic. Kaya kong makalikha ng apoy gamit ang isip. Kaya kong pasiklabin ang katawan ko nang hindi ako nasusunog, kaya kong bumuga ng apoy nang hindi nangangailangan ng gasul, at kaya kong magpakawala ng bola ng apoy kung gugustuhin ko. Iilang tao lang ang nakakaalam ng sikretong ito: ako, ang shaman na gumawa ng suot kong kwintas, at ang yumao kong ama, si Dave Pria, na siyang kapareho kong pyrokinetic. Ilang beses naming tinangkang alamin kung saan namin ito nakuha o kung ano nga ba talaga kami, kaso wala rin kaming napala. Basta nabuhay na lang kami sa mundong ito na taglay itong kapangyarihan. Walang kamalay-malay ang mga taga sa amin na may nakakasabay silang isang piligro sa paglalakad nila, kahit ang mga mahilig umapi sa akin. Hindi nila alam na sa oras na maabot ko ang kasukdulan ng galit ko’y pupwede akong sumabog. Gayunman, hindi ko ito gustong abusuhin. Nasasaktan man ako sa mga pangbu-bully nila, ayoko pa ring gumanti gamit ang apoy ko, dahil kung ganoon, para ko na ring pinamukhang mas masahol pa ako kaysa sa kanila. Alam ni Papa ang peligrong hatid nitong abilidad namin. Masyadong nakatutukso. Gaano ko man gustuhing manatiling mabuti, nakakailang beses pa rin ako sa paglaban sa sarili. Meron kasi itong kalakip na masamang boses. Nang-uudyok. Bumubulong. Ang mga kamay nito ay paminsan-minsang gustong mag-takeover sa katawan namin, at mahirap kung hindi ito malabanan. Madalas kong isipin na galing sa demonyo itong kapangyarihan namin at humahanap lang ito ng magandang tyempo para bawiin ito mula sa amin. Upang maiwasan ang mga bagay na hindi dapat mangyari, isang espesyal na kwintas ang idinesenyo ng isang shaman na kakilala ni Papa para lamang maselyo ang taglay naming kapangyarihan. Isa itong itim na tali na may nakasabit na bakal na hugis bituin. Hindi ko magagamit ang apoy ko hangga’t nakasuot ito sa akin. Para ko itong hawla na hangga’t nasa loob ako ng mga rehas, walang sinumang masasaktan. Ipinalaki akong disiplinado ni Papa. Tuwing mangangahas akong tanggalin ang kwintas, parusa ang aabutin ko. Madali lang kay Papa na sanayin ako. Pulis kasi siya. Mas malaki ang disiplinang taglay niya kumpara sa akin. 16 na ako ngayon at nakaka-proud lang na kailanman ay hindi ko nagawang tanggalin ang kwintas sa harap ng maraming tao, kahit pa may mga pagkakataong parang bibigay na ako, na parang gusto ko nang sumuway. Maririnig ko ang boses ni Papa sa isip ko at titigil ako. Pero hindi ibig sabihin nito na wala na akong karapatang tanggalin itong kwintas. Dahil kung ganoon, para saan pa at nagkaroon ako ng kapangyarihan kung hindi ko rin naman gagamitin? Pinapahintulutan naman ako ni Papa na sanayin ang sarili sa paggamit ng apoy ko. Ito ay sa kondisyon na sa pang-eensayo lang dapat ang habol ko. Isang beses sa isang linggo ay pupunta ako sa malapit na sapa. Iyon lang kasi ang alam kong lugar na ligtas na walang makakakita sa akin. Takot na kasing magpagala-gala sa mga gubat ang mga taga sa amin gawa ng dumaraming kaso ng mga nalalason sa ahas. Sa tuwing nakakakita naman ako ng ahas doon ay kusa na iyong lumalayo sa akin nang pagkabilis-bilis, na para bang ako itong mas malaking threat para sa kanila. Perfect din ang sapa bilang training ground ko para hindi ako aksidenteng makagawa ng sunog.  Masyado kasing dikit ang mga puno rito at mamali lang ako ng tira, alam kong mabilis kakalat ang apoy. Mahirap apulahin. Wala pa naman akong kakayahang patayin ang mga sarili kong apoy. Dahil dito, ang tubig ng sapa na lang lagi ang tina-target ko, wala nang iba. Madalas akong tanungin ni Papa kung bakit kinakailangan ko pang magsanay lagi. Ang madalas kong idahilan ay ang kagustuhan kong maging isang superhero. Iyon lang naman kasi ang naiisip kong pwedeng kahantungan nito. Kapag may makita lang akong isang taong inaapi, tanggalin ko lang ang suot kong kwintas at handa na agad akong sumabak sa laban. Sa ganoong paraan, maipadarama ko sa sarili na kahit papaano ay mayroon akong silbi. Pero ang pananaw na iyon ay nagbago na lang nang dumating sa buhay ko ang bullying. Nalaman ko ang isang bagay sa sarili ko, na ako itong madalas na apihin, na ako itong mas nangangailangan pala ng tulong. Ang taong mas kailangan ko pa palang sagipin ay ang sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD