Taas-noo na pumasok ng classroom si Ms. Turtle. Kumukumpas sa hangin ang suot nitong kulay pulang uniform. Nakalugay ang kulay ginto nitong buhok na umabot hanggang balikat. Mas lalo tuloy lumitaw ang kagandahan ng bilugang mukha nito maging ang matangos nitong ilong. Nakakainggit. Maliban kasi sa pango ang ilong ko, hugis shotgun pa.
Nakakainis aminin pero sa totoo lang, may itsura si Ms. Turtle. I hate her personality pero hindi ko maitatanggi ang nakikita ng mga mata ko.
Pero kung ano ang kinaganda ng mukha, siya namang kinapangit ng ugali nito!
Nilapag ni Ms. Turtle ang dalang mga teaching material sa ibabaw ng lamesa. Sandali muna itong nanatili sa pagkakatayo habang ginagala ang paningin na tila pinag-aaralan ang mga mukha namin. Sa likod ng suot nitong makapal na salamin, napakatalim ng mga mata nito.
Napako ang tingin sa akin ng dragon.
Ramdam ko ang pagtulo ng pawis sa noo ko. Gusto kong punasan pero pinigilan ko ang sarili. Magmumukha akong basang-sisiw kung mahahalata ng lahat na sobra ang kaba ko ngayon. Kahit ilang beses pa akong pahiyain ng dragon na ito, inaasahan pa rin ng lahat na magiging matatag ako. My gosh, tingin yata nila sa akin ay immune na sa mga mura ni Dragon Lady. Pathetic! Sabagay, ako ang president. I'm supposed to be the model student, right? Kung ako ang unang kakikitaan ng kahinaan, saan na kami pupuluting lahat? Sometimes, being a leader is a curse.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Tama ba ang nakita ko? Ngumisi sa akin si Ms. Turtle? Like seriously?
Nakahinga ako nang maluwag nang tuluyan ng umupo sa likod ng lamesa si Ms. Turtle, datapwa't nanatiling nakapako ang mga mata nito sa akin. Ewan ko pero may kakaiba sa mga tingin nito. Parang may kahulugan.
Hindi kaya alam nito ang balak namin ni Layla? Baka nakatunog ito sa gagawin namin ngayon? Alam kaya nito ang tungkol sa ballpen? Pero paano? Mukha namang pangkaraniwang ballpen ang nakasabit sa bulsa ng uniform ko. Walang maghihinala na isa itong high-tech ballpen na may built-in cctv sa loob. Isang buwan ko ring inipon ang allowance ko mabili lang ito. Halos tinakwil ko na ang recess. Lalo tuloy akong naging sexy.
Muling ginala ng dragon ang paningin.
"What is an angle?"
Lalong natahimik ang lahat.
Kumunot ang noo ni Ms. Turtle, naningkit ang mga mata. Ang mukha ay naging sindilim ng kalangitan ngayon sa labas. Kulang na lang ay may lumabas na usok sa magkabilang butas ng ilong nito.
"What is an AAANGGLLEEEE!" Hinampas ni Ms. Turtle ang desk gamit ang nakakuyom na kamao.
Namumutla ang mukha na nagtaas ng kamay si Karina, ang Vice President namin.
Pero kagaya nang inaasahan, hindi ito pinansin ni Ms. Turtle. At bakit? Hindi naman niya ito mapapagalitan dahil bukod sa pinakamatalino sa klase, si Karina ang pambato namin palagi sa mga Math at Spelling Bee. Isa itong wizard. Walang interes si Ms. Turtle sa ganitong uri ng estudyante. Mas gusto niya ang mga walang alam at ayaw sa math. Sa pambu-bully ng mga estudyante nakakakuha ng kasiyahan sa buhay ang dragon na ito. At hindi ito maibibigay ni Karina rito.
Dumapo ang matatalim na mga mata ni Ms. Turtle kay Nana, ang Treasurer.
"Reyes! Stand up. Now!"
Agad na tumayo si Nana, ang mga mata'y kukurap-kurap.
"What is an angle!"
Nanginginig ang mga kamay na binuklat ni Nana ang hawak na Geometry book.
"A-A-Angle is a union of..."
"Gaga!" Kulang na lang ay lumuwa sa bunganga ni Ms. Turtle ang salitang gaga sa diin nang pagkakasabi nito rito. "What the hell do you think you're doing!"
Kukurap-kurap na napatingala si Nana. Nagbigay ito ng isang pilit na ngiti subalit agad ring naglaho nang makita ang madilim na mukha ni Ms. Turtle.
"A-Ano po'ng ibig ninyong sabihin?"
"Kita mo 'tong tangang 'to. Talagang tinanong mo pa 'kong gaga ka." Tiim ang bagang na pinandilatan nito si Nana. "Halatang hindi ka nagbabasa ng aklat, Reyes. Ngayon mo lang siguro binuklat ang aklat na 'yan. The hell with you. You should already know what a freaking angle is. Isang araw na nating lesson 'yan. Or have you already forgotten, you little piece of s**t!"
"S-Sorry po, Ms. Turtle. B-Binasa ko naman po pero..."
"Sit! Goddamnit!"
Mangiyak-ngiyak na muling umupo si Nana, namumula ang mukha sa sobrang kahihiyan. Yumuko ito at umaktong binabasa ang hawak na aklat.
Pigil ang hininga na hinaplos ko ang dibdib ko. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng katawan ng ballpen dulot ng na battery tumatakbo sa loob nito, nangangahulugan na patuloy pa rin ito sa pag-record ng mga nangyayari ngayon.
"Antipasado!"
"P-Po?"
"What is an angle?"
"A-An angle? An angle is-"
"Stand up, gaga! Double time!"
Agad akong tumayo. Ramdam ko ang pamumula ng mga pisngi ko. Nakatingin ang mga kaklase ko sa akin. Lahat sila malamang umaasa na masasagot ko nang tama ang tanong ni Dragon Lady. Damn!
"An angle is the union of two non-collinear lines which intersect at a common endpoint," sagot ko sabay tingin at ngiti kay Ms. Turtle.
Umasim ang mukha ni Ms. Turtle. Malinaw na hindi nito nagustuhan ang sagot ko. May pahid yata talaga ang babaeng ito. Paano ito naging guro? Isa ito sa mga misteryo ng buhay na gusto kong malaman ang kasagutan bago ako mamatay.
"Wipe that smirk off your ugly face, girl. Niloloko mo ako? Are you deliberately mocking me?" taas ang kilay na tanong ni Ms. Turtle. "Are you messing with me, Miya Antipasado?"
"Of course not, Ms. Turtle. I-I'm sorry."
"You better, bitch."
Tignan natin kung ano ang sasabihin ng mga tao sa iyo sa oras na malaman nila ang ginagawa mo sa mga student mo, Lady Dragon. Pasisikatin kita, b***h!
"Sit!" utos ni Ms. Turtle sa akin sabay kumpas ng isang kamay. Sa paraan ng pagkakasabi nito, aakalain mong isang trained dog ang inutusan nitong umupo sa halip na isang sexy at magandang dalagita. I'm so offended, like really!
Agad akong naupo. Pasimple akong lumingon sa likuran ko, at gaya ng inaasahan, nakatingin sa akin si Layla, nangungusap ang mga mata. Marahan akong tumango.
Biglang naghiyawan ang mga estudyante sa classroom na nasa kabilang bahagi lang ng blackboard. Kasunod nito ang masigabong palakpakan pagdaka'y malalakas na tawanan.
Pinaghahampas ni Ms. Turtle ang blackboard gamit ang mahabang meter stick.
"Quiet!"
Agad na tumahimik sa kabilang classroom.